Lesson 31
Mateo 26:31–75
Pambungad
Sa Halamanan ng Getsemani, sinimulan ni Jesucristo ang pag-ako sa mga kasalanan ng lahat ng tao bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ipinagkanulo ni Judas si Jesus sa mga pinunong Judio. Si Jesus ay nilitis nang hindi makatarungan sa harapan ni Caifas, ang mataas na saserdote, kung saan inakusahan Siya nang mali. Samantala, tatlong beses ipinagkaila ni Pedro na kilala niya ang Tagapagligtas sa mga taong nakilala siya bilang isa sa mga disipulo ni Jesucristo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 26:31-46
Nagdusa si Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na sitwasyon: Isang tinedyer ang sinabihan mula pa noong bata siya na tungkulin niyang maglingkod ng full-time mission. Ngayong tinedyer na, alam pa rin niya na dapat siyang magmisyon ngunit nahihirapan siyang gawin ito. Mas interesado siya sa ibang mga oportunidad at nag-aalala na magiging hadlang ang misyon para samantalahin ang mga iyon.
-
Ano ang iba pang mga sitwasyon na maaaring iba ang gusto ng kabataan sa gustong ipagawa sa kanila ng Ama sa Langit? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
-
Bakit mahirap kung minsan na gawin ang alam nating gustong ipagawa sa atin ng Ama sa Langit?
Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga alituntunin sa Mateo 26:31–46 na makatutulong sa kanila kapag nahihirapan silang sundin ang kagustuhan ng Ama sa Langit.
Ipaalala sa mga estudyante na tulad nag nakatala sa Mateo 26: 1–30, ang Panginoon at ang Kanyang mga Apostol ay kumain sa pista ng Paskua at pinasimulan ang sakramento.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 26:31–35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinropesiya ni Jesus na mangyayari sa Kanyang mga Apostol.
-
Ano ang sinabi ni Jesus na mangyayari sa mga Apostol sa gabing iyon?
Ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang mangagdaramdam ay manlamig o tumalikod o magtatwa.
-
Ano ang isinagot ni Pedro at ng iba pang mga Apostol sa sinabi ng Tagapagligtas?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:36–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung saan pumunta si Jesus at ang mga Apostol pagkatapos ng pista ng Paskua. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Mga Larawan sa Biblia, blg. 11, “Bundok ng mga Olibo” at blg. 12, “Halaman ng Getsemani” sa Latter-day Saint edition ng King James Bible at sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ipaliwanag na ang Getsemani ay halamanan ng mga punong olibo na matatagpuan sa Bundok ng mga Olibo sa labas lamang ng Jerusalem at na ang ibig sa sabihin ng pangalang Getsemani ay “pigaan ng langis.”
-
Anong mga kataga sa talata 36–38 ang naglalarawan ng nadama ni Jesus nang pumasok Siya sa Getsemani?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:39, at sabihin sa klase na alamin ang ginawa ni Jesus matapos lumakad “sa dako pa roon” sa halamanan.
-
Anong mga salita o mga kataga sa mga talata 37–39 ang naglalarawan ng mabigat na pasaning nararanasan ni Jesus?
-
Ano ang hiniling ni Jesus sa Ama na alisin sa Kanya?
Itaas ang saro. Ipaliwanag na ang saro na tinukoy ng Tagapagligtas ay simbolo ng mapait na pagdurusang naranasan Niya bilang bahagi ng Pagbabayad-sala. Sa Getsemani, sinimulan ni Jesus ang pag-ako ng mga kasalanan at pagdurusa para sa lahat ng tao bilang bahagi ng Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, na ipinaliwanag ang isinamo ni Jesus sa Ama nang hilingin Niyang palampasin sa Kanya ang saro:
“Sinabi ng Panginoon, sa katunayan, ‘Kung may iba pang daan, daraanan ko ito. Kung may iba pang paraan—ibang daan—malugod kong tatanggapin.’ … Subalit sa huli, hindi lumampas ang sarong ito” (“Pagtuturo, Pangangaral, Pagpapagaling,” Liahona, Ene. 2003, 41).
