Library
Lesson 85: Mga Gawa 4–5


Lesson 85

Mga Gawa 4–5

Pambungad

Matapos ang pagpapagaling sa lalaking pilay sa templo (tingnan sa Mga Gawa 3), dinakip sina Pedro at Juan. Inutusan sila ng Sanedrin na itigil ang pagtuturo sa pangalan ni Jesus. Gayunman, nagpatuloy ang mga Apostol sa pangangaral at pagpapagaling sa pangalan ni Jesus. Sila ay muling dinakip at binugbog dahil sa pagtangging sumunod sa mga utos ng mga pinunong Judio. Ipinamuhay ng mga miyembro ng Simbahan ang batas ng paglalaan, ngunit dalawa sa kanila ang namatay dahil sa pagsisinungaling kay Pedro at sa Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 4:1–31

Inutusan ng mga miyembro ng Sanedrin sina Pedro at Juan na itigil ang pagtuturo sa pangalan ni Jesus

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang gagawin nila sa mga sumusunod na sitwasyon:

  1. Isang kaibigan ang nag-post sa social media ng isang bagay na hindi totoo tungkol sa Simbahan.

  2. Isang coach ang nag-iskedyul ng isang tournament na kailangang maglaro ng team ninyo sa araw ng Linggo.

  3. Tinanong ng mga kaibigan ninyo ang inyong opinyon tungkol sa isang usaping panlipunan na popular at sinusuportahan ng karamihan pero salungat sa mga turo ng Simbahan.

Pagkatapos ng sapat na oras, itanong:

  • Ano ang iba pang mga sitwasyon na maaaring kailanganin nating ibahagi o ipagtanggol ang ating relihiyon?

  • Ano ang maaaring mahirap sa pagbabahagi o sa pagtatanggol sa ating relihiyon?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 4–5 na gagabay sa kanila sa ganitong mga uri ng sitwasyon.

Ipabuod sa mga estudyante ang naaalala nila tungkol sa mga pangyayari at mga turong nakatala sa Mga Gawa 3. Kung kailangan, ipaalala sa kanila na matapos ang pagpapagaling sa lalaking pilay, nagturo sina Pedro at Juan sa isang grupo ng mga taong nakatipon sa paligid nila sa templo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 4:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari kina Pedro at Juan habang tinuturuan nila ang mga tao sa templo.

  • Ano ang nangyari kina Pedro at Juan?

Ibuod ang Mga Gawa 4:5–6 na ipinapaliwanag na sina Pedro at Juan ay dinakip at dinala sa harapan ng namamahalang konseho ng mga Judio na tinatawag na Sanedrin (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sanedrin”). Ipaalala sa mga estudyante na sangkot ang maraming miyembro ng Sanedrin sa pagdakip at Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 4:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinanong ng mga pinunong Judio kina Pedro at Juan.

  • Ano ang itinanong ng mga pinunong Judio kina Pedro at Juan?

  • Ano ang mangyayari kina Pedro at Juan kung sasabihin nilang mga tagasunod sila ni Jesucristo?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 4:8–21. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang ipinahayag ni Pedro sa konseho.

  • Ayon sa Mga Gawa 4:10–12, anong mga katotohanan ang itinuro ni Pedro sa konseho? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang katotohanan, ngunit tiyaking mabibigyang-diin na tanging sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Jesucristo tayo makatatanggap ng kaligtasan.)

  • Ayon sa talata 13, bakit nangagtaka ang konseho kina Pedro at Juan?

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan muli nang tahimik ang Mga Gawa 4:8, na inaalam kung anong impluwensya ang nakatulong kay Pedro para makapagsalita nang buong katapangan sa konseho.

  • Sa inyong palagay, paano nakaimpluwensya ang pagkapuspos ng Espiritu Santo sa kakayahan ni Pedro na ituro nang buong katapangan ang ebanghelyo?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Pedro na nakatala sa mga talata 8 at 13? (Maaaring gamitin ng mga estudyante ang kanilang sariling salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay napuspos ng Espiritu Santo, maibabahagi natin nang buong katapangan ang ebanghelyo.)

