Lesson 72
Juan 12
Pambungad
Pinahiran ni Maria ng Betania, ang kapatid nina Marta at Lazaro, ng unguento ang mga paa ni Jesus bilang simbolo ng Kanyang nalalapit na libing. Kinabukasan, matagumpay na pumasok si Jesus sa Jerusalem at ibinadya ang Kanyang kamatayan. Sa kabila ng mga himala ni Jesus, hindi naniwala sa Kanya ang ilang tao. Itinuro Niya ang mga ibubunga ng paniniwala at hindi paniniwala sa Kanya.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Juan 12:1–19
Pinahiran ni Maria ng unguento ang mga paa ni Jesus, at matagumpay na pumasok si Jesus sa Jerusalem
Sabihin sa ilang estudyante na magdrowing sa pisara ng paglalarawan ng isa sa mga himala ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan. Pagkatapos magdrowing ng mga estudyante, sabihin sa klase na hulaan kung ano ang mga idinrowing nila. Sabihin sa isang estudyanteng nagdrowing na ipaliwanag kung bakit ang himalang ito ang inilarawan niya.
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano makakaimpluwensiya sa kanilang paniniwala sa Tagapagligtas ang pagsaksi sa isa sa mga himalang ito. Sabihin sa kanila na alamin sa pag-aaral nila ng Juan 12 ang iba’t ibang reaksyon ng mga tao sa mga himala ng Tagapagligtas, gayundin ang mga katotohanan na makatutulong sa atin na maunawaan ang mga reaksyong ito.
Ibuod ang Juan 12:1–9 na ipinapaliwanag na anim na araw bago ang Paskua, naghapunan si Jesus kasama ang ilang mga kaibigan sa Betania. Pinahiran ni Maria ng Betania, ang kapatid nina Marta at Lazaro, ang mga paa ni Jesus ng mamahaling unguento. Narinig ng maraming tao na nasa Betania si Jesus at nagsiparoon sila upang makita Siya at si Lazaro, na ibinangon ni Jesus mula sa kamatayan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 12:10–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang gustong gawin ng mga punong saserdote kay Lazaro. Maaari mo ring ipaliwanag na ang pagbuhay kay Lazaro ay hindi maitatangging katibayan na si Jesus ay may kapangyarihang daigin ang kamatayan.
-
Ano ang gustong gawin ng mga punong saserdote kay Lazaro? Bakit?
-
Paano makatutulong sa atin ang mga talatang ito na maunawaan ang kasamaan ng mga punong saserdote at mga Fariseo? (Maaari mo ring ipaalala sa mga estudyante na nais din ng mga pinunong Judio na patayin ang Tagapagligtas [tingnan sa Juan 11:47–48, 53].)
Ibuod ang Juan 12:12–16 na ipinapaliwanag na pagkatapos ng araw na pinahiran ni Maria ang mga paa ni Jesus ng unguento, matagumpay Siyang pumasok sa Jerusalem. (Itinuro ang mga paunang detalye ng matagumpay na pagpasok sa Mateo 21:1–11.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 12:17–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng mga taong nakarinig tungkol sa pagbangon ni Jesus kay Lazaro mula sa kamatayan noong matagumpay na pagpasok ng Tagapagligtas sa Jerusalem.
-
Ano ang ginawa ng mga taong ito noong matagumpay na pagpasok ng Tagapagligtas sa Jerusalem?
-
Ayon sa talata 19, paano tumugon ang mga Fariseo sa nangyayari?
Juan 12:20–36
Ibinadya ni Jesus ang Kanyang kamatayan
Ibuod ang Juan 12:20–22 na ipinapaliwanag na “ilang Griego” (talata 20)—mga nagbalik-loob o mga convert marahil sa Judaismo—ang nagpunta sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskua at hiniling na makausap si Jesus. Nang nalaman ni Jesus ang kanilang kahilingan, nagturo Siya tungkol sa Kanyang nalalapit na pagdurusa, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 12:27–33, na inaalam ang itinuro ni Jesus tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga nahanap nila.
