Library
Lesson 73: Juan 13


Lesson 73

Juan 13

Pambungad

Pagkatapos kumain ng hapunan ng Paskua, hinugasan ni Jesus ang mga paa ng Kanyang mga Apostol at tinukoy si Judas na siyang magkakanulo sa Kanya. Sa kabila ng kaguluhan sa huling linggo ng Kanyang ministeryo sa mundo, itinuon ni Jesucristo ang kanyang mga turo sa pagsunod, paglilingkod, at pagmamahal—mga katangiang naglarawan sa Kanyang buhay at dapat maglarawan sa mga buhay ng Kanyang mga disipulo sa lahat ng panahon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 13:1–17

Hinugasan ni Jesus ang mga paa ng Kanyang mga Apostol

Bago magklase, kopyahin ang sumusunod na diagram sa pisara:

happiness continuum

Basahin nang malakas ang sumusunod na mga tanong, at sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila ito sasagutin (ipaliwanag na hindi nila kailangang sumagot nang malakas):

  • Saan mo ilalagay ang iyong sarili sa continuum na ito?

  • Nais mo bang maging mas masaya kaysa sa kasalukuyan?

  • Makakaisip ka ba ng isang taong gusto mong matulungang maging mas masaya?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang alituntunin sa pag-aaral nila ng Juan 13 na makatutulong sa kanila na malaman kung ano ang magagawa nila upang maging mas masaya.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Juan 13, ipaalala sa kanila na ipinagdiwang ni Jesus ang kapistahan ng Paskua kasama ang Kanyang mga Apostol. Ibuod ang Juan 13:1–3 na ipinapaliwanag na habang kasalo ni Jesus sa huling hapunang ito ang Kanyang mga Apostol bago ang Pagpako sa Kanya sa Krus, alam Niya na malapit na Siyang mamatay at makabalik sa Kanyang Ama sa Langit.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 13:4–5, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Jesus pagkatapos nilang kumain ng Kanyang mga Apostol sa araw ng Paskua. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng katagang “itinabi ang kaniyang mga damit” sa talata 4 ay hinubad ni Jesus ang isang panlabas na kasuotan, tulad ng isang taong hinuhubad ang kanyang jacket sa panahon natin.

  • Anong paglilingkod ang ginawa ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo?

Ipaliwanag na “noong panahon ng Bagong Tipan, nakasuot ang mga tao ng mga sandalyas na bukas, naglalakad sa kadalasang mapuputik na kalsada na puno ng dumi ng mga hayop, at walang makuhang maayos na pagkukuhanan ng tubig na panghugas. Nagiging napakarumi ng kanilang mga paa, at hindi mo gugustuhing maghugas ng mga paa ng isang tao. … Madalas gampanan ng mga pinakamababang uri ng mga tagapaglingkod ang nakaugaliang ito” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 242). Sa huling hapunan na ito,“Tahimik na tumayo si Cristo, ginayak ang kanyang sarili bilang alipin o tagapagsilbi, at lumuhod upang hugasan ang mga paa ng mga Apostol” (Jeffrey R. Holland, “He Loved Them unto the End,” Ensign, Nob. 1989, 25).

Hinuhugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad

Ipakita ang larawang Hinuhugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 55; tingnan din sa LDS.org).

  • Kung naroroon kayo nang hugasan ni Jesus ang mga paa ng Kanyang mga Apostol, ano ang magiging reaksyon ninyo kapag sinimulan ni Jesus na hugasan ang inyong mga paa?

  • Ano ang inihahayag sa pagkatao ni Jesus ng ginawa Niyang paghuhugas ng mga paa ng Kanyang mga Apostol?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 13:8 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sabihin sa klase na tahimik na sumunod sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pedro nang sinimulang hugasan ng Tagapagligtas ang mga paa niya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 13:9–10 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang tugon ni Pedro sa sinabi sa kanya ng Panginoon.

  • Ano ang matututuhan natin tungkol kay Pedro mula sa kanyang tugon, na nakatala sa talata 9, sa sinabi sa kanya ng Panginoon? (Iginagalang ni Pedro ang Panginoon at nais niyang sundin Siya nang lubusan.)

