Library
Lesson 120: Mga Taga Efeso 1


Lesson 120

Mga Taga Efeso 1

Pambungad

Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Efeso tungkol sa kanilang pagkaka-orden bago ang buhay na ito na matanggap ang ebanghelyo. Sumulat siya tungkol sa huling dispensasyon, o ang dispensasyon natin ngayon. Itinuro ni Pablo na maaari nating makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa pamamagitan ng paghahayag.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Taga Efeso 1:1–8

Itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Efeso na sila ay inorden bago ang buhay na ito na matanggap ang ebanghelyo

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon na sumang-ayon sila na gawin ang isang napakahalagang responsibilidad at pinangakuan na gagantimpalaan sila kung gagawin nila ang tungkuling iyon.

  • Kapag humihirap na ang gawain, paano kayo napapalakas ng kaalaman na sumang-ayon kayo sa itinalagang gawaing ito at may taong nagtitiwalang magagampanan ninyo ito?

  • Paano kayo pinagpala o ginantimpalaan sa pagtupad ng inyong responsibilidad?

Ipaliwanag na sa kanyang sulat na nakatala sa Mga Taga Efeso 1–6, sinulatan ni Apostol Pablo ang mga Banal sa Efeso at sa mga nakapalibot na mga lugar. Layunin niyang palakasin ang mga dati nang miyembro ng Simbahan at tulungan ang mga bagong kasapi na umunlad sa kanilang kaalamang espirituwal at manatiling tapat sa kanilang mga tipan.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Taga Efeso 1:3–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga katotohanang itinuro ni Pablo sa mga Banal upang tulungan sila na manatiling tapat sa kanilang mga tipan.

  • Anong mga katotohanan ang itinuro ni Pablo sa mga Banal para tulungan silang manatiling tapat? (Kapag sumagot ang mga estudyante, maaari mong sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano makatutulong ang pag-unawa sa mga katotohanang nabanggit nila para manatiling tapat ang mga Banal.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pumili ang Diyos ng ilan “bago itinatag ang sanglibutan” sa talata 4?

Ipaliwanag na ang katagang ito, na kaugnay ng mga katagang itinalaga niya nang una pa at “sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya” sa talata 5, ay tumutukoy sa mga pinili o inorden noon pa man sa buhay bago ang buhay na ito para matanggap ang ebanghelyo. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang mga anak ng Diyos ay inorden noon pa man na matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo. Ang pagtanggap ng mga pagpapalang ito ay depende sa ating pagiging matapat sa buhay na ito.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:

“Sa buhay bago tayo isinilang, pumili ng ilang espiritu ang Diyos na tutupad sa mga natatanging misyon habang nabubuhay sila sa daigdig. Tinatawag itong pag-oorden noon pa man.

“Ang pag-oorden noon pa man ay hindi garantiya na tatanggap ng mga tiyak na tungkulin o responsibilidad ang mga tao. Dumarating sa buhay na ito ang gayong mga oportunidad bunga ng matwid na paggamit ng kalayaang pumili, tulad ng pag-oorden noon pa man sa isang tao bunga ng kabutihan niya sa buhay bago siya isinilang. …

“Ang doktrina ng pag-oorden noon pa man ay para sa lahat ng miyembro ng Simbahan, hindi lamang sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta. Bago nilikha ang daigdig, nabigyan na ng tiyak na mga responsibilidad ang matatapat na kababaihan at naorden na noon pa man sa tiyak na mga tungkulin sa priesthood ang matatapat na kalalakihan. Bagama’t hindi ninyo naaalala ang panahong iyon, tiyak na sumang-ayon kayong tuparin ang mahahalagang tungkulin sa paglilingkod sa inyong Ama. Habang pinatutunayan ninyo ang inyong pagkamarapat, bibigyan kayo ng mga oportunidad na matupad ang mga tungkuling natanggap ninyo noon” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 146–147).

  • Paano nakatutulong sa atin ang pagkaunawa na tayo ay inorden noon pa man na matanggap ang ebanghelyo at ang maraming pagpapala nito sa pananatili nating tapat sa ating mga tipan?

