Lesson 143
Santiago 4–5
Pambungad
Pinayuhan ni Santiago ang mga Banal na salangsangin o labanan ang panunukso ng diyablo, mas lumapit sa Diyos, at matiyagang magtiis ng pasakit habang naghihintay sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Itinuro niya na dapat “ipatawag [ng mga maysakit] … ang mga matanda sa iglesia” (Santiago 5:14) upang basbasan sila. Itinuro rin ni Santiago na mahalagang tulungan ang mga makasalanan na magsisi.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Santiago 4
Pinayuhan ni Santiago ang mga Banal na mas lumapit sa Diyos at labanan ang panunukso ng diyablo
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang miyembro ng pamilya o isang kaibigan na malapit sa puso nila.
-
Sino ang naisip ninyo? Bakit malapit kayo sa taong ito?
-
Paano kayo naging malapit sa taong ito?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano sila kalapit sa Diyos.
-
Paano mapagpapala ng matibay na kaugnayan sa Diyos ang buhay natin?
Sabihin sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Santiago 4 alamin nila ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila na mapatibay ang kanilang kaugnayan sa Diyos.
Ibuod ang Santiago 4:1–3 na ipinapaliwanag na pinagsabihan ni Santiago ang mga Banal dahil sa paghahangad nila ng mga yaman ng mundo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 4:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang uri ng pakikipagkaibigan na sinabi ni Santiago na iwasan ng mga Banal. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang pakikipag-away ay pagkapoot o pagkagalit.
-
Anong uri ng pakikipagkaibigan ang sinabi ni Santiago na iwasan ng mga Banal?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “maging kaibigan ng sanglibutan”? (Kung kailangan, ipaliwanag na ang ipinayo ni Santiago sa talata 4 ay hindi nangangahulugan na dapat nating iwasang makihalubilo sa mga hindi miyembro ng Simbahan. Sa halip, dapat nating iwasan ang pagtanggap ng mga maling turo at masasamang hangarin, pamantayan, at gawi ng mundo.)
-
Ayon kay Santiago, ano ang nangyayari sa taong kinakaibigan ang sanglibutan?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Santiago 4:6–8, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Santiago na gawin ng mga Banal.
-
Ano ang ipinayo ni Santiago na gawin ng mga Banal?
-
Paano makatutulong ang ating pagpapasakop o pagsunod sa Diyos sa pagsalangsang o paglaban sa diyablo?
-
Ayon sa talata 8, ano ang dapat nating gawin kung nais nating maging mas malapit sa Diyos? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung makikinig at kikilos tayo ayon sa salita ng Diyos, pagpapalain Niya tayo sa ating mga gawa.)
-
Ano ang magagawa natin para makalapit sa Diyos? (Ilista ang mga sagot ng mga estudyante sa pisara.)
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang isang paraan na mapapalapit tayo sa Diyos, ipaliwanag ang tagubilin ni Santiago na “mangaglinis kayo ng inyong mga kamay” at “dalisayin ninyo ang inyong mga puso” (Santiago 4:8). Ipaliwanag na tulad ng paggamit sa mga banal na kasulatan, ang mga kamay ay maaaring sumagisag sa ating mga kilos at ang puso ay maaaring sumagisag sa ating mga hangarin.
-
Sa palagay ninyo, paano nakatutulong ang pagkakaroon ng malinis na mga kamay at dalisay na puso para mas mapalapit sa Diyos?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 4:9–12, 17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang karagdagang payo na ibinigay ni Santiago sa mga Banal para mas mapalapit sila sa Diyos. Ipaliwanag na ang mga katagang “inyong palitan ang inyong pagtawa ng paghibik” (talata 9) ay tumutukoy sa pagkakaroon ng kalumbayang mula sa Diyos.
-
Ano ang karagdagang payo na ibinigay ni Santiago na makatutulong sa isang tao na mapalapit sa Diyos?
-
Ayon sa talata 17, ano ang ayon sa turo ni Santiago ay isang kasalanan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung alam nating gawin ang mabuti ngunit pinili nating huwag gawin iyon, nagkakasala tayo.)
