Library
Lesson 25: Mateo 22:15–46


Lesson 25

Mateo 22:15–46

Pambungad

Habang nagtuturo si Jesus sa templo, sinubukan ng mga Fariseo at mga Saduceo na lituhin si Jesus sa pagtatanong sa Kanya ng mahihirap na bagay. Nasagot Niya ang kanilang mga tanong at itinuro sa kanila na sundin ang mga batas ng lupain at sundin ang dalawang dakilang utos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 22:15–22

Sinubukan ng mga Fariseo kung malilito nila ang Tagapagligtas kapag tinanong nila sa Kanya kung tama bang magbayad ng buwis

  • Ano ang ilang mahahalagang batas na ipinatutupad ng gobyerno sa ating lipunan? Sa palagay ninyo, bakit mahalaga ang mga ito?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung mayroon bang anumang batas na hindi nila gaanong nasusunod. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Mateo 22:15–22, sabihin sa kanila na alamin ang itinuro ni Jesucristo tungkol sa pagsunod sa mga batas ng lupain.

Ipaalala sa mga estudyante na sa huling linggo ng buhay sa mundo ng Tagapagligtas, araw-araw Siyang nagturo sa templo sa Jerusalem (tingnan sa Lucas 19:47; 22:53). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 22:15, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinubukang gawin ng mga Fariseo sa Tagapagligtas.

  • Ano ang ibig sabihin ng mga katagang “mahuhuli nila siya sa kaniyang pananalita”?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 22:16–17, at sabihin sa klase na alamin kung paano tinangkang lituhin ng mga Fariseo ang Tagapagligtas. Ipaliwanag na ang kahulugan ng salitang bumuwis sa talata 17 ay magbayad ng buwis, at na si Cesar ang emperador ng Imperyong Romano na namuno sa Israel nang panahong yaon.

  • Paano maaaring maging patibong ang itinanong nila kay Jesucristo? (Kung sinabi ng Tagapagligtas na dapat lamang magbayad ng buwis, maaari Siyang paratangan ng mga Fariseo na panig sa mga Romano at taksil sa Kanyang mga tao. Kung sinabi ng Tagapagligtas na hindi dapat magbayad ng buwis, maaari Siyang akusahan ng mga Fariseo ng pagtataksil at isumbong Siya sa mga pinuno ng mga Romano.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 22:18–21, at sabihin sa klase na alamin ang isinagot ng Tagapagligtas sa tanong ng mga Fariseo. Ipaliwanag na ang pinatutungkulan ng mga katagang “kaya’t ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar” sa talata 21 ay ang ating obligasyon na sumunod sa mga batas ng pamahalaan, tulad ng batas na magbayad ng buwis. Magpakita ng barya at itanong:

  • Bakit akmang-akma ang isinagot ng Tagapagligtas sa tanong ng mga Fariseo?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa itinuro ng Tagapagligtas na dapat nating “ibigay … kay Cesar ang sa kay Cesar”? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Inaasahan ng Panginoon na tayo ay magiging mabubuting mamamayan at susunod sa mga batas ng lupain [tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12].)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga sa atin bilang mga disipulo ni Jesucristo na maging mabuting mamamayan at sumunod sa mga batas ng lupain? (Tingnan sa D at T 58:21.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mateo 22:22, na inaalam ang reaksyon ng mga Fariseo sa isinagot ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na ipaalam ang nalaman nila.

Mateo 22:23–34

Itinuro ng Tagapagligtas sa mga Saduceo ang tungkol sa kasal at sa Pagkabuhay na Mag-uli

Ipaliwanag na bukod sa mga Fariseo, sinubukan din ng mga Saduceo na lituhin sa Kanyang isasagot ang Tagapagligtas nang magturo Siya sa templo. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga paniniwala ng mga Saduceo, sabihin sa kanila na tahimik na basahin ang tala na “Saduceo, Mga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Sabihin sa klase na alamin ang pinaniniwalaan at hindi pinaniniwalaan ng mga Saduceo.

  • Anong mga paniniwala ang ayaw tanggapin ng mga Saduceo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 22:23–28, at sabihin sa klase na alamin kung paano tinangkang lansihin o lituhin ng mga Fariseo ang Tagapagligtas.

  • Paano ninyo ibubuod ang itinanong ng mga Saduceo sa Tagapagligtas?

Ipaliwanag na sadyang binago ng mga Saduceo ang pagsunod sa kaugalian sa Lumang Tipan na ginawa para tulungan ang mga balo (tingnan sa Deuteronomio 25:5–6; Bible Dictionary, “Levirate marriage”). Tinangka nilang eksaherahin o palabisin ang kaugaliang ito upang pabulaanan ang doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 22:29–30, at sabihin sa klase na alamin ang isinagot ng Tagapagligtas sa tanong ng mga Saduceo.

