Lesson 35
Marcos 2–3
Pambungad
Si Jesus ay nagpatawad at nagpagaling ng isang lalaking lumpo at tinawag si Mateo na sumunod sa Kanya. Itinuro Niya sa mga eskriba at mga Fariseo ang tungkol sa araw ng Sabbath. Ang Tagapagligtas ay patuloy na nagpagaling ng maraming tao, nagsugo ng Kanyang mga Apostol na mangaral, at nagbabala tungkol sa paglapastangan (o blasphemy) sa Espiritu Santo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Marcos 2:1–12
Pinatawad at pinagaling ni Jesus ang isang lalaking lumpo
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may malubhang sakit ang isang taong mahal nila at kailangan niya ang isang mahusay na doktor.
-
Sino ang hihingan ninyo ng tulong para sa inyong mahal sa buhay? Bakit?
-
Ano kaya ang handa ninyong gawin kung iisang doktor lang ang makakatulong pero mahirap humingi ng appointment sa doktor na ito?
Ibuod ang Marcos 2:1–4 na ipinapaliwanag na sa nayon ng Capernaum sa Galilea, may isang lalaking “lumpo” (talata 3), na ibig sabihin ay paralisado siya. Apat na iba pang lalaki ang nagbuhat sa lalaking ito papunta sa bahay kung saan naroon si Jesus. Nang malaman nila na punung-puno ng tao ang bahay at hindi sila makakapasok dito, tinanggal nila ang isang bahagi ng bubong ng bahay at ibinaba ang lalaking lumpo sa harapan ng Tagapagligtas.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 2:5 at sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Tagapagligtas sa lalaking lumpo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Marcos 2:6–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang kasunod na nangyari.
-
Ayon sa mga talata 6–7, ano ang reaksyon ng “ilan sa mga eskriba” sa mga sinabi ng Tagapagligtas? (Ikinagalit nila ang paghahayag Niya ng pagpapatawad ng mga kasalanan.)
-
Ano ang itinanong ni Jesus sa mga eskriba?
-
Ano ang ipinakita at itinuro ng Tagapagligtas sa pagpapagaling sa lalaking ito? (Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, tulungan sila na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Si Jesucristo ay may kapangyarihang pagalingin tayo kapwa sa espirituwal at pisikal.)
Ipaliwanag na nang makita ng mga eskriba ang lalaking lumpo na bumangon mula sa kanyang higaan at lumakad, nabigyan sila ng di-mapag-aalinlangang katibayan na si Jesucristo ay may kapangyarihang magpagaling ng maysakit at narinig nila Siya na nagpatotoo na Siya ay makapagpapatawad ng mga kasalanan. Gayunman, walang indikasyon na lumapit ang mga lalaking ito kay Jesus pagkatapos niyon at humingi ng kapatawaran para sa kanilang sariling mga kasalanan.
(Paalala: Ang mga pangyayaring nakatala sa Marcos 2:1–12 ay tatalakayin nang mas detalyado sa lesson para sa Lucas 5.)
Marcos 2:13–22
Tinawag ni Jesus si Mateo na sumunod sa Kanya at kumain Siya kasalo ang mga maniningil ng buwis at makasalanan
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at bigyan ang bawat magkapartner ng isang papel. Sabihin sa magkakapartner na pag-usapan nila ang sumusunod na tanong at isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang mga papel.
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit hindi humihingi ng kapatawaran sa Panginoon ang mga tao para sa kanilang mga kasalanan?
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot, na maaaring kalakip ang mga sumusunod: maaaring may mga taong ayaw huminto sa pagkakasala; ang iba naman ay ayaw aminin o ipagtapat ang mga kasalanan dahil sa kapalaluan o kahihiyan; ang ilan ay umaasa na patatawarin sila ng Panginoon kahit hindi sila nagsisi; at maaaring naniniwala ang ilan na may kapangyarihang magpatawad ang Panginoon, ngunit hindi sila nananampalataya na mapapatawad Niya ang kanilang mga kasalanan.
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa Marcos 2:13–22 na maghihikayat sa atin na hangarin ang pagpapatawad ng Panginoon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 2:13–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas pagkatapos pagalingin ang lalaking paralisado.
-
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas matapos pagalingin ang lalaking ito?
-
Paano tumugon si Levi sa paanyaya ng Tagapagligtas?
Ipaliwanag na si Levi ay tinatawag din sa pangalang Mateo at ang siya ring Mateo na nagsulat ng Ebanghelyo Ayon kay Mateo. Ang ibig sabihin ng mga katagang “nakaupo sa paningilan ng buwis” (talata 14) ay si Mateo ay “isang tagasingil ng buwis para sa mga Romano sa Capernaum, marahil ay naglilingkod kay Herodes Antipas” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mateo”). Galit ang maraming Judio sa mga maniningil ng buwis dahil itinuturing nilang mga traydor ang mga ito na nangongolekta ng buwis sa mga kababayan nila para sa mga Romano.