-
Sa inyong palagay, bakit kasalanan na malaman ang mabubuting bagay na dapat gawin ngunit hindi pinipiling gawin ang mga iyon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust, na naglingkod sa Unang Panguluhan:
“Nangangamba ako na ilan sa mga pinakamabibigat nating kasalanan ay ang hindi paggawa ng bagay na alam nating dapat gawin. Ito ang ilan sa lalong mahahalagang bagay ng kautusan ng Tagapagligtas na hindi dapat pinapabayaang di ginagawa [tingnan sa Mateo 23:23]. Ito ay mga gawaing nagpapakita ng pagmamahal at malasakit na hindi natin nagawa at labis nating pinagsisisihan.
“Noong batang magbubukid ako at nasa katindihan ng tag-init, naaalala ko ang lola ko na si Mary Finlinson na nagluluto ng masasarap na pagkain namin sa mainit na kalang ginagatungan ng kahoy. Kapag naubos ang panggatong sa kahon sa tabi ng kalan, tahimik na dadamputin ni Lola ang kahon, lalabas para punuin itong muli mula sa tumpok ng mga kahoy sa labas, at bubuhatin ang mabigat na kahon pabalik sa bahay. Napakamanhid ko at mas interesadong makinig sa kuwentuhan sa kusina, kaya nakaupo lang ako roon at hinayaan kong punuing muli ng mahal kong lola ang kahon ng panggatong. Nahihiya ako sa ginawa ko at buong buhay kong pinagsisihan ang pagkukulang ko. Sana’y makahingi ako ng tawad sa kanya balang araw” (“The Weightier Matters of the Law: Judgment, Mercy, and Faith,” Ensign, Nob. 1997, 59).
-
Anong mabuting gawa ang hindi ginawa ni Pangulong Faust noong bata pa siya? Ano ang naramdaman niya dahil dito?
-
Ano ang mga halimbawa ng hindi paggawa ng alam nating dapat gawin ang makahahadlang sa atin na mas mapalapit sa Diyos?
-
Ano ang makahahadlang sa atin na gawin ang mabubuting bagay na itinuro sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo na gawin?
-
Kailan kayo napalapit sa Diyos sa paggawa ng mabubuting bagay na itinuro sa inyo na gawin?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang gagawin nila upang mas mapalapit sa Diyos. Hikayatin sila na kumilos ayon sa anumang inspirasyon na natatanggap nila.
Santiago 5
Itinuro ni Santiago sa mga Banal na matiyagang magtiis ng pasakit at sabihin sa mga maysakit na tawagin ang matatanda o mga elder
Ibuod ang Santiago 5:1–6 na ipinapaliwanag na pinagsabihan ni Santiago ang mga nagpapakasasa sa kayamanan at inaapi ang mabubuti. Nagbabala siya na may kapahamakan at kahatulang naghihintay sa kanila.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Santiago 5:7–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ni Santiago na gawin ng mga Banal sa oras ng paghihirap habang naghihintay sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
-
Ayon sa mga talata 7–8, ano ang ipinayo ni Santiago na gawin ng mga Banal habang naghihintay sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?
-
Ayon sa talata 10, sino ang mga taong maaaring tularan ng mga Banal na matiyagang nagtiiis ng pasakit?
-
Anong talata sa mga banal na kasulatan ang nagpakita ng mga halimbawa ng mga propeta na matiyagang nagtiis ng pasakit?
Ipaliwanag na nakatala sa Santiago 5:13–16 ang payo ni Santiago sa mga maysakit at nagdurusa. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na sitwasyon:
Sabi ng isang kaibigan: “Ang sama ng pakiramdam ko. Isang linggo na akong maysakit. Kumunsulta ako sa doktor at may gamot na akong iniinom, pero hindi pa rin ako gumagaling. Hindi ko na alam kung ano pa ang dapat kong gawin.”
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang sasabihin nila sa kaibigang ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 5:13–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinayo ni Santiago na gawin ng mga maysakit at mga nahihirapan.
-
Ano ang ipinayo ni Santiago na gawin ng mga maysakit at mga nahihirapan?
-
Ano ang sinabi ni Santiago na gawin ng mga elder sa mga maysakit? (Pagalingin sila gamit ang awtoridad ng priesthood at pahiran sila ng langis.)