  • Paano sinagot ng Tagapagligtas ang tanong?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang sagot ng Tagapagligtas, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

“Hindi itinatwa kundi ipinaliwanag ni Jesucristo ang inaakala ng marami na sa langit ay may ikakasal at ipapakasal. Ang gusto Niyang sabihin ay kung ‘sila’ (ang mga Fariseo) at ‘sila’ (‘ang mga anak ng daigdig na ito’), ang pag-uusapan, hindi sila magkakaroon ng pamilya hanggang sa pagkabuhay na mag-uli. …

“‘Samakatwid, kapag sila [ang mga taong hindi susunod, hindi sumusunod, o hindi makasusunod sa batas ng walang hanggang kasal] ay wala na sa daigdig na ito sila ay hindi makakasal o maipapakasal’ [D at T 132:16].

“Iyan ay dahil walang pagpapakasal o maipapakasal sa langit para sa mga taong tinukoy ni Jesus; para sa mga taong ni hindi naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli, bukod pa sa ibang mga nakapagliligtas na katotohanan” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo. [1965–73], 1:606).

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mensahe ng Tagapagligtas sa Mateo 22:29–30, ipaliwanag na inihayag ng Panginoon ang maraming mahahalagang katotohanan tungkol sa walang-hanggang kasal kay Propetang Joseph Smith. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:15–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith tungkol sa kasal.

  • Sino ang tinukoy ng Panginoon na hindi “ikinasal ni ipinakasal” (talata 16) sa Pagkabuhay na Mag-uli?

  • Ano ang katotohanang itinuro ng Tagapagligtas sa Mateo 22:30 at sa Doktrina at mga Tipan 132:15–17 tungkol sa pag-aasawa at sa kabilang-buhay? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang mga hindi ibinuklod ng awtoridad ng priesthood sa kanilang asawa sa buhay na ito o hindi nagawan ng mga ordenansa sa templo ay hindi maikakasal sa kabilang buhay.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 22:31–33, at ipahanap sa klase ang iba pang mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas sa mga Saduceo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli.

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas sa talata 32 na nagpapahiwatig na tunay na may Pagkabuhay na Mag-uli?

  • Ano ang reaksyon ng mga tao nang marinig nilang itinuro ng Tagapagligtas ang mga doktrinang ito?

Mateo 22:34–40

Itinuro ng Tagapagligtas ang dalawang dakilang utos

Anyayahan ang mga estudyante na magsulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng lahat ng maiisip nilang mga kautusan sa loob ng isang minuto. Sabihin sa mga estudyante na ipaalam kung gaano karaming kautusan ang naisulat nila.

Ipaliwanag na itinuturo sa Judaismo na ang batas ni Moises ay kinapapalooban ng 613 utos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 22:35–36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinanong sa Tagapagligtas ng isa sa mga Fariseo tungkol sa mga utos na ito.

  • Ano ang itinanong ng Fariseo sa Tagapagligtas?

Bago tingnan ng mga estudyante ang sagot ng Tagapagligtas, pabilugan sa kanila ang isang utos sa kanilang listahan na sa palagay nila ay “dakila,” o pinakamahalagang utos. Sabihin sa ilang estudyante na ipaalam kung aling utos ang binilugan nila at ipaliwanag kung bakit nila binilugan ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 22:37–40. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas sa tanong ng Fariseo.

  • Ano ang pinakadakilang utos? Ano ang pangalawang pinakadakilang utos? (Ipaliwanag na ang dalawang utos na ito ay matatagpuan sa batas ni Moises [tingnan sa Deuteronomio 6:5; Levitico 19:18]. Ipaliwanag din na ang utos ng Panginoon na “iibigin mo ang iyong kapuwa” ay tumutukoy sa pakikitungo natin sa iba.)

  • Sa palagay ninyo, bakit itinuturing ang mga utos na ito na pinakadakilang mga utos?

  • Ano ang ibig sabihin ng sinabi sa talata 40 na “sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan”? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na lahat ng utos ng Diyos na inihayag sa batas ni Moises at sa pamamagitan ng mga propeta sa Lumang Tipan ay ginawa upang tulungan ang mga tao na ipakita ang kanilang pagmamahal sa Diyos at sa kanilang kapwa.)

  • Kung bawat utos ay ginawa upang tulungan tayong masunod ang dalawang dakilang utos, anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 40 tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa lahat ng utos ng Diyos? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung talagang mahal natin ang Diyos at ang ating kapwa na gaya ng ating sarili, magsisikap tayo na sundin ang lahat ng utos ng Diyos.)

