Lesson 38
Marcos 7–8
Pambungad
Pinagsabihan ni Jesus ang mga Fariseo dahil sa kanilang mga maling tradisyon. Pagkatapos ay buong pagkahabag Niyang pinagaling ang isang bata na sinapian ng demonyo, gayundin ang isang taong bingi at utal. Pinakain Niya ang apat na libong tao malapit sa Dagat ng Galilea at naglakbay papuntang Betsaida, kung saan pinagaling Niya nang paunti-unti ang isang lalaking bulag.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Marcos 7
Pinagsabihan ni Jesus ang mga Fariseo, pinagaling ang isang batang sinapian ng demonyo, at pinagaling ang lalaking bingi
Bago magklase, ibigay sa tatlong estudyante ang sumusunod na mga instruksyon: Estudyante 1: “Kapag sinabihang gawin ito, magpalakad-lakad sa klase nang walang jacket at magkunwaring nanginginig.” Estudyante 2: “Kapag sinabihang gawin ito, magpalakad-lakad sa klase at magtanong kung may nakakita sa alagang hayop ng iyong pamilya.” Estudyante 3: “Kapag sinabihang gawin ito, buksan ang iyong backpack para magbagsakan ang mga bagay na nasa loob nito habang naglalakad ka.” (Maaari mong iakma ang mga aktibidad na ito gamit ang ibang mga sitwasyon na nagpapakita ng mga estudyanteng nangangailangan, pero huwag mag-ukol ng maraming oras dito.)
Kapag nagsimula na ang klase, iutos sa mga estudyante na gawin ang mga instruksyong ito nang paisa-isa. Sabihin sa klase na alamin ang pagkakapareho ng tatlong sitwasyong ito.
-
Ano ang pagkakapareho ng mga sitwasyong ito? (Bawat isa sa mga sitwasyong ito ay naglalarawan ng isang taong nangangailangan.)
-
Gaano tayo kadalas magkaroon ng pagkakataon na tulungan ang mga nangangailangan? Ano ang ilang pagkakataong nakita ninyo kamakailan?
Hikayatin ang mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Marcos 7–8 ang itinuro ng Tagapagligtas na dapat nating gawin kapag may nakita tayong nangangailangan.
Ibuod ang Marcos 7:1–30 na ipinapaliwanag na pinagsabihan ng Tagapagligtas ang mga Fariseo sa pagsunod sa mga maling tradisyon. Pinagaling din Niya ang anak ng isang babaeng Griega, na sinapian ng demonyo. Ipaalala sa mga estudyante na sa panahong ito, ang misyon ng Tagapagligtas ay sa sambahayan ni Israel, hindi sa mga Gentil, subalit buong pagkahabag Niyang tinulungan ang babaeng Gentil na ito na nagsumamo sa Kanya.
Ipahanap sa mga estudyante ang mga lungsod ng Tiro at Sidon at ang Dagat ng Galilea sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 11, “Ang Banal na Lupain Noong Panahong ng Bagong Tipan.” Ipaliwanag na sa pag-alis ng Tagapagligtas sa Tiro at Sidon, Siya ay nagpunta sa silangang dako ng Dagat ng Galilea, sa rehiyon ng Decapolis.
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na magkasamang basahin nang malakas ang Marcos 7:31–37, na inaalam kung paano nagpakita ng pagkahabag ang Tagapagligtas sa isang lalaki sa Decapolis. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na pag-usapan ang mga sumusunod na tanong sa kani-kanyang kapartner:
-
Ano ang kalagayan ng lalaking ito at nais niyang pagalingin siya?
-
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas bago niya pagalingin ang lalaking ito?
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ginawa ng Tagapagligtas, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kaharap ng Panginoon ang isang taong naniniwala ngunit hindi makarinig sa kanyang sinasabi o hindi masabi nang maayos ang kanyang tugon sa kanila. Kaya ano pa ang dapat gawin kundi ang sumenyas, na siyang alam gawin at nauunawaan ng lalaking bingi at utal, para masabi kung ano ang maaaring magawa at magagawa ng Panginoon … ?” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:373).
-
Ano ang maituturo sa atin ng ginawa ng Tagapagligtas sa sitwasyong ito tungkol sa Kanyang pagkatao?
