Library
Pambungad sa Sulat ni Pablo sa mga Taga Colosas


Pambungad sa Sulat ni Pablo sa mga Taga Colosas

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Ginawa ni Pablo ang Sulat sa Mga Taga Colosas dahil sa ulat na sila ay unti-unting nakakagawa ng malaking pagkakamali (tingnan sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles”). Ang mga maling turo at gawain sa Colosas ay nakaimpluwensya sa mga Banal doon at naglagay sa panganib sa kanilang pananampalataya. Ang gayunding impluwensya ng kultura ay nagiging hamon din sa mga miyembro ng Simbahan ngayon. Isa sa mga dahilan kung bakit mahalaga ang sulat na ito ay dahil tinutukoy nito at inilalantad ang mga kabulaanan habang binibigyang-diin ang pagiging Diyos at ang nakapagliligtas na gawain ni Jesucristo. Sa pag-aaral ng aklat ng Mga Taga Colosas, mapapalalim ng mga estudyante mo ang kanilang pagbabalik-loob sa Tagapagligtas at makatatanggap ng proteksyon laban sa panlilinlang at kasalanan.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Ang Sulat sa mga Taga Colosas ay ipinadala nina Pablo at Timoteo (tingnan sa Mga Taga Colosas 1:1, 23; 4:18). Malinaw na sulat-kamay mismo ni Pablo ang kanyang pagbati sa katapusan ng liham (tingnan sa Mga Taga Colosas 4:18), na nagpapahiwatig na isang tagasulat, maaaring si Timoteo, ang tumulong sa kanya sa pagsulat ng nilalaman ng liham.

Kailan at saan ito isinulat?

Ang liham na ito ay isinulat ni Pablo sa unang pagkakakulong niya sa Roma, mga A.D. 60–62 (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org). Marahil ay ginawa ni Pablo ang Sulat sa Mga Taga Colosas kasabay sa pagsulat niya sa Mga Taga Filipos, Mga Taga Efeso, at Kay Filemon.

Para kanino ito isinulat at bakit?

Isinulat ito para sa matatapat na Banal sa Colosas, isang lugar sa Turkey sa panahon ngayon. Tinagubilinan ni Pablo ang mga Banal sa Colosas na ipabasa rin ang sulat sa mga miyembro ng Simbahan sa kalapit na Laodicea (tingnan sa Mga Taga Colosas 4:16).

Ginawa ni Pablo ang sulat na ito “pagkatapos siyang dalawin ni Epafras, ang ebangelista ng Simbahan sa [Colosas] [tingnan sa Mga Taga Colosas 1:7–8]. Sinabi ni Epafras kay Pablo na unti-unting nakakagawa ng malaking pagkakamali ang mga taga Colosas—inakala nilang higit silang mabubuti kaysa ibang tao dahil sa maingat nilang pagtupad sa ilang natatanging panlabas na ordenansa [tingnan sa Mga Taga Colosas 2:16], pinagkakaitan ang kanilang mga sarili ng ilang pangangailangang pisikal, at sumasamba sa mga anghel [tingnan sa Mga Taga Colosas 2:18]. Inakala ng mga taga Colosas na sa pamamagitan ng mga kaugaliang ito sila ay napapabanal. Inakala rin nila na nauunawaan nila ang mga hiwaga ng sandaigdigan nang higit sa iba pang miyembro ng Simbahan. Sa kanyang sulat, itinuwid sila ni Pablo sa pamamagitan ng pagtuturo na darating lamang ang pagtubos sa pamamagitan ni Cristo at kinakailangan tayong maging marunong at maglingkod sa kanya” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Taga-Colosas, Sulat sa,” scriptures.lds.org).

Ano ang ilan sa mga naiibang katangian ng aklat na ito?

Sa Sulat sa mga Taga Colosas, sinalungat ni Pablo ang mga maling turo sa Colosas sa pagbibigay-diin sa pagiging Diyos ni Jesucristo, sa Kanyang nakapagliligtas na misyon, at kadakilaan (tingnan sa Mga Taga Colosas 1:15–23). Itinuro niya na si Cristo ang eksaktong larawan ng Diyos Ama, ang Tagapaglikha, at ang Namumuno sa Simbahan, ang unang nabuhay na mag-uli, at ang Manunubos. Siya ang “pangulo ng lahat na pamunuan at kapangyarihan” (Mga Taga Colosas 2:10), at tinupad Niya ang Kanyang banal na misyon sa ilalim ng patnubay ng Ama (tingnan sa Mga Taga Colosas 1:19; 3:1).

Nagbabala si Pablo laban sa mga nagtuturo na ang tunay na espirituwalidad ay matatamo sa pamamagitan ng mga ritwal, mga kapistahan, at mga uri ng pagkain (tingnan sa Mga Taga Colosas 2:16–18, 20, 23). Sa halip ay itinuro niya na ang espirituwal na kahustuhan at kaalaman sa Diyos ay naipapakita sa pamamagitan ng paglalagak o pagtutuon ng ating “pagiisip sa mga bagay na nangasa itaas” (Mga Taga Colosas 3:2), pagwawaksi ng masasamang gawain (tingnan sa Mga Taga Colosas 3:5–9), at pagsisikap na magkaroon ng mga katangian na tulad ng kay Cristo (tingnan sa Mga Taga Colosas 3:12–17). Pinayuhan ni Pablo ang mga mambabasa na maging “nababaon at matitibay” sa ebanghelyo (Mga Taga Colosas 1:23) at maging “nangauugat at nangatatayo [kay Jesucristo], at matibay sa inyong pananampalataya” (Mga Taga Colosas 2:7).

Outline

Mga Taga Colosas 1:1–23 Binati ni Pablo ang mga Banal sa Colosas at ipinahayag na si Jesucristo ang Manunubos, ang Panganay sa lahat ng nilalang, ang Lumikha, at ang Panginoon ng lahat ng kabanalan, na sa Kanya ay ipinakipagkasundo ang sansinukob. Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na patatagin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Mga Taga Colosas 1:24–2:23 Nagbabala si Pablo laban sa paniniwala sa anumang maling pilosopiya o tradisyon ng mga tao, kabilang na ang pagsamba sa mga anghel at ang labis na pagkakait sa sarili ng mga pisikal na pangangailangan bilang isang paraan ng espirituwal na pagdidisiplina.

Mga Taga Colosas 3:1–4:18 Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na ilagak ang kanilang mga puso sa mga bagay na nasa itaas (o sa kalangitan), at iwanan ang mga kasalanan ng dati nilang buhay, at maging maawain sa bawat isa. Tinuruan niya ang mga Banal ng tamang paraan ng pagsamba at pagkatapos ay binigyan ng payo ang mga mag-asawa, bata, magulang, alipin, at mga panginoon (mga amo). Tinapos niya ang kanyang Sulat sa mga Taga Colosas sa pagpuri, pagbati, at pagbigay ng huling mga tagubilin at pagpapala.