Lesson 107
I Mga Taga Corinto 9–10
Pambungad
Tinalakay ni Pablo ang mga alalahanin ng mga Banal sa Corinto tungkol sa paggamit ng resources ng Simbahan para tustusan ang kanyang temporal na pangangailangan. Ipinaliwanag niya na ang layunin ng kanyang pangangaral ay magdala ng kaligtasan sa mga anak ng Diyos. Ipinayo niya sa kanila na iwasan ang magkasala at gayundin ang pananakit sa iba dahil sa kanilang paniniwala sa relihiyon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
I Mga Taga Corinto 9
Si Pablo ay nangaral ng ebanghelyo para maligtas siya at ang kanyang mga tagapakinig
Magdala sa klase ng isang alarm clock at huwag itong ipakita sa mga estudyante. I-set na tumunog ito pagkaraan ng ilang sandali lamang matapos mong simulan ang pagtuturo.
Para simulan ang lesson, sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang mayroon sa buhay na walang-hanggan. Sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung bakit ang buhay na walang-hanggan ay isang bagay na ninanais nila. Maaari mong ipabasa sa ilang estudyante ang isinulat nila sa klase.
Bago matapos ang aktibidad na ito, dapat tutunog na ang alarm clock. Kapag nangyari na ito, sabihin sa isang estudyante na hanapin at patayin ito.
-
Ano ang inyong nadama nang marinig ninyo ang tunog na iyon?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung nahirapan na silang magising sa pagtunog ng alarm clock at hindi nila nagawa ang isang mahalagang bagay dahil dito. Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi.
Ipaliwanag na tulad ng hindi natin paggising sa pagtunog ng alarm clock na naging dahilan upang hindi natin magawa o makamit ang mahahalagang bagay, ang hindi “magising” sa buhay at baguhin ang ilang mga pag-uugali ay magiging dahilan upang hindi natin maabot o makamit ang pinakamahalagang bagay sa lahat, ang buhay na walang-hanggan.
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang alituntunin sa pag-aaral nila ng I Mga Taga Corinto 9 na makatutulong sa kanila na malaman kung paano matitiyak na makakamit nila ang buhay na walang-hanggan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na buod ng I Mga Taga Corinto 9:1–21:
Sinagot ni Pablo ang iba’t ibang tanong ng mga Banal sa Corinto. Isinulat niya na bagama’t lubusang nabigyang katwiran ang pagsuporta sa kanya sa mga temporal na bagay ng mga miyembro ng Simbahan, hindi siya umaasa sa kanila para sa kanyang mga gastusin. Ipinaliwanag ni Pablo na sa pamamagitan ng pag-angkop sa iba’t ibang mga sitwasyon na hindi kinokompromiso ang mga pamantayan ng ebanghelyo, nagawa niyang tumulong sa mga Judio, mga Gentil, at sa sinumang mahina sa ebanghelyo para matanggap ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 9:17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo. Maaari mong ipaliwanag na ang pahayag na “mayroon akong isang pamamahala na ipinagkatiwala sa akin” ay tumutukoy sa pagtupad ni Pablo sa kanyang tungkulin na mangaral ng ebanghelyo.
-
Paano ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 9:22–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit kusang-loob na nangaral si Pablo ng ebanghelyo.
-
Bakit kusang-loob na nangaral si Pablo ng ebanghelyo?
Sabihin sa isang estudyante na regular na sumasali sa isang ekstensibong pagsasanay (marahil bilang musikero o atleta) na pumunta sa harap ng klase. Itanong sa estudyante ang mga sumusunod:
-
Maaari mo bang ilarawan ang iyong pagsasanay?
-
Nagkaroon na ba ng pagkakataon na nagsanay ka para sa isang partikular na kaganapan o mithiin? Paano ka nahikayat na magsanay na mabuti para makamit ang isang mithiin?
Pasalamatan ang estudyante, at paupuin na siya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 9:24–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang paligsahang ginamit ni Pablo para turuan ang mga Banal sa Corinto.
-
Anong paligsahan ang tinukoy ni Pablo?
-
Anong katangian ang sinabi ni Pablo na kailangan ng mga tumatakbo upang magtagumpay? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “mapagpigil sa lahat ng mga bagay” ay pagpipigil sa sarili.)