Ipaliwanag na sa paghuhugas sa mga paa ng Kanyang mga Apostol, hindi lamang ginawa ng Tagapagligtas ang isang magandang paglilingkod, ngunit tinupad din Niya ang batas ni Moises at pinasimulan ang isang sagradong ordenansa (tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:708–9). Ang ordenansang ito ay ipinanumbalik sa ating dispensasyon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith (tingnan sa D at T 88:74–75, 137–41).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 13:11, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit sinabi ni Jesus na ang mga Apostol ay “hindi lahat malilinis.”

  • Sino ang tinutukoy ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang ang mga Apostol ay “hindi lahat malilinis”? (Si Judas Iscariote, na ipagkakanulo Siya.)

Sabihin sa ilang mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 13:12–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol pagkatapos Niyang hugasan ang kanilang mga paa.

  • Ayon sa mga talata 13–16, anong halimbawa ang ipinakita ng Tagapagligtas at sinabing sundin ng Kanyang mga Apostol? (Kahit na ang Tagapagligtas ang “Guro at Panginoon” [talata 13] at ang pinakadakila sa lahat, naglingkod Siya sa iba.)

  • Ayon sa pangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol na nakatala sa talata 17, anong pagpapala ang matatanggap natin kapag sumusunod tayo sa Kanyang halimbawa ng paglilingkod sa iba? (Gamit ang sarili nilang mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag sinusunod natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglilingkod sa iba, mas magiging masaya tayo.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mas sasaya tayo kapag naglilingkod tayo sa iba tulad ng ginawa ng Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pangyayari na mas naging masaya sila dahil sinunod nila ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglilingkod sa iba. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga karanasan. Maaari kang magbahagi ng isa sa sarili mong mga karanasan.

Upang matulungan ang mga estudyante na malaman ang isang paraan na maipamumuhay nila ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder M. Russell Ballard

“Sa pagdarasal ninyo tuwing umaga, hilingin sa Ama sa Langit na gabayan kayo na magkaroon ng pagkakataong mapaglingkuran ang isa sa Kanyang mahal na mga anak. At saka humayo sa buong maghapon na ang puso ay puno ng pananampalataya at pagmamahal, naghahanap ng matutulungan. Kung gagawin ninyo ito, lalakas ang inyong espirituwal na pakiramdam at makakakita kayo ng mga pagkakataong maglingkod na hindi ninyo aakalaing posible. (“Maging Sabik sa Paggawa,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 31).

  • Ayon kay Elder Ballard, paano tayo makahahanap ng mga pagkakataong maglingkod sa iba?

Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglilingkod sa iba. Maaari mong hilingin sa mga estudyante na maghandang ibahagi ang paglilingkod na nagawa nila sa iba sa susunod na pagkikita ng klase.

Juan 13:18–30

Tinukoy ni Jesus ang magkakanulo sa Kanya

Ibuod ang Juan 13:18–30 na ipinapaliwanag na pagkatapos ituro ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na magiging masaya sila kapag naglingkod sila sa iba, sinabi Niya na isa sa kanila ang magkakanulo sa Kanya. Nang magtanong si Juan kay Jesus kung sino ang magkakanulo sa Kanya, tinukoy ni Jesus na isa sa Kanyang mga Apostol (si Judas) ang magkakanulo sa Kanya.

Juan 13:31–38

Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na mahalin ang isa’t isa

Itanong sa mga estudyante kung may nagparatang sa kanila na hindi sila mga Kristiyano, o tunay na mga disipulo ni Jesucristo, dahil mga miyembro sila ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kung may estudyanteng nagtaas ng kanilang mga kamay, tanungin kung paano sila tumugon sa paratang na hindi sila Kristiyano. Kapag walang nakaranas nito, itanong:

  • Paano kayo tutugon kung may nagsabing hindi kayo Kristiyano?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 13:34–35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas na makatutulong sa iba na malaman na ang mga Apostol ay mga disipulo ni Jesucristo.

  • Ayon sa talata 34, anong kautusan ang ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga Apostol?