Ipaliwanag na kahit nagbilin ang Tagapagligtas sa mga taong pinagaling Niya na huwag ipagsabi ang Kanyang mga himala, nabalitaan pa rin ng mga tao sa rehiyon ng Decapolis ang tungkol sa mga kamangha-manghang bagay na ginawa ng Tagapagligtas, at maraming tao ang pumunta sa Kanya (tingnan sa Marcos 7:36–37).
Marcos 8:1–21
Pinakain ni Jesus ang mahigit apat na libong tao
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong:
-
Kailan napansin ng isang tao na nangangailangan kayo ng tulong at gumawa ng isang bagay para matulungan kayo?
Ipaliwanag na kalaunan sa lesson, ang mga estudyanteng gustong magbahagi ng kanilang mga karanasan ay magkakaroon ng pagkakataong magawa ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 8:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang naging problema dahil maraming tao ang sumunod kay Jesus.
-
Ano ang naging problema ng maraming tao? Sino ang nakapansin sa pangangailangan ng mga tao?
-
Ano ang inalala ng Tagapagligtas na maaaring mangyari kung uuwi ang mga tao sa kanilang mga tahanan nang hindi muna kumakain?
-
Ayon sa talata 2, ano ang nadama ng Tagapagligtas sa maraming tao? (Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga katagang “nahahabag ako sa karamihan,” na nagpapahiwatig na naawa at nag-alala ang Tagapagligtas sa mga tao.)
Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Marcos 8:4–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ibinunga ng pagkahabag ng Tagapagligtas.
-
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas para sa maraming tao?
-
Ilang tao ang napakain?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng Tagapagligtas sa talang ito? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Matutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagpansin sa mga pangangailangan ng iba at pagkatapos ay pagtulong na matugunan ang mga pangangailangang iyon. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipaliwanag na itinuro ni Sister Linda K. Burton, Relief Society general president, na upang matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglilingkod sa mga anak ng Diyos, kailangang “magmasid muna [tayo] at pagkatapos ay maglingkod” (“Magmasid Muna at Pagkatapos ay Maglingkod,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 78). Isulat sa pisara ang mga katagang ito sa ilalim ng alituntunin.
-
Paano tayo matututong maging mas mapagmasid sa mga pangangailangan ng iba? (Maaari mong ipaliwanag na may ilang pangangailangan na hindi kaagad nakikita. Gayunman, maaari tayong manalangin at humingi ng tulong na mapansin ang mga pangangailangan ng iba at mapagtuunan ang iba sa halip na ang ating sarili.)
-
Ano ang maaaring makahadlang sa kakayahan nating mapansin ang mga pangangailangan ng iba at makatulong na matugunan ang mga ito?
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga karanasang isinulat nila tungkol sa isang pangyayari na napansin ng isang tao na nangangailangan sila ng tulong at tumulong nga sa kanila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Ilang beses na bang naantig ang inyong puso nang makita ninyo ang pangangailangan ng iba? Gaano kadalas ninyo binalak tulungan ang isang tao? Gayunman, gaano kadalas humahadlang ang pang-araw-araw na buhay at ipinauubaya ninyo sa iba ang pagtulong, iniisip na ‘ah, tiyak na may mag-aasikaso sa pangangailangang iyan’.
“Masyado tayong nagiging abala sa ating buhay. Gayunman, kung titigil tayo sandali, at mamasdan ang ating ginagawa, makikita nating masyado tayong abala sa ‘mga bagay na di gaanong mahalaga.’ Sa madaling salita, kadalasan ay ginugugol natin ang ating oras sa mga bagay na hindi gaanong makabuluhan sa kabuuang plano ng buhay, at napapabayaan ang mas mahahalagang dahilan” (“Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 85).
Sabihin sa mga estudyante na ilarawan sa kanilang isipan ang isang tipikal na araw para sa kanila. Sabihin sa kanila na isipin ang mga taong nakakasalamuha nila na maaaring nangangailangan ng tulong nila, gaya ng mga magulang, kapatid, at kaibigan. Hikayatin ang mga estudyante na mangakong tutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas kapag may nakita silang nangangailangan.