-
Ano ang putong na walang pagkasira na tinukoy ni Pablo na tatagal magpakailanman? (Buhay na walang hanggan.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 25 tungkol sa dapat nating gawin para matamo ang buhay na walang-hanggan? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Upang matamo ang buhay na walang hanggan, dapat nating matutuhan na magpigil sa sarili sa lahat ng bagay. Isulat sa pisara ang alituntuning ito. Tiyakin na nauunawaan din ng mga estudyante na bagama’t ang pagpipigil sa sarili ay kailangan, ang buhay na walang hanggan ay darating lamang sa “pamamagitan ng kabutihan, at awa, at biyaya” ni Jesucristo [2 Nephi 2:8] sa halip na sa pamamagitan lamang ng ating pagpipigil sa sarili.)
-
Sa palagay ninyo, bakit kailangan ang pagpipigil sa sarili upang matamo ang buhay na walang hanggan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 9:26–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ni Pablo ang kanyang sariling pagsisikap na magpigil sa sarili.
-
Ayon sa talata 26, paano inilarawan ni Pablo ang kanyang pagsisikap na matamo ang buhay na walang hanggan? (Nang may tiwala sa sarili at walang nasayang na pagsisikap.)
-
Ayon sa talata 27, ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pablo nang isinulat niyang, “hinahampas ko ang aking katawan, at aking sinusupil”?
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ni Pablo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Brigham Young:
“Hindi ninyo mamanahin ang buhay na walang hanggan, hangga’t hindi ninyo napapasailalim sa espiritu na nananahan sa inyo ang inyong mga [hangarin], ang espiritu na ipinagkaloob ng ating Ama sa Langit. Ang tinutukoy ko ay ang Ama ng inyong mga espiritu, ng mga espiritung inilagay niya sa mga tabernakulong ito. Ang mga tabernakulo ay kailangang ganap na mapasailalim sa espiritu, kundi ay hindi maibabangon ang inyong mga katawan upang magmana ng buhay na walang hanggan. … Masigasig na magsaliksik, hanggang sa mapasailalim ninyo ang lahat sa batas ni Cristo. …
“… Kung nagpapaubaya ang espiritu sa katawan, [ang espiritu] ay nagiging makasalanan; ngunit kung nagpapaubaya ang katawan sa espiritu, [ang katawan] ay nagiging dalisay at banal” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 226–8).
-
Ano ang ilang bagay na magagawa natin upang matulungan ang ating mga katawan na magpaubaya sa ating mga espiritu?
I Mga Taga Corinto 10
Binalaan ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na iwasan ang kasalanan at ang makasakit sa iba
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:
“Isa sa malalaking pagkakamali sa buhay ay kapag iniisip ng mga tao na sila’y walang pagkagupo. Napakarami ang nag-iisip na napakalakas nila, sapat para labanan ang anumang tukso. Dinadaya nila ang kanilang sarili sa pag-iisip na, ‘Hindi ito mangyayari sa akin’” (“Hindi Ito Mangyayari sa Akin,” Liahona, Hulyo 2002, 46).
-
Sa anong mga sitwasyon hinahayaan ng mga tao ang kanilang mga sarili na matukso, na iniisip na sapat ang kanilang lakas na labanan ito? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Ipaliwanag na ginamit ni Pablo ang mga halimbawa mula sa kasaysayan ng mga Israelita upang balaan ang mga Banal sa Corinto tungkol sa tukso at kasalanan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 10:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ilang bagay na naranasan ng mga anak ni Israel noong panahon ni Moises na dapat ay nagpalakas sa kanila sa espirituwal.
-
Ano ang ilang mga bagay na naranasan ng mga anak ni Israel na dapat ay nagpalakas sa kanila sa espirituwal? (Maaari mong ipaliwanag na tinukoy ni Pablo ang “espirituwal na Bato,” o Jehova, bilang si Cristo [tingnan din sa Deuteronomio 32:3–4].)
-
Ayon sa talata 5, ano ang nadama ng Diyos tungkol sa asal ng karamihan sa mga sinaunang Israelitang ito?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng I Mga Taga Corinto 10:6–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nais ni Pablo na matutuhan ng mga Banal sa Corinto mula sa halimbawa ng mga sinaunang Israelita.
