Lesson 109
I Mga Taga Corinto 12
Pambungad
Nagsulat si Pablo tungkol sa maraming kaloob ng Espiritu. Inihambing niya ang Simbahan sa isang pisikal na katawan at ipinaliwanag na tulad ng pangangailangan ng katawan na gumana nang maayos ang bawat bahagi nito, magagamit ng bawat miyembro ng Simbahan ang mga kaloob ng Espiritu upang mag-ambag at magpalakas sa Simbahan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
I Mga Taga Corinto 12:1–11
Nagturo si Pablo tungkol sa mga espirituwal na kaloob
Magdispley ng larawan ng sumusunod na bato:
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang nakasulat sa ibabaw ng bato. Ipaliwanag na habang naglilingkod si Pangulong David O. McKay ng misyon sa Scotland, nakita niya ang batong iyan sa ibabaw ng pintuan sa isang gusaling malapit sa Stirling Castle at napukaw siya ng mensahe nito (tingnan sa Francis M. Gibbons, David O. McKay: Apostle to the World, Prophet of God [1986], 45).
Ipaliwanag na bawat simbolo sa siyam na parisukat ng batong ito ay kumakatawan sa isang numero. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang numero ng bawat hugis. (Mula sa kaliwa pakanan, kumakatawan ang mga simbolo sa 5, 10, at 3 sa itaas na hanay; 4, 6, at 8 sa gitnang hanay; at 9, 2, and 7 sa ibabang hanay.)
-
Ano ang kabuuan ng tatlong numero sa itaas na hanay? sa gitnang hanay? sa ibabang hanay?
Ipaliwanag na ang mga numero na makikita sa anumang hanay, column, o diagonal na linya sa batong ito ay 18. Isang maaaring dahilan na isinama ang mga hugis na ito sa mga katagang “Maging Ano Ka Man, Gampanang Mabuti ang Iyong Tungkulin” ay dahil kapag iniba ang ayos o binago ang kanilang halaga, ang kabuuan ng mga hanay at column sa bato ay hindi na magiging 18 sa lahat ng direksyon.
Sabihin sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng I Mga Taga Corinto 12 ay isipin nila kung paano tayo, bilang mga miyembro ng Simbahan, katulad ng mga hugis sa bato.
Ibuod ang I Mga Taga Corinto 12:1–2 na ipinapaliwanag na nais magturo ni Pablo sa mga miyembro sa Simbahan sa Corinto tungkol sa espirituwal na mga kaloob, na mali ang pagkaunawa ng karamihan sa mga Banal. Ipinaalala sa kanila ni Pablo na bago ang kanilang pagbabalik-loob, iniligaw sila ng pagsamba sa diyus-diyusan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 12:3, at sabihin sa klase na alamin kung paano natin malalaman para sa ating mga sarili na si Jesus ang Panginoon at Tagapagligtas. Ipaliwanag na itinuro ni Joseph Smith na ang salitang makapagsasabi sa talata 3 ay dapat unawain bilang makaaalam (sa History of the Church, 4:602–3).
-
Ayon sa I Mga Taga Corinto 12:3, paano tayo magkakaroon ng personal na patotoo kay Jesucristo? (Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Sa pamamagitan lamang ng Espiritu Santo tayo magkakaroon ng personal na patotoo na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Maaari mong ipaliwanag na ganito rin ang alituntunin sa pagtamo ng personal na patotoo kay Joseph Smith o sa Aklat ni Mormon).
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katotohanang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Ang patotoo ay isang napakahalagang pag-aari dahil hindi ito natatamo sa pagiging matalino o makatwiran, hindi ito naipagpapalit sa mga makamundong bagay, at hindi ito inireregalo o ipinamamana ng ating mga ninuno. Hindi tayo puwedeng umasa sa mga patotoo ng ibang tao. Kailangan nating malaman sa ating sarili. Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, ‘Bawat Banal sa mga Huling Araw ay may responsibilidad na malaman sa kanyang sarili ang katiyakang walang pagdududa na si Jesus ang nabuhay na mag-uli at buhay na Anak ng buhay na Diyos’ (‘Fear Not to Do Good,’ Ensign, Mayo 1983, 80). …
“Nagkakaroon tayo ng patotoong ito kapag kinakausap ng Banal na Espiritu ang ating Espiritu. Tatanggap tayo ng panatag at di-natitinag na katiyakang pagmumulan ng ating patotoo at paniniwala” (“Ang Bisa ng Personal na Patotoo,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 38).
