Library
Lesson 101: Mga Taga Roma 8–11


Lesson 101

Mga Taga Roma 8–11

Pambungad

Nagturo si Pablo tungkol sa mga pagpapala ng espirituwal na pagkasilang na muli at pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit. Nagturo rin siya tungkol sa hindi pagtanggap ng Israel sa mga tipan ng Diyos at sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa mga Gentil.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Taga Roma 8

Inilarawan ni Pablo ang mga pagpapala ng espirituwal na pagkasilang na muli

Simulan ang lesson sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Ano ang mana?

  • Kung may mamanahin kayong pag-aari ninuman, anong pag-aari ang pipiliin ninyo at bakit?

  • Sino ang kadalasang nagmamana ng mga pag-aari ng isang tao?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagpapala na matatanggap ng isang tao bilang isang tagapagmana ng mga pag-aari ng Ama sa Langit. Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Taga Roma 8:1–18 ang dapat nilang gawin upang manahin ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Taga Roma 8:1, 5–7, 13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa pamumuhay “ayon sa laman,” o pagpapadaig sa inklinasyong magkasala, at pagsunod “ayon sa Espiritu” (talata 5).

  • Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng “kaisipan ng laman”? (talata 6). (Pagtutuon sa pagbibigay-kasiyahan sa gusto at pagnanasa ng pisikal na katawan.)

  • Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng “kaisipan ng Espiritu”? (talata 6).

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman” (talata 13) ay tinitigilan o tinatalo ang mga kahinaan, tukso, at mga kasalanan na kaugnay ng ating mga mortal na katawan (tingnan sa Mosias 3:19).

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 13 tungkol sa makatutulong sa atin na madaig ang inklinasyon ng likas na tao na magkasala? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang impluwensya ng Espiritu, madadaig natin ang inklinasyon ng likas na tao na magkasala. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Roma 8:14–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tinukoy ni Pablo ang mga yaong sumusunod sa Espiritu.

  • Paano tinukoy ni Pablo ang mga yaong sumusunod sa Espiritu?

Ituro ang mga katagang “espiritu ng pagkukupkop” (talata 15). Ipaliwanag na ang “ating espiritu” (talata 16), ibig sabihin ang ating espiritung katawan, ay nilikha ng Ama sa Langit, kaya bawat tao ay literal na espiritung anak ng Ama sa Langit. Gayunman, sa pakikipagtipan sa Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa at pagkatapos ay sa pagsunod sa mga tipan na iyon magiging espirituwal na isinilang na muli ang mga tao, o makukupkop, bilang Kanyang mga anak sa tipan ng ebanghelyo. Ipinapahiwatig ng patnubay ng Espiritu Santo na ang mga taong iyon ay hindi lamang mga espiritung anak ng Diyos dahil sa paglikha, ngunit sila rin ay Kanyang mga pinagtipanang anak.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Roma 8:17–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang maaaring mangyari sa mga pinagtipanang anak ng Diyos.

  • Ano ang maaaring mangyari sa mga pinagtipanang anak ng Diyos? (Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin, ngunit mag-iwan ng patlang para sa salitang matatapat: Kung tayo ay matatapat na mga pinagtipanang anak ng Diyos, maaari tayong maging kasamang tagapagmana ni Jesucristo sa lahat ng mayroon ang Ama sa Langit.)

  • Ano ang kasamang tagapagmana? (Isang tao na nakatatanggap ng pantay na mana kasama ang iba pang tagapagmana.)

  • Ayon sa talata 17, ano ang dapat gawin ng mga pinagtipanang anak ng Diyos upang maging kasamang tagapagmana ni Cristo?