-
Ayon sa talata 27, ano ang handang gawin ni Jesus kahit na “nagugulumihanan ang [Kanyang] kaluluwa”? (Kahit nadarama Niya ang bigat ng Kanyang nalalapit na pagdurusa, nagpasiya si Jesus na isakatuparan ang Kanyang layunin.)
-
Ayon sa talata 28, ano ang idinalangin ni Jesus? Paano tumugon ang Ama sa Langit? (Ipaliwanag na ang mga katagang “Muli kong luluwalhatiin” ay nagpapakita ng lubos na pagtitiwala ng Ama sa Langit na isasakatuparan ng Kanyang Anak ang Pagbabayad-sala.)
-
Paano nauugnay ang mga salita ni Jesus sa talata 32 sa Kanyang Pagbabayad-sala?
Ipaliwanag na matapos marinig ang mga turo ni Jesus, sinabi ng mga tao na nalaman nila sa mga banal na kasulatan na ang Mesiyas ay hindi mamamatay, at itinanong nila kung sino ang “Anak ng Tao” na itataas (Juan 12:34).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 12:35–36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano sinagot ni Jesus ang kanilang tanong.
-
Ano ang tugon ni Jesus sa mga tanong ng mga tao? (Tinukoy ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili bilang “ang ilaw.”)
Juan 12:37–50
Itinuro ni Jesus ang mga ibubunga ng paniniwala at hindi paniniwala sa Kanya
Ituon ang pansin ng mga estudyante sa mga drowing sa pisara na naglalarawan ng ilang himala ni Jesus. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 12:11 at sa isa pang estudyante ang Juan 12:37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang iba’t ibang reaksyon ng mga tao sa mga himalang ginawa ni Jesus.
-
Ano ang reaksyon ng mga tao sa mga himala ni Jesus?
-
Anong katotohanan ang malalaman natin mula sa iba‘t ibang reaksyong ito tungkol sa kaugnayan ng mga himala at paniniwala kay Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw na naunawaan na hindi sapat ang mga himala upang maniwala tayo kay Jesucristo.)
-
Bagama’t hindi sapat ang mga himala upang maniwala tayo kay Jesucristo, paano nito maiimpluwensyahan ang ating pananampalataya sa Kanya?
-
Sa palagay ninyo, bakit may mga taong naniniwala kay Jesucristo matapos makita o malaman ang Kanyang mga himala ngunit may ilang hindi naniniwala sa kanya?
Ibuod ang Juan 12:38–41 na ipinaliliwanag na natupad ang mga propesiya ni propetang Isaias na may mga taong pipiliing hindi maniwala kay Jesus (tingnan sa Isaias 6:9–10; 53:1–3). Sa kabila ng mga dakilang ginawa ng Tagapagligtas, pinili ng ilang tao na manatiling bulag at matigas ang mga puso sa Kanya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 12:42–43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit hindi “ipinahayag” (talata 42) o hayagang inamin ng ilang pinunong Judio na naniniwala kay Jesus ang kanilang paniniwala.
-
Bakit hindi hayagang ipinahayag ng ilang pinuno ang kanilang paniniwala kay Jesus?
-
Ano ang ibig sabihin ng higit na pagmamahal sa “kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios”? (talata 43).
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Ang pagbibigay-lugod sa iba kaysa sa pagbibigay-lugod sa Diyos ay humahadlang sa atin sa pagpapahayag ng ating paniniwala kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, itanong:
-
Ano ang ilang halimbawa ng alituntuning ito sa ating panahon?
-
Ano ang mga wastong paraan ng pagpapakita na naniniwala tayo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo?
-
Anong magagandang bunga ang darating dahil sa pagpapakita na naniniwala tayo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo?
