Library
Lesson 41: Marcos 10


Lesson 41

Marcos 10

Pambungad

Sa nalalapit na pagwawakas ng Kanyang ministeryo sa mundo, nagministeryo ang Tagapagligtas sa mga tao sa Perea. Habang naroon, itinuro Niya ang doktrina ng kasal at inanyayahan ang maliliit na bata na lumapit sa Kanya. Pinayuhan din ng Tagapagligtas ang isang mayamang batang pinuno na ipagbili ang lahat ng kanyang pag-aari at sumunod sa Kanya. Nang lisanin ng Tagapagligtas ang Perea at nagtungo sa Jerusalem sa huling pagkakataon sa mortalidad, ibinadya Niya ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli at pinayuhan ang Kanyang mga Apostol na paglingkuran ang iba. Pinagaling din Niya ang isang lalaking bulag sa Jerico.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Marcos 10:1–16

Itinuro ni Jesus ang doktrina ng kasal at inanyayahan ang maliliit na bata na lumapit sa Kanya

Magpakita sa mga estudyante ng ilang larawan ng maliliit na bata.

  • Anong mga katangian o ugali ang hinahangaan ninyo sa inyong mga nakababatang kapatid o sa iba pang maliliit na bata na kilala ninyo? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng katotohanan sa pag-aaral nila ng Marcos 10:1–16 na nagtuturo sa atin kung bakit dapat tayong maging tulad ng maliliit na bata.

Ipaliwanag na nang nalalapit na ang pagwawakas ng ministeryo ng Tagapagligtas, nilisan Niya ang Galilea at nagpunta sa lugar na tinatawag na Perea. (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Perea sa handout na “Buod ng Buhay ni Jesucristo sa Mundong Ito” [tingnan sa lesson 5] o sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 11, “Ang Banal na Lupain Noong Panahon ng Bagong Tipan.”) Ibuod ang Marcos 10:1–12 na ipinapaliwanag na habang nasa Perea, ang Tagapagligtas ay nagturo sa mga tao ng tungkol sa kahalagahan ng kasal.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 10:13–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari habang nasa Perea ang Tagapagligtas.

  • Ano ang ginawa ng mga disipulo nang dalhin ng mga tao ang maliliit na bata sa Tagapagligtas? (Ipaliwanag na ang salitang sinaway sa talata 13 ay nagsasaad na sinabihan ng mga disipulo ang mga tao na hindi nila dapat dalhin ang kanilang mga anak sa Tagapagligtas.)

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas sa mga disipulo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 10:15–16, at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo nang lumapit sa Kanya ang maliliit na bata. Ipaliwanag na ang mga katagang “tumanggap ng kaharian ng Dios” sa talata 15 ay tumutukoy sa pagtanggap ng ebanghelyo.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng tanggapin ang ebanghelyo “tulad sa isang maliit na bata”? (talata 15). (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante, at ikumpara ang mga ito sa mga bagay na nakasulat na sa pisara.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa mangyayari kapag tinanggap natin ang ebanghelyo tulad sa maliliit na bata? (Maaaring iba iba ang matukoy na katotohanan ng mga estudyante, ngunit tiyakin na malinaw na kapag tinanggap natin ang ebanghelyo tulad sa maliliit na bata, magiging handa tayo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos.)

  • Sa paanong paraan tayo naihahanda ng pagtanggap ng ebanghelyo tulad sa maliliit na bata sa pagpasok sa kaharian ng Diyos? (Para matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang Mosias 3:19.)

Marcos 10:17–34

Pinayuhan ng Tagapagligtas ang isang mayamang batang pinuno na ipagbili ang lahat ng kanyang pag-aari at sumunod sa Kanya

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 10:17–20, at sabihin sa klase na alamin ang nangyari pagkatapos basbasan ng Tagapagligtas ang maliliit na bata.

  • Paano ninyo ilalarawan ang lalaking lumapit kay Jesus? Bakit?

  • Ano ang itinanong ng lalaki sa Tagapagligtas? Paano tumugon si Jesus?

Ipaliwanag na ang Mateo 19 ay naglalaman ng salaysay tungkol sa lalaking ito na lumapit sa Tagapagligtas. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 19:20, at sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng lalaki matapos isa-isahin ng Tagapagligtas ang ilan sa mga kautusan.

  • Matapos sabihing sinusunod na niya ang lahat ng kautusan, ano ang itinanong ng lalaki sa Tagapagligtas? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang tanong ng lalaki.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano pa ang kulang sa akin?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Marcos 10:21, na inaalam kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa lalaki.