Ipaliwanag na ang “makipagtiis tayo [kasama ni Cristo]” (talata 17) ay hindi nangangahulugang daranasin natin ang dinanas ng Tagapagligtas na bahagi ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Sa halip, tulad ng Tagapagligtas, dapat nating iwasan ang lahat ng masama, sumunod sa mga utos, at tiisin nang buong tapat ang oposisyon o pagsubok (tingnan sa Mateo 16:24; Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:26 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan].) Idagdag ang salitang matatapat upang makumpleto ang alituntunin sa pisara. Magdrowing sa pisara ng isang chart na may tatlong hanay o column. Pangalanan ang unang hanay na Mga Kinakailangan, ang gitnang hanay na Oposisyon, at ang ikatlong hanay na Mana. Ilista sa mga wastong hanay ang tugon ng mga estudyante sa mga sumusunod sa tanong.

  • Ano ang ilang bagay na kailangan nating gawin upang maituring na matatapat na pinagtipanang anak ng Diyos?

  • Anong mga halimbawa ng oposisyon ang maaari nating maranasan habang nagsusumikap tayong mamuhay bilang matatapat na pinagtipanang anak ng Diyos?

  • Ano ang mga pagpapalang maaari nating mamana mula sa Ama sa Langit kung magsusumikap tayong mamuhay bilang Kanyang matatapat na pinagtipanang anak? (Isang posibleng sagot ay maaari tayong maging katulad ng Ama sa Langit.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga nakalista sa pisara.

  • Matapos mabasa ang mga turo ni Pablo sa talata 18, paano sa palagay ninyo maihahambing ang mga kinakailangan sa pagiging kasamang tagapagmana sa mga pagpapapala? Bakit?

Ipaliwanag na sa Mga Taga Roma 8:19–30, nabasa natin na itinuro ni Pablo na tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating mga kahinaan at tinutulungan tayong malaman kung ano ang ipapanalangin. Nabasa rin natin na tinawag si Jesucristo sa buhay bago ang buhay sa mundo upang maging Tagapagligtas ng lahat ng anak ng Diyos (tingnan sa Joseph Smith Translation, Romans 8:29–30.)

Paalala: Sa Mga Taga Roma 8:29–30, ang ibig sabihin ng salitang itinalaga ay inorden o tinawag na noon pa man. Pag-aaralan ng mga estudyante ang ilan sa mga turo ni Pablo sa pag-oorden noon pa man sa Mga Taga Efeso 1.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Taga Roma 8:28, 31–39. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga katotohan na itinuro ni Pablo tungkol sa pagmamahal ng Diyos kapag iniugnay ito sa oposisyon, mga hamon, at paghihirap sa buhay. Ipaliwanag na sa Joseph Smith Translation ng Romans 8:31, pinalitan ang mga katagang “laban” ng “magwawagi”.

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin sa mga talatang ito? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang mga katotohanan, kabilang na ang sumusunod: Kung mahal natin ang Diyos, ang lahat ng bagay ay magiging para sa ikabubuti natin. Malalampasan natin ang lahat ng mga hamon at paghihirap ng buhay sa pamamagitan ni Jesucristo. Walang makapaghihiwalay sa atin mula sa pagmamahal ng Diyos, na ipinakita sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)

  • Paano makatutulong si Jesucristo at ang Kanyang mga turo na mapagtagumpayan natin ang mga hamon at paghihirap ng buhay?

  • Kung isasaalang-alang ang mga hamon at paghihirap sa buhay na naranasan ninyo, aling pahayag sa mga talatang ito ang nangingibabaw sa inyo? Bakit?

  • Paano ninyo naranasan ang pagmamahal ng Diyos sa gitna ng inyong mga hamon at paghihirap?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang nadama nilang gawin para, sa pamamagitan ni Jesucristo, mapagtagumpayan nila ang kanilang mga hamon at paghihirap. Hikayatin sila na ipamuhay ang isinulat nila.

Mga Taga Roma 9–11

Nagturo si Pablo tungkol sa hindi pagtanggap ng Israel sa mga tipan ng Diyos at sa pagdadala ng ebanghelyo sa mga Gentil

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano sila tutugon sa mga sumusunod na sitwasyon:

  1. Sinamahan mo ang iyong bishop sa pagbisita sa isang binatilyo na ang pamilya ay aktibo sa simbahan, pero siya ay hindi. Nang magiliw na sinusubukan ng bishop mo na tulungan ang binatilyong ito na maunawaan ang mga bunga ng hindi pamumuhay ayon sa ebanghelyo, sinabi ng binatilyo na, “Huwag kayong mag-alala. Nabinyagan ako, at aktibo ang mga magulang ko. Pagpapalain pa rin ako ng Diyos.”

