Library
Lesson 93: Mga Gawa 16


Lesson 93

Mga Gawa 16

Pambungad

Ginabayan ng Espiritu Santo si Pablo at ang kanyang mga kasama sa pangangaral ng ebanghelyo sa Macedonia (hilagang Grecia). Isang babaeng nagngangalang Lidia ang tumanggap sa kanilang mensahe at nabinyagan. Matapos palayasin ni Pablo ang masamang espiritu sa isang babaeng alipin, siya at si Silas ay binugbog at ibinilanggo. Nang gabi ring iyon, sila ay mahimalang nakalaya sa bilangguan, pagkatapos ay bininyagan nila ang bantay sa bilangguan at ang sambahayan nito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 16:1–15

Si Pablo at ang kanyang mga kasama ay nangaral ng ebanghelyo sa Macedonia

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “The Spirit Giveth Life,” Ensign, Hunyo 1997, 5.)

“Huwag kailanman ipagpaliban ang pagsunod sa pahiwatig” (Pangulong Thomas S. Monson).

  • Ang pahiwatig ay tumutukoy sa damdamin o impresyong natatanggap natin mula sa Espiritu Santo na kailangang sabihin o gawin natin ang isang bagay. Ano kaya ang maaaring mangyari kung ipinagpaliban ng isang tao ang pagsunod sa pahiwatig na natanggap niya?

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 16 ang isang alituntuning makatutulong sa kanila na maunawaan ang kahalagahan ng pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo.

Ibuod ang Mga Gawa 16:1–5 na ipinapaliwanag na bumisita sina Pablo, Silas, at ang isang nabinyagang Gentil na nagngangalang Timoteo sa ilang sangay o branch ng Simbahan upang ibalita ang desisyong ginawa ng mga lider ng Simbahan sa Jerusalem na makakaapekto sa buong Simbahan at magpapalakas sa pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 16:6–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nalaman ni Pablo at ng kanyang mga kasama (malamang na kasama si Lucas) kung saan pupunta habang sila ay naglalakbay.

  • Paano nalaman ni Pablo at ng kanyang mga kasama kung saan hindi dapat pumunta? Paano nila nalaman kung saan dapat pumunta?

  • Ano ang nakita ni Pablo sa isang pangitain?

  • Paano tumugon si Pablo at ang kanyang mga kasama sa pangitain ni Pablo?

Ibuod ang Mga Gawa 16:11–13 na ipinapaliwanag na maraming araw na naglakbay sina Pablo at Silas hanggang makarating sila sa Filipos, isang bayan sa Macedonia. (Maaari mong ipabuklat sa mga estudyante ang Mga Mapa sa Biblia blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at hanapin ang Filipos.) Sa araw ng Sabbath, nilisan nila ang bayan upang manalangin malapit sa may pampang ng ilog at nagsimulang makipag-usap sa mga kababaihang nagtipon doon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 16:14–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon ang babaeng nagngangalang Lidia sa mga turo ni Pablo. (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “mangangalakal ng kayong kulay-ube” [talata 14] ay na si Lydia ay nagbebenta ng kayong kulay-ube, na napakamahal, at marahil ay nagpapahiwatig na si Lidia ay mayaman at maimpluwensyang babae.)

  • Paano tumugon si Lidia sa mga turo ni Pablo? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng nakinig ay nagbigay ng pansin o nakinig mabuti.)

  • Anong mga kataga sa Mga Gawa 16:14 ang nagpapahiwatig na handa nang tanggapin ni Lidia ang ebanghelyo?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Pablo tungkol sa mangyayari kapag sinunod natin ang paghahayag? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking mauunawaan nila na kapag sinunod natin ang mga paghahayag mula sa Diyos, magagabayan tayo sa mga taong handang tumanggap ng ebanghelyo. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Bigyang-diin na sa pagsunod natin sa paghahayag, matutulungan din natin ang ibang tao na simulan o ituloy ang kahandaang tumanggap ng ebanghelyo.

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang dapat nating gawin upang mapatnubayan patungo sa mga taong handang tumanggap ng ebanghelyo.

Elder Dallin H. Oaks

“Dapat tayong manalangin sa Panginoon na tulungan at patnubayan tayo para maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay para sa taong handa na ngayon—isang taong nais Niyang tulungan natin ngayon. Pagkatapos, dapat tayong maging handang makinig at sumunod sa mga pahiwatig ng Kanyang Espiritu tungkol sa dapat nating gawin.

“Ang mga pahiwatig na iyon ay darating. Nalalaman natin mula sa di-mabilang na personal na patotoo na sa Kanyang sariling paraan at Kanyang sariling takdang panahon inihahanda ng Panginoon ang mga tao sa pagtanggap ng Kanyang ebanghelyo. Ang mga taong iyon ay naghahanap, at kapag hinangad nating matukoy sila ay sasagutin ng Panginoon ang kanilang mga panalangin sa pamamagitan ng pagsagot sa mga panalangin natin. Hihikayatin at papatnubayan Niya ang mga taong tapat na naghahangad na magabayan kung paano, saan, kailan, at kanino ibabahagi ang Kanyang ebanghelyo” (“Sharing the Gospel,” Ensign, Nob. 2001, 8).

