Home-Study Lesson
Mateo 26:31–Marcos 3:35 (Unit 7)
Pambungad
Si Jesucristo ay nabuhay na muli, at nagpakita sa maraming tao, pati na sa Kanyang mga Apostol. Iniutos Niya sa Kanyang mga Apostol na dalhin ang ebanghelyo sa lahat ng bansa.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 28
Si Jesucristo ay nabuhay na muli, at nagpakita sa maraming tao
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung namatayan na sila o ang isang taong kakilala nila ng isang taong malapit sa kanila. Pagkatapos ay itanong sa klase:
-
Bakit masakit sa atin ang mawalan ng mahal sa buhay?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Mateo 28 na makatutulong sa kanila na makadama ng kapanatagan kapag pumanaw ang isang mahal sa buhay.
Ipaliwanag na noong umaga sa unang araw ng linggo—Linggo—si Maria Magdalena at isa pang babaeng nagngangalang Maria ay nagpunta sa libingan, kung saan nakahimlay ang katawan ni Jesus.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 28:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nakita ng mga babae nang papalapit na sila sa libingan.
-
Ano ang nakita ng mga babae nang papalapit na sila sa libingan? (Ipaliwanag na nilinaw sa Joseph Smith Translation para sa mga talatang ito na nakakita ang mga babae ng dalawang anghel, hindi isa [tingnan din sa Juan 20:12].)
-
Ano kaya ang magiging reaksyon ninyo kung nakakita kayo ng dalawang anghel?
-
Ayon sa talata 4, ano ang reaksyon ng mga bantay?
-
Ayon sa mga talata 5–6, ano ang sinabi ng mga anghel sa mga babae?
-
Anong katotohanan ang malalaman natin mula sa mga salitang ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Si Jesucristo ay nabuhay na muli mula sa kamatayan.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli, hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-dadalawa o tig-tatatlong estudyante at sabihin sa kanila na kumpletuhin ang kalakip na handout sa kanilang mga grupo.
“Siya’y nagbangon” (Mateo 28:6).
Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Home-Study Lesson (Unit 7)
Pag-aralan ang paksang “Pagkabuhay na Mag-uli” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Pagkatapos ay talakayin ang mga tanong sa ibaba at isulat ang inyong mga sagot sa inilaang espasyo.
Ano ang pagkakaiba ng taong patay na muling binuhay sa taong nabuhay na muli? | |
Ano ang mangyayari sa buong sangkatauhan dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo? | |
Paano nagbibigay ng kapanatagan ang pag-unawa sa doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli para sa mga taong nawalan ng mga mahal sa buhay? |
© 2016 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang natutuhan nila sa pagkumpleto ng handout.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Ang himala ng umagang iyon ng Pagkabuhay na Mag-uli, ang unang Linggo ng Paskua, ay isang himala para sa buong sangkatauhan. Himala ito ng kapangyarihan ng Diyos, na ang Pinakamamahal na Anak ay nag-alay ng Kanyang buhay upang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat ng tao, isang sakripisyo ng pagmamahal para sa bawat anak na lalaki at babae ng Diyos. Sa paggawa nito, kinalag Niya ang mga gapos ng kamatayan. …
“At tulad ng pagkuha Niya ng Kanyang katawan at pagbangon mula sa libingan, ang ating katawan at espiritu rin ay magsasamang muli at magiging buhay na kaluluwa sa araw ng ating sariling pagkabuhay na mag-uli.
“Samakatwid, nagagalak tayo tulad ng marami, at ng buong sangkatauhan, kapag naaalala natin ang pinakamaluwalhati, ang pinakanakapapanatag, ang pinakatiyak sa lahat ng kaganapan sa kasaysayan ng sangkatauhan—ang tagumpay sa kamatayan” (“The Victory over Death,” Ensign, Abril 1997, 4).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 28:7–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang iniutos sa mga babae na nasa libingan ni Jesus.
-
Ayon sa talata 7, ano ang iniutos ng mga anghel sa mga babae?
