Library
Lesson 1: Pambungad sa Bagong Tipan


Lesson 1

Pagpapakilala sa Bagong Tipan

Pambungad

Ang Bagong Tipan ay tala tungkol sa buhay sa mundo, mga turo, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang pagtatatag ng Kanyang Simbahan, at ang paglilingkod ng Kanyang mga disipulo noon na patuloy Niyang ginabayan matapos ang Kanyang Pag-akyat sa langit. Ang lesson na ito ay ginawa upang ihanda at mahikayat ang mga estudyante na pag-aralan ang Bagong Tipan sa pamamagitan ng pagpapakilala sa kanila ng dalawang pangunahing tema na matatagpuan sa mga turo ni Jesucristo at ng Kanyang mga Apostol noon: ang paulit-ulit na pag-anyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya at ang responsibilidad ng Kanyang mga disipulo na tulungan ang iba na gawin din iyon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Bagong Tipan ay tumutulong sa atin na mapalapit kay Jesucristo

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang ilan sa mabibigat na problemang nararanasan ng mga kabataan sa ating panahon?

Magdala sa klase ng kahon o backpack na walang laman at ng mga mabibigat na bagay na ilalagay sa loob ng kahon tulad ng malalaking bato o mga aklat. Sabihin sa isang estudyante na pumunta sa harap ng klase, at ipahawak sa kanya ang kahon o ipasuot ang backpack. Ipasagot sa klase ang tanong na nakasulat sa pisara, at ipasulat sa pisara sa isang estudyante ang mga sagot ng ibang mga estudyante. Pagkatapos ng bawat pagsagot, maglagay ng mabigat na bagay sa kahon o backpack hanggang sa mapuno ito.

  • Ano ang mararamdaman ninyo kung kakailanganin ninyong buhatin maghapon ang ganitong kabigat na bagay?

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang mga hamon o problemang idudulot sa tao ng ilan sa mga pasaning nakalista sa pisara.

Ipaliwanag na itinuturo sa atin ng Bagong Tipan ang tungkol sa mga ministeryo ni Jesucristo noong narito pa Siya sa mundo at matapos na Siya ay nabuhay na muli, maging ang Kanyang mga turo, himala, nagbabayad-salang sakripisyo, at mga pagdalaw sa mga disipulo ng simbahan noon. Makikita sa lahat ng Kanyang mga turo at pakikitungo sa iba ang katotohanang paulit-ulit na binabanggit na makatutulong sa atin na makayanan ang ating mga pasanin.

Ipaliwanag na mababasa sa Mateo 11 ang isang halimbawa ng pangunahing temang ito na madalas na makikita ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral ng Bagong Tipan sa taong ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 11:28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang paanyaya ng Tagapagligtas sa mga taong may mabibigat na pasaning dinadala.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng nangapapagal at nangabibigatang lubha?

  • Ano ang sabi ng Tagapagligtas na dapat nating gawin para matanggap ang Kanyang kapahingahan? (Gamit ang sariling mga salita ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag lumapit tayo kay Jesucristo na may mga pasanin, bibigyan Niya tayo ng kapahingahan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng paglapit kay Jesucristo?

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng lumapit kay Cristo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 11:29–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga tagubilin ng Tagapagligtas sa mga nagnanais na lumapit sa Kanya.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang dapat nating gawin para lumapit kay Cristo?

Mag-drowing sa pisara ng larawan ng isang pamatok para sa mga baka, o magpakita ng larawan ng pamatok.

kahoy na pamatok

Ipaliwanag na ang pamatok ay isang barakilan (beam) na yari sa kahoy na ginagamit para mapagsama ang dalawang baka o iba pang mga hayop upang sabay nilang mahatak ang isang kargada.

  • Ano ang gamit at pakinabang ng pamatok? (Kahit mabigat ang pamatok, natutulungan nito ang dalawang hayop na mapagsama ang kakayahan at lakas nila, at dahil dito, mas nadaragdagan ang kanilang kakayahang gumawa.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pasanin natin ang pamatok ng Tagapagligtas?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano natin mapapasan ang pamatok ng Tagapagligtas at kung ano ang mga pagpapalang matatanggap natin sa paggawa nito.

Elder David A. Bednar

“Pinagtatabi ng pamatok ang mga hayop upang sabay silang makagalaw para matapos ang isang gawain.

“Isipin ang kakaibang paanyaya ng Tagapagligtas sa bawat isa na ‘pasanin ninyo ang aking pamatok.’ Sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, pinapasan natin ang pamatok at nakikiisa tayo sa Panginoong Jesucristo. Ibig sabihin, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na umasa at makipagtulungan sa Kanya, kahit lahat ng pagsisikap natin ay hindi katumbas at hindi maihahambing sa Kanya. Kapag tayo ay nagtiwala at nakipagtulungan sa Kanya sa paghatak sa ating pasan sa paglalakbay natin sa buhay na ito, tunay na ang Kanyang pamatok ay malambot at magaan ang Kanyang pasan.

