Library
Lesson 154: Apocalipsis 6–11, Bahagi 1


Lesson 154

Apocalipsis 6–11, Bahagi 1

Pambungad

Nakita ni Juan ang isang pangitain ng Kordero ng Diyos na binubuksan ang unang anim na tatak ng aklat na mahigpit na isinara. Sa ikaanim na tatak, nakita ni Juan ang mga tagapaglingkod ng Diyos na “nangaghugas ng kanilang mga damit … sa dugo ng Cordero” (Apocalipsis 7:14).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Apocalipsis 6

Nakita ni Juan ang Kordero ng Diyos na binubuksan ang unang anim na tatak ng aklat na mahigpit na isinara

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang anumang alalahanin na maaaring nadarama nila tungkol sa mga huling araw. Ilista sa pisara ang kanilang mga tugon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang nadarama ng mga propeta tungkol sa ating panahon:

Propetang Joseph Smith

“[Ang] mga propeta, saserdote at hari … [ay] inasam nang may galak ang ating panahon; at sa alab ng makalangit at masayang pag-asam sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon” (Mga Turo ng mga Pangulong ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 215–16).

  • Ano ang nadama ng mga sinaunang propeta tungkol sa ating panahon?

Ipaliwanag na isa si Juan na Tagapaghayag sa mga propeta na nakaaalam sa mga mangyayari sa mga huling araw at nagpropesiya tungkol sa ating panahon nang may pag-asam at kagalakan.

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Apocalipsis 6–7 ang mga dahilan kung bakit inaasam ng mga sinaunang propeta ang ating panahon nang may kagalakan.

Ipaalala sa mga estudyante na tulad ng nakatala sa Apocalipsis 5:1–5, nakita ni Juan ang isang aklat na may pitong tatak na ang Kordero lamang ang karapat-dapat magbukas. Ipaliwanag na sa kanyang pangitain, nakita ni Juan ang mga matalinghagang representasyon ng ilan sa mahahalagang pangyayari na nauukol sa bawat isa sa panahong sakop ng isang libong taon na kinakatawan ng pitong tatak.

Isulat sa pisara ang sumusunod na listahan (maaaring gawin ito bago magklase):

Unang tatak (Apocalipsis 6:1–2)

Ikalawang tatak (Apocalipsis 6:3–4)

Ikatlong tatak (Apocalipsis 6:5–6)

Ikaapat na tatak (Apocalipsis 6:7–8)

Ikalimang tatak (Apocalipsis 6:9–11)

Bigyan ng papel ang bawat estudyante. I-assign sa bawat estudyante ang bawat isa sa mga tatak (maaaring i-assign ang isang tatak sa mahigit sa isang estudyante). Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga scripture reference na may kaugnayan sa tatak na naka-assign sa kanila at na magdrowing ng ilang pangyayari na nakita ni Juan hinggil sa tatak na iyon.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ipakita ang kanilang mga drowing sa klase, simula sa mga naka-assign sa unang tatak. Sabihin sa isang estudyante mula sa bawat grupo na gamitin ang kanilang drowing sa pagpapaliwanag ng nakita ni Juan nang mabuksan ang tatak na iyon. Kapag nakapag-report na ang mga estudyante, ibahagi ang posibleng interpretasyon na iminungkahi ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. Maaari ninyong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang impormasyon na ito sa kanilang notebook o scripture study journal.

Unang Tatak

(Mga 4000 hanggang 3000 B.C.)

Kabayong maputi = Tagumpay

Busog = Digmaan

Putong (korona) = Mananakop

Iminungkahi ni Elder McConkie na ang mga talata 1–2 ay naglalarawan sa panahon ni Enoc at na ang nakasakay sa kabayo ay si Enoc (tingnan sa Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1966–73], 3:476–78).

Ikalawang tatak

(Mga 3000 hanggang 2000 B.C.)