Mga Taga Efeso 1:9–12

Nagsalita si Pablo tungkol sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon

drowing, mga ilog na papunta sa lawa

Gumuhit ng isang simpleng larawan ng ilang magkakaibang ilog na umaagos patungo sa isang malawak na katubigan. Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na ang bawat ilog ay kumakatawan sa isang dispensasyon ng ebanghelyo.

  • Ano ang dispensasyon ng ebanghelyo?

Maaari mong rebyuhin ang kahulugan ng dispensasyon ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagpapabasa nang malakas sa isang estudyante ng sumusunod na pahayag mula sa Bible Dictionary:

“Ang dispensasyon ng ebanghelyo ay isang panahon kung kailan tumatawag ang Panginoon ng kahit isang tagapaglingkod na binigyang-karapatan sa mundo na nagtataglay ng mga susi ng banal na priesthood, at may sagradong tungkulin na ipalaganap ang ebanghelyo sa mga tao sa mundo. Kapag nangyari ito, ang ebanghelyo ay muling ipahahayag nang sa gayon ang mga tao ng dispensasyong iyon ay hindi na kinakailangang umasa sa mga lumipas na dispensasyon para malaman ang plano ng kaligtasan. Nagkaroon na ng maraming dispensasyon ng ebanghelyo simula pa noong una. Nakatala sa Biblia na may isang dispensasyon sa panahon ni Adan, isa pa sa panahon ni Enoc, isa pa sa panahon ni Noe, at iba pa sa panahon nina Abraham, Moises, at ni Jesus kasama ang Kanyang mga Apostol sa kalagitnaan ng panahon” (Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Dispensations”).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 1:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa na inaalam kung anong dispensasyon ang tinutukoy ni Pablo. Ipaliwanag na ang mga katagang “hiwaga ng kanyang kalooban” sa talata 9 ay tumutukoy sa mga plano at layunin ng Diyos.

Ipaliwanag sa mga estudyante na ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon ay ang panahon natin ngayon.

  • Paano maihahalintulad ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon sa isang malawak na katubigan na may mga ilog na umaagos patungo rito?

  • Ano ang ipinropesiya ni Pablo na magaganap sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon? (Ipaliwanag na nang isulat ni Pablo na ang “lahat ng mga bagay kay Cristo,” kapwa ang mga bagay na nasa langit at nasa lupa, ay titipunin [talata 10], tinutukoy niya ang pagnunumbalik at ang muling pagbabalik ng lahat ng mga susi, kapangyarihan, at mga pangako na inihayag ng Diyos sa mga Kanyang mga anak magmula pa noong simula ng daigdig, gayundin ang ibang mga kaalaman na hindi pa kailanman naihayag [tingnan sa D at T 128:18]. Isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon, ang lahat ng bagay mula sa mga naunang dispensasyon ay ipanunumbalik.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder B. H. Roberts ng Pitumpu:

Elder B. H. Roberts

“Ito ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon, at nakikita nating dumadaloy rito, gaya ng pag-agos ng maraming sapa sa karagatan, ang lahat ng nagdaang dispensasyon, tinutulungan tayong maunawaan sila, at tinutulungan silang maunawaan tayo; at makikita natin na may isang dakilang layunin ang Diyos magmula pa sa simula, at iyon ay ang kaligtasan ng kanyang mga anak. At ngayon ay dumating ang huling araw, ang huling dispensasyon, na ang katotohanan at liwanag at kabutihan ay pupuno sa mundo” (sa Conference Report, Okt. 1904, 73).

Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pisara at isulat sa mga drowing ng ilog ang mga katotohanan, mga banal na kasulatan, mga tipan at mga kapangyarihan mula sa nagdaang mga dispensasyon na naipanumbalik o ibinigay sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon. (Ang mga isusulat ay maaaring kabilangan ng kapangyarihang magbuklod, mga nakapagliligtas na ordenansa, ang Aklat ni Mormon, at iba pa; maaaring magdrowing ng karagdagang mga ilog ang mga estudyante kung kinakailangan.)

  • Paano naging pagpapala para sa inyo ang mabuhay sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon?