-
Bakit mahalaga na maunawaan na ang patotoo kay Jesucristo ay dumarating lamang sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
-
Ano ang magagawa natin upang maanyayahan ang Espiritu Santo sa ating buhay?
Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa I Mga Taga Corinto 12:4–6, itinuro ni Pablo na maraming iba’t ibang espirituwal na kaloob na magkakaiba ang gamit ngunit lahat ng ito ay dumarating mula sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Maaari mong ipaliwanag na ang mga kaloob ng Espiritu ay mga pagpapala o kakayahan na ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ang bawat miyembro ng Simbahan ay binibigyan ng Diyos ng hindi bababa sa isang kaloob (tingnan sa D at T 46:11).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 12:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit ibinigay sa atin ang mga kaloob ng Espiritu. (Kung kailangan, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “upang pakinabangan naman” ay para sa ikabubuti ng lahat ng mga Banal.)
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula kay Pablo tungkol sa dahilan kung bakit ibinigay sa mga anak ng Ama sa Langit ang mga kaloob ng Espiritu? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ibinigay ang mga kaloob ng Espiritu para sa kapakanan ng lahat ng mga anak ng Ama sa Langit. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, kopyahin sa pisara ang sumusunod na chart , at ipakopya ito sa mga estudyante sa kanilang notebook o scripture study journal.
Mga Espirituwal na Kaloob |
Paano Makikinabang ang mga Anak ng Diyos sa mga Espirituwal na Kaloob |
---|---|
Hatiin ang klase sa mga grupo na may tigdadalawa o tigtatatlong estudyante. Sabihin sa bawat grupo na pag-aralan ang I Mga Taga Corinto 12:8–11 at sundin ang kalakip na mga instruksyon. Maaari mong ilista sa pisara ang mga instruksyong ito o ibigay ito bilang handout.
-
Sa unang hanay ng inyong chart, ilista ang bawat espirituwal na kaloob na binanggit sa I Mga Taga Corinto 12:8–11.
-
Talakayin ang bawat ibig sabihin o magbigay ng halimbawa ng bawat espirituwal na kaloob.
Sabihin sa bawat grupo na ireport ang mga espirituwal na kaloob na natuklasan nila at ang ibig sabihin ng bawat kaloob. Kung kailangan, ipaliwanag na “ang salita ng karunungan” (talata 8) ay tumutukoy sa mabuting paghatol at ang angkop na paggamit ng kaalaman; ang “salita ng kaalaman” (talata 8) ay tumutukoy sa kaalaman tungkol sa Diyos at sa kanyang mga batas; ang “pagkilala sa mga espiritu” (talata 10) ay tumutukoy sa pagkilala sa katotohanan at kasinungalingan at kakayahang mahiwatigan ang kabutihan at kasamaan sa iba; at ang “iba’t ibang wika” (talata 10) ay tumutukoy sa kakayahang magsalita ng wika ng ibang bansa o ng di-kilalang wika.
Sabihin sa bawat grupo na pumili ng dalawang espirituwal na kaloob na binanggit sa mga talata 8–10 at isulat sa ikalawang hanay ng chart kung paano makikinabang ang mga anak ng Diyos sa mga kaloob na ito. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag sa klase ang isa sa kanilang mga sagot mula sa ikalawang hanay.
Ipaliwanag na ang mga espirituwal na kaloob na partikular na nabanggit sa mga banal na kasulatan ay ilan lamang sa maraming kaloob na matatanggap natin sa pamamagitan ng Espiritu.
-
Anong iba pang kaloob ang maibibigay sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
-
Anong mga espirituwal na kaloob ang napansin ninyo sa mga miyembro ng inyong pamilya, kaibigan, o kaklase?
-
Ano ang magagawa natin upang matuklasan ang ating mga espirituwal na kaloob? (Tanungin ang Ama sa Langit tungkol sa mga ito sa panalangin at kumuha ng patriarchal blessing at pag-aralan ito.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga espirituwal na kaloob na ibinigay sa kanila at kung paano sila makikinabang mula sa mga ito at paano magagamit ang mga ito para sa kapakanan ng iba.
