Library
Lesson 108: I Mga Taga Corinto 11


Lesson 108

I Mga Taga Corinto 11

Pambungad

Tinalakay ni Pablo ang mga pagtatalo ng mga Banal sa Corinto tungkol sa mga kaugaliang panrelihiyon. Binigyang-diin niya na ang mga kalalakihan at kababaihan ay may walang hanggan at banal na mga tungkulin at mahalaga sa bawat isa sa plano ng Panginoon. Nagturo rin siya sa mga miyembro ng Simbahan tungkol sa wastong paghahanda para makibahagi sa sakramento.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

I Mga Taga Corinto 11:1–16

Tinatalakay ni Pablo ang mga pagtatalo tungkol sa mga kaugalian ng kanyang panahon

magkasintahan na ikakasal, Laie Hawaii Temple

Magdispley ng larawan ng isang mag-asawa (tulad ng Magkasintahang Ikakasal na Papunta sa Templo, Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 120; tingnan din sa LDS.org). Basahin nang malakas ang mga sumusunod na pahayag na ipinapakita ang nadarama ng ilang tao tungkol sa kasal:

  1. “Ang pagiging matagumpay sa propesyon ko ang pinakamahalaga sa akin. Ayaw kong mahati ang atensyon ko sa mga mithiin ko sa aking trabaho at sa pag-aasawa.”

  2. “Ayaw kong pumasok sa isang relasyong panghabambuhay. Natatakot akong magdesisyon na pagsisisihan ko kalaunan.”

  3. “Matatali na ako kapag nagpakasal ako. Hindi ko magagawa ang anumang gusto ko.”

  4. “Alam ko na ang kasal ang pinakamahalagang desisyon na gagawin ko, at inaasam ko ito.”

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang nadarama nila tungkol sa kasal. Sabihin sa kanila na alamin ang isang katotohanan sa pag-aaral nila ng I Mga Taga Corinto 11:1–16 na makatutulong sa kanila at sa iba na maunawaan ang kahalagahan ng kasal.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 11:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga responsibilidad ng asawang lalaki. Maaari mong ipaliwanag na ang salita sa talata na ito na isinalin bilang “lalake” ay maaari ding isalin bilang “asawang lalaki” at ang salita na isinalin bilang “babae” ay maaari ding isalin bilang “asawang babae.”

  • Ano ang tungkulin ng asawang lalaki? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “ang pangulo ng babae ay ang lalake” ay na ang asawang lalaki ang may banal na tungkulin na mamuno sa tahanan. Ang ibig sabihin ng mamuno ay matwid na pamunuan at gabayan ang iba sa mga espirituwal at temporal na mga bagay.)

  • Sino ang namumuno at gumagabay sa asawang lalaki habang namumuno siya sa kanyang pamilya?

Ibuod ang I Mga Taga Corinto 11:4–16 na ipinapaliwanag na tinalakay ni Pablo ang mga tanong tungkol sa mga kaugalian para sa mga kalalakihan at kababaihan kapag nananalangin at nagpopropesiya sila sa kanilang pagsamba.

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na minsan ay mali ang pagkaunawa ng mga mambabasa ng Bagong Tipan sa mga turo ni Pablo at akala nila na ang ibig sabihin ng turo niya ay mas mahalaga o higit na nakalalamang ang mga lalaki sa mga babae. Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder M. Russell Ballard

“Ang kalalakihan at kababaihan ay magkapantay sa paningin ng Diyos at sa paningin ng Simbahan, ngunit ang magkapantay ay hindi nangangahulugang magkapareho. Ang mga responsibilidad at banal na mga kaloob ng kalalakihan at kababaihan ay magkaiba ng katangian ngunit magkatumbas ang kahalagahan o impluwensya. Sa doktrina ng ating Simbahan pantay ang kababaihan sa kalalakihan ngunit hindi sila katulad ng kalalakihan. Hindi itinuturing ng Diyos na mas mabuti o mas mahalaga ang isang kasarian kaysa sa isa” (“Kalalakihan at Kababaihan sa Gawain ng Panginoon,” Liahona, Abr. 2014, 48).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 11:11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa ugnayan ng mag-asawa.

  • Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa ugnayan ng mag-asawa?

Ituro ang mga katagang “sa Panginoon.” Ipaliwanag na tinutukoy ng mga katagang ito ang plano ng Panginoon na tulungan tayo na maging tulad Niya at magtamo ng buhay na walang hanggan.

  • Anong doktrina ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa lalaki at babae sa plano ng Panginoon? (Gamit ang mga sagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Sa plano ng Panginoon, hindi magtatamo ng buhay na walang hanggan ang mga lalaki at babae kung wala ang bawat isa. [Tingnan sa D at T 131:1–4.])

Upang matulungan ang estudyante na maunawaan ang katotohanan na natukoy sa itaas, itaas ang isang gunting at gupitin ang isang pirasong papel. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay pinaghiwalay ang dalawang bahagi ng gunting.

  • Magagawa ba ng isang tao na hatiin ang isang papel gamit lamang ang isang bahagi ng gunting? Paano katulad ng mga gunting ang mag-asawang nagtutulungan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

“Sa banal na plano, ang mga lalaki’t babae ay nilayong umunlad na magkasama tungo sa kaganapan at puspos na kaluwalhatian. Dahil sa magkaiba nilang mga pag-uugali at kakayahan, hatid ng mga lalaki’t babae sa pagsasama nila ang mga natatanging pananaw at karanasan. Magkaiba ngunit magkapantay ang ambag ng lalaki at babae tungo sa pagkakaisa na hindi makakamit sa ibang paraan. Ginagawang lubos at ganap ng lalaki ang babae at ginagawang lubos at ganap ng babae ang lalaki, habang natututo at lumalakas at pinagpapala nila ang isa’t isa” (“Mahalaga ang Kasal sa Kanyang Walang Hanggang Plano,” Liahona, Hunyo 2006, 51–52).

  • Paano nasusuportahan ng mga kalalakihan at kababaihan ang isa’t isa dahil sa pagkakaiba ng kanilang mga katangian at mga tungkulin sa pamilya?

Ipaalala sa mga estudyante ang iba’t ibang saloobin tungkol sa kasal na ipinakita sa mga pahayag na binasa mo sa simula ng lesson. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang saloobin at patotoo hinggil sa kahalagahan ng kasal sa plano ng Panginoon. Maaari ka ring magbahagi ng iyong patotoo.

I Mga Taga Corinto 11:17–34

Itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na huwag balewalain ang sakramento

Isulat sa pisara ang sumusunod na mga kataga: isang tunay na espirituwal na karanasan, isang pagpapanibago ng kaluluwa, ang pinakatampok na bahagi sa aking araw ng Sabbath.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang kanilang pinakahuling karanasan sa pakikibahagi ng sakramento at kung may mga kataga sa pisara na naglalarawan ng kanilang karanasan. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng I Mga Taga Corinto 11:17–34 na makatutulong sa kanila na gawing mas espirituwal at makabuluhang karanasan ang pakikibahagi o pagtanggap ng sakramento.

Ipaliwanag na sa panahon ni Pablo, may ginagawa ang mga miyembro ng Simbahan na nagpapaalala sa Huling Hapunan. Kakain sila nang sabay-sabay at pagkatapos ay makikibahagi ng sakramento. Ibuod ang I Mga Taga Corinto 11:17–22 na ipinapaliwanag na binanggit ni Pablo ang isang ulat na natanggap niya na kapag nagtitipon ang mga Banal sa Corinto upang makibahagi ng sakramento, may mga pag-aaway, o pagtatalo, sa kanila. Pinagsabihan ni Pablo ang mga Banal dahil ginawa nilang karaniwang hapunan lamang ang ordenansa ng sakramento sa halip na panatilihin ang kasagraduhan nito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 11:23–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan na dapat aalalahanin tungkol sa sakramento. Maari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang inihahayag sa talata 26 ay ibinabalita, o pinatototohanan.