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na kulang pa sa lalaking ito?

Ituro ang mga katagang “pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya” sa talata 21. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga katagang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman na mahal ni Jesus ang lalaking ito bago Niya sabihin sa kanya kung ano pa ang kulang nito?

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa talang ito? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang alituntunin, kabilang ang sumusunod: Dahil mahal Niya tayo, tutulungan tayo ng Panginoon na malaman kung ano ang kulang pa sa ating mga pagsisikap na sundin Siya. Kung magtatanong tayo sa Panginoon, ituturo Niya sa atin ang mga dapat nating gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Marcos 10:22, na inaalam ang reaksyon ng lalaki nang payuhan siya ng Tagapagligtas na ipagbili ang lahat ng kanyang ari-arian.

  • Ano ang reaksyon ng lalaki?

  • Ayon sa talata 22, bakit ganoon ang naging reaksyon niya?

Ipaliwanag na bagama’t maaaring hindi tayo inutusang ibigay ang malaking kayamanan natin para sumunod sa Panginoon, iniuutos Niya sa atin na gumawa tayo ng iba pang mga sakripisyo para makapaglingkod sa Kanya at masunod ang Kanyang mga kautusan.

  • Ano ang ilang sakripisyo na ipinagagawa sa atin ng Panginoon na maaaring mahirap gawin?

  • Anong mga pagpapala ang maaaring hindi natin matanggap kapag pinili nating hindi sumunod sa Panginoon sa lahat ng bagay?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 10:23–27. Ipabasa rin nang malakas sa estudyanteng ito ang sumusunod mula sa Joseph Smith Translation, Mark 10:26: “Sa mga taong nagtitiwala sa mga kayamanan, hindi makapangyayari ito; ngunit hindi gayon sa mga taong nagtitiwala sa Diyos at iniiwan ang lahat alang-alang sa akin, sapagkat para sa kanila ang lahat ng bagay na ito ay mangyayari.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Jesus tungkol sa pag-iwan ng lahat ng bagay alang-alang sa Kanya.

  • Sa palagay ninyo, bakit napakahirap para sa mga taong nagtitiwala sa mga kayamanan o iba pang makamundong bagay na makapasok sa kaharian ng Diyos?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng lahat ay posible para sa mga taong nagtitiwala sa Diyos?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 10:28–31. Ipabasa rin nang malakas sa estudyanteng ito ang sumusunod mula sa Joseph Smith Translation, Mark 10:30–31: “Datapuwa’t maraming nangauuna ay mangahuhuli, at nangahuhuli na mangauuna. Ito ang Kanyang sinabi, na pinagsasabihan si Pedro.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pedro pagkatapos ituro ng Tagapagligtas na dapat handa tayong ibigay ang anumang hingin Niya sa atin.

  • Ayon sa talata 28, ano ang sinabi ni Pedro?

  • Ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga taong handang isuko ang lahat para sumunod sa Kanya?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa mga itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa dapat nating gawin upang matanggap ang buhay na walang hanggan? (Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Para matanggap ang buhay na walang hanggan, dapat handa tayong isuko ang anumang bagay na hihilingin ng Panginoon sa atin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Bakit ang buhay na walang hanggan ay sulit o karapat-dapat sa anumang sakripisyong ipagagawa sa atin sa mundong ito? (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang buhay na walang hanggan ay pamumuhay magpakailanman sa piling ng Diyos kasama ang mabubuting miyembro ng ating pamilya.)

Ibuod ang Marcos 10:32–34 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na pagkarating nila sa Jerusalem, Siya ay kukutyain, sasaktan, luluraan, at papatayin at na Siya ay babangong muli sa ikatlong araw.

  • Paano naging perpektong halimbawa ang Tagapagligtas sa kahandaang gawin ang lahat ng iutos ng Diyos?

Patotohanan ang mga katotohanang itinuro sa lesson na ito. Hikayatin ang mga estudyante na mapanalanging pag-isipan ang tanong na “Ano pa ang kulang ko?” at sundin ang anumang inspirasyong matatanggap nila tungkol sa mga sakripisyong ipagagawa sa kanila ng Panginoon.

Marcos 10:35–52

Ibinadya ng Tagapagligtas ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli at pinayuhan ang Kanyang mga Apostol na paglingkuran ang iba

handout iconHatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Bigyan ang bawat grupo ng isang kopya ng sumusunod na handout, at sabihin sa kanila na kumpletuhin ito:

handout, Sino ang Pinakadakila

Sino ang Pinakadakila?

