Library
Pambungad sa Unang Sulat ni Pablo sa mga Taga Corinto


Pambungad sa Unang Sulat ni Pablo sa mga Taga Corinto

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Ang mga miyembro ng Simbahan noong araw na naninirahan sa Corinto ay nakaranas ng maraming problema na makikita rin ngayon sa mundo, tulad ng kawalan ng pagkakaisa, maling mga turo, at imoralidad. Sa I Mga Taga Corinto, nalaman natin na itinuro ni Pablo sa mga Banal na ito kung paano magkaisa sa Simbahan, paano malaman ang mga bagay ng Diyos, ang ginagampanan ng pisikal na katawan bilang templo para sa Espiritu Santo, ang katangian ng mga espirituwal na kaloob, ang kahalagahan ng pagiging karapat-dapat sa pagtanggap ng sakramento, at ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli. Sa pag-aaral nila ng mga turo ni Pablo na nakatala sa I Mga Taga Corinto, matututuhan ng mga estudyante ang mga doktrina at mga alituntunin na tutulong sa kanilang mamuhay nang mabuti sa kabila ng kasamaan na pumapalibot sa kanila.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Tinukoy ng unang talata ng Unang Sulat sa Mga Taga Corinto na ipinadala ito ni Apostol Pablo at ng isang disipulong nagngangalang Sostenes, na maaaring naglingkod bilang eskriba ni Pablo (tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:1). Bagama’t hindi nakasaad kung sino si Sostenes, maliwanag na si Pablo ang awtor ng nilalaman ng sulat (tingnan sa I Mga Taga Corinto 16:21–24).

Kailan at saan ito nangyari?

Ginawa ni Pablo ang sulat na kilala bilang I Mga Taga Corinto noong malapit nang matapos ang kanyang tatlong-taong pagbisita sa Efeso (sa kanyang pangatlong misyon), na malamang na natapos sa pagitan ng A.D. 55 at 56 (tingnan sa Mga Gawa 19:10; 20:31; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat Ni Pablo, Mga”).

Para kanino ito isinulat at bakit?

Ang sulat na ito ay para sa mga miyembro ng Simbahan sa lungsod ng Corinto. Ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo sa Corinto nang halos dalawang taon (tingnan sa Mga Gawa 18:1–18) at inorganisa ang isang branch o sangay ng Simbahan doon (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat Ni Pablo, Mga”). Kalaunan, habang nangangaral si Pablo sa Efeso noong panahon ng kanyang pangatlong paglalakbay para sa gawaing misyoneryo, nakatanggap siya ng ulat mula sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto. Tumugon siya sa pagsulat sa branch (tingnan sa I Mga Taga Corinto 5:9), ngunit sa kasamaang-palad ay nawala ang sulat na ito, kaya hindi ito matatagpuan sa ating mga banal na kasulatan. Kalaunan, nakatanggap si Pablo ng isa pang ulat mula sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto tungkol sa mga problema ng Simbahan doon (tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:11), na tinugunan niya sa paggawa ng isa pang sulat, na nakilala bilang I Mga Taga Corinto. Kaya, ang I Mga Taga Corinto ang pangalawang sulat ni Pablo sa mga miyembro sa Corinto.

Noong panahon ni Pablo, ang Corinto ang kabisera ng probinsyang Acaya ng mga Romano, na sumasakop sa karamihan ng lupain ng sinaunang Grecia sa timog ng Macedonia. Dahil maunlad na sentro ng kalakalan, naakit ng Corinto ang mga tao mula sa buong Imperyong Romano, kaya isa ito sa mga lungsod na kakikitaan ng marami at iba’t ibang bagay. Nangibabaw ang pagsamba sa mga diyus-diyusan sa relihiyon ng mga taga-Corinto, at maraming mga templo at dambana sa buong lungsod. Sa panahon ng paglilingkod ni Pablo, kilala ang mga taga-Corinto sa pagiging sobrang imoral. Halimbawa, naiulat na bahagi ang prostitusyon sa mga ritwal ng pagsamba sa templo ni Aprodita.

Nililinaw sa Unang Sulat ni Pablo sa mga Taga Corinto na walang pagkakaisa ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto at ang ilang mga paniniwala at gawaing pagano ay nagsimula nang makaimpluwensiya sa kanilang pagsunod sa mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo (tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:11; 6:1–8; 10:20–22; 11:18–22). Sumulat si Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto para tulungan sila sa kanilang mga tanong at mga problema at palakasin ang mga nagbalik-loob o sumapi sa Simbahan na nahirapang talikuran ang kanilang mga dating paniniwala at gawi.

Ano ang ilan sa naiibang katangian ng aklat na ito?

Sa Bagong Tipan, mas maraming payo at turo ang ibinigay ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto kaysa sa alinmang branch. Katunayan, ang dalawang sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto ay bumubuo sa isang-ikaapat o one-fourth ng lahat ng mga natagpuang isinulat ni Pablo.

Nalaman natin sa I Mga Taga Corinto na ipinaliwanag ni Pablo na tinupad na ni Jesucristo ang batas ni Moises. Binigyang-diin ni Pablo ang kahalagahan ng “pagtupad sa mga utos ng Dios” (I Mga Taga Corinto 7:19) na “nasa ilalim ng kautusan ni Cristo” (I Mga Taga Corinto 9:21) upang matanggap ang pagpapala ng kaligtasan sa pamamagitan ng ebanghelyo.

Outline

I Mga Taga Corinto 1–11 Nagbabala si Pablo sa mga pagkakahati-hati sa Simbahan at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga miyembro ng Simbahan. Nagbabala siya sa mga seksuwal na imoralidad, nagturo na ang katawan ay templo ng Espiritu Santo, at naghikayat ng disiplina sa sarili. Sinagot niya ang mga tanong tungkol sa kasal at pagmimisyon, gayon din ang ordenansa ng sakramento at kung papayagan ba o hindi ang pagkain sa mga karneng inihandog sa mga paganong diyus-diyusan.

I Mga Taga Corinto 12–14 Nagturo si Pablo na dapat nating hangarin ang mga kaloob ng Espiritu. Ipinaalala niya sa mga Banal sa Corinto ang kahalagahan ng mga apostol, propeta, at mga guro at ang pagmamahal na mayroon dapat ang mga miyembro sa isa’t isa. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa-tao kaysa sa lahat ng iba pang espirituwal na kaloob.

I Mga Taga Corinto 15–16 Nagpatotoo si Pablo na isa siya sa maraming iba pa na mga saksi ng nabuhay na muling Cristo. Itinuro niya na lahat ay mabubuhay na muli at nagpapatibay ang binyag para sa mga patay sa katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli. Ipinaliwanag ni Pablo na magkakaiba ang antas ng kaluwalhatian ng mga nabuhay na muli at inalis ng tagumpay ni Jesucristo ang tibo ng kamatayan. Inorganisa ni Pablo ang isang ambagan o paghahandog ng pera para sa mga maralitang Banal sa Jerusalem.