Lesson 21
Mateo 18
Pambungad
Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang mga alituntuning makatutulong sa kanila na pamunuan ang Kanyang Simbahan matapos ang Kanyang Pag-akyat sa Langit. Ibinigay rin ng Panginoon ang talinghaga ng walang-awang alipin bilang tugon sa tanong ni Pedro tungkol sa pagpapatawad.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 18:1–20
Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang mga alituntuning makatutulong sa kanila na pamunuan ang Kanyang Simbahan
Ilista sa pisara ang sumusunod na pagkakasalang maaaring gawin sa isang tao: pagsinungalingan; pagnakawan; ipagkanulo ng kaibigan. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na i-rate ang bawat pagkakasala sa scale na 1 hanggang 10, na 1 ang pinakamadaling patawarin at 10 ang pinakamahirap. Anyayahan ang ilang estudyante na gustong magbahagi kung paano nila ni-rate ang bawat pagkakasala.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung bakit dapat nating patawarin ang iba kahit mahirap gawin iyon.
Sabihin sa mga estudyante na alamin nia sa pag-aaral ng Mateo 18 ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila na maunawaan kung bakit dapat nating patawarin ang iba.
Ibuod ang Mateo 18:1–14 na ipinapaliwanag na tinagubilinan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo na magpakumbaba at maging tulad sa maliliit na bata. Ipinaliwanag din Niya na ang mga yaong “mag[bi]bigay ng ikatitisod” o magkakasala sa maliliit na bata, ililigaw sila, o pahihinain ang kanilang pananampalataya, ay mananagot sa Diyos (tingnan sa mga talata 6–7). Pagkatapos ay pinayuhan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo na alisin sa kanilang buhay ang mga bagay na makasasakit sa kanila, o magpapahina sa kanila (tingnan sa talata 9). (Paalala: Ang mga turo ng Tagapagligtas na matatagpuan sa Mateo 18:1–14 ay tatalakayin nang mas detalyado sa mga lesson sa Marcos 9 at Lucas 15.)
Ipaliwanag na matapos payuhan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo na alisin sa kanilang buhay ang mga bagay na nagpapahina sa kanila, sinabi Niya sa kanila kung ano ang dapat gawin ng isang tao kung may nakagawa ng pagkakamali o kasalanan sa kanya. Itinuro rin Niya sa mga Apostol ang mga alituntunin ng pagdidisiplina ng Simbahan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 18:15, at ipahanap sa klase ang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo kung may isang taong nagkasala sa kanila.
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talatang ito tungkol sa dapat nating gawin kung may nagkasala sa atin?
Ibuod ang Mateo 18:16–17 na ipinapaliwanag na sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol na kung ayaw aminin ng isang tao ang kanyang pagkakamali at ipagtapat ang kanyang kasalanan, at dalawa o mahigit pang mga saksi ang nagpatotoo laban sa kanya, ang taong iyon ay tatanggalin sa Simbahan. Maaari mo ring ipaliwanag na, ngayon, ang mga namumuno sa disciplinary council ng Simbahan na gumagawa ng gayong mga desisyon ay laging inaalam kung nais ba ng Panginoon na ang taong iyon ay tanggalin sa Simbahan, o itiwalag.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 18:18–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung anong awtoridad ang natanggap ng mga Apostol.
-
Anong awtoridad ang ibinigay sa mga Apostol? (Ipaliwanag na binigyan ng Tagapagligtas ang mga Apostol ng mga susi ng priesthood, na nagbigay sa kanila ng awtoridad, sa ilalim ng tagubilin ni Pedro, na magsagawa ng ordenansa ng pagbubuklod at matibay na pagpapasiya hinggil sa Simbahan, pati na ang pagpapasiya kung mananatiling miyembro ang nagkasala [tingnan sa Mateo 16:19].)
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol sa mga talata 19–20? (Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang pangako sa talata 20.)
