Lesson 142
Santiago 3
Pambungad
Itinuro ni Santiago sa mga Banal na mahalagang kontrolin ang kanilang pananalita. Pagkatapos ay ipinagkumpara niya ang karunungan ng mundo sa karunungang nagmumula sa Diyos.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Santiago 3:1–12
Itinuro ni Santiago sa mga Banal na mahalagang kontrolin ang kanilang pananalita
Magdala ng toothpaste sa klase. Sabihin sa isang estudyante na pisiling palabas ang toothpaste mula sa tube (o ipaisip sa mga estudyante ang scenario na ito). Sabihin sa isa pang estudyante na subukang ibalik ang toothpaste sa tube. Matapos mahirapan ang pangalawang estudyante sa paggawa nito, itanong:
-
Paano maikukumpara ang toothpaste na ito sa mga salitang sinasambit natin?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung may nasabi na sila na pinagsisihan nila kalaunan. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Santiago 3:1–12 na tutulong sa kanila na pumili ng mga tamang sasabihin.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 3:2–4 at ang unang pangungusap ng Santiago 3:5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ni Santiago ang mga taong hindi nakakatisod o nakakasakit ng damdamin ng iba ang mga sinasabi nila. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “tayong lahat ay nangatitisod” sa talata 2 ay lahat tayo ay nagkakamali, at ipaliwanag na ginamit ni Santiago ang salitang dila para tukuyin ang mga salitang sinasabi natin.
-
Paano inilarawan ni Santiago ang mga taong marunong magkontrol ng pananalita?
Maaari kang magpakita o magdrowing sa pisara ng mga larawan ng isang preno ng kabayo at ng isang timon ng barko. Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang preno (talata 3) ay isang kapirasong bakal na inilagay sa bibig ng isang kabayo na nakakonekta sa renda, para makontrol ng nangangabayo ang takbo ng kabayo. Sa talatang ito, ang salitang ugit (talata 4), ay tumutukoy sa timon ng isang barko, na tumutulong sa isang tao na paandarin o iliko ang barko.
-
Ayon kay Santiago, ano ang pagkakatulad ng preno ng kabayo at ng ugit ng barko? (Pareho itong maliit, at parehong nagpapaandar o nagkokontrol ng mas malalaking bagay na pinagkakabitan ng mga ito.)
-
Paano nakatutulong sa atin ang pagkumpara ni Santiago sa mga bagay na ito sa dila, o sa mga sinasabi natin, na maunawaan ang epekto ng ating mga salita?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa mangyayari kapag natutuhan nating kontrolin ang ating pananalita? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang isang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag natututuhan nating kontrolin ang ating pananalita, matututuhan nating kontrolin ang iba pang mga ikinikilos natin.)
-
Bakit maaaring makatulong ang pagkontrol natin sa ating pananalita sa pagkontrol sa iba pang ikinikilos natin?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang huling pangungusap sa Santiago 3:5 gayundin ang Santiago 3:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung saan pa ikinumpara ni Santiago ang ating pananalita.
-
Saan pa ikinumpara ni Santiago ang ating pananalita?
-
Anong mga aspeto ng ating buhay ang maaaring “pinagningas” (talata 6), o sinisira ng di-magandang pananalita?
Ipaliwanag na ang mga katagang “gulong ng katalagahan” sa talata 6 ay tumutukoy sa takbo ng buhay ng isang tao.
-
Sa paanong mga paraan naiimpluwensyahan ng mga sinasabi natin ang takbo ng ating buhay?
-
Paano nakakaapekto nang maganda sa buhay natin at sa buhay ng iba ang kahit bahagyang pagbabago sa pananalita natin?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Santiago 3:7–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung saan pa ikinumpara ni Santiago ang ating pananalita.