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang karagdagang paglalarawan sa alituntuning ito sa patuloy nilang pag-aaral ng Mga Gawa 4–5.

  • Ayon sa talata 18, ano ang inutos ng konseho kina Pedro at Juan?

  • Ayon sa mga talata 19–20, ano ang isinagot nina Pedro at Juan sa utos ng konseho?

Ibuod ang Mga Gawa 4:23–28 na ipinapaliwanag na matapos palayain sina Pedro at Juan, nagtipon sila kasama ang iba pang mga nagsisisampalataya at nanalangin kasama nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 4:29–30, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang hiniling sa Diyos ng mga nagsisisampalataya.

  • Ano ang hiniling sa Diyos ng mga nagsisisampalataya?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 4:31, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari pagkatapos nilang manalangin.

  • Ano ang nangyari matapos manalangin ang mga tao?

  • Batay sa mga talatang ito, ano ang maaari nating gawin upang maanyayahan ang Espiritu Santo na tulungan tayo na maipahayag ang mga salita ng Diyos nang buong katapangan?

Tukuyin ang ilan sa mga sitwasyon na nabanggit sa simula ng lesson.

  • Sa paanong paraan natin maibabahagi ang ebanghelyo nang buong katapangan sa mga sitwasyong tulad nito?

  • Paano natin maibabahagi at maipagtatanggol nang buong katapangan ang ebanghelyo sa iba at nananatili pa ring magalang at mahinahon?

  • Kailan kayo natulungan ng Espiritu Santo na maipahayag ang salita ng Diyos nang buong katapangan?

Mga Gawa 4:32–5:11

Ipinamuhay ng mga miyembro ng Simbahan ang batas ng paglalaan, ngunit sina Ananias at Safira ay nagsinungaling kay Pedro

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na sitwasyon:

  1. Isang grupo ng mga kabataan ang nagplanong magpabinyag para sa mga patay sa templo. Alam ng isang miyembro ng grupo na kailangan niyang kausapin ang bishop para sa recommend, ngunit alam din niya na nakagawa siya ng ilang kasalanan na hindi pa niya naipagtatapat.

  2. Isang binata ang naghahandang magmisyon. Alam niyang magtatanong ang bishop tungkol sa kanyang pagiging karapat-dapat na magmisyon. Nag-iisip siya ng mga paraan kung paano sasagutin ang mga tanong na iyon nang hindi sasabihin sa bishop ang ilan sa mga pagkakamaling nagawa niya.

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang alituntunin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 4:32–5:11 na makatutulong sa kanila na maunawaan ang kahalagahan ng pagiging tapat sa mga lingkod ng Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 4:32–35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng mga miyembro ng Simbahan sa kanilang mga pag-aari.

  • Ano ang ginawa ng mga miyembro ng Simbahan sa kanilang mga pag-aari?

  • Ayon sa mga talata 34–35, ano ang paraan nila sa pagbabahagi ng kanilang mga temporal na pag-aari?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 5:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ginawa ng mag-asawang sina Ananias at Safira sa perang pinagbentahan ng lupa.

  • Ano ang maling ginawa nina Ananias at Safira?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 5:3–4, at ipahanap sa klase ang sinabi ni Pedro kay Ananias.

  • Ayon sa talata 4, kanino tunay na nagsinungaling si Ananias?

  • Mula sa sinabi ni Pedro, anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa pagsisinungaling sa mga lingkod ng Panginoon? (Maaaring gamitin ng mga estudyante ang sarili nilang salita sa pagtukoy sa sumusunod na alituntunin: Kung nagsisinungaling tayo sa mga lingkod ng Diyos, nagsisinungaling din tayo sa Kanya.)

  • Sa inyong palagay, bakit ang pagsisinungaling sa mga lingkod ng Diyos ay pagsisinungaling din sa Kanya?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 5:5–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari kina Ananias at Safira bunga ng hindi nila pagtupad sa kanilang tipan at pagsisinungaling kay Pedro.