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga katagang “gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (talata 39.)
-
Kahit humiling si Jesus ng ibang paraan na maisasakatuparan ang mga layunin ng ating Ama, ano ang ginawa Niya upang maisagawa ang Pagbabayad-sala? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Sinunod ni Jesucristo ang gusto ng Ama at hindi ang gusto Niya para magawa ang Pagbabayad-sala.)
-
Ano ang matututuhan natin sa kahandaan ni Jesus na sundin ang kagustuhan ng Ama sa Langit kahit na ibig sabihin nito ay dadanas Siya ng matinding pagdurusa at kamatayan?
Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Tinutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo kapag …
-
Paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na ito batay sa natutuhan natin mula sa Mateo 26:39? (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag upang mailahad ang sumusunod na katotohanan: Tinutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo kapag pinili nating gawin ang gusto ng Ama sa halip na ang gusto natin.)
Ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyon tungkol sa binatilyo na nag-aalangang magmisyon, pati ang iba pang mga sitwasyong nakalista sa pisara.
-
Paano tayo mapalalakas ng halimbawa ng Tagapagligtas sa ganitong mga sitwasyon?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na ipinasiya pa rin nilang sundin ang gusto ng Ama sa Langit kahit iba ito sa gusto nila. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan at ipaliwanag kung bakit iyon ang pinili nila at ano ang nadama nila tungkol dito.
Hikayatin ang mga estudyante na tumukoy ng isang partikular na paraan na matutularan nila ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng paggawa ng gusto ng Ama at hindi ng gusto nila.
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Mateo 26:37–38, na inaalam ang mga ibinilin ng Tagapagligtas kina Pedro, Santiago, at Juan sa Getsemani.
-
Ano ang mga ibinilin ni Jesus kina Pedro, Santiago, at Juan?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng tagubilin na “makipagpuyat sa akin”? (talata 38).
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit kailangan ng mga disipulo ang tagubilin ng Tagapagligtas na makipagpuyat sa Kanya, ipaliwanag na pagdating ng mga disipulo sa halamanan, sila ay “nagsimulang magtaka nang labis, at namanglaw nang lubha, kung ito nga ba ang Mesiyas” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 14:36 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Sa pagtatagubilin Niya sa Kanyang mga disipulo na makipagpuyat sa Kanya, binabalaan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo na mag-ingat dahil susubukan ang kanilang pananampalataya sa Kanya.
-
Bakit iniisip ng mga disipulo kung talaga bang si Jesus ang Mesiyas? (Maraming Judio ang hindi nakaunawa na ang Mesiyas ay magdurusa at mamamatay bagkus ay iniisip nila na ang Mesiyas ang magpapalaya sa mga Judio sa pamamagitan ng paglupig sa mga Romano.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:40, at ipahanap sa klase ang natuklasan ni Jesus na ginagawa ng tatlong Apostol na ito habang nagdarasal Siya. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Ipaliwanag na isinasaad sa Joseph Smith Translation ng Luke 22:45 na ang mga disipulo ay nagsisitulog, “dahil sila ay lubhang nahahapis.”
-
Bakit kaya nahahapis o napakalungkot ng mga Apostol?
-
Ano kaya ang madarama ninyo kung kayo ay nasa kalagayan nila at natanto ninyo na nakatulog kayo sa halip na mangagsipagpuyat sa Tagapagligtas?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:41, at sabihin sa klase na alamin ang ipinagagawa ni Jesus sa Kanyang mga disipulo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa mga tagubilin ng Tagapagligtas sa mga Apostol na ito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung patuloy tayong mangagsisipagpuyat [o magbabantay] at mananalangin, magkakaroon tayo ng lakas na labanan ang tukso.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa’t mahina ang laman” (talata 41)? Paano ito nauugnay sa paglaban sa tukso?
-
Ipaliwanag na ang kahulugan ng “mangagpuyat” ay gumising, maging alerto, o mapagbantay. Paano makatutulong sa atin ang espirituwal na pagbabantay at pananalangin na madaig ang ating mga kahinaan at labanan ang tukso?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung naranasan na ba nila, tulad ng mga Apostol sa Getsemani na matukso dahil hindi sila nanalangin at espirituwal na nagbantay. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano sila naapektuhan ng pagpiling iyon. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nalabanan nila ang tukso sa pamamagitan ng pananalangin at espirituwal na pagbabantay.