  2. Kamakailan lang ay naging kaibigan mo ang isang dalagita na hindi miyembro ng Simbahan. Itinanong niya ang tungkol sa mga pamantayan na ipinamumuhay mo. Matapos mong ilarawan ang ilan sa mga pamantayan ng Panginoon, sinabi niya na, “Hindi ko maunawaan kung bakit mo ginagawa ang lahat ng iyan. Ang gagawin mo lang naman para maligtas ay maniwala kay Jesucristo.”

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Mga Taga Roma 9–11 na tutulong sa kanila na maunawaan ang kailangan upang matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo.

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag tungkol sa mga turo ni Pablo sa Mga Taga Roma 9–11:

Tulad ng nakatala sa Mga Taga Roma 9–11, ginamit ni Pablo ang mga katagang Israel at Israelita sa halip na mga Judio sa pagtalakay sa mga pagpiling ginawa ng maraming Judio. Ang mga pinagtipanang anak ng Diyos ay kadalasang tinutukoy na sambahayan ni Israel. Noong panahon ng Lumang Tipan, pinili ng Diyos ang mga inapo ni Jacob, o Israel, upang maging bahagi ng Kanyang tipan kay Abraham (tingnan sa Mga Taga Roma 9:4–5), na kabilang ang mga dakilang pagpapala tulad ng ebanghelyo, awtoridad ng priesthood, buhay na walang hanggan, walang hanggang pamilya, isang lupang mamanahin, at ang responsibilidad na pagpalain ang mundo sa pamamagitan ng ebanghelyo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Roma 9:6, 8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga miyembro ng sambahayan ni Israel.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Pablo sa “hindi ang lahat ng buhat sa Israel ay mga taga Israel”? (talata 6). (Maraming Judio ang maling nagtitiwala na sigurado na sila sa mga pagpapala ng tipan dahil mga inapo sila ni Abraham.)

Ipaliwanag na sa Mga Taga Roma 9:25–30, nabasa natin na itinuro ni Pablo na ang mga Gentil na sumapi sa Simbahan ay matatanggap ang lahat ng pagpapala ng tipan at magiging matwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Taga Roma 9:31–33; 10:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano hinangad ng ilang Israelita noong panahon ni Pablo ang maging matwid sa harap ng Diyos. Ipaliwanag na ang “kautusan ng katuwiran” (Mga Taga Roma 9:31) ay tumutukoy sa batas ni Moises; ang “katitisuran” (Mga Taga Roma 9:32, 33) ay si Jesucristo; at ang “katuwiran ng Dios” (Mga Taga Roma 10:3) ay tumutukoy kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

  • Ayon sa Mga Taga Roma 9:31–33, paano hinangad ng ilang Israelita ang maging matwid sa harap ng Diyos? (Sa pamamagitan ng mahigpit na pagtupad sa mga gawain ng batas ni Moises.)

  • Ayon sa Mga Taga Roma 10:3–4, ano ang hindi tinanggap ng mga Israelitang ito? (Si Jesucristo at ang pagiging matwid na posible sa pamamagitan Niya.)

Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Mga Taga Roma 10:8–13, ipinaliwanag ni Pablo kung paano matatamo ang “katuwiran sa pananampalataya” (Mga Taga Roma 9:30). Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Taga Roma 10:8–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano matatamo ang ganitong katuwiran.

  • Ano ang dapat gawin ng isang tao upang matamo ang katuwiran na nanggagaling sa pananampalataya?

