Library
Pambungad sa Ebanghelyo Ayon kay Marcos


Pambungad sa Ebanghelyo Ayon kay Marcos

Bakit pag-aaralan ang aklat na ito?

Ang aklat ni Marcos ay nagsasalaysay ng ministeryo, kamatayan, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa isang mabilis na daloy na madalas na nakatuon sa mga makapangyarihang ginawa ng Tagapagligtas. Nangunguna sa mga ito ang Pagbabayad-sala, na binigyang-diin ni Marcos bilang pinakamahalagang bahagi ng misyon ni Jesus bilang Mesiyas na ipinangakong darating noon pa man. Sa pag-aaral ng tala at patotoo ni Marcos tungkol sa kung paano isinakatuparan ng Tagapagligtas ang Kanyang nagbabayad-salang misyon, ang mga estudyante ay maaaring mas lubos na magbalik-loob sa ebanghelyo at magkaroon ng tapang na sundin ang Tagapagligtas.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Si Marcos (na tinatawag ding Juan Marcos) ang may-akda ng aklat na ito. Bagama’t si Marcos ay hindi isa sa orihinal na mga disipulo ni Jesucristo, siya ay nagbalik-loob kalaunan at naging katuwang ni Apostol Pedro, at maaaring isinulat niya ang kanyang Ebanghelyo batay sa natutuhan niya kay Pedro (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Marcos”).

Si Marcos at ang kanyang inang si Maria ay nakatira sa Jerusalem; ang kanilang tahanan ay isang lugar ng pagtitipon para sa ilan sa pinakaunang mga Kristiyano (tingnan sa Mga Gawa 12:12). Si Marcos ay lumisan sa Jerusalem upang tulungan si Bernabe at Saulo (Pablo) sa kanilang unang paglalakbay bilang misyonero (tingnan sa Mga Gawa 12:25; 13:4–6, 42–48). Kalaunan ay isinulat ni Pablo na kasama niya si Marcos sa Roma (tingnan sa Mga Taga Colosas 4:10; Kay Filemon 1:24) at pinuri si Marcos na kasamang “napapakinabangan [niya] sa ministerio” (II Kay Timoteo 4:11). Tinukoy siya ni Pedro bilang “Marcos na aking anak” (I Ni Pedro 5:13), na nagpapahiwatig na malapit sila sa isa’t isa.

Kailan at saan ito isinulat?

Hindi natin alam ang eksaktong lugar kung saan isinulat ang Ebanghelyo Ayon kay Marcos. Maaaring isinulat ni Marcos ang kanyang Ebanghelyo sa Roma sa pagitan ng A.D. 64 at A.D. 70, marahil pagkatapos patayin si Apostol Pedro noong mga A.D. 64.

Para kanino ito isinulat at bakit?

Ang Ebanghelyo Ayon kay Marcos ay naglalaman ng mga detalye—tulad ng mga isinaling pahayag sa wikang Aramaic, wikang Latin, at mga paliwanag sa mga kaugalian ng mga Judio—na tila nilayon para sa mga Romano at mga tao mula sa ibang mga bansa ng mga gentil, at gayundin sa mga naging Kristiyano, na malamang ay nasa Roma at sa buong Imperyo ng Roma. Maraming naniniwala na maaaring kasama ni Marcos si Pedro sa Roma noong panahon na nakadaranas ng matitinding pagsubok sa pananampalataya ang maraming miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang lugar sa Imperyo ng Roma.

Ang ikatlong bahagi ng Ebanghelyo Ayon kay Marcos ay naglalahad ng tungkol sa mga turo at naranasan ng Tagapagligtas sa huling linggo ng Kanyang buhay. Nagpatotoo si Marcos na ang pagdurusa ng Anak ng Diyos ay pagtatagumpay sa huli sa kasamaan, kasalanan, at kamatayan. Ang patotoong ito ay nangangahulugan na hindi dapat matakot ang mga tagasunod ng Tagapagligtas; kapag nakaranas sila ng pag-uusig, pagsubok, o maging ng kamatayan, sa pagsunod sa kanilang Panginoon. Makakapagtiis sila nang may tiwala, batid na tutulungan sila ng Panginoon at lahat ng Kanyang pangako ay matutupad.

