Library
Lesson 69: Juan 9


Lesson 69

Juan 9

Pambungad

Pinagaling ni Jesucristo ang isang lalaking isinilang na bulag. Tinanong ng mga Fariseo ang lalaking ito at itinaboy siya mula sa sinagoga dahil tumanggi siyang tawaging makasalanan si Jesus dahil sa pagpapagaling sa araw ng Sabbath. Hinanap ng Tagapagligtas ang lalaki, at sinamba ng lalaki si Jesus bilang Anak ng Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 9:1–7

Pinagaling ni Jesucristo ang lalaking isinilang na bulag

Magdala sa klase ng isang news article na naglalarawan ng isang taong dumaranas ng pagsubok at paghihirap. Ibuod ang balita para sa mga estudyante, o isulat ang headline nito sa pisara.

  • Ano pang ibang halimbawa ng mga taong dumaranas ng pagsubok at paghihirap ang nakita ninyo?

Ituro na may mga taong nagtatanong kung bakit hinahayaan ng Diyos na dumanas sila ng matinding pagsubok at hirap sa kanilang buhay.

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang katotohanan habang pinag-aaralan nila ang Juan 9:1–5 na makatutulong sa atin na mas maunawaan kung bakit hinahayaan ng Diyos na makaapekto sa ating buhay ang mga pagsubok at paghihirap.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 9:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pagsubok at paghihirap na dinaranas ng lalaki. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ayon sa talata 2, ano ang itinanong ng mga disipulo tungkol sa sanhi ng paghihirap ng lalaking ito?

Ipaliwanag na maraming tao sa panahon ng Tagapagligtas ang naniniwala, tulad ng ilang tao sa panahon natin, na ang mga pagsubok at paghihirap na dinaranas ng mga tao ay kaparusahan sa mga kasalanan na ginawa nila o ng kanilang mga magulang. (Maaari mo ring ipaliwanag na ipinapakita ng tanong ng mga disipulo ang katotohanan ng buhay bago ang buhay sa mundo.)

  • Sa palagay ninyo, tama ba ang paniniwalang ito? Bakit oo o bakit hindi?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 9:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa pagkabulag ng lalaki.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Dios”? (talata 3).

  • Mula sa mga turo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito, anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa ating mga pagsubok at paghihirap? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Magagamit ng Diyos ang ating mga pagsubok at paghihirap upang maipakita ang Kanyang mga gawa at kapangyarihan.)

Ipaliwanag na bagama’t maraming iba‘t ibang sanhi ng pagsubok at paghihirap sa ating mga buhay, magagamit ng Diyos ang mga hamong ito upang makatulong sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga banal na layunin.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagsubok at paghihirap na dinanas nila noon o dinaranas sa kasalukuyan. Habang ipinagpapatuloy ng mga estudyante ang pag-aaral ng Juan 9, sabihin sa kanila na mag-isip ng mga paraan kung paano maipapakita ng Diyos ang Kanyang mga gawa at kapangyarihan sa pamamagitan nila dahil sa mga pagsubok at paghihirap na iyon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 9:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano ipinakita ng Diyos ang Kanyang mga gawa at kapangyarihan sa pamamagitan ng karanasan ng lalaking bulag.

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ng lalaking ito nang makakita siya sa unang pagkakataon?

  • Paano nagtulot ang pagsubok at paghihirap ng lalaking ito na masaksihan ng iba ang kapangyarihan ng Diyos?

  • Sa talang ito, kailangan ng lalaking maghugas sa tangke (o pool) ng Siloe upang maibalik ang kanyang paningin. Ano ang kailangan ninyong gawin upang maipakita ng Diyos ang Kanyang mga gawa at kapangyarihan sa inyong buhay?

Juan 9:8–41

Hinanap ng Tagapagligtas ang lalaking pinagaling Niya matapos itaboy ng mga Fariseo ang lalaki

Ibuod ang Juan 9:8–15 na ipinapaliwanag na matapos mapagaling ang lalaking bulag, nagtalo ang ilang tao kung siya nga ba ang lalaking isinilang na bulag. Nagtaka ang ilan kung paano siya napagaling at dinala siya sa mga Fariseo, na nagsimulang pagtatanungin siya.