Upang maihanda ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning itinuro sa Juan 12:44–46, sabihin sa kanilang mag-isip ng isang pagkakataon na hindi sila makakita dahil sa kadiliman (halimbawa, noong nasa loob sila ng isang madilim na silid o nasa labas sa gabi). Sabihin sa ilang estudyante na ilarawan ang kanilang karanasan, pati na ang naramdaman nila nang tila nasa panganib sila, at paano makatutulong ang pagkakaroon ng ilaw sa mga pagkakataong iyon.
Kung angkop, patayin ang ilaw sa silid ngunit mag-iwan ng kaunting liwanag. Ipaliwanag na makatutulong ang pisikal na kadiliman upang maunawaan natin kung ano ang espirituwal na kadiliman.
-
Kapag tayo ay nasa madilim na lugar, paano ito natutulad sa pananatili sa espirituwal na kadiliman?
-
Anong mga panganib ang maaaring magmula sa pamumuhay sa espirituwal na kadiliman?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 12:44–46. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano pinagpapala ang mga taong naniniwala kay Jesucristo.
-
Ayon sa Juan 12:46, paano pinagpapala ang mga taong naniniwala kay Jesucristo? (Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, buksan ang ilaw sa silid kung pinatay mo ito kanina. Gamit ang mga sinabi ng mga estudyante, isulat sa pisara ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung naniniwala tayo kay Jesucristo, hindi tayo mamumuhay sa espirituwal na kadiliman.)
-
Paano naging ilaw si Jesucristo? Paano maaalis ng paniniwala sa Kanya ang espirituwal na kadiliman sa buhay ng isang tao? (Tingnan din sa D at T 50:23–25; 93:36–39.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano pinapawi ni Jesucristo ang espirituwal na kadiliman sa pamamagitan ng pagbibigay ng liwanag (o direksyon at kalinawan) sa ating mga buhay, hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tig-dadalawa o tig-tatatlong katao. Bigyan ang bawat grupo ng kopya ng sumusunod na handout.
Bilang isang klase, talakayin ang isa sa mga paksang nakalista sa handout, gamit ang kalakip na mga tanong. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na talakayin nang ilang minuto ang mga natitirang paksa gamit ang mga tanong na ito. (Maaari mo ring palitan ang ilan sa mga paksang ito ng mga paksang mas naaangkop sa iyong mga estudyante.)
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa isang estudyante sa bawat grupo na pumili ng isa sa mga paksa sa handout at magreport tungkol sa natalakay ng grupo sa paksang ito. Pagkatapos ay itanong sa klase:
-
Paano makatutulong sa atin ang alituntuning natukoy natin sa talata 46 na maintindihan kung bakit maaaring iba ang pagkakaunawa natin sa ilang paksa at isyu mula sa ibang mga tao?
-
Sa anong mga sitwasyon nakatulong sa inyo ang liwanag na ipinagkaloob ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Gerrit W. Gong ng Pitumpu, kung saan nagpatotoo siya sa mga pagpapala na dumarating kapag pinili nating maniwala at sumunod kay Jesucristo:
“Ang paniniwala ay isang pagpili [tingnan sa Mosias 4:9]. …
“Kapag pinili nating maniwala, mauunawaan at makikita natin ang mga bagay sa ibang paraan. Kapag nakauunawa at namumuhay tayo sa gayong paraan, tayo ay magiging masaya at maligaya na tanging ang ebanghelyo lamang ang makapagbibigay” (“Choose Goodness and Joy,” New Era, Ago. 2011, 44).
Ibuod ang Juan 12:47–50 na ipinaliliwanag na itinuro ni Jesus na ang mga yaong hindi naniniwala sa Kanyang mga salita at hindi tumatanggap sa Kanya sa pamamagitan ng mga salitang winika Niya, na mga salitang iniutos ng Ama sa Langit na sabihin Niya.
Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapalang naranasan mo bilang bunga ng pagpiling maniwala kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal kung paano nila maipapamuhay ang isa sa mga alituntuning natutuhan nila. Hikayatin ang mga estudyante na piliing maniwala kay Jesucristo.