Kabayong mapula = Pagdanak ng dugo

Tabak = Digmaan at pagkawasak

Iminungkahi ni Elder McConkie na ang mga talata 3–4 ay naglalarawan sa panahon ni Noe, nang mapuno ng kasamaan ang mundo. Ang nakasakay sa kabayong mapula ay maaaring ang diyablo mismo o marahil “isang taong kumakatawan sa maraming pumapaslang na mandirigma” (Doctrinal New Testament Commentary, 3:478–79).

Ikatlong tatak

(Mga 2000 hanggang 1000 B.C.)

Kabayong maitim = Taggutom

Timbangan = Mataas na halaga ng pagkain

Sinabi ni Elder McConkie na ang mga talata 5–6 ay naglalarawan sa panahon ni Abraham, na maraming namatay sa gutom (tingnan sa Doctrinal New Testament Commentary, 3:479–80). Sapat lamang ang mabibiling pagkain ng isang araw na suweldo ng isang tao, na nagpapahiwatig na napakataas ng bilihin.

Ikaapat na Tatak

(Mga 1000 B.C. hanggang sa pagsilang ni Cristo)

Kabayong maputla = Kamatayan

Kamatayan at Hades (impiyerno) = Pagkalipol ng masasama at ang kanilang pagpunta sa bilangguan ng mga espiritu (tingnan sa Isaias 5:14)

Sinabi ni Elder McConkie na ang mga talata 7–8 ay tumutukoy sa “milenyo ng malalaking kaharian at bansang iyon na ang mga digmaan at kataksilan ay paulit-ulit na nagpahirap at tumalo sa [Israel]” (Doctrinal New Testament Commentary, 3:481). Kabilang sa mga bansang ito ang Babilonia, Persia, Grecia, at Roma.

Ikalimang Tatak

(Mga sa panahon ng pagsilang ni Cristo hanggang A.D. 1000)

Dambana = Sakripisyo

Mga kaluluwa = Mga martir, mga Kristiyanong pinatay dahil sa kanilang paniniwala

Sinabi ni Elder McConkie na ang mga talata 9–11 ay naglalarawan sa maraming sinaunang Kristiyano, kabilang ang halos lahat ng orihinal na Apostol, na namatay bilang mga martir (tingnan sa Doctrinal New Testament Commentary, 3:482-83). Dahil ibinuwis ng mga Banal na ito ang kanilang buhay “dahil sa salita ng Dios, at dahil sa patotoong sumakanila” (Apocalipsis 6:9), sila ay binigyan ng “mapuputing damit,” na simbolo ng kadalisayan (tingnan sa Apocalisis 7:13–14; 3 Nephi 27:19).

Matapos mag-ulat ang bawat grupo, ipaliwanag na ang ikaanim na tatak ay sumasagisag sa ating panahon at sa mga pangyayari na hahantong sa Milenyo, kung kailan personal na maghahari si Jesucristo sa mundo (tingnan sa Doctrinal New Testament Commentary, 3:485–86).

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Apocalipsis 6:12–17, at ipaliwanag na mababasa sa Joseph Smith Translation ng talata 14 na, “At ang langit ay nahawi na gaya ng isang balumbon na nabuksan sa pagkakabalumbon nito, at bawat bundok at pulo ay naalis sa kanilang kinatatayuan.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga pangyayaring nakita ni Juan.

  • Nang mabuksan ang ikaanim na tatak, anong mga pangyayari ang nakita ni Juan? (Ipaliwanag na ang mga kalamidad na ito ay tanda ng mga huling araw.)

  • Ayon sa talata 16, ano ang gustong mangyari ng mga taong nais takasan ang “galit” ng Diyos?

  • Anong tanong ang nakatala sa talata 17?

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Sino ang makatatayo?

Ipaliwanag na ang Apocalipsis 7 ay tutulong sa atin na maunawaan kung sino ang makatatayo, o mananatili, sa kabila ng mga kalamidad ng ikaanim na tatak.

Apocalipsis 7

Nakita ni Juan ang mga tagapaglingkod ng Diyos na nangaghugas ng kanilang mga damit sa dugo ng Kordero

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 7:1, at ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 77:8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano pa ang nakita ni Juan sa ikaanim na tatak.