Ipaliwanag na itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang mga elder na nagpapahid ng langis sa maysakit at nagbubuklod ng pagpapahid ay binubuksan ang mga dungawan ng langit para maibuhos ng Panginoon ang mga pagpapalang niloloob Niya para sa taong maysakit” (“Pagpapagaling sa Maysakit,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 48
-
Bukod sa kapangyarihan ng priesthood, ano pa ang sinabi ni Santiago na magliligtas o magpapagaling sa maysakit? (“Ang panalangin ng pananampalataya” [Santiago 5:15].)
-
Anong katotohanan ang malalaman natin mula kay Santiago tungkol sa kung paano pagagalingin ang maysakit? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Sa pamamagitan ng panalangin ng pananampalataya at ng kapangyarihan ng priesthood, mapagagaling ang maysakit. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, ibigay ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks bilang handout. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa bawat magkapartner na basahin nang malakas ang pahayag na ito. Sabihin sa kanila na alamin ang itinuro ni Elder Oaks tungkol sa panalangin ng pananampalataya at sa kapangyarihang magpagaling ng priesthood.
“Kapag ginamit natin ang walang alinlangang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos at itinangi ang Kanyang pangako na diringgin at sasagutin Niya ang panalangin ng pananampalataya, lagi nating tandaan na ang pananampalataya at ang kapangyarihan ng priesthood na magpagaling ay hindi magbubunga ng anumang taliwas sa kalooban Niya na nagmamay-ari ng priesthood na ito. …
“… Maging ang mga lingkod ng Panginoon, na gumagamit ng Kanyang banal na kapangyarihan sa isang sitwasyon kung saan sapat ang pananampalatayang mapagaling, ay hindi makapagbibigay ng basbas ng priesthood na magpapagaling sa isang tao kung hindi ito naaayon sa kalooban ng Panginoon.
“Bilang mga anak ng Diyos, batid ang Kanyang dakilang pag-ibig at sukdulang kaalaman kung ano ang mainam para sa ating walang hanggang kapakanan, nagtitiwala tayo sa Kanya. Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at ang pananampalataya ay pagtitiwala. … Nadama ko ang pagtitiwalang iyon sa mga salita ng ama ng isa pang natatanging babaeng tinedyer na namatay kamakailan. Ipinahayag niya, ‘Ang pananampalataya ng aming pamilya ay na kay Jesucristo, at hindi batay sa mga kahihinatnan.’ Ang mga turong iyon ay akma sa akin. Ginagawa natin ang lahat para gumaling ang isang mahal sa buhay, pagkatapos ay nagtitiwala tayo sa Panginoon sa kahihinatnan niyon” (“Pagpapagaling ng Maysakit,” 50).
-
Paano nakatutulong sa atin ang itinuro ni Elder Oaks na maunawaan ang kapangyarihang magpagaling ng priesthood?
-
Bakit mahalaga na ang pananampalataya natin kay Jesucristo ay hindi nakasalalay sa kahihinatnan ng basbas ng priesthood?
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga pangyayaring naranasan nila kung saan napagpala sila o ang mga taong kakilala nila ng mga panalangin ng pananampalataya at kapangyarihan ng priesthood. Ipabahagi sa mga estudyante kung paano napalakas ng mga pangyayaring ito ang kanilang pananampalataya at patotoo. (Ipaalala sa kanila na huwag magbahagi ng anumang napakasagrado o personal.)
Ipaliwanag sa talata 15 ang kaugnayan ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapatawad ng kasalanan. Ang uri ng pagpapakumbaba at pananampalataya na kailangan upang pisikal na mapagaling ay ang uri din ng pagpapakumbaba at pananampalataya na kailangan sa pagtanggap ng kapatawaran (tingnan sa Bruce R. McConkie, Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 297–98).
Ibuod ang Santiago 5:17–20 na ipinapaliwanag na tinukoy ni Santiago si propetang Elias bilang halimbawa ng isang tao na ginamit ang bisa ng taimtim na panalangin. Ipinayo rin niya sa mga Banal na tulungang magsisi ang mga makasalanan.
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.