Home-Study Lesson
Marcos 4–9 (Unit 8)
Pambungad
Makatutulong ang lesson na ito na maunawaan ng mga estudyante na ang hangaring mapasaya ang iba sa halip na gawin ang alam nating tama, ay maaaring humantong sa maling pagpili, kalungkutan, at pagsisisi.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Marcos 6:1–29
Si Jesus ay hindi tinanggap sa Nazaret at isinugo ang Labindalawa; ang kamatayan ni Juan Bautista ay inilahad
Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na isipin ang huling pagkakataon na parang nauudyukan sila na gumawa ng isang bagay na alam nilang hindi tama.
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag (ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “Making the Right Choices,” Ensign, Nob. 1994, 37):
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga pang-uudyok ng ibang tao para gawin ninyo ang isang bagay na alam ninyong mali?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang katotohanan sa pag-aaral nila ng Marcos 6 na makatutulong sa kanila na hindi magpatangay sa masasamang impluwensya ng mga kaibigan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 6:17–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Herodes kay Juan Bautista. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano ang ginawa ni Herodes kay Juan at bakit?
Diniborsyo ni Herodes ang kanyang asawa at pinakasalan si Herodias, ang asawa ng kanyang kapatid na si Filipo. Ang gawaing ito ay lantarang paglabag sa batas ng mga Judio (tingnan sa Levitico 18:16), at hayagang nagsalita laban dito si Juan Bautista. Ikinagalit ni Herodias ang pagsalungat ni Juan sa kasal na ito, kaya ibinilanggo ni Herodes si Juan para paglubagin ang loob ni Herodias.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 6:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang gustong gawin ni Herodias kay Juan Bautista.
-
Ano ang gustong gawin ni Herodias kay Juan Bautista?
-
Bakit hindi niya mapapatay si Juan Bautista? (Dahil takot si Herodes kay Juan at alam niya na si Juan ay isang tao ng Diyos.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Marcos 6:21–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Herodes kay Juan Bautista.
-
Ayon sa talata 26, ano ang naramdaman ni Herodes tungkol sa pagpatay kay Juan Bautista?
-
Bakit pinapugutan ni Herodes ng ulo si Juan kung alam niya na ito ay mali at ayaw niyang gawin ito? (Nag-alala si Herodes sa sasabihin ng mga taong kasama niya sa dulang.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa desisyong ito ni Herodes tungkol sa mangyayari kapag binigyang-kasiyahan natin ang iba sa halip na gawin ang tama? (Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag hinangad nating mapasaya ang iba sa halip na gawin ang alam nating tama, humahantong ito sa maling pagpili, kalungkutan, at pagsisisi.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan pa ang katotohanang ito, igrupu-grupo sila na may tig-dadalawa hanggang tig-aapat na katao at sabihin sa kanila na mag-isip ng ilang halimbawa ng mga sitwasyon kung saan kailangang pumili ang mga kabataan kung bibigyang-kasiyahan nila ang iba o gagawin ang alam nilang tama. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa bawat grupo na magreport. Habang ginagawa nila nito, isulat sa pisara ang ilan sa mga halimbawa nila.
-
Sa anong mga paraan ninyo nakikita na ang pagpapatangay sa mga pang-uudyok tulad ng mga halimbawang ito ay nagdudulot ng kalungkutan at kapighatian?
-
Kailan kayo nakakita na mas pinili ng isang tao na gawin ang tama sa halip na bigyang-kasiyahan ang iba?
-
Ano ang makatutulong sa atin para piliin nating gawin ang alam nating tama sa halip na bigyang-kasiyahan ang iba?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball tungkol sa paggawa ng tamang pasiya:
“Pinakamadaling gumawa ng mga tamang desisyon kapag maaga natin itong ginagawa … ; hindi tayo lubhang nag-aalala sa oras ng pagpapasiya, kung kailan pagod na tayo at labis na natutukso” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 131).
Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang kanilang paparating na linggo at isipin ang posibleng mga sitwasyon kung saan ay kakailanganin nilang pumili kung bibigyang-kasiyahan nila ang iba o gagawin ang tama. Hikayatin silang magplano kung paano sila tutugon sa mga pang-uudyok na ito kapag nangyari sa kanila ang mga ito.
Ipaliwanag na nang marinig ni Herodes ang tungkol sa maraming himalang isinagawa ni Jesus sa Galilea, natakot siya na bumangon mula sa kamatayan si Juan Bautista at ginagawa ang mga himalang ito (tingnan sa Marcos 6:14–16).
Marcos 7–8
Pinagaling ni Jesus ang dalawang tao at tinuruan ang Kanyang mga disipulo
Ipaliwanag na ang Marcos 7–8 ay naglalaman ng dalawang tala tungkol sa pagpapagaling ng Tagapagligtas sa isang tao. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Ipabasa sa isang estudyante sa bawat magkapartner ang Marcos 7:31–35 at ipabasa naman sa isa pang kapartner na estudyante ang Marcos 8:22–25. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ilarawan sa kanilang kapartner ang himala ng pagpapagaling sa mga talatang binasa nila.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano pinagaling ng Tagapagligtas ang dalawang taong ito.
