Library
Pambungad sa Pangkalahatang Sulat ni Santiago


Pambungad sa Pangkalahatang Sulat ni Santiago

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Ang Pangkalahatang Sulat ni Santiago ay kilalang-kilala ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw dahil sa mahalagang talata na Santiago 1:5 na naghikayat sa batang Joseph Smith na maghangad ng katotohanan mula sa Diyos. Sa buong sulat niya, binigyang-diin ni Santiago na dapat maging “tagatupad [tayo] ng salita, at huwag tagapakinig lamang” (Santiago 1:22). Ang pag-aaral ng aklat na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagpapakita ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang “mga gawa,” o mga kilos (tingnan sa Santiago 2:14–26), at mahihikayat sila na maghangad ng “putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa kanila na nagsisiibig sa kaniya” (Santiago 1:12).

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Nakasaad sa sulat na ang may-akda nito ay si “Santiago, na alipin ng Dios at ng Panginoon[g] Jesucristo” (Santiago 1:1).

Ayon sa paniniwala ng mga Kristiyano, si Santiago, gaya ni Judas, ay isa sa mga anak na lalaki nina Jose at Maria kaya kapatid siya ni Jesucristo sa ina (tingnan sa Mateo 13:55; Marcos 6:3; Mga Taga Galacia 1:19). Ang katotohanan na unang binanggit si Santiago sa listahan ng mga kapatid ni Jesus sa Mateo 13:55 ay maaaring nagpapahiwatig na siya ang panganay sa mga kapatid sa ina. Tulad ng iba pang kapatid ng Panginoon sa ina, hindi kaagad naging disipulo ni Jesus si Santiago (tingnan sa Juan 7:3–5). Gayunpaman, matapos ang pagkabuhay na mag-uli ni Jesus, si Santiago ang isa sa mga taong pinakitaan ni Cristo noong Siya ay nabuhay na muli (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:7).

Kalaunan, naging Apostol si Santiago at, ayon sa mga naunang Kristiyanong manunulat, siya rin ang unang bishop ng Simbahan sa Jerusalem (tingnan sa Mga Gawa 12:17; 21:18; Mga Taga Galacia 1:18–19; 2:9). Bilang lider sa Simbahan, mahalaga ang tungkuling ginampanan niya sa kapulungang idinaos sa Jerusalem (Mga Gawa 15:13). Ang kanyang impluwensya sa Simbahan ay walang alinlangang napalakas ng kanyang kaugnayan kay Jesus, ngunit nagpakita si Santiago ng kababaang-loob nang hindi niya ipinakilala ang sarili na kapatid ni Jesus kundi isang alipin ng Panginoon (tingnan sa Santiago 1:1).

Kailan at saan ito isinulat?

Hindi alam kung kailan ginawa ni Santiago ang sulat na ito. Dahil nanirahan si Santiago sa Jerusalem at pinangasiwaan ang mga gawain ng Simbahan doon, malamang na ginawa niya ang kanyang sulat sa lugar na iyon.

Ang katotohanan na hindi nabanggit ni Santiago ang kumperensya sa Jerusalem noong mga A.D. 50 (tingnan sa Mga Gawa 15) ay pahiwatig na ginawa ang sulat na ito bago pa maganap iyon. Kung ginawa nga ang sulat na ito bago ang kumperensya sa Jerusalem, isa ito sa mga unang ginawang sulat sa Bagong Tipan.

Para kanino ito isinulat at bakit ito isinulat?

Ginawa ni Santiago ang sulat na ito para “sa labindalawang angkan na nasa pangangalat” (Santiago1:1), ibig sabihin ang buong sambahayan ni Israel; inaanyayahan niya sila na “tanggapin ang ebanghelyo … [at] lumapit sa kawan ni Cristo” (Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:243). Itinuro ni Santiago sa mga miyembro ng Simbahan na ipakita sa kanilang pamumuhay ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Ano ang ilang kakaibang mga katangian ng aklat na ito?

Ang Pangkalahatang Sulat ni Santiago ay itinuturing na literatura ng karunungan na katulad ng aklat ng Mga Kawikaan ng Lumang Tipan. Ang nilalaman ng liham ay binubuo ng maiikling paliwanag tungkol sa mga alituntunin na dapat ipamuhay ng isang Kristiyano. Bukod pa rito, napakaraming pagkakatulad ng Sermon ng Tagapagligtas sa Bundok na nakatala sa Mateo 5–7 at sa mga salita ni Santiago. Kabilang sa ilang magkakatulad na tema ang pagtitiis sa pag-uusig (tingnan sa Santiago 1:2–3, 12; Mateo 5:10–12); pagiging “sakdal,” o ganap sa espirituwal (tingnan sa Santiago 1:4; 2:22; Mateo 5:48); paghiling sa Diyos (tingnan sa Santiago 1:5; Mateo 7:7–8); paggawa ng kalooban ng Diyos (tingnan sa Santiago 1:22; Mateo 7:21–25); pagmamahal sa iba (tingnan sa Santiago 2:8; Mateo 5:43–44; 7:12); pag-alam sa mabuti at sa masama sa pamamagitan ng kanilang mga bunga (tingnan sa Santiago 3:11–12; Mateo 7:15–20); pagiging tagapamayapa (tingnan sa Santiago 3:18; Mateo 5:9); at hindi pagsumpa (tingnan sa Santiago 5:12; Mateo 5:34–37).

Outline

Santiago 1–2 Binati ni Santiago ang kanyang mga mambabasa at nagbigay ng pambungad sa ilang pangunahing tema ng kanyang sulat, kabilang na ang pagtitiis sa mga pagsubok, paghahangad ng karunungan, at pamumuhay nang ayon sa sariling ipinahayag na pananampalataya. Ang mga tagapakinig ng mga salita ng Diyos ay dapat na maging tagatupad din ng salita. Inilarawan ni Santiago ang “dalisay na relihiyon” bilang pangangalaga sa mga ulila at balo at paghahangad na mamuhay na walang dungis o bahid ng kasalanan (Santiago 1:27). Ang mga Banal ay dapat magmahal sa kanilang kapwa at ipakita ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.

Santiago 3–4 Inilarawan ni Santiago ang pinsalang idinudulot ng hindi pagkontrol sa pananalita at ikinumpara ito sa bunga ng kabutihan ng mga tagapamayapa. Nagbabala siya sa kanyang mga mambabasa na huwag kaibiganin ang sanlibutan kundi labanan ang panunukso ng diyablo at lumapit sa Diyos.

Santiago 5 Nagbabala si Santiago sa masasamang mayayaman. Tinapos niya ang kanyang sulat sa maiikling payo tungkol sa mga responsibilidad ng mga Banal sa iba pang mga miyembro ng Simbahan. Pinayuhan niya ang mga Banal na matiyagang magtiis hanggang sa pagparito ng Panginoon at maging matapat sa lahat ng kanilang pag-uusap. Hinikayat ni Santiago ang mga may sakit na tawagin ang mga elder upang mapahiran sila ng langis.