Pambungad sa Sulat ni Pablo sa mga Taga Galacia
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Ang Sulat ni Pablo sa Mga Taga Galacia ay para sa mga Kristiyanong Judio na nalilihis mula sa Panginoon dahil sa muling pag-asa sa mga gawang ayon sa batas ni Moises. Hinangad ni Apostol Pablo na iwasto ang suliraning ito sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa pagkakaiba ng mabigat na “pamatok” ng batas ni Moises, na humahantong sa espirituwal na pagkaalipin, at ng ebanghelyo ni Jesucristo, na humahantong sa espirituwal na kalayaan. Ang pag-aaral ng sulat na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas mapahalagahan nila ang kalayaang ipinagkakaloob sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Si Apostol Pablo ang sumulat ng Mga Taga Galacia (tingnan sa Mga Taga Galacia 1:1).
Kailan at saan ito isinulat?
Maaaring isinulat ni Pablo ang Sulat sa mga Taga Galacia habang naglalakbay sa Macedonia sa kanyang pangatlong paglalakbay bilang misyonero noong mga A.D. 55–57 (tingnan sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles”).
Para kanino ito isinulat at bakit?
“Hindi ganoong tiyak kung saang mga simbahan nauukol ang sulat na ito. Maaaring ito ay ang hilagang Galacia, ang distrito kung saan ang Ancyra ang kapital, o sa distrito na nasa hangganan ng Phrygia at Galacia na binisita ni Pablo sa kanyang unang paglalakbay bilang misyonero. Alinman dito, ang mga simbahan sa Galacia ay siguradong binisita ni Pablo sa kanyang ikalawa (Mga Gawa 16:6) at ikatlong (Mga Gawa 18:23) paglalakbay” (Bible Dictionary, “Pauline Epistles: Pauline Epsitles”).
Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Galacia dahil lubos ang kanyang pag-aalala na sila ay nalalayo sa Panginoon dahil sa pagsunod sa mga turo ng ilan na naghahangad na “pasamain ang evangelio” (tingnan sa Mga Taga Galacia 1:6–7). Itinuturo ng mga Kristiyanong Judio sa mga Kristiyanong Gentil ang maling doktrina na kailangan silang matuli at gawin ang mga ritwal na iniuutos sa batas ni Moises para maligtas (tingnan sa Mga Taga Galacia 6:12; tingnan din ang Mga Gawa 15:1). Tinanggap ng ilang Banal sa Galacia ang mga turo ng mga taong ito (tingnan sa Mga Taga Galacia 4:10).
Ang mga pangunahing layunin ni Pablo sa kanyang sulat ay kinabibilangan ng:
-
Pagtatanggol ng kanyang sarili laban sa mga akusasyon ng mga huwad na guro na sumasalungat sa kanya.
-
Pagtuturo na ang lahat ng tao, maging Judio man o Gentil, ay naligtas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo sa halip na umasa sa mga ritwal sa batas ni Moises.
-
Paglilinaw ng ginagampanang bahagi ng batas ni Moises sa plano ng Diyos.
-
Pagpapaunawa sa kaibhan ng lumang pakikipagtipan na ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Moises at ang bagong pakikipagtipan kay Cristo.
-
Paghimok sa mga Banal na mamuhay nang naaayon sa Espiritu.
Ano ang ilan sa mga naiibang katangian ng aklat na ito?
Ang aklat ng Mga Taga Galacia ay itinuturing na pinakamadamdaming sulat ni Pablo, kung saan nagbigay siya ng tahasang pagsaway kapwa sa mga miyembro ng Simbahan na nalilihis ng landas at sa mga bulaang guro na naglilihis sa kanila. Ang Mga Taga Galacia ay naglalaman ng pinakaunang paglalahad ni Pablo tungkol sa doktrina ng pagbibigay ng katwiran—hindi tayo nabigyan ng katwiran dahil sa mga ginagawa sa batas ni Moises ngunit dahil sa pananampalataya kay Jesucristo. Ipinapakita sa sulat ang pagkakaiba ng “mga gawa ng laman” sa mga “bunga ng Espiritu” (Mga Taga Galacia 5:16–25).
Outline
Mga Taga Galacia 1–2 Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Galacia dahil nalayo sila sa Panginoon at tumanggap ng mga maling turo. Ipinagtanggol niya ang kanyang tungkulin bilang isang Apostol sa paglalahad ng kanyang pagsalungat sa Simbahan noon at ng kanyang pagbabalik-loob. Binigyang-diin niya na nakatanggap siya ng direktang paghahayag mula sa Diyos at nilinaw na ang kanyang pagtuturo sa mga Gentil ay inaprubahan ng mga Apostol. Ipinahayag niya na minsan na niyang hindi sinang-ayunan si Pedro tungkol sa mga Banal na Gentil. Itinuro niya na ang mga tao ay hindi binibigyang-katwiran sa pamamagitan ng mga ginagawa sa batas ni Moises kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.
Mga Taga Galacia 3–4 Ipinagtanggol ni Pablo ang mensahe ng ebanghelyo. Itinuro niya na si Abraham ay isang halimbawa ng isang tao na nabigyang-katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng mga ginagawa sa batas ni Moises. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, tinubos ni Jesucristo ang sangkatauhan mula sa sumpa ng batas. Ang layunin ng batas ni Moises ay upang maging “tagapagturo natin upang ihatid tayo kay Cristo.” Sa pamamagitan ng pananampalataya at pagbibinyag, nakatanggap ang mga Banal ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala, nakapasok sa tipan ng ebanghelyo, naging tagapagmana ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo, at hindi na mga tagapagsilbi sa halip ay mga anak ng Diyos.
Mga Taga Galacia 5–6 Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na manatiling matatag sa tipan ng ebanghelyo na ibinigay ni Cristo. Ipinakita ni Pablo ang pagkakaiba ng taong nasasangkot sa “mga gawa ng laman” sa taong tinatamasa ang mga “bunga ng Espiritu.” Itinuro niya na dapat pasanin ng mga Banal ang pasanin ng isa’t isa at huwag mapagod sa paggawa ng mabuti. Inaani natin ang ating itinanim.