Mateo 18:21–35
Ibinigay ng Panginoon ang talinghaga ng walang-awang alipin
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento ni Pangulong Thomas S. Monson, tungkol sa pamilya na namatayan ng dalawang-buwang sanggol:
“Ginawan ng ama na isang karpintero ng magandang kabaong ang kanyang minamahal na anak. Nadama sa malungkot na burol ang dalamhati ng mag-anak. Buhat-buhat ng ama ang maliit na kabaong, tinungo ng mag-anak ang kapilya, kung saan nagtipon na ang ilang mga kaibigan. Pagdating nila doon, nakakandado ang pinto ng kapilya. Nalimutan ng abalang bishop ang burol. Hindi malaman kung saan ito hahagilapin. Dahil hindi alam ang gagawin, binitbit ng ama ang kabaong, at kasama ng kanyang mag-anak, inuwi ito sa gitna nang rumaragasang ulan” (“Mga Nakatagong Kalso,” Ensign, Mayo 2002, 19).
-
Kung miyembro kayo ng pamilyang iyon, ano kaya ang mararamdaman ninyo nang hindi nakarating sa burol ang bishop?
-
Bakit magiging mahirap sa inyo na patawarin ang bishop?
Ipaliwanag na matapos turuan ng Tagapagligtas ang mga Apostol, nagtanong si Pedro sa Panginoon tungkol sa pagpapatawad. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 18:21, at ipahanap sa mga estudyante ang itinanong ni Pedro.
-
Ano ang itinanong ni Pedro sa Tagapagligtas?
Ipaliwanag na itinuro ng ilang lider ng relihiyon noong panahon ni Pedro na hindi kailangang magpatawad ang isang tao nang higit sa tatlong beses. Nang tanungin ang Panginoon kung dapat ba niyang patawarin ang isang tao nang makapito, inakala siguro ni Pedro na siya ay mapagpatawad na (tingnan sa Bruce R. McConkie, The Mortal Messiah, 4 na tomo. [1979–81], 3:91). Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mateo 18:22, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas kay Pedro.
-
Ayon sa Tagapagligtas, ilang beses natin dapat patawarin ang mga nanakit o nagkasala sa atin? (Ipaliwanag na ang “makapitongpung pito” ay isang paraan ng pagsasabi na hindi natin dapat limitahan ang bilang ng pagpapatawad natin sa iba.)
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin sa Tagapagligtas tungkol sa pagpapatawad sa iba? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Iniutos sa atin ng Panginoon na patawarin ang mga taong nananakit o nagkakasala sa atin.)
-
Ano ang ibig sabihin ng patawarin ang iba? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng patawarin ang iba ay mahalin ang taong nanakit o nagkasala sa atin at huwag sumama ang loob sa kanya [tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magpatawad,” scriptures.lds.org; D at T 64:9–11]. Ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan na pababayaan na lang nating saktan tayo o hindi na natin pananagutin ang nanakit sa atin, ayon man sa batas o anupaman.)
Ipaliwanag na matapos sagutin ang tanong ni Pedro, itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo ang talinghaga na makatutulong sa atin na maunawaan kung bakit dapat nating patawarin ang iba.
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa magkakapartner na pareho nilang basahin ang Mateo 18:23–35, na inaalam kung bakit dapat nating patawarin ang iba. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
Para matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang pagkaunawa sa talinghagang ito, isulat sa pisara ang sumusunod na mga salita:
Hari |
Alipin |
Kapwa-alipin |
-
Magkano ang utang ng alipin sa hari? (Isulat ang may utang sa hari na 10,000 talento sa ilalim ng Alipin.)
Ipaliwanag na noong panahon ni Jesus ang “10,000 talento ay katumbas ng 100,000,000 denarii [pera ng Romano]. Ang isang denarius ay ang karaniwang sahod sa isang araw ng pangkaraniwang manggagawa” (Jay A. Parry and Donald W. Parry, Understanding the Parables of Jesus Christ [2006], 95). Ipakuwenta sa mga estudyante kung ilang taon bago mabayaran ng alipin ang utang na ito sa pamamagitan ng pag-divide sa 100,000,000 denarii sa 365 araw (100,000,000/365 = 273,973). Isulat sa pisara ang 273,973 taon sa ilalim ng may utang sa hari na 10,000 talento.
-
Magkano ang utang ng kapwa-alipin sa alipin? (Isulat ang may utang sa alipin na 100 denario sa ilalim ng Kapwa-alipin.)