Ano ang ilan sa kakaibang mga katangian ng aklat na ito?

Ang Ebanghelyo Ayon kay Marcos ay nagsisimula nang tuwiran at kapansin-pansin at mabilis ang takbo ng pagsasalaysay ng mga pangyayari sa pagkakasunod-sunod nito. Si Marcos ay madalas gumamit ng mga salitang karakaraka at pagdaka’y na nagpapakita ng epekto ng bilis ng pagsasalaysay at pangyayari.

Bagama’t mahigit 90 porsiyento ng nakasulat sa Marcos ay matatagpuan din sa Mateo at Lucas, ang tala ni Marcos ay madalas kapalooban ng mga karagdagang detalye na tumutulong sa atin na mas lubos na mapahalagahan ang pagkahabag ng Tagapagligtas at ang tugon ng mga taong nakapaligid sa Kanya (ikumpara ang Marcos 9:14–27 sa Mateo 17:14–18). Halimbawa, isinalaysay ni Marcos ang laganap at masiglang pagtanggap sa Tagapagligtas ng mga tao sa Galilea at saanmang dako sa unang mga araw ng Kanyang ministeryo (tingnan sa Marcos 1:32–33, 45; 2:2; 3:7–9; 4:1). Maingat ding isinalaysay ni Marcos ang negatibong tugon at reaksyon ng mga eskriba at mga Fariseo, na ang pagsalungat ay lalo pang tumindi mula sa pagkakaroon ng mapagdudang puso (tingnan sa Marcos 2:6–7) hanggang sa pagplanuhang patayin si Jesus (tingnan sa Marcos 3:6).

Kabilang sa mahahalagang tema sa Marcos ay mga tanong kung sino si Jesus at sino ang nakauunawa ng Kanyang pagkatao, gayon din ang responsibilidad ng mga disipulo na “pasanin ang kaniyang krus, at sumunod [kay Jesus]” (Marcos 8:34). Bukod dito, ang Marcos ang tanging Ebanghelyo na nagsalaysay ng talinghaga ng binhi na sumibol at lumaki sa sarili nito mismo (tingnan sa Marcos 4:26–27), ang pagpapagaling ng isang taong bingi sa rehiyon ng Decapolis (tingnan sa Marcos 7:31–37), at ang unti-unting pagpapagaling sa lalaking bulag sa Betsaida (tingnan sa Marcos 8:22–26).

Outline

Marcos 1–4 Si Jesus ay bininyagan ni Juan Bautista at nagsimulang mangaral, tumawag ng mga disipulo, at gumawa ng mga himala. Sa pagdami ng mga sumasalungat sa Kanya, nagturo Siya sa pamamagitan ng mga talinghaga.

Marcos 5–7 Patuloy na gumawa ng mga himala ang Tagapagligtas, ipinadarama ang pagkahabag Niya sa iba. Pagkamatay ni Juan Bautista, pinakain ni Jesus ang mahigit limang libong tao at naglakad sa ibabaw ng tubig. Si Jesus ay nagturo laban sa mga maling tradisyon.

Mark 8–10 Si Jesucristo ay patuloy na gumawa ng mga himala. Si Pedro ay nagpatotoo na si Jesus ang Cristo. Nagpropesiya nang tatlong beses ang Tagapagligtas tungkol sa Kanyang pagdurusa, kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, ngunit hindi pa lubos na nauunawaan ng Kanyang mga disipulo ang ibig Niyang sabihin. Siya ay nagturo sa kanila tungkol sa pagpapakumbaba at paglilingkod na hinihingi Niya sa Kanyang mga disipulo.

Marcos 11–16 Sa huling linggo ng Kanyang buhay, ang Tagapagligtas ay pumasok sa Jerusalem, nagturo sa Kanyang mga disipulo, nagdusa sa Getsemani, at ipinako sa krus. Si Jesucristo ay nabuhay na muli.