-
Ano ang mapupulot nating aral sa katotohanang ang lalaking ito ay hindi lubusang gumaling noong simula?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga dahilan kung bakit unti-unti o dahan-dahang pinagaling ni Jesus ang lalaki.
“Kakaiba ang himalang ito; ito lamang ang nag-iisang kaganapang nakatala na pinagaling ni Jesus ang isang tao nang paunti-unti. Maaaring ginawa ito ng ating Panginoon upang palakasin ang mahina ngunit lumalakas na pananampalataya ng lalaking bulag. Malinaw na ang magkakasunod na paghawak ni Jesus ay nakaragdag sa pag-asa, katiyakan, at pananampalataya ng lalaking bulag na ito. Si Jesus mismo ang (1) umakay sa lalaki sa labas ng nayon, (2) nagpahid ng kanyang sariling laway sa mga mata ng bulag, (3) nagsagawa ng ordenansa ng pagpapatong ng kamay, at (4) nagpatong ng mga kamay sa pangalawang pagkakataon sa mga mata ng lalaki.
“Talagang itinuturo ng paraang ito ng pagpapagaling na dapat hangarin ng mga tao ang nakapagpapagaling na biyaya ng Panginoon nang kanilang buong lakas at pananampalataya, bagama’t iyon ay sapat para sa bahagyang paggaling lamang, ngunit kasunod ng pagtanggap nito, makakamit nila ang dagdag na katiyakan at pananampalataya na gagaling sila nang lubusan. Kadalasang gumagaling din ang mga tao sa kanilang espirituwal na mga karamdaman nang paunti-unti, nang dahan-dahan kapag naiaayon nila ang kanilang buhay sa mga plano at layunin ng Maykapal” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 vols. [1965–73], 1:379–80).
-
Paano napapalakas ng unti-unting paggaling ang pananampalataya ng isang tao kay Jesucristo?
-
Bakit mahalagang maunawaan na ang ilang pagpapala, tulad ng pagkakaroon ng patotoo sa ebanghelyo o pagtanggap ng pisikal o espirituwal na pagpapagaling, ay kadalasang dumarating nang paunti-unti o dahan-dahan, sa halip na agaran o nang minsanan?
Ibuod ang Marcos 8:27–28 na ipinapaliwanag na tinanong ni Jesus ang Kanyang mga disipulo kung ano ang sabi ng ibang tao tungkol sa kung sino Siya. Sinabi nila na sinasabi ng ilan na Siya ay si Juan Bautista o isa pang propeta.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 8:29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinahayag ni Pedro tungkol kay Jesus.
-
Ano ang sinabi ni Pedro tungkol sa kung sino si Jesus? (Ang salitang Cristo ay salitang Griyego na katumbas ng Mesiyas.)
Ibuod ang Marcos 8:30–31 na ipinapaliwanag na itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na Siya ay hindi tatanggapin ng mga Judio at Siya ay papatayin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 8:32–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang reaksyon ni Pedro sa balitang ito.
Ipaliwanag na dahil inaasahan ng mga Judio ang isang Mesiyas na magliligtas sa kanila sa pananakop ng mga dayuhan, mahirap para kay Pedro, gayundin sa marami pang Judio sa panahong iyon, na maunawaan at matanggap ang ideya tungkol sa isang Mesiyas na magdurusa at mamamatay.
-
Paano naging katulad ni Pedro ang lalaking bulag na inilarawan sa Marcos 8:22–25? (Unti-unting “nakita” ni Pedro ang katotohanan. May pananampalataya siya sa Tagapagligtas, ngunit ang pagkaunawa niya sa misyon ng Tagapagligtas ay paunti-unti.)
-
Paano kayo o ang isang kakilala ninyo natulungan ng Panginoon para unti-unting makita ang katotohanan?
Tapusin ang lesson ngayon sa pagsasabi sa mga estudyante na tahimik na basahin ang Marcos 8:34–38, na pinag-iisipan kung paano makatutulong sa kanila ang lesson sa araw na ito na unahin ang Panginoon sa kanilang buhay.
Susunod na Unit (Marcos 10–Lucas 4)
Ipaliwanag na tatapusin ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral sa Ebanghelyo Ayon kay Marcos at sisimulang pag-aralan ang mga isinulat ni Lucas. Sabihin sa kanila na maghanap ng mga bagong detalye kapag muli nilang binasa ang tungkol sa mga huling kaganapan sa buhay ni Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala at pansinin ang pangungutya kay Jesus habang nakapako Siya sa krus. Mababasa nila sa Ebanghelyo Ayon kay Lucas ang isa sa mga pinakasikat na kabanata sa Biblia—Lucas 2—at ang mga tala tungkol sa mga naaapi, mga itinaboy, at mga makasalanan.