Ipaliwanag na ang salitang Griyego na isinalin bilang ipahahayag sa talata 9 ay nagpapakita ng isang hayagang pag-amin ng pagtanggap, o pakikipagtipan, at ang salitang Griyego na isinalin bilang sasampalataya ay nagpapakita ng isang pangakong puno ng pagtitiwala. Ang malalim na pagtitiwalang ito sa Tagapagligtas ay umaakay sa mga tao na hayagang aminin ang kanilang pagtanggap sa Kanya ayon sa paraang inilaan Niya. Kasama sa inorden na mga paraang ito ang pagsunod sa mga utos ng Diyos, pagsisisi, at pagtanggap ng mga nakaliligtas na ordenansa tulad ng binyag at ang kaloob na Espiritu Santo.

  • Ayon sa mga turo ni Pablo, ano ang dapat nating gawin kung nais natin na matanggap ang mga pagpapala ng mga tipan ng Diyos, kabilang na ang kaligtasan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag tinanggap at sinunod natin si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo, matatanggap natin ang mga pagpapala ng mga tipan ng Diyos at tayo ay maliligtas. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Ipaliwanag na ginamit ng ilang tao ang Mga Taga Roma 10:9, 13 upang ihayag na ang dapat lang gawin para maligtas ay hayagang ideklara ang ating paniniwala kay Jesucristo. Ipaalala sa mga estudyante ang mga sitwasyon na inilahad kanina.

  • Paano makatutulong sa inyo ang mga katotohanan sa lesson na ito sa pagtugon sa mga sitwasyong iyon?

Ibuod ang natitirang bahagi ng Mga Taga Roma 10–11 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo na mahalaga ang pakikinig sa salita ng Diyos upang magkaroon ng pananampalataya kay Cristo. Ginamit niya ang isang analohiya ng paghuhugpong o grafting ng mga sanga mula sa isang olibong ligaw sa isang mabuting punong olibo upang kumatawan o maging simbolo ng pagkupkop ng sambahayan ni Israel sa mga Gentil (tingnan din sa Jacob 5:3–14). Itinuro rin niya na ituturo muli ang ebanghelyo sa mga Judio.

Tapusin ang lesson na nagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Taga Roma 8:14–17. “Tayo’y mga anak ng Dios”

Pinatotohanan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ating banal na katangian bilang mga anak ng Diyos:

“Alam ng inyong Ama sa Langit ang inyong pangalan at batid ang inyong kalagayan. Naririnig Niya ang inyong mga panalangin. Nalalaman Niya ang inyong mga inaasam at pangarap, pati na ang inyong mga kinakatakutan at kabiguan. At nalalaman Niya ang kahihinatnan ninyo dahil sa inyong pananampalataya sa Kanya. Dahil sa banal na pamanang ito, ikaw kasama ang lahat ng iyong mga kapatid sa espiritu, ay pantay-pantay sa Kanyang paningin at bibigyang karapatan sa pamamagitan ng pagsunod, na maging karapat-dapat na tagapagmana sa Kanyang walang hanggang kaharian, isang “[tagapagmana] sa Dios, at mga kasamang-[tagapagmana] ni Cristo” [Mga Taga Roma 8:17]. Hangaring maunawaan ang kahalagahan ng mga doktrinang ito,” (“Sa mga Kabataang Babae,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 28).

“Tinawag tayo sa mga banal na kasulatan bilang ‘mga anak ng Dios’ nang higit sa isang kahulugan (Mga Taga Roma 8:16). Una, bawat tao ay literal na minamahal na espiritung anak ng Ama sa Langit (tingnan sa Malakias 2:10; Mga Gawa 17:29; Sa Mga Hebreo 12:9; ‘Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,’ Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129.) Ikalawa, tayo ay ‘naipanganak muli’ bilang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng ugnayang naitatag sa pamamagitan ng pakikipagtipan nang manampalataya tayo kay Jesucristo, magsisi, magpabinyag, at makatanggap ng Espiritu Santo [at iba pang mga ordenansa] (tingnan sa Juan 1:12; Mga Taga Galacia 3:26–29; Mosias 5:7; D at T 11:30; [D at T 84:33–38;] Moises 6:65–68)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 348).