  • Ayon kay Elder Oaks, ano ang dapat nating gawin para mapatnubayan patungo sa mga taong handang tumanggap ng ebanghelyo?

Maaari mong ibahagi ang iyong sariling karanasan kung paanong ang pakikinig sa mga pahiwatig ng Espiritu ay pumatnubay sa iyo patungo sa isang taong handang tumanggap ng ebanghelyo o kung paanong ang pakikinig ng isang tao sa mga pahiwatig ng Espiritu ay pumatnubay sa kanya patungo sa iyo noong handa ka nang tumanggap ng ebanghelyo. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang karanasan nila o ng isang kilala nila kung saan nagabayan sila patungo sa isang taong handang tumanggap ng ebanghelyo.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung paano, saan, kailan, at kanino nila maibabahagi ang ebanghelyo. Hikayatin sila na isulat ang anumang pahiwatig na natanggap nila at patuloy na manalangin na magabayan.

Mga Gawa 16:16–40

Sina Pablo at Silas ay ibinilanggo at pagkatapos ay pinalaya

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 16:16–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Pablo nang makaharap niya ang isang “dalaga” (talata 16), o aliping babae, na sinapian ng karumal-dumal na espiritu. Maaari mong ipaliwanag na ang panghuhula ay pagbabadya o pagsisikap na mahulaan ang mangyayari sa hinaharap sa paraang gawa-gawa lamang.

  • Ano kalaunan ang ginawa ni Pablo sa karumal-dumal na espiritu na sumapi sa dalaga?

  • Anong problema ang naranasan ng mga panginoon ng dalaga sa bayan matapos paalisin ni Pablo ang karumal-dumal na espiritu mula sa dalaga?

Ibuod ang Mga Gawa 16:20–24 na ipinapaliwanag na dinala ng mga kalalakihang hindi na makikinabang mula sa dalaga sina Pablo at Silas sa harapan ng “mga hukom” (talata 20), o lokal na awtoridad, at nagsabing nagturo sina Pablo at Silas sa mga tao na hindi nila dapat sundin ang batas ng Roma. Sa utos ng mga hukom, sina Pablo at Silas ay binugbog at ibinilanggo, at iginapos ang kanilang mga paa upang hindi sila makalakad.

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang nilalaman ng Mga Gawa 16:25–36, pagpartner-partnerin ang mga estudyante at bigyan ang bawat magkapartner ng isang papel. Isulat ang sumusunod na chart sa pisara, at sabihin sa magkakapartner na kopyahin ang chart sa kanilang papel.

Mga Gawa 16:25


Mga Gawa 16:26


Mga Gawa 16:27–28


Mga Gawa 16:29–30


Mga Gawa 16:31–32


Mga Gawa 16:33–34


Ipabasa nang malakas sa bawat magkapartner ang mga talata sa chart at pagkatapos ay magsalitan sa pagdrowing ng simpleng larawan na kumakatawan sa bawat isa sa anim na grupo ng mga talata (maaaring magdrowing ang isang estudyante ng mga larawan na kumakatawan sa tatlong grupo ng mga talata, at ang isa naman ay sa natitirang tatlong grupo ng mga talata). Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ipakita at maikling ipaliwanag ang kanilang mga larawan sa iba pang magkapartner o sa buong klase.

Para matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang pagkaunawa nila sa Mga Gawa 16:25–36, itanong ang mga sumusunod:

  • Paano sinagot nina Pablo at Silas ang tanong ng bantay sa bilangguan tungkol sa kung paano siya maliligtas?

  • Ano ang ginawa ng bantay sa bilangguan upang ipakita ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa Mga Gawa 16:31–33 tungkol sa dapat nating gawin para matanggap ang kaligtasan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang kaligtasan ay nangangailangan ng pananampalataya kay Jesucristo, at ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapabinyag.)

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng kaligtasan ay “maligtas mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan” (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaligtasan,” scriptures.lds.org).

  • Paano natin ipinakita sa pagpapabinyag ang ating pananampalataya kay Jesucristo?

  • Bukod pa sa pagpapabinyag, ano ang iba pang paraan na maipapakita natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo?

Ibuod ang Mga Gawa 16:35–40 na ipinapaliwanag na nagpadala ng utos ang mga hukom sa bantay ng bilangguan na palayain sina Pablo at Silas. Tumangging lumabas sa bilangguan si Pablo dahil alam niya ang kanyang karapatan bilang mamamayang Romano at alam niya na hindi makatarungan ang ginawa nila sa kanya. Labag sa batas ang pagbugbog sa isang mamamayang Romano nang wala munang paglilitis. Nang malaman ng mga hukom na sina Pablo at Silas ay mga Romano, natakot sila dahil kapag nalaman ng mga nakatataas sa kanila na gayon ang ginawa nila sa isang mamamayang Romano, sila ay parurusahan, maging ng kamatayan. Ang mga hukom ay pumaroon sa bilangguan, pinalaya sina Pablo at Silas, at hiniling na lisanin nila ang bayan.