  • Ano ang nangyari kina Ananias at Safira?

  • Bagama’t maaaring hindi natin maranasan o ng mga kakilala natin ang gayong napakatindi o agarang bunga ng pagsisinungaling, ano ang ilang bunga na maaaring maranasan natin kung magsisinungaling tayo sa Panginoon o hindi tuparin ang ating mga tipan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Sabihin sa klase na pakinggan ang ilang ibubunga ng pagsisinungaling:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Sa ating panahon, ang mga natuklasang nagsisinungaling ay hindi namamatay na katulad nina Ananias at Safira, ngunit may namamatay sa kanilang kalooban. Nagiging manhid ang konsiyensya, humihina ang pagkatao, nawawala ang paggalang sa sarili, naglalaho ang integridad” (“We Believe in Being Honest,” Ensign, Okt. 1990, 4).

  • Ayon kay Pangulong Hinckley, ano ang ilan sa mga ibinubunga ng pagsisinungaling? Balikan ang mga sitwasyon mula sa simula ng bahaging ito ng lesson.

  • Ano ang kailangang malaman ng bawat indibiduwal sa mga sitwasyong ito tungkol sa mangyayari sa atin kung magsisinungaling tayo sa lider ng priesthood?

  • Anong mga pagpapala ang darating sa pagiging tapat sa mga lingkod ng Panginoon?

Mga Gawa 5:12–42

Ang mga Apostol ay ibinilanggo dahil sa pagpapagaling sa pangalan ni Jesucristo

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na nabuhay sila sa panahon nina Pedro at Juan at mga reporter sila ng isang pahayagan. Ipaliwanag na pag-aaralan nila ang mga bahagi ng Mga Gawa 5:12–32 at pagkatapos ay magsusulat ng news headline na ibinubuod ang nangyari. (Upang makapagbigay ng konteksto para sa mga talatang ito, ipaalala sa mga estudyante na inutos ng Sanedrin kina Pedro at Juan na tumigil sa pagsasalita sa pangalan ni Jesucristo.) Sundin ang mga instruksyong ibinigay sa bawat grupo ng mga talata.

  1. Mga Gawa 5:12–16 (Basahin ang talatang ito bilang buong klase, at magkakasamang magsulat ng headline para dito.)

  2. Mga Gawa 5:17–23 (Ipabasa sa mga estudyante ang mga talatang ito kasama ang kanilang kapartner at magpasulat ng headline. Anyayahan ang ilang magkapartner na ibahagi ang kanilang mga headline sa klase.)

  3. Mga Gawa 5:24–32 (Sabihin sa mga estudyante na magkani-kanyang basa sila at sumulat ng headline. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga headline sa klase.)

Matapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga headline, itanong:

  • Ayon sa talata 29, bakit sinabi nina Pedro at ng iba pang mga Apostol na dapat silang patuloy na mangaral sa pangalan ni Jesus kahit nag-utos ang konseho na itigil ito?

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung pipiliin nating sundin ang Diyos sa halip na ang tao, …

  • Mula sa nabasa ninyo sa Mga Gawa 4–5, paano natin makukumpleto ang pahayag na ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag na nasa pisara tulad ng sumusunod: Kung pipiliin nating sundin ang Diyos sa halip na ang tao, sasamahan Niya tayo.)

  • Sa paanong paraan sinamahan ng Diyos si Pedro at ang iba pang mga Apostol dahil sa pagsunod nila sa Kanya at hindi sa konseho? (Pinuspos sila ng Diyos ng Espiritu Santo [tingnan sa Mga Gawa 4:8, 31], binigyan sila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala [tingnan sa Mga Gawa 5:12–16], at nagsugo ng Kanyang anghel upang iligtas sila mula sa bilangguan [tingnan sa Mga Gawa 5:17–20].)

  • Kailan ninyo pinili o ng isang kakilala ninyo na sundin ang Diyos sa halip na ang tao? Paano ipinakita ng Diyos na sinamahan Niya kayo o ang taong ito?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 5:33–42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga karagdagang halimbawa kung paano sinamahan ng Panginoon si Pedro at ang iba pang mga Apostol.

