Library
Pambungad sa Ikalawang Pangkalahatang Sulat ni Juan


Pambungad sa Ikalawang Pangkalahatang Sulat ni Juan

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Sa kanyang Ikalawang Sulat, nagpahayag si Juan ng pag-aalala tungkol sa impluwensya sa Simbahan ng mga nag-apostasiya. Gayon din, nagpahayag din siya ng kagalakan para sa mga miyembro ng Simbahan na nanatiling matatag at matapat sa ebanghelyo (tingnan sa II Ni John 1:4). Ang mga salitang ito ay nagpapakita ng kagalakan at pasasalamat na nadarama ng mga lider ng Simbahan para sa mga nananatiling tapat sa Panginoon. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng II Ni Juan, mapapalakas sila ng paalala ni Juan na mahalin ang isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos, at manatiling tapat sa doktrina ni Cristo.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Tinukoy ng may-akda ang kanyang sarili bilang “ang matanda” II Ni Juan 1:1), at pinaniniwalaan na si Juan, isa sa mga orihinal na Labindalawang Apostol, ang sumulat nito (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Juan, Anak Ni Zebedeo”).

Kailan at saan ito isinulat?

Hindi tiyak kung kailan at saan isinulat ang II Ni Juan.

Kung tama ang sinasabi sa kasaysayan na matagal na nanirahan si Juan sa Efeso, maaaring doon niya ginawa ang sulat na ito sa pagitan ng A.D. 70 at 100.

Para kanino ito isinulat at bakit?

Ang Ikalawang Sulat ni Juan ay isinulat para sa “hirang na ginang at sa kaniyang mga anak” (II Ni Juan 1:1). Walang nakaaalam kung isinulat ito ni Juan para sa kanyang pamilya o sa iba pang grupo ng mga tao o kaya’y nagsasalita siya sa buong Simbahan gamit ang matalinghagang pananalita.

Isinulat ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang II at III Ni Juan ay maaaring mga sulat ni Juan para sa mga miyembro ng kanyang pamilya (tingnan sa Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:409–10, 412–14).

Ang isa pang posibilidad ay na ang mga katagang “hirang na ginang” ay tunay na tumutukoy sa isang kongregasyon ng mga Kristiyano (tingnan sa II Juan 1:13). Ang salitang Griyego para sa simbahan ay pambabae, at karaniwan nang kinakatawan ang Simbahan bilang isang babae (tingnan sa Mga Taga Efeso 5:25–27, 32; Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:1–3, 7 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]; Apocalipsis 19:7–8).

Tulad ng I Ni Juan, malinaw na isinulat ito ni Juan para tumugon sa mga maling turo na si Jesucristo ay hindi literal na pumarito sa mundo sa laman o nagkaroon ng pisikal na katawan. Ipinaliwanag niya na hindi dapat tanggapin sa bahay o kongregasyon ang mga miyembrong nagturo na si Cristo ay hindi nagkaroon ng pisikal na katawan (tingnan sa II Ni Juan 1:7–10).

Ano ang ilan sa kakaibang mga katangian ng aklat na ito?

Sa sulat na ito ay nagbabala si Juan tungkol sa mga huwad na guro na nakapasok sa Simbahan. Pinayuhan niya ang mga miyembro ng Simbahan na huwag sundin o huwag makipag-ugnayan sa mga taong ito.

Outline

II Ni Juan 1 Ipinaalala ni Juan sa Simbahan ang kautusang mahalin ang isa’t isa. Nagbabala siya laban sa mga huwad na guro at mga taong mapanlinlang na nasa Simbahan at pinayuhan ang mga miyembro ng Simbahan na huwag hayaang manatili ang mga ito sa kanilang mga kongregasyon.