Idispley ang larawang Ang Huling Hapunan (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 54; tingnan din sa LDS.org).

Ang Huling Hapunan
  • Ano ang sinabi ni Pablo na itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na aalalahanin habang nakikibahagi sila sa sakramento?

  • Paano kaya nakatulong sa mga yaong miyembro ng Simbahan na nahihirapan dahil sa pag-aaway-away ang pag-alaala sa katawan at dugo ng Tagapagligtas sa oras ng sakramento?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 11:27–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang babalang ibinigay ni Pablo sa mga Banal sa Corinto tungkol sa sakramento.

  • Ayon sa mga talata 27 at 29, tungkol saan ang babala ni Pablo sa mga Banal sa Corinto?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mangyayari kapag nakibahagi tayo ng sakramento nang hindi karapat-dapat? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Silang mga nakikibahagi ng sakramento nang hindi karapat-dapat ay nagbibigay ng kapahamakan at kaparusahan sa kanilang sarili.)

Ipaliwanag na “hindi [natin] … kailangang maging perpekto para makibahagi ng [sakramento], ngunit dapat … [tayong] magpakumbaba at magsisi sa … [ating mga] puso” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 210). Kapag nakibahagi tayo ng sakramento nang may malaking kasalanan o may pusong di-nagsisisi, na walang paghahangad na alalahanin at sundin ang Tagapagligtas, nakikibahagi tayo ng sakramento nang hindi karapat-dapat. Hikayatin ang mga estudyante na manalangin sa kanilang Ama sa Langit at kausapin ang kanilang bishop (tingnan sa 3 Nephi 18:26–29) kung may mga tanong sila tungkol sa kanilang pagiging karapat-dapat na makibahagi ng sakramento.

  • Sa palagay ninyo, bakit magbibigay ng kaparusahan sa inyong mga kaluluwa ang pakikibahagi ng sakramento nang hindi karapat-dapat?

  • Ayon sa I Mga Taga Corinto 11:28, anong payo ang ibinigay ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan? (Gamit ang mga sagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Dapat nating suriin ang ating mga buhay kapag nakikibahagi tayo ng sakramento.)

Ipaliwanag na ang layunin ng pagsusuri sa ating sarili ay hindi lamang upang isipin kung karapat-dapat tayo na makibahagi ng sakramento ngunit isipin din kung gaano tayo nagsusumikap na sundin ang ating mga tipan sa Panginoon at kung paano natin hahangaring magsisi at magpakabuti.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter:

Pangulong Howard W. Hunter

”Itinanong ko ito sa aking sarili: ‘Inuuna ko ba ang Diyos sa lahat ng iba pang bagay at sinusunod ang lahat ng Kanyang utos?’ Pagkatapos ay nagmuni-muni ako at nagpasiya. Ang makipagtipan sa Panginoon na laging sundin ang kanyang mga kautusan ay mabigat na obligasyon, at ang pagpapanibago ng tipang iyon sa pamamagitan ng pakikibahagi ng sakramento ay kasing bigat niyon. Ang mga taimtim na sandali ng pagninilay habang ipinapasa ang sakramento ay napakahalaga. Ito ang mga sandali ng pagsusuri sa sarili, pagsisiyasat sa sarili, pagkilala sa sarili—isang panahon ng pagninilay at pagpapasiya” (“Thoughts on the Sacrament,” Ensign, Mayo 1977, 25).

