Library
Pambungad sa Sulat ni Pablo sa mga Taga Efeso


Pambungad sa Sulat ni Pablo sa mga Taga Efeso

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

“Ang mga Taga Efeso ay isang sulat para sa buong mundo, para sa mga Judio at Gentil, para sa mag-asawa, para sa magulang at anak, para sa panginoon at tagapagsilbi. Ito ang isipan at kalooban ng Diyos sa panahon ni Pablo; ito ang tinig ng inspirasyon sa ating panahon; ito ay isang sulat na may pangkalahatang panawagan at pagsasabuhay.

“… Naglalaman ito ng ilan sa pinakamahuhusay na naisulat ni Pablo, at ito ay isang dokumento tungkol sa mga saligan, tumatalakay sa ebanghelyo ng Diyos na maluwalhati at nakapagliligtas sa ating lahat” (Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:489).

Ang pag-aaral ng Sulat sa mga Taga Efeso ay makapagbibigay inspirasyon sa mga estudyante na isantabi ang mga bagay ng mundo at matutulungan sila na umunlad sa espirituwalidad at matutuhang mas makiisa at mas makilahok sa pagkakapatiran sa Simbahan.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Isinulat ni Apostol Pablo ang Sulat sa mga Taga Efeso (tingnan sa Mga Taga Efeso 1:1).

Kailan at saan ito isinulat?

Sinabi ni Pablo na siya ay nakakulong nang gawin niya ang Sulat sa mga Taga Efeso (tingnan sa Mga Taga Efeso 3:1; 4:1; 6:20). Maaaring isinulat ang Mga Taga Efeso noong unang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma, mga A.D. 60–62 (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org). Sa panahong ito, si Pablo ay isang bilanggong nakakulong sa isang bahay (house arrest), ngunit may kalayaang tumanggap ng mga bisita at magturo ng ebanghelyo (tingnan sa Mga Gawa 28:16–31).

Para kanino ito isinulat at bakit?

Sa King James Version ng Biblia, nakatala sa Mga Taga Efeso 1:1 na ang Sulat sa mga Taga Efeso ay para “sa mga banal na nangasa Efeso.” Gayunman, ang mga pinakaunang manuskrito ng Mga Taga Efeso ay hindi naglalaman ng mga salitang “na nangasa Efeso.” Ipinahihiwatig nito ang posibilidad na maaaring hindi ginawa ni Pablo ang sulat para lamang sa mga taga-Efeso ngunit para din sa ilang kongregasyon ng mga Banal, kabilang ang nasa Efeso. Ang Efeso ay nagsilbing punong himpilan ni Pablo sa kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero (tingnan sa Mga Gawa 19:9–10; 20:31), at mahal na mahal niya ang mga taong ito (tingnan sa Mga Gawa 20:17, 34–38).

Sa sulat na ito, nagbigay ng mensahe si Pablo sa mga Gentil na miyembro ng Simbahan (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:11) na maaaring mga bagong binyag sa Simbahan (tingnan sa Mga Taga Efeso 1:15). Sumulat siya upang tulungang mapalakas ang espirituwalidad at mga patotoo ng mga naging miyembro na. Ang kanyang mga pangunahing layunin ay tulungan ang mga nagbalik-loob na ito na umunlad sa kanilang espirituwal na kaalaman tungkol sa Diyos at sa Simbahan (tingnan sa Mga Taga Efeso 1:15–18; 3:14–19); palakasin ang pagkakaisa, lalo na ng mga Banal na Gentil at Judio (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:11–22; 4:1–16; 5:19–6:9); at hikayatin ang mga Banal na mapaglabanan ang puwersa ng kasamaan (tingnan sa Mga Taga Efeso 4:17–5:18; 6:10–18). Maraming Banal sa Efeso ang namumuhay nang matwid, sapat upang sila ay matatakan na tatanggap ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Mga Taga Efeso 1:13; Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 2:493–94).

Ano ang ilan sa mga naiibang katangian ng aklat na ito?

Ang Mga Taga Efeso ay maraming turo at ideya na pamilyar sa mga Banal sa mga Huling Araw, kabilang na ang pag-oorden sa buhay bago ang buhay na ito, ang dispensasyon sa kaganapan ng panahon, ang Banal na Espiritu ng Pangako, ang kahalagahan ng mga propeta at mga apostol, ang ideya ng iisang totoo at nagkakaisang Simbahan, ang ilang katungkulan, responsibilidad, at gawain sa loob ng organisasyon ng Simbahan. Ang sulat na ito ay naglalaman ng ilan sa pinakamagagandang turo tungkol sa pamilya na makikita saanman sa banal na kasulatan.

Outline

Mga Taga Efeso 1:1–4:16 Sumulat si Pablo tungkol sa pag-oorden ng mga Banal sa buhay bago ang buhay na ito na matanggap ang ebanghelyo; ang dispensasyon sa kaganapan ng panahon; ang pagtatatak ng Banal na Espiritu ng Pangako; kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya; ang pagkakaisa ng mga Banal na Gentil at Judio sa Simbahan; isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo; ang layunin ng Simbahan; at ang organisasyon ng Simbahan na nakasalig sa mga propeta at mga apostol, na si Jesucristo ang pangulong bato na panulok. Itinuro ni Pablo na titipunin ng Diyos ang lahat ng bagay na kalakip ni Cristo sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon.

Mga Taga Efeso 4:17–6:24 Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na gamitin ang totoong doktrina sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Hinikayat niya silang iwan ang kanilang dating pagkatao (kanilang mga kasalanan noon) at mangagbihis ng bagong pagkatao sa pamamagitan ni Cristo. Pinayuhan niya ang mga mag-asawa, mga anak, mga magulang, mga alipin o tagapaglingkod, mga amo o panginoon, at mga kongregasyon. Hinikayat niya ang mga Banal na “mangagbihis ng buong kagayakan ng Diyos” (Mga Taga Efeso 6:11).