  • Ano ang ginagawa ng apat na anghel? (Ipaliwanag na ang mga hangin na pinipigil nila ay may kapangyarihang puksain ang buhay sa lupa. Tingnan din sa D at T 86:5–7.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 7:2–3, at ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 77:9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng isa pang anghel sa apat na anghel.

Ipaliwanag na ang salitang Elias sa pagkakataong ito ay isang “titulo para sa mga yaong ang misyon ay ipagkaloob ang mga susi at kapangyarihan sa mga kalalakihan ng huling dispensasyon” (Doctrinal New Testament Commentary, 3:491–92; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Elias”).

  • Ano ang sinabi ng anghel sa apat na anghel?

Ipaliwanag na “ang pagbubuklod, o pagtatatak sa ‘mga noo [ng] mga alipin ng ating Dios’ ay isang metapora ng kanilang katapatan, paglilingkod, at pagpanig sa Diyos (Apocalipsis 7:3; tingnan din sa Apocalipsis 9:4; 14:1). …

“Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang tatak ng matatapat sa kanilang mga noo ay ‘nangangahulugang pagbubuklod ng pagpapala sa kanilang mga ulo, ibig sabihin ay ang walang hanggang tipan, sa gayon ay tinitiyak ang kanilang pagkatawag at pagkahirang’ (sa History of the Church, 5:530)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 544).

Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Apocalipsis 9, nakita ni Juan kung ano ang mangyayari sa mga taong hindi nagtataglay ng tatak na ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 9:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang kalagayan ng mga yaong hindi nagtataglay ng tatak na ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Apocalipsis 7:4, na inaalam kung gaano karami ang tinatakan sa noo ng anghel na ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na “ang bilang na 144,000 na binanggit sa Apocalipsis 7:4–8 ay bilang ng mga matataas na saserdote na inordenan mula sa labindalawang lipi ng Israel na tutulong sa iba na makamtan ang kanilang kadakilaan [tingnan sa D at T 77:11]. Hindi ito, tulad ng pinaniniwalaan ng ilang tao, ang bilang ng mga taong magtatamo ng kadakilaan” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 544).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 7:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino pa ang nakita ni Juan.

  • Sino ang nakita ni Juan?

  • Ano ang suot at hawak ng maraming tao? (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang mga palma o palaspas ay maaaring simbolo ng tagumpay at kagalakan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 7:13–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nalaman ni Juan tungkol sa mga taong ito.

  • Ano ang tiniis ng mga taong ito?

  • Paano naging mapuputi ang kanilang mga damit? (Sa pamamagitan ng “dugo ng Cordero”—simbolo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)

  • Ayon sa mga talata 15–17, anong pagpapala ang natanggap ng mga taong ito dahil sila ay nadalisay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Maaari mong ipaliwanag na ang mga talatang ito ay naglalarawan ng kagalakan, kapayapaan, at katapatan ng mga taong magmamana ng kaluwalhatiang selestiyal.)

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa mga talatang ito tungkol sa dapat nating gawin para mamana ang kahariang selestiyal? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung matitiis natin ang mga paghihirap nang may pananampalataya at magiging mas dalisay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, matatamo natin ang selestiyal na kaluwalhatian sa piling ng Diyos. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano kaya ang pakiramdam na tumayo nang dalisay sa harapan ng Diyos.

  • Paano maihahalintulad ang damdaming ito sa nadama ng mga taong inilarawan sa Apocalipsis 6:16?

  • Ano ang dapat nating gawin upang madalisay tayo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala?

  • Paano kayo natulungan ng pag-alaala sa mga pagpapala ng kaluwalhatiang selestiyal sa inyong pagsisikap na matiis ang paghihirap at maging mas dalisay?