-
Ano ang layunin ni Pablo sa pagbabahagi ng halimbawa ng mga sinaunang Israelita? (Nais ni Pablo na balaan ang mga Banal sa Corinto upang maiwasan nila ang pag-ulit sa mga kasalanan ng mga sinaunang Israelita.)
Sabihin sa klase na tumayo at basahin nang malakas at sabay-sabay ang I Mga Taga Corinto 10:12.
-
Gamit ang inyong sariling mga salita, paano ninyo ibubuod ang mensahe ni Pablo sa talata 12?
Paupuin ang klase. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 10:13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa tukso.
-
Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa tukso?
-
Kung hindi tayo pahihintulutan ng Diyos na matukso nang higit sa ating kakayahan na labanan ito, bakit nagpatalo sa tukso ang mga sinaunang Israelita?
Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Maglalaan ang Diyos ng paraan para makatakas tayo sa tukso, ngunit dapat nating …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 10:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto.
-
Ano ang itinuro ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto?
-
Ano ang itinuro sa atin ng talata 14 tungkol sa dapat nating gawin para makatakas sa tukso? (Matapos sumagot ng mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara upang ganito ang kalabasan: Maglalaan ang Diyos ng paraan para makatakas tayo sa tukso, ngunit dapat nating piliin na ilayo ang ating mga sarili sa tukso.
Maari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang Alma 13:28 sa kanilang banal na kasulatan malapit sa I Mga Taga Corinto 10:13–14. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 13:28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang magagawa natin upang mailayo ang ating sarili sa tukso.
-
Ayon sa Alma 13:28, ano ang magagawa natin upang matulungan ang ating sarili na lumayo sa tukso?
-
Paano makatutulong ang patuloy na pagpapakumbaba at pagbabantay at pagdarasal natin upang mailayo natin ang ating sarili sa tukso?
Ipakita ang buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan, at sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano makatutulong sa atin ang pamumuhay ayon sa mga pamantayan na nakalista sa buklet na ito na mailayo ang ating sarili sa tukso.
Ipaliwanag na maaaring hindi laging makaiiwas ang mga estudyante sa tukso. Dahal dito, kailangan nating magpasiya ngayon pa lang kung ano ang gagawin natin kapag nahaharap tayo sa tukso. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball:
“Pinakamadaling gumawa ng mga tamang desisyon kapag maaga natin itong ginagawa, na may mithiin sa isipan; hindi tayo lubhang nag-aalala sa oras ng pagpapasiya, kung kailan pagod na tayo at labis na natutukso. …
“Magkaroon ng disiplina sa sarili upang, habang tumatagal, hindi mo na kailangang magpabagu-bago ng pasiya kung ano ang gagawin kapag nahaharap ka sa tukso maya’t maya. Minsan ka lang magpapasiya sa ilang bagay! …
“Ang oras ng pagtigil sa paggawa ng kasamaan ay bago pa ito simulan. Ang lihim ng magandang buhay ay nasa pangangalaga at pag-iwas. Ang mga nagpapatangay sa kasamaan ay karaniwang yaong mga isinusubo ang sarili nila sa panganib” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 131–33).
Ibahagi ang iyong patotoo sa mga alituntunin na tinukoy ng mga estudyante sa araw na ito. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung aling mga tukso ang pinakamahirap sa kanila. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong mga pagbabago ang magagawa ninyo upang maiwasan ang tukso bago pa man ninyo harapin ito?
-
Payag ba kayong gawin ang mga pagbabagong ito?
Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng plano na susundin nila upang makatakas sa tukso. Hikayatin sila na hangarin ang tulong ng Panginoon sa pamamagitan ng panalangin habang sinisikap nilang gawin ang kanilang plano.
Ibuod ang I Mga Taga Corinto 10:15–33 na ipinapaliwanag na nagpayo si Pablo sa mga Banal sa Corinto na igalang ang mga gawaing panrelihiyon ng iba nang hindi kinukompromiso ang kanilang pamantayan at inulit na nangangaral siya upang matulungan ang marami na maligtas.