Para mailarawan ang alituntuning ito, patingnan sa mga estudyante ang listahan ng mga utos na ginawa nila sa kanilang notebook o scripture study journal. Sabihin sa kanila na maglagay ng isang bituin sa tabi ng mga utos na nagpapakita ng pagmamahal sa Diyos at ng kuwadrado sa tabi ng mga utos na nagpapakita ng pagmamahal sa ating kapwa. (Ang ilang utos ay maaaring markahan ng bituin at ng kuwadrado.) Papiliin ang mga estudyante ng isa sa mga utos na nasa listahan at ipaliwanag kung paano natin naipapakita ang pagmamahal sa Diyos, sa ating kapwa, o pareho, dahil sa pagsunod sa utos na iyon.

  • Anong naramdaman ninyo nang pinili ninyong sundin ang isang utos para ipakita na mahal ninyo ang Diyos o ang isang tao?

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa alituntunin na kung talagang mahal natin ang Diyos at ang ating kapwa tulad sa ating sarili, susundin natin ang lahat ng utos ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na umisip ng isang utos na mas matapat nilang masusunod para maipakita na mahal nila ang Ama sa Langit o ang ibang tao, at hikayatin silang magtakda ng mithiin o goal na gawin ito. Sabihin sa kanila na isulat ang mithiing ito sa kanilang notebook o scripture study journal.

Mateo 22:41–46

Tinanong ng Tagapagligtas sa mga Fariseo kung ano ang iniisip nila tungkol kay Cristo.

Ipaliwanag na matapos masagot ng Tagapagligtas ang mga Fariseo at mga Saduceo, nagtanong Siya sa mga Fariseo ng ilang bagay.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 22:41–42, at sabihin sa klase na alamin ang itinanong ng Tagapagligtas sa mga Fariseo.

  • Ano ang mga itinanong ni Jesucristo sa mga Fariseo?

  • Paano tumugon ang mga Fariseo?

Ipaliwanag na alam ng karamihan sa mga Judio na si Cristo, o ang Mesiyas, ay isang inapo ni Haring David. Naniwala ang mga Fariseo na ang Mesiyas ay magiging hari ng Israel at tutulungan silang matalo ang mga dayuhang kaaway (tulad ng Roma) at magiging malaya sila, tulad ng nagawa noon ni Haring David. Ibuod ang Mateo 22:43–46 na ipinapaliwanag na itinuro ni Jesus sa mga Fariseo na ayon sa kanilang sariling mga banal na kasulatan, si Cristo ay higit pa sa pagiging anak ni David—Siya rin ay Anak ng Diyos. O, tulad nang inihayag kalaunan kay Juan na Pinakamamahal, si Cristo ay kapwa “ang ugat at ang supling ni David” (Apocalipsis 22:16); Siya ay kapwa Panginoon ni David at kanyang inapo.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila sasagutin ang tanong na “Ano ang akala ninyo tungkol kay Cristo?” Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Mateo 22:36–39

Bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang mga salita mula sa Mateo 22:36–39 sa notecards o maliliit na piraso ng papel. Hikayatin ang mga estudyante na dalhin ang kanilang card at tingnan-tingnan ito sa buong maghapon para matulungan silang maalalang sundin ang una at pangalawang utos.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 22:21. “Kaya’t ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar”

Ang mga katagang “kaya’t ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar” sa Mateo 22:21 ay tumutukoy sa ating obligasyon na sumunod sa mga batas ng pamahalaan tulad ng pagbabayad ng buwis. Gayunman, ano ang gagawin natin kung salungat ang mga batas ng pamahalaan sa batas ng Diyos? Ipinayo ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod:

“Kung minsan ay kakailanganin nating harapin ang mga batas na makasisira sa kalayaan nating ipamuhay ang ating relihiyon.” (“Pagbabalanse ng Katotohanan at Pagpaparaya,” Liahona, Peb. 2013, 27).

Itinuro rin ni Elder Dallin H. Oaks na kapag pinahintulutan ng batas ng pamahalaan ang makasalanang pag-uugali, ang mga batas ng Diyos ang dapat pa rin nating sundin:

“Nakasaad sa ating ikalabindalawang saligan ng pananampalataya na naniniwala tayo sa pagpapasailalim sa mga namumuno sa pamahalaan at sa ‘pagsunod, paggalang, at pagtataguyod ng batas.’ Ngunit ang mga batas ng tao ay hindi magagawang moral ang ipinahayag ng Diyos na imoral. Ang katapatan sa ating pinakaunang prayoridad—ang mahalin at paglingkuran ang Diyos—ay nangangailangan ng pagturing natin sa Kanyang batas bilang ating pamantayan ng pag-uugali. Halimbawa, inutusan pa rin tayo ng Diyos na huwag makiapid o makipagtalik nang hindi kasal kahit hindi na kasalanan ang mga ito ayon sa mga batas ng estado o bansa kung saan tayo naninirahan. Gayundin, ang mga batas na ginagawang legal ang ‘pagpapakasal ng magkaparehong kasarian’ ay hindi nagpapabago sa batas ng Diyos sa pagpapakasal o sa Kanyang mga utos at sa mga pamantayan natin hinggil dito” (“Walang Ibang mga Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 75).