Magtapos sa pagpapatotoo sa mga katotohanang itinuro sa Mga Gawa 16.

scripture mastery icon
Scripture Mastery Review

Gamitin ang kalakip na chart para rebyuhin ang mga scripture mastery passage na napag-aralan na ng mga estudyante sa taong ito. Basahin nang malakas ang tanong o ang alalahanin sa kaliwang column ng chart at sabihin sa mga estudyante na hanapin ang scripture mastery passage na makapagbibigay ng sagot (ang mga sagot ay nasa kanang column ng chart). Maaari mong basahin nang malakas at nang hindi sunud-sunod ang mga tanong o mga alalahanin. Matapos makahanap ang mga estudyante ng scripture mastery passage, itanong sa kanila kung paano ito makatutulong sa isang tao na may gayong alalahanin.

Natatakot akong mamuhay ayon sa pinaniniwalaan ko. Inaalala ko ang iisipin ng iba tungkol sa akin.

Mateo 5:14–16

Pinanghihinaan ako ng loob dahil sa mga pagsubok at mga hamon sa aking buhay.

Mateo 11:28–30

Bakit ang propeta ang nakatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan?

Mateo 16:15–19

Mahal ko ang Ama sa Langit, pero nahihirapan akong mahalin ang isang kaibigan ngayon. Talaga bang inaasahan ng Diyos na mahalin ko rin siya?

Mateo 22:36–39

Alam ko na bilang mayhawak ng priesthood, responsibilidad kong magmisyon saanman ako tawagin ng Panginoon, pero nag-aalala ako na mapapalayo ako sa mga taong kilala ko at malulungkot ako.

Mateo 28:19–20

Paano natin malalaman na talagang nabuhay na muli si Jesucristo na may pisikal na katawan na may laman at mga buto?

Lucas 24:36–39

Kailangan ba talaga ang binyag para makapiling ang Diyos?

Juan 3:5

Sinasabi ng ilang tao na walang pagkakaiba kung piliin kong sundin si Jesucristo o ang ibang tao. Kung mabuti akong tao, mapupunta ako sa langit.

Juan 14:6

Ano ang pinakamagandang paraan para maipakita ko sa Panginoon na mahal ko Siya?

Juan 14:15

Bakit mahalagang makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo?

Juan 17:3

Ano ang dapat kong gawin para matanggap ang kaloob na Espiritu Santo?

Mga Gawa 2:36–38

May tao bang nabuhay sa panahon ng Biblia na nakaalam o nagpropesiya na magkakaroon ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw?

Mga Gawa 3:19–21

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Gawa 16:1–3. Bakit tinuli ni Pablo si Timoteo bagama’t hindi na ito kailangan?

“Bagama’t hindi na kinakailangang matuli ang mga nabinyagang Gentil … , tinuli ni Pablo si Timoteo bago ang kanilang misyon nang magkasama ‘dahil sa mga Judio na nangasa mga dakong yaon’ (Mga Gawa 16:3). Matapos matuli, [sa panahong ito ng pagbabago] mas epektibong makapagtuturo si Timoteo sa mga Judio, na nag-akalang ang hindi natuling misyonero ay walang-galang sa Diyos ng Israel at sa Kanyang mga batas. … Alang-alang sa ebanghelyo, binabago kung minsan ni Pablo ang kanyang ginagawa para makaugnay kapwa sa mga Judio at mga Gentil (tingnan sa Mga Gawa 21:20–26; I Mga Taga Corinto 9:20–22). Itinuro rin niya sa mga nabinyagang Gentil na iwasan ang anumang kilos na maaaring isiping nakasasakit sa mga Judio, bagama’t hindi ito ipinagbabawal sa anumang kautusan (tingnan sa Mga Taga Roma 14:13–15; I Mga Taga Corinto 8:9–13)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 312).

Mga Gawa 16:16–18. Bakit isang problema ang patotoo ng aliping babae na sinapian ng karumal-dumal na espiritu?

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang patotoo ng dalagang sinapian ng diyablo ay totoo. Sina Pablo at Silas ay mga propeta; nasa kanila ang mga salita at kapangyarihan ng kaligtasan. Ngunit ang tunay na patotoo mula sa mga alagad ni Satanas ay hindi humahantong sa kaligtasan. Sa katunayan, ang talagang sinasabi ng dalaga ay: ‘Sige, maniwala kayo kina Pablo at Silas at sa Jesus na ito na ipinangangaral nila. Sang-ayon ako na sila at ang kanilang Panginoon ay Diyos; at dahil nagkakaisa tayo sa puntong iyan, maaari din ninyo akong patuloy na sundin at tamuhin ang mga bunga ng aking panghuhula.’ At gaano karami ang iba pang nangangaral ng maling relihiyon na sinusuportahan lamang si Jesus at ang kanyang mga doktrina sa salita nang sa gayon ay lalo silang sundin ng mga tao at ang kanilang sariling pagpapakahulugan ng ‘nakapagliligtas’ na biyaya. Ito rin ang mismong dahilan kung bakit pinigilan mismo ni Jesus ang mga diyablo na kanyang pinaalis na magpatotoo na siya ang Anak ng Diyos. (Lucas 4:41.)” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:149).