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa Juan 9:14 ang araw kung kailan pinagaling ng Tagapagligtas ang lalaking bulag. Sabihin sa isang estudyante na ibahagi ang nalaman niya.

  • Ano sa palagay ninyo ang naging reaksyon ng mga Fariseo sa pagpapagaling ni Jesus sa lalaki sa araw ng Sabbath?

Sabihin sa ilang mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 9:16–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isa pang pagsubok at paghihirap na dinanas ng napagaling na lalaki.

video iconSa halip na pabasahin ang mga estudyante, maaari mong ipalabas ang natitira pang tagpo sa video na “Jesus Heals a Man Born Blind” (time code 3:37–7:47). Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isa pang pagsubok at paghihirap na dinanas ng napagaling na lalaki.

Tulungang ihanda ang mga estudyante na matukoy ang alituntunin mula sa talang ito sa pagpapaalala sa kanila na iniharap sa mga Fariseo ang mga magulang ng lalaking bulag upang tanungin sila.

  • Ayon sa talata 22, bakit hinayaan ng mga magulang ng bulag na lalaki na ang kanilang anak ang magpaliwanag kung paano siya nakakita?

Ipaliwanag na ang “mga sinagoga ay nagsilbing sentro ng relihiyon at lipunan ng maraming komunidad ng mga Judio. Sa mga sinagoga natatamo ang espirituwal na pag-aaral at pagsamba, gayon din ang edukasyon at mga kaganapang panlipunan. Dahil mahalaga ang sinagoga sa lipunan ng mga Judio, ang maitaboy mula sa sinagoga … ay hindi lamang nangangahulugang ikaw ay natiwalag at hindi ka na kasama sa mga gawaing panrelihiyon ng komunidad. Nangangahulugan din ito na hindi ka na kasali sa mga gawaing pangkultura at panlipunan. Ang kaparusahang ito ay tila matindi kaya ayaw nang masangkot ng mga magulang ng lalaking ipinanganak na bulag sa imbestigasyon tungkol sa [pagpapagaling sa kanilang anak]” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 230).

  • Ayon sa talata 24, ano sa palagay ninyo ang panggigipit na naranasan ng napagaling na lalaki?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang talata 30–33 na inaalam ang tugon ng lalaki sa mga Fariseo, at ituro sa mga estudyante na dinagdag ng Joseph Smith Translation ng John 9:32 ang mga salitang “maliban kung galing siya sa Diyos” sa dulo ng talata.

  • Anong katwiran ang ginamit ng lalaki upang ipagtanggol si Jesus? (Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang kanyang mga sinabi sa talata 33).

  • Ano ang alam ng lalaking ito tungkol kay Jesucristo?

Ituro na itinaboy palabas ng sinagoga ang lalaking ito dahil sa walang takot na pagtatanggol sa taong nagpagaling sa kanya (tingnan sa talata 34).

  • Sa palagay ninyo, bakit handa ang lalaking ito na manatiling tapat sa kanyang nalaman tungkol kay Jesucristo, kahit nangahulugan iyon na itataboy siya sa sinagoga?

Ipaalala sa mga estudyante na matapos itaboy ang lalaki sa sinagoga, nahanap siya ng Tagapagligtas at tinanong kung siya ay “sumasampalataya sa Anak ng Dios” (talata 35). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 9:36–38, at sabihin sa klase na alamin ang sagot ng lalaki.

  • Ano ang nangyari sa patotoo ng lalaking ito kay Jesucristo? (Nalaman niya na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.)