Ipaalala sa mga estudyante ang nakalista sa pisara na mga alalahanin sa simula ng lesson. Sabihin sa kanila na isipin kung paano makatutulong ang alituntuning nakasulat sa pisara kapag nag-aalala sila kung paano mamuhay sa mga huling araw na ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang mga iniisip nila.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan nang ilang minuto kung paano nila ipamumuhay ang alituntuning natutuhan nila sa araw na ito. Hikayatin sila na isulat ang anumang pahiwatig na natanggap nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Apocalipsis 6–11. Pamumuhay sa mga huling araw

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pamumuhay sa mga huling araw:

“Iniisip din ng mga kabataan kung minsan, ‘Ano pa ang silbi ng buhay? Ang mundo ay magugunaw kalaunan at matatapos.’ Ang damdaming iyan ay nagmumula sa takot, hindi sa pananampalataya. Walang sinuman ang nakaaalam sa oras o sa araw (tingnan sa D at T 49:7), ngunit ang katapusan ay hindi darating hangga’t hindi naisasakatuparan ang lahat ng layunin ng Panginoon. Lahat ng natutuhan ko mula sa mga paghahayag at sa buhay ay humihikayat sa akin na marami pa kayong oras para maghanda nang mabuti para sa buhay na walang hanggan” (“To Young Women and Men,” Ensign, Mayo 1989, 59).

Apocalipsis 7:1–3. Ang mabubuti ay makararanas ng mga pagsubok at paghihirap

“Nakita ni Apostol Juan na may ilang kalamidad bago ang Ikalawang Pagparito na hindi makakaapekto sa buong lupa o sa mga naninirahan dito ‘kundi [sa] mga tao lamang na walang tatak ng Dios sa kanilang mga noo’ (Apocalipsis 9:4). Naaayon ito sa iba pang mga pangako sa mga banal na kasulatan na sa mga huling araw, ang mga yaong matatapat ay pangangalagaan (tingnan sa 1 Nephi 22:17–19; D at T 115:5–6). …

“Bagama’t nangako ang Panginoon na pangangalagaan ang mabubuti sa mga huling araw, nilinaw ni Propetang Joseph Smith na maaaring ang ilan sa mabubuti ay masawi sa mga pagsubok at mga kalamidad na darating sa mga huling araw: ‘Ipinaliwanag [ko] ang pagparito ng Anak ng Tao; gayundin na maling isipin na matatakasan ng mga Banal ang lahat ng paghatol, habang nagdurusa ang masasama; sapagkat ang lahat ng laman ay kailangang magdusa, at “ang mabubuti ay bahagyang makakatakas” [tingnan sa D at T 63:34]; gayunman maraming Banal ang makakatakas, sapagkat ang mga matwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa Habacuc 2:4]; subalit maraming mabubuting magiging biktima ng sakit, salot, at kung anu-ano pa, dahil sa kahinaan ng laman, subalit maliligtas sa Kaharian ng Diyos’ (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 294)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 547).

Apocalipsis 7:2. Elias

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang titulong Elias:

“Maraming sugong anghel mula sa kalangitan ang ipinadala upang ipagkaloob ang mga susi at mga kapangyarihan, upang muling ipagkaloob ang kanilang mga dispensasyon at mga kaluwalhatian sa mga tao sa mundo. Naparito na ang mga sumusunod: sina Moroni, Juan Bautista, Pedro, Santiago, at Juan, Moises, Elijah, Elias, Gabriel, Rafael, at Miguel. (D at T 13; 110; 128:19–21.) Dahil malinaw na hindi isang sugo lamang ang inatasan para sa buong panunumbalik, kundi ang bawat isa ay dumating na may partikular na ipagkakaloob mula sa kaitaasan, malinaw na ang Elias ay isang titulo na tumutukoy sa maraming tao. Dapat maunawaan ang katagang ito bilang isang pangalan at isang titulo para sa mga yaong ang misyon ay magkaloob ng mga susi at kapangyarihan sa kalalakihan sa huling dispensasyong ito. ([Tingnan sa Joseph Fielding Smith,] Doctrines of Salvation, tomo 1, pp. 170–174.)” (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 221). Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Elias.”)