Ibuod ang Marcos 8:10–21 na ipinapaliwanag na matapos mahimalang pakainin ang 4,000, si Jesus at ang Kanyang mga disipulo ay naglayag papunta sa lugar na tinatawag na Dalmanuta. Doon ay sinabi ng mga Fariseo na magpakita Siya sa kanila ng isang tanda. Tumanggi si Jesus at nagturo sa Kanyang mga disipulo na iwasan ang doktrina ng mga Fariseo, na doktrinang humahantong sa espirituwal na pagkabulag.
Marcos 8:22–26
Unti-unting pinagaling ni Jesus ang isang lalaking bulag
Ipaliwanag na nilisan ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang Decapolis at pumunta sa isang lugar na tinatawag na Betsaida. Pagdating nila roon, isang lalaking bulag ang dinala sa Tagapagligtas para pagalingin.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Marcos 8:22–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano pinagaling ng Tagapagligtas ang lalaking bulag.
-
Ano ang nangyari pagkatapos na unang ipatong ng Tagapagligtas ang Kanyang mga kamay sa lalaking bulag? (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang mga katagang, “Nakakakita ako ng mga tao; sapagka’t namamasdan ko silang tulad sa mga punong kahoy, na nagsisilakad” [talata 24] ay nagpapahiwatig na nakakakita ang bulag na lalaki, pero hindi malinaw.)
-
Ano ang nangyari pagkatapos na ipatong ng Tapagligtas ang Kanyang mga kamay sa lalaking bulag sa pangalawang pagkakataon?
Magbigay sa mga estudyante ng mga kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga dahilan kung bakit dahan-dahan o paunti-unti ang pagpapagaling ni Jesus sa lalaki.
“Kakaiba ang himalang ito; ito lamang ang nag-iisang kaganapang nakatala na pinagaling ni Jesus ang isang tao nang paunti-unti. Maaaring ginawa ito ng ating Panginoon upang palakasin ang mahina ngunit umuusbong na pananampalataya ng lalaking bulag. Malinaw na ang magkakasunod na paghawak ni Jesus ay nakadagdag sa pag-asa, katiyakan, at pananampalataya ng lalaking bulag na ito. Si Jesus mismo ang (1) umakay sa lalaki palabas ng nayon, (2) nagpahid ng kanyang sariling laway sa mga mata ng bulag, (3) nagsagawa ng ordenansa ng pagpapatong ng kamay, at (4) ipinatong ang mga kamay sa pangalawang pagkakataon sa mga mata ng lalaki.
“Talagang itinuturo ng paraang ito ng pagpapagaling na dapat hangarin ng mga tao ang nakapagpapagaling na biyaya ng Panginoon nang kanilang buong lakas at pananampalataya, bagama’t sapat na ang gayon para sa bahagyang paggaling lamang, ngunit kasunod ng pagtanggap nito, makakamit nila ang dagdag na katiyakan at pananampalataya na gagaling sila nang lubusan. Kadalasang gumagaling din ang mga tao sa kanilang espirituwal na mga karamdaman nang paunti-unti, nang dahan-dahan habang naiaayon nila ang kanilang buhay sa mga plano at layunin ng Maykapal” (Doctrinal New Testament Commentary, 1:379–80).
-
Paano napapalakas ng paunti-unting paggaling ang pananampalataya ng isang tao kay Jesucristo?
-
Bakit mahalagang maunawaan na ang ilang pagpapala, tulad ng pagkakaroon ng patotoo sa ebanghelyo o pagtanggap ng pisikal o espirituwal na pagpapagaling, ay kadalasang dumarating nang paunti-unti o dahan-dahan, sa halip na agaran o nang minsanan?
Marcos 8:27–38
Si Pedro ay nagpatotoo na si Jesus ang Cristo
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 8:27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinanong ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Sabihin sa klase na alalahanin kung paano tumugon si Pedro sa tanong na ito, gaya ng nakatala sa Mateo 16:16 (ang talatang ito ay bahagi ng scripture mastery passage). Kung hindi nila maalala, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 8:29 (kabilang sa talatang ito ang sagot ni Pedro).
Ibuod ang Marcos 8:30–38 na ipinapaliwanag na sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na huwag munang sabihin sa mga tao na Siya ang Cristo, o Mesiyas. Itinuro rin Niya sa kanila ang tungkol sa Kanyang nalalapit na pagdurusa at kamatayan.
Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na magpatotoo sa mga katotohanang natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatan na napag-aralan nila sa oras ng lesson.