“Hindi tayo nag-iisa at hindi natin kailangang mag-isa kailanman. Makakasulong tayo sa buhay sa araw-araw sa tulong ng langit. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas makatatanggap tayo ng kakayahan at ‘lakas [nang higit sa sarili nating kakayahan]’ (‘Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,’ Mga Himno, blg. 164)” (“Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 88).

  • Ano ang nagsisilbing “pamatok” sa pagitan natin at sa Tagapagligtas na si Jesucristo?

  • Ayon kay Elder Bednar, anong mga pagpapala ang matatanggap natin dahil kasama natin sa pamatok ang Tagapagligtas?

Bigyang-diin na ang pangako ng Tagapagligtas na “kapahingahan” sa Mateo 11:28–29 ay hindi nangangahulugan na lagi Niyang aalisin ang mga problema o hamon natin sa buhay. Kadalasan ay binibigyan tayo ng Tagapagligtas ng kapayapaan at lakas na kailangan natin upang makayanan o matiis ang ating mga pagsubok, kaya nagiging mas magaan ang ating mga pasanin. Kung mananatili tayong tapat kahit may mga hamon tayo sa buhay, ang kapahingahang matatanggap natin sa huli ay ang kadakilaan sa piling ng Diyos (tingnan sa D at T 84:23–24).

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano sila binigyan ng Tagapagligtas ng kapahingahan nang lumapit sila sa Kanya. Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase. Maaari mo ring ibahagi ang isa sa iyong sariling mga karanasan.

Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mga gawaing may kinalaman sa mga pamamaraan na makalalapit sila kay Jesucristo sa kanilang pag-aaral ng Bagong Tipan sa taong ito. Hikayatin silang isama sa kanilang mga gagawin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw at pagbabasa ng buong aklat ng Bagong Tipan sa taong ito.

Ang mga disipulo ni Jesucristo ay may responsibilidad na tulungan ang iba na lumapit sa Kanya

Ipaisip sa mga estudyante ang mga pagkakataon na masigla at masaya silang nagkuwento sa iba ng isang karanasan o ng isang bagay na nakita, nabasa, o narinig nila. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga ikinatutuwa at gustung-gusto nilang ikuwento sa iba.

Ipaliwanag na ang Bagong Tipan ay naglalaman ng napakaraming halimbawa ng mga tao na napalakas, naturuan, o napagpala ng Panginoon at pagkatapos ay nagnais na magkuwento tungkol sa Kanya. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 1:37–42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng dalawang disipulo ni Juan Bautista matapos marinig ang kanyang patotoo kay Jesus.

  • Ano ang nalaman ni Andres tungkol kay Jesus nang Siya ay makausap niya?

  • Ano ang ginawa ni Andres nang malaman niya na si Jesus ang Mesiyas?

  • Sa palagay ninyo, bakit gustung-gusto niyang ibalita ito sa kapatid niyang si Simon Pedro?

Ibuod ang Juan 1:43–44 na sinasabi sa mga estudyante na inanyayahan ng Tagapagligtas ang isang lalaking nagngangalang Felipe na maging Kanyang disipulo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 1:45–46. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Felipe matapos niyang malaman na si Jesus ang Mesiyas.

  • Ano ang sinabi ni Felipe kay Natanael tungkol kay Jesus ng Nazaret?

  • Ano ang reaksyon ni Natanael sa patotoo ni Felipe na si Jesus ang Mesiyas?

  • Ano ang paanyaya ni Felipe kay Natanael?

Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pangungusap: Kapag lumapit tayo kay Jesucristo, 

  • Batay sa mga halimbawang ito mula sa Bagong Tipan, ano ang nanaisin natin kapag lumapit tayo kay Jesucristo? (Habang sumasagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pangungusap sa pisara na nagpapakita ng sumusunod na alituntunin: Kapag lumapit tayo kay Jesucrito, magkakaroon tayo ng mas malaking pagnanais na anyayahan ang iba na lumapit sa Kanya.)

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning ito, kopyahin ang kalakip na diagram sa pisara:

diagram na may isang panuro (arrow)
  • Sa palagay ninyo, bakit tayo magkakaroon ng mas malaking pagnanais na anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo kapag nakalapit tayo mismo sa Kanya?

Ipaliwanag na itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang tungkol sa malaking pagpapala na matatanggap natin kapag inanyayahan natin ang iba na lumapit kay Jesucristo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:

Pangulong Henry B. Eyring

“Kapag taos-puso ninyong inanyayahan ang mga tao na lumapit kay Cristo, mababago ang puso ninyo. … Sa pagtulong sa iba na lumapit sa Kanya, matutuklasan ninyo na kayo mismo ay napalapit sa Kanya” (“Lumapit Kay Cristo,” Liahona, Mar. 2008, 49).

  • Ano ang maaaring mangyari sa buhay natin kapag inanyayahan natin ang iba na lumapit kay Jesucristo?

Magdagdag ng panuro sa drowing sa pisara para makatulad nito ang kalakip na diagram:

diagram na may dalawang panuro
  • Sa palagay ninyo, bakit ang pag-anyaya natin sa iba na lumapit kay Cristo ay makatutulong sa atin na mas lumapit din sa Kanya?