-
Ano ang nakatulong sa inyo na palaging maging espirituwal na magbantay at manalangin?
Magpatotoo na malalabanan natin ang tukso kapag patuloy tayong espirituwal na nagbabantay at nananalangin. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kapirasong papel ang isang bagay na gagawin nila upang patuloy na mas espirituwal na magbantay at manalangin. Hikayatin silang dalhin ang papel para maalala ang kanilang goal o mithiin.
Ibuod ang Mateo 26:42–46 na ipinapaliwanag na nanalangin si Jesus nang tatlong beses sa Halamanan ng Getsemani. Sa bawat panalangin ay ipinahayag Niya ang kahandaang sundin ang kagustuhan ng Kanyang Ama.
Mateo 26:47–75
Si Jesucristo ay nadakip at nilitis sa harap ni Caifas
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Gerald N. Lund, na kalaunan ay naging miyembro ng Pitumpu.
“Wariin [si Jesucristo,] ang Nilalang na ang kapangyarihan, liwanag, kaluwalhatiang taglay ay inilagay sa kaayusan ang sansinukob, ang Nilalang na nagsalita at nalikha ang mga planeta, mga kalawakan, at mga bituin—na nakatayo sa harapan ng masasamang tao at hinahatulan bilang nilalang na walang halaga!” (“Knowest Thou the Condescension of God?” sa Doctrines of the Book of Mormon: The 1991 Sperry Symposium, ed. Bruce A. Van Orden and Brent L. Top [1992], 86).
Isulat sa pisara ang Mateo 26:47–68. Sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang mga talatang ito, na inaalam kung paano patuloy na sinunod ni Jesucristo ang kagustuhan ng Kanyang Ama kahit Siya ay pinahirapan at hinatulan ng masasamang tao. Depende sa pangangailangan ng iyong mga estudyante, maaari ninyong sama-samang basahin nang malakas ang mga talatang ito sa klase, pagpartner-partnerin ang mga estudyante para mabasa nang malakas ang mga talata, o ipabasa ito nang tahimik sa mga estudyante.
Pagkatapos ng sapat na oras, itanong ang sumusunod:
-
Paano patuloy na sinunod ni Jesucristo ang kagustuhan ng Ama sa Langit kahit Siya ay pinahirapan at hinatulan ng masasamang tao?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:53. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Jesus na maaari sana Niyang gawin sa mga pangyayaring ito.
-
Ano ang maaari sanang gawin ng Tagapagligtas?
-
Sa halip na humingi ng pulutong ng mga anghel o anumang tulong mula sa langit para iligtas Siya, ano ang ginawa ni Jesus?
-
Ano ang itinuturo nito sa inyo tungkol sa kahandaan ng Tagapagligtas na gawin ang kagustuhan ng Ama sa Langit anuman ang sitwasyon?
Kahit may kapangyarihan si Jesucristo na lipulin ang mga taong humahagupit at nandudura sa Kanya, buong puso Niyang tiniis ang lahat ng ito (tingnan sa 1 Nephi 19:9). Hindi alam ng mga pinuno at mga sundalo ang walang-hanggang kapangyarihan na maaaring hingin ni Jesus kung iyon ang nais ng Ama sa Langit na gawin Niya.
Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa talata 56, ang propesiya ng Tagapagligtas na iiwan Siya ng mga Apostol ay nangyari. Gayunman, ang pag-iwan na ito ay pansamantala lamang.
Ibuod ang Mateo 26:69–75 na ipinapaliwanag na habang nililitis si Jesus matapos Siyang dakpin, tatlong beses siyang ipinagkaila ni Pedro. (Paalala: Ang pagkakaila ni Pedro ay tatalakayin nang mas detalyado sa lesson sa Lucas 22.)
Magpatotoo sa mga katotohanang tinukoy sa lesson na ito.