Mateo 22:23–30. Pagpapakasal pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli

“Ang isang mahalagang susi para maunawaan ang mga salita ng Tagapagligtas ay ang alalahanin na ang pinatutungkulan ng mga salitang iyon ay ang mga Saduceo, na ‘nangagsasabing walang pagkabuhay na maguli’ (Mateo 22:23). Samakatwid, ang pagtatanong nila sa Tagapagligtas ay hindi tapat—hindi sila totoong interesado na malaman ang tungkol sa kasal at sa Pagkabuhay na Mag-uli. Sa sagot ng Tagapagligtas na ‘sa pagkabuhay na maguli [sila] ay hindi na mangagaasawa, ni mga papagaasawahin pa’ (Mateo 22:30; idinagdag ang italics) ang Kanyang pinatutungkulan ay ang mga taong nagtatanong, na pawang mga Saduceo, dahil ang mga nagtatanong ay nagsabing ‘nagkaroon sa amin ng pitong magkakapatid na lalake’ (Mateo 22:25; idinagdag ang italics). Sa mga taong hindi ikinasal nang pangwalang hanggan, ang kasal ay wala nang bisa kapag sila ay patay na (tingnan sa (D at T 132:15–17). Sa mga huling araw na ito, ipinahayag ng Panginoon na ang kasal ay maaari lamang maging walang-hanggan kung ito ay alinsunod sa Kanyang batas, isinagawa ng isang taong may awtoridad, at nabuklod sa Banal na Espiritu ng Pangako (tingnan sa D at T 132:19).

“Ang isa pang mahalagang susi sa pag-unawa ng mga salita ng Tagapagligtas ay ang matanto na kapag ang mga Saduceo ay bumabanggit ng mga salita ni Moises (tingnan sa Mateo 22:24), ang tinutukoy nila ay ang tinatawag kung minsan na ‘levirate marriage’ [pagpapakasal ng balo sa kapatid ng kanyang asawa]. Ayon sa batas ni Moises, kapag namatay ang isang lalaki at iniwan ang kanyang asawa na walang anak, kailangang pakasalan ito ng kanyang kapatid na lalaki upang itaguyod ito at magkaroon ang babae ng mga anak na palalakihin niya para sa namatay na asawa (tingnan sa Deuteronomio 25:5; Bible Dictionary, ‘Levirate marriage’)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 66–67).

Mateo 22:35–40. Ang dalawang dakilang utos

Ipinahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson ang sumusunod tungkol sa una at pangalawang dakilang utos:

“Ang mahalin ang Diyos nang inyong buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas ay nangangailangan ng inyong buong enerhiya sa lahat ng aspeto. Kailangan dito ang buong katapatan ninyo. Ito’y buong katapatan ng ating buong pagkatao—sa katawan, isipan, damdamin, at espiritu—na mahalin ang Panginoon.

“Ang lawak, lalim, at laki ng pagmamahal na ito sa Diyos ay sumasaklaw sa bawat aspeto ng buhay ng isang tao. Ang ating mga hangarin, espirituwal man o temporal, ay dapat mag-ugat sa pagmamahal sa Panginoon. Ang ating iniisip at pagmamahal ay dapat nakasentro sa Panginoon. …

“Bakit inuna ng Diyos ang unang utos? Dahil batid Niya na kung tunay natin Siyang mahal nanaisin nating sundin ang lahat ng iba pa Niyang mga utos. …

“Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad.

“Dapat nating unahin ang Diyos kaysa sa lahat ng iba pa sa ating buhay. …

“Higit nating napagpapala ang ating kapwa kapag inuuna natin ang unang utos” (“The Great Commandment—Love the Lord,” Ensign, Mayo 1988, 4–6; tingnan din sa Marcos 12:28–34).

Mateo 22:45. “Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya’y kaniyang anak?”

Itinuro ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol na si Jesucristo ay si Jehovah:

“Si Jesus ang Cristo ay Anak ni David batay sa talaangakanan. … Bagama’t si Jesus ay isinilang sa laman maraming siglo kalaunan sa ‘kalagitnaan ng panahon, Panginoon at Diyos, bago pa man isinilang sa mundo sina David, Abraham, o Adan” (Jesus the Christ, Ika-3 ed. [1916], 552).