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 41

Kumpletuhin ang handout na ito bilang isang grupo, at pag-usapan ang mga sagot ninyo sa mga tanong.

Maglista ng ilang aktibidad na gusto ninyo:

  • Bumanggit ng ilang tao na talagang mahusay sa paggawa ng mga aktibidad na inilista ninyo sa itaas. Bakit sila mahusay?

Habang patuloy ninyong pinag-aaralan ang mga salita ng Tagapagligtas sa Marcos 10, alamin ang itinuro Niya tungkol sa mga dapat gawin ng isang tao upang maging dakila.

Basahin ang Marcos 10:35–37, na inaalam ang hiniling nina Santiago at Juan sa Tagapagligtas habang naglalakbay sila papunta sa Jerusalem.

Ang kahilingan nina Santiago at Juan na makaupo sila sa kanan at kaliwang kamay ng Tagapagligtas ay nagpapahiwatig na gusto nilang tumanggap ng mas malaking kaluwalhatian at karangalan sa kaharian ng Diyos kaysa matatanggap ng iba pang mga Apostol. Nakatala sa Marcos 10:38–40 na ipinaliwanag ng Tagapagligtas kina Santiago at Juan na ang pagpapalang ito ay ibibigay sa mga handang tanggapin ito.

Basahin ang Marcos 10:41, na inaalam ang reaksyon ng iba pang mga disipulo sa kahilingan nina Santiago at Juan.

  • Sa inyong palagay, bakit nagalit ang iba pang mga disipulo kina Santiago at Juan?

Basahin ang Marcos 10:42–45, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo tungkol sa kadakilaan.

Kumpletuhin ang sumusunod na pahayag ayon sa itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa tunay na kadakilaan:

Upang maging tunay na dakila, dapat nating .

Sa talata 45, ang ibig sabihin ng salitang maglingkod ay mangalaga, magbigay ng ginhawa, tulong, at suporta sa iba.

  • Bakit itinuturing na tunay na dakila ang isang taong naglilingkod at nagmiministeryo sa iba (tulad ng Tagapagligtas)?

  • Kailan may naglingkod at nagmalasakit sa inyo at sa inyong pamilya? Bakit itinuturing ninyo na tunay na dakila ang taong iyon?

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang handout, sabihin sa ilang estudyante na magreport kung paano nila kinumpleto ang pahayag batay sa Marcos 10:42–45. Maaaring ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Upang maging tunay na dakila, dapat nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglilingkod sa iba.

Ibuod ang Marcos 10:46–52 na ipinapaliwanag na habang paalis na ang Tagapagligtas at Kanyang mga Apostol sa Jerico, isang bulag na lalaki na nagngangalang Bartimeo ang nagsisisigaw na pagalingin siya ng Tagapagligtas. Sinabihan ng mga tao si Bartimeo na tumahimik siya, ngunit lalo pang lumakas ang kanyang pagsigaw. Narinig ng Tagapagligtas ang kanyang pagsigaw, nahabag sa kanya, at pinagaling siya. (Paunawa: Ang tala tungkol sa pagpapagaling kay Bartimeo ay ituturo nang mas detalyado sa lesson para sa Lucas 18.)

  • Paano naging perpektong huwaran ang Tagapagligtas sa alituntuning itinuro Niya tungkol sa paglilingkod sa iba?

Ibahagi ang iyong patotoo na talagang dakila ang Tagapagligtas dahil sa paraan ng paglilingkod Niya sa mga anak ng Ama sa Langit. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang magagawa nila para makapaglingkod at mapangalagaan ang mga taong nasa paligid nila. Hikayatin sila na magtakda ng mithiin na tutulong sa kanila na maglingkod at magministeryo sa iba.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Marcos 10:17–22. Ang mayamang batang pinuno

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol na dapat tayong maging masigasig sa paggawa ng mabuti at hindi lamang basta umiwas sa paggawa ng mali upang maging magigiting na disipulo ng Tagapagligtas:

“Ang kadalasang humahadlang sa atin sa pagiging sakdal sa espirituwal ay ang mga kasalanang sanhi ng hindi paggawa ng mga bagay na dapat gawin dahil kulang pa rin tayo ng ilang bagay. Alalahanin ang mayaman at mabait na batang lalaki na lumapit kay Jesus at nagtanong ng, ‘Mabuting Guro, ano ang gagawin ko upang ako’y magmana ng buhay na walang hanggan?’ …

“Isang naaangkop na kautusan ang ibinigay sa lalaking ito [tingnan sa Mateo 19:21–22]. Isang bagay ito na kailangan niyang gawin, hindi isang bagay na kailangan niyang ihintong gawin, dahil hadlang ito upang siya ay maging sakdal” (“The Pathway of Discipleship” [Brigham Young University fireside, Ene. 4, 1998], 4, speeches.byu.edu).