  • Anong alituntunin ang malalalaman natin mula sa lalaking ito tungkol sa pananatiling tapat sa nalalaman natin? (Maaaring iba’t iba ang matukoy na mga alituntunin ng mga estudyante, ngunit tiyaking naunawaan nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag nananatili tayong tapat sa nalalaman natin sa kabila ng oposisyon, titibay ang mga patotoo natin. Isulat ang alituntuning ito sa pisara.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 12:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mangyayari kung mananatili tayong tapat sa Panginoon kapag nakararanas tayo ng oposisyon sa pananampalataya natin.

  • Sa palagay ninyo, bakit lumalakas ang patotoo natin matapos mapaglabanan ang oposisyon o mga pagsubok sa pananampalataya?

  • Paano napalakas ng oposisyon ang inyong patotoo?

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang isa pang alituntunin sa talang ito, itanong kung ilan sa kanila ang gumagamit ng salamin o mga contact lens).

  • Ano ang ginagawa ng mga salamin o contact lens na ito sa paningin ninyo?

  • Ano ang nangyari sa pisikal na paningin ng lalaking ito matapos siyang mapagalingin ni Jesus?

  • Paano napagaling o mas napalinaw ang espirituwal na paningin o pang-unawa ng lalaking ito tungkol sa Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Juan 9:11, 17, 33, na inaalam ang mga katagang naglalarawan sa paningin o pagkaunawa ng lalaking ito kung sino si Jesus. Sabihin sa kanila na magreport tungkol sa nalaman nila. (Dapat kasama sa mga sagot nila “ang lalaking tinatawag na Jesus,” “isang propeta,” at isang taong “galing sa Dios.” Isulat sa pisara ang mga katagang ito, at sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga ito sa kanilang mga banal na kasulatan.)

  • Ayon sa mga katagang ito, ano ang nangyari sa espirituwal na paningin ng lalaking ito? (Napagaling at mas napalinaw ito. Nagpapakita ang mga katagang ito ng pag-unlad sa espirituwalidad at pang-unawa ng lalaking ito sa tunay na pagkatao ni Jesus.)

  • Sa palagay ninyo, bakit naging mas malinaw ang kanyang pananaw at pang-unawa tungkol sa Tagapagligtas? (Nanampalataya siya sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa nalalaman niya.)

Sabihin sa mga estudyante na basahing maigi ang Juan 9:36–38, na inaalam ang naunawaan sa huli ng lalaking ito tungkol sa Tagapagligtas.

  • Ano ang naunawaan ng lalaking ito tungkol sa Tagapagligtas? (Naunawaan niya na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.)

  • Gaano naging malinaw ang paningin o pang-unawa ng lalaking ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter. Sabihin sa klase na makinig sa sinabi ni Pangulong Hunter na nangyari sa lalaking ito.

Pangulong Howard W. Hunter

“Naibigay ang paningin nang dalawang beses—ang una ay napagaling ang kapansanang dala-dala mula sa pagsilang at ang isa ay upang makita ang Hari ng mga Hari bago Siya umakyat sa Kanyang walang hanggang trono. Kapwa pinagaling ni Jesus ang temporal at espirituwal na paningin” (“The God That Doest Wonders,” Ensign, Mayo 1989, 16–17).

  • Paano sumasagisag ang paggaling ng lalaki sa pisikal na pagkabulag sa kanyang paggaling sa espirituwal na pagkabulag?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa mangyayari sa atin kapag tayo ay nananampalataya kay Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag tayo ay nananampalataya kay Jesucristo, nagiging mas malinaw ang ating espirituwal na paningin at pang-unawa. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga ang pananampalataya upang mas malinaw na makita at maunawaan ang espirituwal na katotohanan?

Ipaliwanag na nakatayo ang ilang mga Fariseo malapit sa lugar kung saan nakita at sinamba ng lalaki si Jesus bilang Anak ng Diyos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 9:39–41. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pagkabulag.

  • Paano ninyo ibubuod ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga Fariseo?