Hindi lamang pinagtitibay ng Espiritu na tayo ay mga pinagtipanang anak ng Diyos, mapagtitibay rin nito sa mga espiritu natin na tayo ay mga literal na minamahal na anak ng Diyos at nakasama natin Siya bago tayo ipanganak.

Mga Taga Roma 8:15. “Ang espiritu ng pagkukupkop”

“Karaniwan ang pagkupkop sa panahon ng mga Romano at maaaring pamilyar na kosepto ito sa mga mambabasa ni Pablo. Ang pag-ampon sa isang tao nang ayon sa batas ay nagbibigay sa taong ito ng lahat ng karapatan at pribilehiyo na mayroon ang isang tunay na anak. Sa gayon, kapag natanggap natin ‘ang espiritu ng pagkukupkop’ (Mga Taga Roma 8:15) sa pamamagitan ng pagpasok sa tipan ng ebanghelyo, tayo ay magiging mga anak ng Diyos at ‘mga kasamang tagapagmana ni Cristo’ (Mga Taga Roma 8:17)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 348).

Sa Aklat ni Mormon, itinuro rin ni Haring Benjamin kung paano tayo magiging “mga anak ni Cristo” (tingnan sa Mosias 5:5–10). Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na “naging ating Ama” rin si Jesucristo dahil Siya ay “naghandog sa atin ng buhay, buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng pagbabayad-sala na isinagawa niya para sa atin.” Ipinaliwanag ni Pangulong Smith, “Tayo ay naging mga anak, anak na lalaki at anak na babae ni Jesucristo, sa pamamagitan ng ating mga tipan ng pagsunod sa kanya” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:29).

Mga Taga Roma 8:31–32. “Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?”

“Itinuro ni Pablo na ipinapakita ng Pagbabayad-sala ni Cristo na ang ‘Dios ay kakampi natin’ at tapat sa atin at sa ating kapakanan sa walang hanggan. Dahil ibinigay ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak para sa atin, makatitiyak tayo na magpapatuloy ang Diyos na bigyan tayo ng kaligtasan at ihahanda tayo na maging mga tagapagmana ng lahat ng gusto Niyang ibigay sa atin. Gayon din ang pangaral ni Elder Jeffrey R. Holland sa mga miyembro ng Simbahan:

“‘Kung iisipin ang di-mawaring kahalagahan ng Pagpapako sa Krus at Pagbabayad-sala, ipinapangako ko sa inyo na hindi Niya tayo tatalikuran ngayon. … Mga kapatid, anuman ang inyong problema, huwag sana kayong sumuko’ (‘Mga Sirang Bagay na Aayusin,’ Ensign o Liahona, Mayo 2006, 71)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 350).

Mga Taga Roma 8:29–30; 9:11; 11:2, 5, 7, 28. Pagtatalaga, pag-oorden noon pa man, at paghirang

“Sa Mga Taga Roma 8:29–30, ang ibig sabihin ng salitang Griyego na isinalin bilang itinalaga ay ‘humirang o magpasya sa simula pa lang’ at tumutukoy sa pag-oorden noon pa man na natanggap ng ilang tao, ayon sa kaalaman ng Diyos sa simula pa lang, na sumunod kay Jesucristo at maging tulad Niya (tingnan din sa Mga Taga Efeso 1:3–4; I Ni Pedro 1:2). ‘Ang pag-oorden noon pa man ay hindi garantiya na tatanggap ng mga tiyak na tungkulin o responsibilidad ang mga tao. Dumarating sa buhay na ito ang gayong mga oportunidad bunga ng matwid na paggamit ng kalayaang pumili, tulad ng pag-oorden noon pa man sa isang tao bunga ng kabutihan niya sa buhay bago siya isinilang’ (‘Pag-oorden Noon Pa Man,’ Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 69; tingnan din sa Alma 13:3–4)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 350).