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na nawala sa batang pinuno ang mga pagpapala dahil hindi siya handang sundin ang Tagapagligtas sa lahat ng bagay:

“Maaaring maitanong natin, ‘Hindi pa ba sapat ang sundin ang mga kautusan? Ano pa ang inaasahan sa atin maliban sa maging tunay at tapat sa bawat ipagkatiwala sa atin? May hihigit pa ba kaysa batas ng pagsunod?’

“Sa sitwasyon ng ating mayaman at batang kaibigan may inaasahan pa sa kanya. Inaasahan na susundin niya ang batas ng paglalaan, na isasakripisyo ang kanyang mga kayamanan sa mundo. …

“Tulad ng alam ninyo, lumisan ang lalaki na nalulungkot. … At naiwan tayong nag-iisip ng maaari sanang nangyari kung nakasama niya ang Anak ng Diyos, kung naging kaibigan ang mga apostol, at ano kayang mga paghahayag at pangitain ang maaari niyang natanggap, kung nagawa niyang sundin ang batas ng kahariang selestiyal” (“Obedience, Consecration, and Sacrifice,” Ensign, Mayo 1975, 51).

Marcos 10:25. “Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom”

“May mga nagsabi na ang butas ng karayom ay isang maliit na pintuan sa pader ng lungsod ng Jerusalem, na kailangang alisin ang pasan ng kamelyo para makapasok dito. Walang katibayan na may ganoong pintuan. Iminungkahi naman ng iba na kapag binago ang isang letra sa teksto ng Griyego ay mababago rin ang nasa banal na kasulatan, na ibig sabihin ay isang lubid, hindi kamelyo, ang kailangang makapasok sa butas ng karayom. Gayunman, nang banggitin ni Jesucristo ang isang kamelyo na pumapasok sa butas ng isang karayom, ito marahil ay halimbawa lamang ng hyperbole, isang sadyang pagmamalabis o eksaherasyon sa pagpapahayag upang ituro na ‘mahirap na makapasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng langit’ (Mateo 19:23). Idinagdag sa Joseph Smith Translation, ‘Sa mga taong nagtitiwala sa mga kayamanan, hindi mangyayari ito; ngunit mangyayari sa mga taong nagtitiwala sa Diyos at iniiwan ang lahat alang-alang sa akin, sapagkat sa kanila lahat ng mga bagay na ito ay mangyayari’ (Joseph Smith Translation, Mark 10:26)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 63).

Marcos 10:38–39. “Mangakaiinom baga kayo sa sarong aking iinuman?”

“Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie na ang mga katagang ‘mangakaiinom … sa saro’ ay ‘isang metapora na ibig sabihin ay, “Magawa ang mga bagay na nakatadhana kong gawin.”’ Ipinaliwanag niya na ang mga katagang ‘mangababautismuhan sa bautismo na ibinautismo sa akin’ ay nangangahulugang ‘sundan ang aking nilalandas, magdanas ng pag-uusig, maitakwil ng mga tao, at sa huli ay patayin dahil sa katotohanan’ (Doctrinal New Testament Commentary, 1:566). Sa pagtatanong ng ‘Mangakaiinom baga kayo sa sarong aking iinuman? at mangababautismuhan sa bautismo na ibinautismo sa akin?’ (Marcos 10:38), muling itinuon ng Tagapagligtas ang isipan nina Santiago at Juan sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Ama, sa halip na sa pagtanggap ng kaluwalhatian at karangalan” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 126).

Marcos 10:45. “Ang Anak ng tao ay naparito … upang maglingkod”

Nagpatotoo si Pangulong Ezra Taft Benson na si Jesucristo ay perpektong huwaran ng kadakilaan:

“Pinakadakila at pinakamapalad at pinakamasaya ang lalaki [o babaeng] iyon na ang buhay ay halos natutulad na sa huwaran ni Cristo. Walang kinalaman dito ang kayamanan, kapangyarihan, o katanyagang natamo sa mundo. Ang tanging tunay na sukatan ng kadakilaan, kaligayahan, at kagalakan ay kung gaano kalapit nating natutularan ang Panginoong Jesucristo” (“Jesus Christ: Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 2).