  • Ayon sa pahayag ni Elder Roberts, ano ang kailangang mangyari sa dispensasyong ito? (Ang punuin ang mundo ng katotohanan, liwanag, at kabutihan.)

  • Anong mga bagay sa ating dispensasyon ang makatutulong sa atin na punuin ang mundo ng katotohanan at liwanag ng ebanghelyo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

“Mga minamahal kong kapatid, ang nagawa na sa dispensasyong ito sa pagbabahagi ng mga mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng social media ay isang magandang simula—ngunit isang maliit na patak pa lamang. Ngayon ay inaanyayahan ko kayo na tumulong na gawing malaking baha ang isang patak. … Pinapayuhan ko kayo na iparating sa buong mundo ang mga mensahe na puno ng kabutihan at katotohanan—mga mensahe na tunay, nakapagpapasigla, at kapuri-puri—at literal na ipaabot ito sa mundo gaya ng isang baha” (“To Sweep the Earth as with a Flood” [Brigham Young University Campus Education Week devotional, Ago. 19, 2014], LDS.org).

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga ginagawa sa pagtulong na punuin ang mundo ng mga mensahe na puno ng kabutihan at katotohanan.

Ibuod ang Mga Taga Efeso 1:11–12 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo na sa pamamagitan ni Jesucristo ang mga Banal ay magtatamo ng “mana” (talata 11) sa kaharian ng Diyos.

Mga Taga Efeso 1:13-23

Nagturo si Pablo tungkol sa Banal na Espiritu ng Pangako

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 1:13–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pagpapalang natanggap ng mga Banal dahil sa kanilang pagiging matapat at sa kanilang tiwala at paniniwala kay Jesucristo.

  • Ayon sa talata 13, ano ang pagpapalang natanggap ng mga Banal? (Sila ay “tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako.”)

Ipaliwanag na ang “[matatakan] ng Espiritu Santo, na ipinangako” ay nangangahulugang “sumasaksi ang Banal na Espiritu ng Pangako sa Ama na ang nakapagliligtas na mga ordenansa ay naisagawa nang maayos at naingatan ang mga tipang kasama nito” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal na Espiritu ng Pangako,” scriptures.lds.org). Ang Espiritu ay “siyang patotoo sa ating mana” (talata 14). Nangangahulugan ito na ang presensiya ng Espiritu Santo sa ating buhay ay isang tanda, paalaala, at palatandaan mula sa Diyos na kung magpapatuloy tayo sa pagiging matapat ay matatanggap natin ang buhay na walang hanggan.

Ibuod ang Mga Taga Efeso 1:15–16 na ipinapaliwanag na sinabi ni Pablo sa mga Banal na patuloy siyang nagpapasalamat sa Diyos dahil sa kanilang katapatan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 1:17–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa na inaalam kung ano ang ipinagdasal sa Diyos ni Pablo na ipagkaloob sa mga Banal.

  • Ano ang ipinagdasal ni Pablo sa Diyos na ipagkaloob sa mga Banal?

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano natin makikilala ang Ama sa Langit? (Gamit ang kanilang sariling mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Makikilala natin ang ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng diwa ng paghahayag.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang diwa ng paghahayag, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung ano ang diwa ng paghahayag.

Elder David A. Bednar

“Ang paghahayag ay pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak sa lupa at isa sa pinakamalalaking pagpapalang kaugnay ng pagtanggap at palagiang pagsama ng Espiritu Santo. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, ‘Ang Espiritu Santo ay isang tagapaghayag,’ at ‘walang taong makatatanggap ng Espiritu Santo nang hindi tumatanggap ng mga paghahayag’ (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 153).

“Ang diwa ng paghahayag ay maibibigay sa bawat taong tumanggap mula sa tamang awtoridad ng priesthood ng mga nakapagliligtas na ordenansa ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan at ng pagpagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo—at gumaganap nang may pananampalataya na isagawa ang atas ng priesthood na ‘tanggapin ang Espiritu Santo’” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 87).

  • Ano ang diwa ng paghahayag?