Ipinaliwanag sa Bible Dictionary na ang paghirang ay “isang teolohikal na kataga na tumutukoy sa pagpili ng Diyos sa sambahayan ni Israel na maging mga pinagtipanang tao na may mga pribilehiyo at tungkulin, upang sa pamamagitan nila ay mapagpala ang buong mundo …

“Ang mga hinirang ay pinili ‘bago natatag ang sanglibutan,’ ngunit wala ni isa ang walang pasubaling nahirang na magkaroon ng buhay na walang hanggan. Bawat isa, para sa kanilang sarili, ay dapat makinig sa ebanghelyo at matanggap ang mga ordenansa at tipan nito mula sa kamay ng mga tagapaglingkod ng Panginoon upang matamo ang kaligtasan. Kung ang isa ay nahirang ngunit hindi naglingkod, masasabing walang kabuluhan ang paghirang sa kanya, tulad ng inihayag ni Pablo sa II Mga Taga Corinto 6:1.

“… Ang ‘pagkahirang ng biyaya’ na nabanggit sa … Mga Taga Roma 11:1–5 ay tinutukoy ang sitwasyon sa buhay ng isang tao; na, isinilang sa isang panahon, sa isang lugar, at sa mga sitwasyon na mabibigyan siya ng pagkakataon na malaman ang ebanghelyo. Ang paghirang na ito ay naganap sa buhay bago ang buhay sa mundo. Silang mga matapat at masigasig sa ebanghelyo sa mortalidad ay makatatanggap ng mas kalugod-lugod na paghirang sa buhay na ito at magiging pinili ng Diyos. Matatanggap nila ang pangako ng kabuuan ng kaluwalhatian ng Diyos sa kawalang-hanggan (D at T 84:33–41)” (Bible Dictionary, “Election”; tingnan din sa Alma 13:3–4).

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na “ang walang pasubaling paghirang sa mga indibiduwal sa buhay na walang hanggan [pagtatalaga] ay hindi itinuro ng mga Apostol. Naghirang o nagtalaga ang Diyos, na lahat sila na maaaring maligtas, ay dapat maligtas kay Cristo Jesus, at sa pamamagitan ng pagsunod sa Ebanghelyo” (sa History of the Chuch, 4:360). Gayon nga, lahat ng tao na maliligtas ay makatatanggap ng kaligtasan sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at wala nang iba pang paraan.

Mga Taga Roma 11:25. “Ang kapunuan ng mga Gentil”

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Landindalawang Apostol ang ibig sabihin ng “ang kapunuan ng mga Gentil”:

“May nakatakdang panahon o oras upang marinig ng mga Judio ang salita, at pagkatapos ay isang panahon para manguna ang mga Gentil. Ang mga panahon ng mga Gentil ay ang panahon na darating sa kanila ang ebanghelyo kung tatanggapin nila, at magpapatuloy ito hanggang sa magkaroon sila ng lubos na pagkakataong tanggapin ang katotohanan, o sa madaling salita ay hanggang sa kapunuan ng mga Gentil. Pagkatapos ay muling darating ang mensahe sa mga Judio, na ibig sabihin ay sa mga Judio bilang isang bansa at isang lahi” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo. [1965–73], 2:290).

Ilang siglo bago gawin ni Pablo ang mga sulat niya, itinuro ni Nephi sa mga kapatid niya na sa pamamagitan ng kapunuan ng mga Gentil sa huling mga araw madadala ang ebanghelyo sa kanyang mga inapo at sa mga inapo ng mga kapatid niya. Dahil dito “makararating sila sa kaalaman ng kanilang Manunubos at sa bawat bahagi ng kanyang doktrina, nang malaman nila kung paano lalapit sa kanya at maligtas” (1 Nephi 15:14). Ang pagtitipon ng mga binhi ni Lehi ay bahagi ng paghuhugpong sa huling araw ng mga likas na sanga pabalik sa puno ng olibo na ipinropesiya nina Pablo at Zenos (tingnan sa Mga Taga Roma 11:23–25; Jacob 5:52, 60, 63, 67–68).

Nang magpakita si anghel Moroni kay Propetang Joseph Smith noong 1823, sinabi ni Moroni na “ang kaganapan ng mga Gentil ay nalalapit na” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:41).