Upang matulungan ang mga estudyante na isipin kung paano nila maipapamuhay ang katotohanan na tinukoy nila sa I Mga Taga Corinto 11:28, sabihin sa kanila na mag-isip ng mga tanong na dapat nilang isaalang-alang habang naghahanda silang makibahagi ng sakramento. Halimbawa, maaari nilang itanong, “Paano ako magiging mas mabuting disipulo ni Jesucristo?” Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang iba pa na maitatanong nila sa kanilang sarili. Maaari mo ring imungkahi ang ilan sa sarili mong mga tanong. Sabihin sa mga estudyante na ilista sa kanilang notebook o scripture study journal ang mga tanong na maitatanong nila sa kanilang sarili sa oras ng sacrament habang sinusuri nila ang kanilang pagiging karapat-dapat.

Magpatotoo na habang sinusuri ng mga estudyante ang kanilang pagiging karapat-dapat bago makibahagi ng sakramento at habang nakikibahagi nito, matutulungan sila ng Panginoon na malaman kung paano pa nila mapagbubuti ang pagtupad sa kanilang mga tipan at maging karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala na nais Niyang ibigay sa kanila. Kabilang sa mga pagpapalang ito ang pagiging malinis mula sa kanilang mga kasalanan at pagtanggap ng mas malaking kapangyarihan ng Espiritu Santo sa kanilang buhay. Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiin tungkol sa paraan kung paano sila mas makapaghahanda sa susunod na pagkakataon na makikibahagi sila ng sakramento.

Ibuod ang I Mga Taga Corinto 11:33–34 na ipinapaliwanag na nagbigay si Pablo ng karagdagang tagubilin sa mga Banal sa Corinto hinggil sa kinakain nila na kaugnay sa pangangasiwa ng sacrament.

Tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa mga katotohanang natukoy sa I Mga Taga Corinto 11.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

I Mga Taga Corinto 11:11. “Ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon”

Ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na pantay ang mga lalaki at babae ngunit magkaiba ang kanilang mga tungkulin:

“Sa plano ng ating Ama sa Langit na nagkaloob ng priesthood sa kalalakihan, ang mga lalaki ay may kakaibang responsibilidad na pangasiwaan ang priesthood, ngunit hindi sila ang priesthood. Ang kalalakihan at kababaihan ay may mga tungkulin na magkaiba ngunit parehong mahalaga. Hindi man kayang magdalantao ng babae kung walang lalaki, hindi naman lubos na magagamit ng lalaki ang kapangyarihan ng priesthood para magbuo ng walang-hanggang pamilya kung walang babae. … Sa walang-hanggang pananaw, ang mag-asawa ay parehong may ginagampanan sa kapangyarihang lumikha ng buhay at sa kapangyarihan ng priesthood” (“Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 19).

Ang Pamilya

Lalo pang nilinaw ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang responsibilidad ng mga mag-asawa na ipinagkaloob ng Diyos:

“Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan para sa mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak. Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga sa kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign, Nob. 2010, 129).

Nagturo si Pangulong Howard W. Hunter ng isang mahalagang aral tungkol sa pinaghahatiang responsibilidad ng mga kalalakihan at kababaihan sa pamumuno sa pamilya:

“Ang lalaking mayhawak ng priesthood ay tinatanggap ang kanyang asawa bilang katuwang sa pamununo sa tahanan at pamilya nang may lubos na kaalaman at pakikibahagi sa lahat ng desisyong kaugnay nito. Kailangan ay may isang namumuno sa Simbahan at sa tahanan (tingnan sa D at T 107:21). Sa banal na pagtatalaga, ang responsibilidad na mamuno sa tahanan ay nakaatang sa mayhawak ng priesthood (tingnan sa Moises 4:22). Layon ng Panginoon na ang babae ay maging katuwang ng lalaki (ang ibig sabihin ng katuwang ay kapantay)—ibig sabihin, isang asawang may pantay na karapatan at mahalaga sa lubos na pagsasamahan. Ang matwid na pamumuno ay nangangailangan ng magkatuwang na responsibilidad [ng mag-asawa]; magkasama kayong kumikilos nang may kaalaman at pakikibahagi sa lahat ng bagay na nauukol sa pamilya. Kapag sinarili ng lalaki ang pamamahala sa pamilya o hindi niya inalintana ang damdamin at payo ng kanyang asawa, hindi siya makatwirang mamuno” (“Being a Righteous Husband and Father,” Ensign, Nob. 1994, 50–51.)