I Mga Taga Corinto 12:12–31
Ang mga kaloob ng Espiritu ay ibinigay upang pagpalain ang lahat ng miyembro ng Simbahan
Sabihin sa apat na estudyante na lumapit sa pisara. I-assign sa bawat estudyante, nang hindi naririnig ng buong klase, ang isa sa mga sumusunod na mga salita: paa, kamay, tainga, at mata. Sabihin sa bawat estudyante na idrowing sa pisara ang kanilang salita, at sabihin sa klase na hulaan ang idinodrowing ng bawat estudyante. Pagkatapos na matukoy nang tama ng klase ang bawat drowing, sabihin sa mga estudyante na bumalik sa kanilang upuan. Sabihin sa klase na isipin kung paano tumutulong ang mga paa, kamay, tainga, at mata sa ginagawa ng katawan.
-
Nagkaroon na ba ng pinsala ang isang maliit na parte ng inyong katawan, tulad ng isang daliri ng kamay, ngipin, o daliri ng paa? Paano nakaapekto ang maliit na pinsalang ito sa inyong simpleng gawain sa araw-araw?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 12:12–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung saan inihambing ni Pablo ang katawan at ang mga bahagi nito.
-
Saan inihambing ni Pablo ang katawan at ang mga bahagi nito? (Sa Simbahan ni Jesucristo at sa mga miyembro nito.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference at tanong:
Pabalikin ang mga estudyante sa mga grupo nila kanina. Sabihin sa bawat grupo na basahin nang malakas at magkakasabay ang I Mga Taga Corinto 12:15–22, 25-30, na inaalam kung paano inihambing ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan sa mga bahagi ng katawan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na alamin ang itinuro ni Pablo tungkol sa katawan at sa mga bahagi nito bago tukuyin kung paano niya inihalintulad ang mga bahagi ng katawan sa mga miyembro ng Simbahan. Pagkatapos ng sapat ng oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Sa palagay ninyo, bakit tinalakay ni Pablo ang mga tungkulin ng bawat miyembro ng Simbahan matapos niyang magsulat tungkol sa mga espirituwal na kaloob?
-
Anong mga problema na maaaring mayroon ang mga miyembro ng Simbahan ang malulutas ng mga turo ni Pablo tungkol sa pagkatulad ng mga miyembro ng Simbahan sa mga bahagi ng katawan?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa paghahambing ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa mga bahagi ng katawan? (Tiyaking matutukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kapag ginamit natin ang ating mga espirituwal na kaloob sa paglilingkod sa iba, mapapalakas natin ang Simbahan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Maaaring bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng pahayag.
“Sama-sama tayong lahat sa dakilang gawaing ito. Narito tayo upang tulungan ang ating Ama sa Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian, ‘ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao’ (Moises 1:39). Ang bigat ng inyong obligasyon sa inyong mga tungkulin ay kasingbigat din ng obligasyon ko sa aking tungkulin. Walang tungkulin sa simbahang ito na maliit o di-gaanong mahalaga. Lahat tayo na tumutupad sa ating mga tungkulin ay makaaantig ng buhay ng iba” (“This Is the Work of the Master,” Ensign, Mayo 1995, 71).
-
Paano pinagpapala ang Simbahan dahil sa mga iba’t ibang espirituwal na kaloob at tungkulin ng bawat miyembro?
-
Paano ninyo nakita ang inyong pamilya, isang klase sa seminary, o isang ward o branch na napalakas ng mga espirituwal na kaloob ng mga miyembro nito?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila magagamit ang kanilang mga espirituwal na kaloob upang mapalakas ang Simbahan at mapagpala ang buhay ng iba.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang I Mga Taga Corinto 12:31, na inaalam ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto.
-
Ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng nasain ay “hangarin nang masigasig”.)
-
Ano ang magagawa natin upang hangarin nang masigasig “ang lalong dakilang mga kaloob” ng Espiritu (tingnan din sa D at T 46:8–9)?
Ihayag ang iyong patotoo at pasasalamat sa mga espirituwal na kaloob, at hikayatin ang mga estudyante na hangarin nang masigasig at gamitin ang mga espirituwal na kaloob sa paglilingkod sa iba at pagpapalakas ng Simbahan.