  • Sino ang nag-anyaya sa inyo na lumapit sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo? Paano napagpala ang inyong buhay dahil dito?

Hikayatin ang mga estudyante na mapanalanging isipin kung sino ang maaari nilang anyayahan na lumapit kay Jesucristo.

  • Ano ang maaari nating gawin para maanyayahan ang iba na lumapit sa Kanya?

Ipaliwanag na ang pag-anyaya sa mga kaibigan at kaklase na pumunta sa seminary ay isang paraan na maaanyayahan ng mga estudyante ang iba na “magsiparito at makita” kung sino si Jesucristo at kung paano mapagpapala ng Kanyang ebanghelyo ang buhay nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 1:47–50. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang naranasan ni Natanael nang makausap niya ang Tagapagligtas (ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga salitang “walang daya” ay hindi nanloloko).

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas kaya inihayag ni Natanael na si Jesus ang Anak ng Diyos?

  • Ayon sa talata 50, ano ang ipinangako ng Tagapagligtas kay Natanael dahil naniwala siya?

Ipaliwanag na tulad nina Andres, Pedro, Felipe, at iba pa, isa si Natanael sa mga naging Apostol ni Jesus. Dahil pinakinggan ng mga Apostol na ito ang paanyaya na lumapit kay Jesucristo, nasaksihan nila ang maraming “mga bagay na lalong dakila” (talata 50), kabilang na ang mga himala at mga turo ni Jesucristo at Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli at Pag-akyat sa langit.

Tapusin ang lesson na nagpapatotoo na kapag pinag-aralan ng mga estudyante ang Bagong Tipan sa taong ito, madarama nila ang patuloy na pag-anyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya. Kapag ipinamuhay nila ang mga doktrina at mga alituntunin na natutuhan nila sa buong taon, sila ay tutulungan Niya sa kanilang mga pasanin at, tulad ng mga Apostol noon, ay magkakaroon ng matinding hangaring tulungan ang iba na lumapit din sa Kanya.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 11:29–30. “Pasanin Ninyo ang Aking Pamatok”

Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter ang mga pagpapalang darating kapag pinasan natin ang pamatok ni Cristo:

“Noong panahon ng Biblia ang pamatok ay isang gamit na napakahalaga sa mga magsasaka. Dahil dito ang lakas ng pangalawang hayop ay daragdagan at sasamahan ang pagsisikap ng nag-iisang hayop, na magkatuwang at binabawasan ang bigat ng trabaho ng pag-aararo o paghatak ng bagon. Ang isang pasanin na napakabigat o marahil ay imposibleng kayanin ng isa ay maaaring paghatian at komportableng pasanin ng dalawang magkasama sa isang pamatok. Ang kanyang pamatok ay nangangailangan ng malaki at masigasig na pagsisikap, ngunit para sa mga tunay na nananampalataya, ang pamatok ay malambot at gumagaan ang pasanin.

“Bakit mo haharapin ang mga pasanin sa buhay nang mag-isa, ang tanong ni Cristo, o bakit mo haharapin ang mga ito gamit ang pansamantalang suporta na mabilis manghina? Sa mga nangabibigatang lubha ang pamatok ni Cristo, ang kapangyarihan at kapayapaang dulot ng pagpanig sa isang Diyos na magbibigay ng suporta, balanse, at lakas na harapin ang ating mga hamon at tiisin ang mga gawaing iniatas sa atin sa … buhay sa mundong ito” (“Come unto Me,” Ensign, Nob. 1990, 18; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter, 75–76.

Juan 1:39, 46. “Magsiparito kayo, at inyong makikita”

Ipinaliwanag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano natin matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas na ibahagi ang ebanghelyo sa iba:

“Tinuruan tayo ng Tagapagligtas kung paano ibahagi ang ebanghelyo. Gusto ko ang kuwento tungkol kay Andres, na nagtanong, ‘Guro, saan ka tumitira?’ [Juan 1:38]. Maaari namang sabihin ni Jesus kung saan Siya nakatira. Ngunit sa halip ay sinabi Niya kay Andres, ‘Magsiparito kayo, at inyong makikita’ [Juan 1:39]. Gusto kong isipin na ang sinasabi ng Tagapagligtas ay, ‘Magsiparito kayo at inyong makikita hindi lamang kung saan ako nakatira kundi maging kung paano ako mamuhay. Magsiparito kayo at alamin ninyo kung sino Ako. Magsiparito kayo at damhin ninyo ang Espiritu.’ …

“Sa mga nagpapakita ng interes sa ating mga pakikipag-usap, maaari nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pag-anyaya sa kanila na ‘magsiparito kayo, at inyong makikita.’ Tatanggapin ng ilan ang ating paanyaya, at ang iba ay hindi. Lahat tayo ay may kilala na naanyayahan na nang ilang beses bago tinanggap ang paanyayang ‘magsiparito kayo, at inyong makikita.’ Isipin din natin ang mga miyembro na dati nating nakakasama ngunit ngayo’y bihira na nating makita, at anyayahan silang bumalik at nang muli nilang makita” (“Ito ay Isang Himala,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 79)