  • Ayon sa talata 35, ano ang malalaman ng iba kung mamahalin ng mga Apostol ang isa’t isa tulad ng pagmamahal ni Jesus sa kanila?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga turo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol? (Gamit ang kanilang sariling mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag minamahal natin ang isa’t isa tulad na pagmamahal ni Jesucristo sa atin, malalaman ng iba na tayo ay mga disipulo Niya.)

  • Ayon sa napag-aralan ninyo ngayong taon tungkol kay Jesucristo, sa anong mga paraan Niya ipinapakita na minamahal Niya ang mga tao?

Upang matulungan ang mga estudyante na maramdaman ang katotohanan at kahalagahan ng alituntuning katutukoy lamang nila, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento, na isinalaysay ni Elder Paul E. Koelliker ng Pitumpu:

Elder Paul E. Koelliker

“Dalawang batang misyonero ang kumatok sa isang pinto, na umaasang makahanap ng isang taong tatanggap sa kanilang mensahe. Bumukas ang pinto, at isang malaking lalaki ang bumati sa kanila nang padabog: ‘Di ba sabi ko huwag na kayong kakatok ulit sa pinto ko. Binalaan ko na kayo na kung bumalik pa kayo, may mangyayaring hindi ninyo magugustuhan. Kaya lubayan na ninyo ako.’ Mabilis nitong isinara ang pinto.

“Habang papalayo ang mga elder, inakbayan ng nakatatanda at mas bihasang misyonero ang nakababatang misyonero para aluin at palakasin ang loob nito. Hindi nila alam na nakamasid sa kanila ang lalaki sa bintana upang matiyak na naunawaan nila ang sinabi niya. Lubos niyang inasahan na makikita niya silang magtatawanan at magbibiruan tungkol sa walang-galang niyang tugon sa tangka nilang pagdalaw. Gayunman, nang makita niya ang kabaitan ng dalawang misyonero sa isa’t isa, biglang lumambot ang puso niya. Muli niyang binuksan ang pinto at pinabalik ang mga misyonero at ipinabahagi ang kanilang mensahe sa kanya.

“… Ang alituntuning ito ng pagmamahal sa isa’t isa at pagkakaroon ng kakayahang magtuon kay Cristo sa ating pag-iisip, pagsasalita, at pagkilos ay mahalaga sa pagiging mga disipulo ni Cristo” (“Talagang Mahal Niya Tayo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 17–18).

  • Paano sinunod ng mga missionary sa kuwentong ito ang payo ng Panginoon na mahalin ang isa’t isa?

Sabihin sa mga estudyante na kantahin ang “Mahalin ang Bawat Isa” (Mga Himno, blg. 196), at sabihin sa kanila na mag-isip ng isang taong kilala nila na madaling makilala bilang isang disipulo ni Jesucristo dahil sa pagmamahal na ipinapakita niya sa iba. Pagkatapos kantahin ang himno, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang pangalan ng mga taong naisip nila at ipaliwanag kung paano naipakita ng mga taong iyon ang kanilang pagmamahal sa iba. Maaari mo ring sabihin sa klase ang taong naisip mo.

Hikayatin ang mga estudyante na isulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal ang gagawin nila upang mas mahalin ang iba tulad ng pagmamahal sa kanila ng Tagapagligtas.

Ibuod ang Juan 13:36–38 na ipinapaliwanag na matapos ipahayag ni Pedro na iaalay niya ang kanyang buhay para kay Jesucristo, sinabi ni Jesus kay Pedro na ikakaila niya si Jesus nang tatlong beses bago tumilaok ang manok.