  • Paano nakatutulong sa atin ang paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo para makilala natin ang Ama sa Langit?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi kung paano nakatulong sa kanila ang paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo para mas makilala ang Ama sa Langit. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan. Hikayatin ang mga estudyante na magsikap na maging karapat-dapat sa patnubay ng Espiritu Santo upang mas makilala pa nila ang Ama sa Langit.

Ibuod ang Mga Taga Efeso 1:19–23 na ipinapaliwanag na nagpatuloy si Pablo sa pagtuturo tungkol sa ipinangakong mana para sa mga Banal at ang katayuan ni Jesucristo bilang pinuno ng Kanyang Simbahan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Taga Efeso 1:13. Ang “Espiritu Santo, na Ipinangako”

Ang Banal na Espiritu ng Pangako ay isa pang pangalan para sa Espiritu Santo. Ito ay ginagamit kaugnay sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na magbuklod at magpatibay (tingnan sa D at T 76:53; 132:7).

“Ang Espiritu Santo ang … [nagpapatibay] na karapat-dapat tanggapin sa Diyos ang mabubuting gawa, mga ordenansa, at mga tipan ng mga tao. Sumasaksi ang Banal na Espiritu ng Pangako sa Ama na ang nakapagliligtas na mga ordenansa ay naisagawa nang maayos at naingatan ang mga tipang kasama nito.

“Sila na ibinuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako ay makatatanggap ng lahat ng nasa Ama [tingnan sa Mga Taga Efe. 1:13–14; D at T 76:51–60]. Kailangang ibuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako ang lahat ng tipan at pagsasagawa upang magkabisa pagkatapos ng buhay na ito [tingnan sa D at T 132:7, 18–19, 26]” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal na Espiritu ng Pangako,” scriptures.lds.org).

Nang sumulat si Pablo na ang mga Banal ay “tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako” (Mga Taga Efeso 1:13), tinutukoy niya ang pangako na buhay na walang hanggan na ibinibigay sa mga Banal na naging matapat sa buhay na ito. Kapag ang mga tao ay natatakan ng Banal na Espiritu ng Pangako, ang Espiritu Santo ang nagpapatibay na sila ay mga selestiyal na tagapagmana kahit na sila ay mga mortal. Ang doktrinang ito ay minsan ding tinatawag na pagtiyak sa pagkakatawag at pagkakahirang ng isang tao (tingnan sa II Ni Pedro 1:4–19; D at T 131:5–6; D at T 132:6–7; Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:493–95; History of the Church, 3:379–80).

Kaugnay sa Banal na Espiritu ng Pangako, ipinahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Ang Banal na Espiritu ng Pangako ay ang Espiritu Santo na naglalagay ng tatak ng pagsang-ayon sa bawat ordenansa: binyag, kumpirmasyon, ordinasyon, kasal. Ang pangako ay matatanggap ang mga pagpapala sa pamamagitan ng katapatan.

“Kung susuwayin ng isang tao ang isang tipan, sa binyag man, ordinasyon, kasal o anupaman, babawiin ng Espiritu ang tatak ng pagsang-ayon, at hindi matatanggap ang mga pagpapala.

“Bawat ordenansa ay ibinuklod sa isang pangako ng gantimpala batay sa katapatan. Inaalis ng Espiritu Santo ang tatak ng pagsang-ayon kapag hindi tinupad ang mga tipan [tingnan sa D at T 76:52–53; 132:7]” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:45).

Mga Taga Efeso 1:13–14. “Siyang patotoo sa ating mana”

Ang mga katagang “siyang patotoo sa ating mana” sa Mga Taga Efeso 1:14 ay nagpapakita na kapag ang mga tapat na Banal ay natatakan ng Banal na Espiritu ng Pangako, magkakaroon sila ng kasiguraduhan sa kanilang sarili na magmamana sila ng kahariang selestiyal. Ang ibig sa sabihin dito ng salitang patotoo ay “isang tanda para sa bagay na darating” (Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, ika-11 edisyon [2003], “earnest”). “Ang kaloob na Espiritu Santo ay isa sa pinakamahahalagang regalo ng ating Ama sa Langit. … Ang kaloob na ito ay maliit na halimbawa ng walang katapusang kagalakan at pangako ng buhay na walang hanggan” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero[2004], 72).