-
Sa inyong palagay, bakit lumisan ang mga babae na “taglay ang takot at ang malaking galak”? (Mateo 28:8).
-
Anong nangyari sa mga babae habang paalis sila para ibalita sa mga disipulo ang tungkol sa naranasan nila?
Ibuod ang Mateo 28:11–15 na ipinapaliwanag na habang nagmamadali ang mga babae na ibalita sa mga disipulo ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus, nalaman ng mga punong saserdote ang nangyari mula sa mga kawal na nagbantay sa libingan. Natakot ang mga pinunong Judio na malaman ng mga tao ang katotohanan, kaya binayaran nila ang mga bantay na magpalaganap ng mga kasinungalingan na kinuha ng mga disipulo ng Tagapagligtas ang Kanyang katawan mula sa libingan habang tulog ang mga bantay.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 28:16–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pagpapalang dumating sa labing-isang Apostol nang sundin nila ang mensaheng sinabi ng mga babae at nagpunta sa Galilea.
-
Anong pagpapala ang dumating sa labing-isang apostol dahil sinunod nila ang mensahe na magpunta sa Galilea? (Nakita nila ang nabuhay na muling Panginoon.)
Sabihin sa mga estudyante na tumayo at basahin ang Mateo 28:19–20 nang malakas at sabay-sabay. Ipaalala sa kanila na ito ay isang scripture mastery passage.
Sabihin sa klase na rebyuhin ang mga talata 19–20, na inaalam ang ipinagawa ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol pagkatapos nilang makita Siya.
-
Ano ang ipinagawa sa mga Apostol matapos nilang makita ang Tagapagligtas?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa kanilang karanasan tungkol sa responsibilidad natin kapag nagkaroon tayo ng patotoo tungkol kay Jesucristo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagkaroon tayo ng patotoo tungkol kay Jesucristo, may responsibilidad tayo na magpatotoo sa iba tungkol sa Kanya.)
Paalalahanan ang mga estudyante na bilang bahagi ng kanilang home-study lesson sa Mateo 27–28, naglista sila ng mga paraan para makapagpatotoo sila sa iba tungkol kay Jesucristo (assignment 3 sa Unit 7: Day 2 lesson). Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila at ipaliwanag ito at magbigay ng mga halimbawa ng kanilang mga ideya. Maaari mong ilista sa pisara ang kanilang mga ideya.
-
Ayon sa Mateo 28:20, ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo?
-
Sa papaanong paraan “sumasa inyo,” o tumulong ang Panginoon sa inyo, sa pagsisikap ninyong ibahagi ang ebanghelyo?
Pag-isipan kung aanyayahan mo ang mga estudyante na magbahagi ng kanilang mga patotoo kay Jesucristo sa buong klase, sa maliliit na grupo, o sa kapartner. Maaari mo ring ibahagi sa klase ang iyong patotoo kay Jesucristo. Ipaalala sa mga estudyante na nagsulat din sila ng isang mithiin sa kanilang scripture study journal assignment tungkol sa kung paano sila magpapatotoo sa iba tungkol kay Jesucristo. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga mithiin sa klase.
Susunod na Unit (Marcos 4–9)
Ipaliwanag sa mga estudyante na marami pa silang matututuhan sa susunod na unit tungkol sa mga himalang isinagawa ni Jesucristo, tulad ng paglalakad sa ibabaw ng tubig, pagpapaalis ng mga demonyo mula sa isang lalaki, at pagbuhay sa isang batang babae na pumanaw na. Itanong sa mga estudyante kung nakaranas na sila ng malakas na bagyo at ano ang nadama nila nang mangyari ito. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung nakaranas na sila ng matitinding unos o problema sa kanilang personal na buhay. Hikayatin sila, sa pag-aaral nila ng Marcos 4–9 sa susunod na linggo, na alamin ang mga paraan upang madama pa rin nila ang kapanatagan sa kabila ng mga problema sa buhay.