I Mga Taga Corinto 11:27–29. Ano ang ibig sabihin ng makibahagi ng sakramento nang hindi karapat-dapat?

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na “kapag hindi natin sinusunod ang mga kautusan, kapag nagkakasala tayo, kapag may nadarama tayong galit at poot at kirot at pait, dapat nating pakaisiping mabuti kung dapat ba tayong makibahagi ng sacrament” (The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball [1982], 225).

Ipinaliwanag ni Elder John H. Groberg ng Pitumpu na ang ating saloobin at pag-uugali ang pangunahing bahagi ng ating pagkamarapat na makibahagi ng sakramento:

“Kung hangad nating magpakabuti (na ibig sabihin ay magsisi) at walang restriksyong ibinigay sa atin ang ating priesthood leader, kung gayon, sa aking opinyon, tayo ay karapat-dapat. Gayunman, kung wala tayong hangaring magpakabuti, kung walang tayong balak na sumunod sa patnubay ng Espiritu, dapat nating itanong: Karapat-dapat ba tayong makibahagi, o kinukutya ba natin ang dakilang layunin ng sacrament, na mabisang nakatutulong para sa personal na pagsisisi at pagpapakabuti? Kung naaalala natin ang Tagapagligtas at ang lahat ng ginawa niya at gagawin para sa atin, pagbubutihin natin ang ating mga kilos at sa gayon ay mapapalapit sa kanya, na nagpapanatili sa atin sa daan tungo sa buhay na walang hanggan.

“Gayunman, kung ayaw nating magsisi at magpakabuti, kung hindi natin siya inaalala at hindi sinusunod ang kanyang mga utos, kung gayon tumigil na tayo sa pag-unlad, at iyan ang kaparusahan sa ating kaluluwa” (“The Beauty and Importance of the Sacrament,” Ensign, Mayo 1989, 38).

I Mga Taga Corinto 11:27–32. Hind dapat balewalain ang sakramento

Ang sakramento ay isang sagradong ordenansa na hindi dapat balewalain. Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang ordenansa ng sakramento ang nagpapabanal at nagpapahalaga nang lubos sa sakrament miting sa Simbahan” (“Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 17).

Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang sakramento “ang pinakatampok sa pagpapanatili nating banal ng araw ng Sabbath” (“Worshiping at Sacrament Meeting,” Ensign, Ago. 2004, 26).

Itinuro ni Elder Melvin J. Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang regular na pakikibahagi ng sakramento ay magbibigay sa atin ng espirituwal na kaligtasan:

“Ibig naming makita ang bawat Banal sa mga Huling Araw na dumadalo sa sakramento dahil ito ang lugar para suriin ang ating sarili, lugar kung saan matututuhan nating ibahin ang ating tinatahak na landas at ayusin ang ating mga buhay, iniaayon ang ating mga sarili sa mga turo ng Simbahan at sa ating mga kapatid. Isa itong lugar kung saan tayo ay nagiging hukom ng ating mga sarili. …

“… Ang tanging bagay na magliligtas sa bawat lalaki at babae ay ang pagdalo sa sakramento tuwing araw ng Sabbath. Hindi natin matatagalan ang isang linggo—hindi natin matatagalan na, sa pagsusuri natin ng ating sarili, hindi natin itatama ang mga mali na maaaring nagawa natin. … Ang daan tungo sa sakramento ay ang landas ng kaligtasan para sa mga Banal sa mga Huling Araw” (Bryant S. Hinckley, Sermons and Missionary Services of Melvin Joseph Ballard [1949], 150–51).