-
Ayon sa talata 15, ano ang ginawa ni Mateo para sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga disipulo?
-
Sino pa ang dumalo sa piging na ito?
Ipaliwanag na noong ministeryo ng Tagapagligtas dito sa lupa, ang pagsasalu-salo sa pagkain ay higit pa sa simpleng pagkain at pag-inom nang magkakasama. Nagpapakita ito na mayroong pagkakaibigan at kapayapaan sa lahat ng taong dumalo roon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 2:16, at sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng mga eskriba at mga Fariseo nang makita nila na kumakain ang Tagapagligtas kasalo ang mga maniningil ng buwis.
-
Ano ang sinabi ng mga eskriba at mga Fariseo?
-
Sa inyong palagay, bakit nila kinutya si Jesus sa pagkain kasalo ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 2:17 at sabihin sa klase na alamin ang tugon ng Tagapagligtas sa pangungutya ng mga eskriba at mga Fariseo.
-
Anong salita ang ginamit ng Tagapagligtas para ilarawan ang Kanyang sarili? (Bigyang-diin na sa paggamit ng salitang manggagamot, muling pinagtibay ng Tagapagligtas ang Kanyang kapangyarihang magpagaling kapwa sa espirituwal at pisikal.)
-
Paano sana nakatulong ang sinabi ng Tagapagligtas para maunawaan ng mga eskriba at mga Fariseo kung bakit Siya nakikisalamuha sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?
-
Anong katotohanan ang malalaman natin mula sa talata 17 tungkol sa gagawin ng Tagapagligtas sa ating mga kasalanan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Hangad ng Tagapagligtas na tulungan tayong magsisi ng ating mga kasalanan at mapagaling.)
-
Bakit mahalagang paniwalaan na hangad ni Jesus na tulungan tayong magsisi at mapagaling?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Craig A. Cardon ng Pitumpu:
“Mahal tayo ng Panginoon at nais Niyang maunawaan natin ang kahandaan Niyang magpatawad. …
“… Dahil dito, lahat tayo, pati na yaong mga nahihirapang madaig ang pagkalulong sa droga o pornograpiya at iba pang kaugnay nito, ay malalaman na kikilalanin ng Panginoon ang matwid nating mga pagsisikap at mapagmahal na magpapatawad kapag ganap ang pagsisisi” (“Nais ng Tagapagligtas na Magpatawad,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 16).
-
Paano natin malalaman na nais ng Panginoon na tulungan tayong magsisi at matanggap ang Kanyang pagpapatawad?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung sila ba ay tulad ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan (na kinikilala na kailangan nila ang Tagapagligtas at lumapit sa Kanya) o tulad ng mga eskriba at mga Fariseo (na hindi lumapit sa Tagapagligtas para hangarin ang Kanyang pagpapatawad at nagpapagaling na kapangyarihan).
Magpatotoo sa kapangyarihan at pagnanais ng Tagapagligtas na pagalingin tayo, at hikayatin ang mga estudyante na humingi ng tawad sa Kanya sa pamamagitan ng pagsisisi kung kailangan.
Ibuod ang Marcos 2:18–22 na ipinapaliwanag na itinuro ni Jesus kung bakit hindi nag-ayuno ang Kanyang mga disipulo habang Siya ay kasama nila. Itinuro rin Niya kung bakit nahihirapan ang ilang tao na tanggapin ang Kanyang ebanghelyo. (Paalala: Ang mga turong ito ay tatalakayin nang mas detalyado sa lesson para sa Lucas 5.)
Marcos 2:23–3:6
Nagturo si Jesus tungkol sa araw ng Sabbath
Itanong sa mga estudyante kung nagawa na nilang huwag sumali sa isang aktibidad para mapanatiling banal ang araw ng Sabbath. Anyayahan ang ilan na ibahagi ang kanilang mga karanasan.
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na isipin itong mabuti sa patuloy na pag-aaral nila ng Marcos 2–3: Paano ninyo malalaman na angkop gawin ang isang aktibidad sa araw ng Sabbath?
Hatiin sa dalawang grupo ang klase. Ipabasa nang tahimik sa isang grupo ang Marcos 2:23–28. (Maaari mong ipaliwanag na nilinaw sa Joseph Smith Translation ang mga talata 27–28: “Samakatwid ang Sabbath ay ibinigay sa tao para magpahinga; at gayon din upang luwalhatiin ng tao ang Diyos, at hindi upang hindi kumain ang tao; Dahil ginawa ng Anak ng tao ang araw ng Sabbath, kaya’t ang Anak ng tao ang Panginoon din naman ng Sabbath,” Joseph Smith Translation, Mark 2:26–27). Ipabasa nang tahimik sa isa pang grupo ang Marcos 3:1–6. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang ginawa ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga disipulo na pinaniniwalaan ng mga Saduceo na paglabag sa kautusang panatilihing banal ang araw ng Sabbath.