Ipaliwanag na sa pagsagot sa tanong ng mga Fariseo na, “Kami baga naman ay mga bulag din?” (talata 40), “gumamit ang Tagapagligtas ng metapora, na nagtuturo na ang mga taong ‘bulag’—mga taong hindi kilala kung sino Siya—‘ay hindi magkakaroon ng kasalanan’ (Juan 9:41). Sa kabilang banda, ang mga taong ‘nangakakakita’—mga taong nakatanggap ng sapat na mga patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang banal na misyon na dapat ay nakakakilala kung sino Siya—ay mananagot sa kanilang mga ginawa. Kasama ang mga Fariseo sa mga yaong ‘nangakakakita,’ at kung gayon ‘nananatili ang … kasalanan’ nila. Kung pag-uusapan ang espirituwalidad, pinili nilang maging bulag dahil hindi nila kinilala si Jesus bilang Anak ng Diyos, sa kabila ng maraming patotoo na natanggap nila” (New Testament Student Manual, 231).

Sa pagtatapos ng lesson, sabihin sa mga estudyante na tingnan ang dalawang alituntunin sa pisara at pagnilayan kung alin sa mga ito ang sa pakiramdam nila ay dapat ipamuhay nila (maaaring maramdaman nila na kinakailangang ipamuhay ang dalawang alituntuning ito). Bigyan ang mga estudyante ng oras upang maisulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal kung paano nila maipamumuhay ang alituntuning ito. Hikayatin silang manalangin para magabayan sila kung paano gawin ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 9:2. “Sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kaniyang mga magulang, upang siya’y ipanganak na bulag?”

Ibinigay ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na kaalaman tungkol sa itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo nang pagalingin Niya ang lalaking bulag:

“Sa pamamagitan ng pagbibigay ng paningin sa isang bulag na pulubi, ipinahayag ni Jesus, sa isang matindi at hindi mapapabulaanang paraan, ang kanyang sarili bilang: (1) Ang Liwanag ng Sanglibutan; at (2) Ang tunay na Anak ng Diyos. Sa paggawa ng mga himala, kanya ring: Pinagtibay ang paniniwala ng kanyang mga disipulo sa buhay bago pa ang buhay sa mundo; pinabulaan ang paniniwalang ang ilang pisikal na kapansanan ay dahil sa kasalanang nagawa bago ang buhay na ito; itinuro na ang kanyang gawain ay itinalaga sa kanya ng Ama; pinagtibay na siya ang hahatol sa mundo; at itinuro na ang hindi pagtanggap sa liwanag at katotohanan ay magdudulot ng kaparusahan” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo, [1965–73], 1:479).

Juan 9:8-38. Kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, nagiging mas malinaw ang ating espirituwal na paningin at pang-unawa

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Maging mapaniwala at patuloy na lalakas ang inyong pananampalataya, madaragdagan ang inyong kaalaman sa katotohanan, at ang inyong patotoo sa Manunubos, sa Pagkabuhay na Mag-uli, sa Pagpapanumbalik ay magiging ‘isang balon ng tubig na buhay, na bumubukal tungo sa buhay na walang hanggan’ [D at T 63:23; tingnan din sa Juan 4:14; Jer. 2:13]. Pagkatapos, makatatanggap ka ng paggabay sa iyong mga pagpapasiya sa araw-araw ng iyong buhay” (“Personal Revelation: The Gift, the Test, and the Promise,” Ensign, Nob. 1994, 61).

Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Manampalataya sa Tagapagligtas. Magsikap na makinig sa Kanyang payo at sumunod sa Kanyang mga kautusan. Pagpapalain at gagabayan Niya kayo habang kayo ay namumuhay sa kung minsa’y masalimuot na mundong ito.

“Mataimtim akong nagpapatotoo na si Jesucristo ang gumagabay dito, sa Kanyang simbahan. Kilala at mahal Niya kayo. Kapag sumusunod kayo nang may pananampalataya, pagpapalain Niya kayo, bibigyang-inspirasyon kayo, at gagabayan kayo patungo sa mas dakilang kaalaman at kakayahan. Pinapatunayan ko na Siya ay buhay” (“Acquiring Spiritual Knowledge,” Ensign, Nob. 1993, 88).