scripture mastery icon
Scripture Mastery Review

Gabayan ang mga estudyante sa isang scripture chase sa pamamagitan ng paggamit ng mga clue na tutulong sa kanila na mabilis na mahanap ang mga talata sa kanilang mga banal na kasulatan. Para sa mga clue, maaari kang gumamit ng mga key word o mahahalagang salita, mga context statement o konteksto, mga doktrina at mga alituntunin, at mga ideya sa pagsasabuhay mula sa mga scripture mastery card. Maaari ka ring gumawa ng sarili mong mga clue. Ang scripture chase ay ang pag-uunahan ng mga estudyante na mahanap ang mga talata sa mga banal na kasulatan na makatutulong sa kanilang makibahagi nang aktibo sa pag-aaral ng scripture mastery passages. Kapag ginagawa ang aktibidad na scripture chase, gawin ito sa paraang walang magdaramdam o magpapalayo sa Espiritu. Tulungan ang mga estudyante na igalang at ingatan ang kanilang mga banal na kasulatan o huwag masyadong makipagkumpetensya o makipagmataasan. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na magpaligsahan para humusay at hindi upang kalabanin ang isa’t isa. Halimbawa, maaaring makipag-unahan sa kanilang teacher ang mga estudyante, o magpabilisan upang makita kung ilang porsiyento ng klase ang makakahanap ng isang talata sa itinakdang oras.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 13:1–17. Ang paghuhugas ng Tagapagligtas sa mga paa ng Kanyang mga disipulo

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang paghuhugas ng Tagapagligtas sa mga paa ng Kanyang Apostol ay nagpakita ng Kanyang walang-maliw na pagmamahal sa Kanyang mga disipulo:

“Sa kalagitnaan [ng Huling Hapunan], tahimik na tumayo si Cristo, iginayak ang kanyang sarili bilang alipin o tagapagsilbi, at lumuhod upang hugasan ang mga paa ng mga Apostol. (Tingnan sa Juan 13:3–17.) Malapit nang dumaan sa kanilang pinakamatinding pagsubok ang maliit na grupong ito ng mga nagsisisampalataya sa kakatatag lamang na simbahan, kaya isinantabi niya ang kanyang sariling pagdadalamhati upang mas makapaglingkod at mapalakas sila muli. Hindi mahalaga na walang naghugas ng kanyang mga paa. Sa walang katapusang pagpapakumbaba, ipinagpatuloy niya ang pagtuturo at paglilinis sa kanila. Hanggang sa huling sandali—at higit pa rito—Siya ang magpapalakas sa kanila” (“He Loved Them unto the End,” Ensign, Nob. 1989, 25).

Juan 13:4–12. Isang ordenansa ng ebanghelyo ang paghuhugas ng paa

Nagbigay ng karagdagang kaalaman ang Pagsasalin ni Joseph Smith tungkol sa paghuhugas ng mga paa ng mga disipulo: ‘Ngayon ito ang kaugalian ng mga Judio sa ilalim ng kanilang batas; samakatwid, ginawa ito ni Jesus upang matupad ang batas’ (Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 13:10 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]).

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Hindi malinaw ang lubos na kahalagahan nito sa karaniwang mambabasa, o hindi rin dapat, dahil ang paghuhugas ng mga paa ay isang banal na ordenansa na nakalaang gawin sa mga banal na lugar para sa mga yaong ginagawang karapat-dapat ang sarili. Gayunpaman, malinaw na ang mga Judio rin ay may banal na mga ordenansa na ginawa sa kanilang templo, na ang kaalaman tungkol dito ay hindi napanatili, ni maaaring mapanatili, sa anumang literatura na ipinasa-pasa sa atin” (The Mortal Messiah, 4 na tomo [1979–81], 4:38–39)

Isang paalala: Hindi mo kailangang ipaliwanag o idetalye nang husto ang pahayag ni Elder McConkie tungkol sa banal na ordenansa ng paghuhugas ng mga paa na ginagawa sa mga templo “para sa mga yaong ginagawang karapat-dapat ang sarili.” Tandaan ang paalalang ito ni Pangulong Spencer W. Kimball:

“Paminsan-minsan ay may nagtatanong o nagtatangkang magturo tungkol sa mga ordenansang hindi niya lubos na nauunawaan at hindi sakop ng kanyang responsibilidad. Hindi makatutulong ang isang guro sa kanyang mga estudyante kapag tinalakay niya ang mga bagay na iyon na hindi bahagi ng kanilang buhay o ng kanilang karanasan—mga pagpapalang nakatala sa mga banal na kasulatan, mga ilang pagkakataong limitado at maibibigay lamang ng mga yaong may espesyal na awtoridad at sa mga espesyal na kalagayan. … Isang matalinong pasiya para sa ating mga guro na huwag talakayin ang mga paksang ito at huwag mag-alala tungkol sa mga ito o pag-alalahanin ang mga estudyante tungkol sa mga ito” (“The Ordinances of the Gospel” [mensahe para sa seminary and institute of religion faculty, Hunyo 18, 1962], 2–3).