Pagkatapos ng sapat na oras, itanong ang mga sumusunod:
-
Anong paglabag sa kautusan ang pinaniniwalaan ng mga Fariseo na nagawa ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga disipulo sa araw ng Sabbath? (Nagsipulot sila ng mga butil at nagpagaling ng isang tao.)
-
Bakit itinuturing ng mga Fariseo na paglabag sa mga batas ng Diyos ang pagpulot ng mga butil o pagpapagaling ng isang tao sa araw ng Sabbath?
Kung kinakailangan, ipaalala sa mga estudyante na idinagdag ng mga guro ng mga Judio ang sarili nilang mga patakaran at interpretasyon, na tinatawag na oral na batas o tradisyon, sa mga batas ni Moises. Ang layunin ng mga idinagdag na patakarang ito ay maiwasan ang paglabag sa batas ng Diyos, ngunit hinahadlangan din ng mga ito ang ilang tao na maunawaan ang tunay na layunin ng mga kautusan, kabilang na ang utos na panatilihing banal ang araw ng Sabbath.
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Mapapanatili nating banal ang araw ng Sabbath sa pamamagitan ng …
-
Paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na ito batay sa mga turo ng Tagapagligtas sa Marcos 2–3? (Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara para maituro ang sumusunod na katotohanan: Mapapanatili nating banal ang araw ng Sabbath sa pamamagitan ng pagbibigay-luwalhati sa Diyos at paggawa ng mabuti.)
-
Sa paanong paraan natin maluluwalhati ang Diyos sa Kanyang banal na araw?
-
Ano ang ilang halimbawa ng paggawa ng mabuti sa araw ng Sabbath?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano nila malalaman ang mga aktibidad na angkop para sa Sabbath, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:
“Ano ang angkop at hindi angkop na gawin sa araw ng Sabbath? Sa pamamagitan ng mga alituntunin, dapat sagutin ng bawat isa sa atin ang tanong na ito para sa ating sarili. Bagama’t ang mga alituntuning ito ay nasa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga makabagong propeta, dapat nakasulat din ito sa ating puso at ipinamumuhay. … Tiyak na walang mangyayaring anumang mabigat na paglabag sa pagsamba sa araw ng Sabbath kung mapagkumbaba tayong lalapit sa Panginoon at iaalay sa kanya ang ating buong puso, kaluluwa, at isipan. (Tingnan sa Mat. 22:37.)
“Ang mga gawaing marapat o hindi marapat sa araw ng Sabbath ay dapat pagdesisyunan ng bawat isa sa atin sa pagsisikap na maging matapat sa Panginoon. Sa araw ng Sabbath kailangan nating gawin ang tama at nararapat nang may mapagsambang puso at limitahan ang iba pa nating mga aktibidad” (“The Lord’s Day,” Ensign, Nob. 1991, 35).
-
Paano kayo napagpala sa pagsisikap ninyong sambahin ang Diyos at gumawa ng mabuting bagay sa araw ng Sabbath?
Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan ang isang paraan na mas mapapanatili nilang banal ang araw ng Sabbath at na magsulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng isang mithiin na isasagawa nila.
Marcos 3:7–35
Ang Tagapagligtas ay nagpagaling ng maraming tao, nagsugo ng Kanyang mga Apostol para mangaral, at nagbabala tungkol sa paglapastangan sa Espiritu Santo
Ibuod ang Marcos 3:7–35 na ipinapaliwanag na si Jesus ay nagpunta sa Dagat ng Galilea at nagpagaling ng maraming tao na sumunod sa Kanya roon, kabilang ang ilang sinapian ng mga karumal-dumal na espiritu. Pagkatapos pumili ng Labindalawang Apostol, inordenan sila ni Jesus at isinugo na mangaral, magpagaling, at magpaalis ng mga demonyo. Pagkatapos ay binalaan Niya ang mga eskriba tungkol sa pagsasalita ng kalapastanganan sa Espiritu Santo at nagturo na ang Kanyang pamilya ay ang mga taong gumagawa ng kalooban ng Ama sa Langit.
(Paalala: Ilan sa mga kaganapan na nakatala sa Marcos 3:7–35 ay tinalakay nang mas detalyado sa lesson para sa Mateo 12:22–35.)
Sa katapusan ng lesson, maaari kang magpatotoo tungkol sa mga katotohanang natukoy sa lesson.