-
Saan pa ikinumpara ni Santiago ang ating pananalita? (Sa isang hayop na dapat paamuin [tingnan sa mga talata 7–8], sa “lasong nakamamatay” [talata 8], sa isang bukal na “babalungan ng matamis ang maalat” na tubig “sa isa lamang siwang” [mga talata 11–12], sa isang puno ng igos na nagbubunga ng aseitunas sa halip na igos, at sa ubas na nagbubunga ng igos [tingnan sa talata 12].)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang nilalaman ng mga talatang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Malinaw na hindi naman sinasabi ni Santiago na laging masama ang sinasabi natin, na hindi lahat ng sinasabi natin ay puno ng ‘lasong nakamamatay.’ Ngunit malinaw niyang ipinapahiwatig na may mga sinasabi tayo na nakakasakit, at nakalalason pa kung minsan—at nakababahala ang bagay na iyan para sa isang Banal sa mga Huling Araw! Ang tinig na taimtim na nagpapatotoo, umuusal ng mga dalangin, at umaawit ng mga himno ng Sion ay maaaring ang tinig ding iyon na nambubulyaw at namimintas, nanghihiya at nanlalait, nananakit at dahil dito ay sumisira sa espiritu mismo ng isang tao at ng iba. …
“… Nawa’y sikapin nating maging ‘sakdal’ na kalalakihan at kababaihan kahit man lang sa paraang ito ngayon—sa pamamagitan ng hindi paggamit ng masakit na salita, o sa mas positibong paraan, sa pagsasalita gamit ang bagong wika, ang wika ng mga anghel. Ang mga salita, tulad ng ating mga gawa, ay dapat puno ng pananampalataya at pag-ibig sa kapwa, ang tatlong alituntunin ng Kristiyanismo na lubhang kailangan sa daigdig ngayon. Sa gayong mga salita, na binibigkas sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu, mapapahid ang mga luha, mapagagaling ang mga puso, mapasisigla ang buhay, naibabalik ang pag-asa, mapapananatili ang tiwala” (“Ang Wika ng mga Anghel,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 16, 18).
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa dapat na pananalita ng mga disipulo ng Diyos? (Gamit ang kanilang sariling mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Sinisikap ng mga disipulo ni Jesucristo na gamitin ang kanilang wika sa mabubuting layunin, hindi para magpalaganap ng kasamaan.)
-
Bakit seryosong problema kung gumagamit ng pananalita ang mga Banal sa mga Huling Araw para sa masamang layunin o para saktan o siraan ang iba?
-
Ano ang ilang mga bagay na magagawa natin para maging mas “sakdal” (Santiago 3:2) tayo sa pagpili ng ating mga sasabihin?
Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano sila magagabayan ng pamumuhay ng katotohanang natukoy nila sa Santiago 3:9–10 sa mga dapat gawin sa mga susunod na sitwasyon:
-
Nagte-text ka o gumagamit ng social media.
-
Isa kang priest na nagbabasbas ng sakramento tuwing Linggo. Sa paaralan, pinagtatawanan ng mga kaibigan mo ang isang estudyante.
-
Ikaw ay dalagita na nakapagsalita noon nang di-maganda sa isa pang dalagita sa inyong ward o branch.
-
Masama ang sinasabi ng mga teammate mo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan:
“Ang pakikipag-usap ninyo ay dapat magpakita ng inyong pagkatao bilang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos. Ang malinis at matalinong pananalita ay patunay ng maaliwalas at mabuting isipan. Ang mabuting pananalita na nagbibigay-inspirasyon, humihikayat, at pumupuri sa iba, ay nag-aanyaya sa Espiritu na mapasainyo. Ang ating pananalita, tulad ng ating mga gawa, ay dapat puno ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 20).
-
Kailan kayo nabigyan ng inspirasyon o nahikayat ng mga sinabi sa inyo ng ibang tao?
-
Paano kayo napagpala nang sikapin ninyong bigyan ng inspirasyon o palakasin ang loob ng iba dahil sa inyong mga sinabi?
Hikayatin ang mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang gagawin nila para mas makontrol ang kanilang pananalita at magsalita nang may mabubuting layunin. Hikayatin sila na gawin sa susunod na linggo ang isinulat nila.
Santiago 3:13–18
Ikinumpara ni Santiago ang karunungan ng mundo sa karunungang nagmumula sa Diyos
Ibuod ang Santiago 3:13–18 na ipinapaliwanag na ikinumpara ni Santiago ang karunungan ng mundo sa karunungang nagmumula sa Diyos. Ang karunungan ng mundo ay humahantong sa “kaguluhan” (talata 16) at “pagkakampi-kampi” (talata 14), samantalang ang karunungang “buhat sa itaas” ay “malinis” at “puspos ng kaawaan” (talata 17).
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro sa lesson na ito.