Juan 13:17. “Kayo ay mapapalad kung inyong mga gawin [ang mga ito]”

Ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson na nagmumula ang kaligayahan sa paglilingkod sa iba:

“Upang mahanap ang tunay na kaligayahan, kailangan natin itong hanapin nang nakatuon ang ating pansin sa ibang bagay at hindi sa ating sarili. Hindi malalaman ng sinuman ang kahulugan ng buhay hangga’t hindi siya nagpapakumbaba sa paglilingkod sa kanyang kapwa. Ang paglilingkod sa iba ay tulad ng tungkulin—ang pagsasagawa nito ay nagdudulot ng tunay na kagalakan” (“Guideposts for Life’s Journey” [Brigham Young University devotional, Nov. 13, 2007], 4, speeches.byu.edu).

Juan 13:23. “May isa sa kaniyang mga alagad, na … nakahilig sa sinapupunan ni Jesus”

“Noong panahon ng Bagong Tipan, karaniwang nakasandal sa mga mababang upuan na nakapalibot sa mga mesa ang mga kumakain sa mga pormal na handaan, nakahilig ang kanilang kaliwang braso habang nakaharap sa mesa ang kanilang mga mukha at ang kanilang mga paa ay nakalabas at malayo sa mesa. Sa gayon, ang bisitang nakaupo sa gawing kanan ng punong-abala ay mapapahilig o mapapasandal sa kanya. Dito marahil nakaupo si Apostol Juan, ‘na nakahilig sa sinapupunan ni Jesus,’ o nakasandal kay Jesus, habang kumakain (ihambing sa Lucas 16:22). Maaaring dahil sa posisyon sa pagkakaupong ito kaya si Juan, ang disipulo na ‘minamahal ni Jesus,’ ay nagkaroon ng mga pribadong pakikipag-usap sa Tagapagligtas na maaaring hindi narinig ng iba sa kainan, tulad ng tungkol sa pagkakanulo ni Judas (tingnan sa Juan 13:23–28)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 242).

Juan 13:34–35. “Mangagibigan sa isa’t isa”

Nagsalita si Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kahalagahan ng pagmamahal at pagiging disipulo:

“Ang pagmamahal ay simula, gitna, at katapusan ng daan sa pagiging disipulo. … Sa huli, inaakay tayo ng pagmamahal sa kaluwalhatian at kadakilaan ng buhay na walang hanggan. …

“Noong bigyan ni Jesus ng bagong utos ang mga disipulo na ‘kayo’y mangaibigan sa isa’t isa … kung paanong inibig ko kayo’ [Juan 13:34], ibinigay Niya sa kanila ang dakilang susi ng kaligayahan sa buhay na ito at kaluwalhatian sa kabilang buhay.

“Pagmamahal ang pinakadakila sa lahat ng mga kautusan—lahat ng kautusan ay nakabatay dito. Ito ang pinagtutuunan natin bilang mga tagasunod ng buhay na Cristo” (“Ang Dakilang Utos,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 28, 30–31).

Pagkatapos banggitin ang Juan 13:34–35, itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang pag-ibig na inilarawan ng Tagapagligtas ay pagmamahal na ipinapakita. Hindi ito nakikita sa malalaki at magigiting na gawa kundi sa mga simpleng pagpapakita ng kabaitan at paglilingkod” (“Pagkakaroon ng Kagalakan sa Mapagmahal na Paglilingkod,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 47).

Ipinahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

“Pag-ibig ang katangiang naglalarawan sa isang disipulo ni Cristo” (“Ang Pag-ibig sa Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 22).