Kung gayon, ang kapwa-alipin ay may utang sa alipin ng humigit-kumulang na 100 araw na halaga ng pagtatrabaho, o halos sangkatlo o one-third ng kanyang taunang suweldo. Isulat sa pisara ang 100 araw sa ilalim ng may utang sa alipin ng 100 denario.
-
Sa palagay ninyo bakit sinabi ng hari sa alipin na masama ito nang hindi nito patawarin ang kapwa-alipin sa utang na ito?
Itanong sa mga estudyante kung sino sa palagay nila ang maaaring katawanin ng bawat tao sa talinghaga? Matapos silang sumagot, isulat sa pisara ang sumusunod na mga posibleng kumatawan: Hari = Ama sa Langit, Alipin = Tayo, Kapwa-alipin = Mga nagkasala sa atin.
-
Ano sa palagay ninyo ang alituntuning gustong ituro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo kung bakit dapat nating patawarin ang iba? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung gusto nating patawarin tayo ng Diyos, dapat na handa tayong patawarin ang iba. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ano ang maaaring gawin ng isang tao kung nahihirapan siyang magpatawad?
Upang matulungan ang mga estudyante na malaman kung ano ang maaari nating gawin para mapatawad ang iba, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan. Kung maaari, gumawa ng handout para sa bawat estudyante.
“Kailangan nating maunawaan at tanggapin na galit tayo. Kailangan ng pagpapakumbaba para magawa ito, ngunit kung luluhod tayo at hihingi sa Ama sa Langit ng kakayahang magpatawad, tutulungan Niya tayo. Inutusan tayo ng Panginoon, na ‘magpatawad sa lahat ng tao’ [D at T 64:10] para sa ating ikabubuti dahil ‘ang pagkamuhi ay hadlang sa espirituwal na pag-unlad’ [Orson F. Whitney, Gospel Themes (1914), 144]. Sa pagwaksi ng pagkamuhi at kapaitan lamang maaaliw ng Panginoon ang ating mga puso. …
“… Kapag dumating ang trahedya, huwag nating hangaring maghiganti, sa halip hayaan nating manaig ang katarungan, at magparaya. Hindi madaling magparaya at alisin sa ating puso ang galit. Nag-alok ang Tagapagligtas ng mahalagang kapayapaan sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ngunit dumarating lamang ito kapag handa tayong iwaksi sa ating damndamin ang galit, pagkayamot, o paghihiganti. Para sa ating lahat na nagpapatawad ‘sa mga tao ng kanilang mga kasalanan’ [Joseph Smith Translation, Matthew 6:13], maging yaong nakagawa ng mabibigat na krimen, ang Pagbabayad-sala ay nagdudulot ng kapayapaan at aliw” (James E. Faust, “Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 69).
-
Ano ang sinabi ni Pangulong Faust na gawin natin na makatutulong sa atin na patawarin ang iba?
-
Ayon kay Pangulong Faust, ano ang maaaring mangyari kapag pinatawad natin ang iba?
Ipaalala sa mga estudyante ang kuwento ni Pangulong Monson na ibinahagi kanina sa klase at ipabasa sa isang estudyante ang katapusan ng kuwento:
“Kung mababaw ang pagkatao ng mag-anak, maaaring sinisi nila ang bishop at nagtanim ng sama ng loob. Nang nalaman ng bishop ang trahedya, dinalaw niya ang mag-anak at humingi ng tawad. Kahit na nakikita pa rin sa mukha niya ang hinanakit, lumuluhang pinatawad ng ama ang bishop, at nagyakap ang dalawa nang may diwa ng pag-unawa” (“Mga Nakatagong Kalso,” Ensign, Mayo 2002, 19).
-
Paano kayo tinulungan ng Panginoon na patawarin ang isang tao na nagkasala o nanakit sa inyo?
-
Ano ang nakatulong sa inyo na patawarin ang iba? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na sagutin ang tanong na ito sa kanilang mga notebook o scripture study journal.)
Hikayatin ang mga estudyante na isiping mabuti kung sino ang hindi pa nila napapatawad. Hikayatin silang ipagdasal na magkaroon sila ng hangaring magpatawad at kakayahang kalimutan ang sakit at galit upang matulungan sila ni Jesucristo na makadama ng kapayapaan at kapanatagan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-Sala.