Ipaliwanag na nalaman natin mula sa Mga Gawa 5:33 na hinangad ng konseho na ipapatay sina Pedro at Juan.

  • Ayon sa mga talata 41–42, paano nanatiling tapat sa Panginoon ang mga Apostol sa kabila ng mga pagbabantang ito? Paano sila sinamahan ng Panginoon sa panahong ito?

  • Paano makatutulong sa atin ang mga katotohanang natukoy natin sa lesson na ito habang ipinamumuhay natin ang ebanghelyo at ibinabahagi ito sa mga nakapaligid sa atin?

Magpatotoo tungkol sa mga katotohanang naituro sa araw na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Gawa 4:1-13. Pagbabahagi at pagtatanggol sa ebanghelyo nang buong katapangan

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano natin maibabahagi at maipagtatanggol nang angkop ang ebanghelyo sa ibang tao na hindi umaayon sa ating pinaniniwalaan:

“Kahit hangad nating magpakumbaba at umiwas na makipagtalo, hindi natin dapat ikompromiso o pag-alinlanganan ang ating katapatan sa mga katotohanang nauunawaan natin. Dapat patuloy nating panindigan ang ating mga pinaniniwalaan o mga pinahahalagahan. Dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa mga tipang ginawa natin tayo ay tiyak na makikipaglaban sa walang-hanggang labanan ng tama at mali. Kailangang may panigan sa labanang iyon. …

“… Sundin nating lahat ang mga turo ng ebanghelyo na mahalin ang ating kapwa at iwasan ang pagtatalo. Ang mga tagasunod ni Cristo ay dapat maging halimbawa ng paggalang. Dapat nating mahalin ang lahat ng tao, pakinggan silang mabuti, at isaalang-alang ang tapat nilang pinaniniwalaan. Hindi man tayo sumasang-ayon, hindi rin tayo dapat nakikipagtalo. Ang pananaw at pagsasalita natin ukol sa mga kontrobersyal na paksa ay hindi dapat maging dahilan ng pagtatalo. Dapat nating ipaliwanag at panindigan ang ating pinaniniwalaan nang may katalinuhan at impluwensyahan sa kabutihan ang mga tao” (“Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 26, 27).

Mga Gawa 4:10. “Sa pangalan ni Jesucristo”

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa kahalagahan ng pangalan ni Jesucristo:

“Ang pangunahin at nagpapatibay sa lahat ng ginagawa natin, na nakasalig sa mga paghahayag, ay ang pangalan ng Panginoon, na nagbigay sa atin ng awtoridad na kumilos sa Simbahan. Bawat dalanging inusal, kahit ng maliliit na bata, ay nagtatapos sa pangalan ni Jesucristo. Bawat pagpapala, bawat ordenansa, bawat ordenasyon, bawat opisyal na gawain ay ginagawa sa pangalan ni Jesucristo. Ito ang Kanyang Simbahan, at ipinangalan ito para sa Kanya—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa D at T 115:4)” (“Ang Saksi,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 96).

Mga Gawa 4:32–35. “Lahat nilang pagaari ay sa kalahatan”

“Sinikap ng mga miyembro ng Simbahan sa Jerusalem na ipamuhay ang batas ng paglalaan. Marahil hindi ibig sabihin ng ‘lahat nilang pagaari ay sa kalahatan’ (Mga Gawa 4:32) ay ibinigay nila ang lahat ng kanilang pag-aari at pagkatapos ay ipinamahagi nang pantay-pantay sa mga nagsisisampalataya. Sa halip ay ginamit nila ang kanilang sobrang pag-aari para pangalagaan ang mga maralita at mga nangangailangan sa kalipunan nila. Ang ganito ring pagsisikap na ipamuhay ang batas ng paglalaan ay nangyari sa mga tao ni Enoc at sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Moises 7:18; 4 Nephi 1:3–18; D at T 105:3–5)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 286–87).