Lesson 119
Mga Taga Galacia 5–6
Pambungad
Hinikayat ni Pablo ang mga Banal sa Galacia na ipanumbalik ang kanilang pananampalataya kay Jesucisto at magtiwala na ang kaligtasan ay matatamo lamang sa pamamagitan Niya at hindi sa pagsunod sa batas ni Moises. Tinapos ni Pablo ang sulat sa pag-anyaya sa mga miyembro ng Simbahan na maging mga bagong nilalang sa pamamagitan ni Cristo at tumulong sa iba na ganoon din ang gawin.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Taga Galacia 5
Hinikayat ni Pablo ang mga Banal sa Galacia na ipanumbalik ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo
Magdrowing ng larong hilahang lubid o tug-of-war sa pisara.
-
Ano ang tug-of-war? Paano nananalo sa larong ito?
-
Sa paanong mga paraan katulad ng larong tug-of-war ang ating buhay?
Kung hindi nabanggit ng mga estudyante, ipaliwanag na ang isang aspeto ng ating mga buhay na katulad ng tug-of-war ay ang pakikipaglaban natin sa tukso. Ipahanap sa mga estudyante ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila na malaman kung paano magwagi sa pakikipaglaban sa tukso habang pinag-aaralan nila ang Mga Taga Galacia 5.
Ipaalala sa mga estudyante na nailigaw ng ilang mga Judiong Kristiyano ang mga Banal sa Galacia sa pagtuturo sa kanila na kailangan nilang ipamuhay ang batas ni Moises at matuli para maligtas. Inilarawan ni Pablo ang mga huwad na turong ito tungkol sa batas ni Moises bilang “pamatok ng pagkaalipin” (Mga Taga Galacia 5:1).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 5:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa na inaalam kung sino ang sinabi ni Pablo na naghatid ng kalayaan mula sa pamatok ng pagkaalipin.
-
Sino ang naghatid ng kalayaan mula sa pamatok ng pagkaalipin?
Ibuod ang Mga Taga Galacia 5:2–15 na ipinapaliwanag na pinagsabihan ni Pablo ang mga Banal sa Galacia dahil napakadali nilang madala palayo sa kalayaan ng ebanghelyo ni Jesucristo at bumalik sa pagkaalipin sa batas ni Moises. Pagkatapos ay nilinaw niya na kahit napalaya ang mga tagasunod ni Cristo mula sa batas ni Moises, hindi ito nangangahulugan na may kalayaan silang magpakasasa sa kasalanan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 5:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang dalawang naglalabang puwersa na inilarawan ni Pablo.
-
Ano ang dalawang naglalabang puwersa na inilarawan ni Pablo?
Gumawa ng chart sa pisara sa pamamagitan ng pagguhit ng isang linyang patayo sa gitna ng drowing na tug-of-war. Isulat ang Magsilakad ayon sa Espiritu sa itaas sa isang bahagi ng drowing ng tug-of-war, at isulat ang Gagawin ang mga pita ng laman sa itaas ng kabilang bahagi nito.
-
Ano ang ibig sabihin ng “magsilakad ayon sa Espiritu”? (talata 16). (Ang mamuhay nang marapat sa Espiritu Santo at sundin Siya.)
-
Ano ang tinutukoy ng mga katagang “pita ng laman” (talata 16)? (Mga tukso para magkasala.)
-
Paano naituturing na naglalabang puwersa ang mga ito?
-
Ano ang alituntunin na maaari nating matutuhan mula sa talata 16 kung paano natin mapagtatagumpayan ang mga tukso ng laman? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita ngunit dapat nilang matukoy ang alituntunin na tulad ng sumusunod: Kapag lumalakad tayo nang naaayon sa Espiritu, mapagtatagumpyan natin ang mga tukso ng laman. Isulat ang alituntuning ito sa pisara.)
Itanong sa mga estudyante kung saan sila papanig sa tug-of-war na ito at aling pwersa ang nananalo sa kanilang buhay.
Hatiin ang klase sa mga grupo na may tigdadalawa hanggang tigtatatlong estudyante. Ipabasa nang malakas at sabay-sabay sa kalahati ng mga grupo ang Mga Taga Galacia 5:19–21, na hinahanap ang mga resulta ng “[paggawa] ng pita ng laman.” Ipabasa nang malakas at sabay-sabay sa natitirang kalahati ang Mga Taga Galacia 5:22–23, na hinahanap ang mga resulta ng paglakad ayon sa Espiritu. Kapag tapos na silang magbasa, ipalista sa bawat grupo sa angkop na column sa pisara ang isa sa mga sagot na nahanap nila. Sabihin sa kanila na patuloy na ilista ang kanilang mga sagot hanggang sa makikita na sa chart ang mga nabanggit ni Pablo. Maaari kang magdala ng diksiyonaryo sa klase at ipahanap sa isang estudyante ang anumang salita na mahirap maunawaan.
-
Ayon sa talata 21, ano ang itinuro ni Pablo na mangyayari sa mga tao na nagpapadaig sa “[gawain] ng pita ng laman”?
-
Ayon sa mga talata 22–23, anong mga bunga, o mga resulta, ang nagpapakita na ang isang tao ay lumalakad ayon sa Espiritu? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, at pagtatapat. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.)
Ituro ang bahagi ng chart kung saan nakalista ang mga bunga ng Espiritu.
-
Bakit napakainam na matanggap ang mga pagpapalang ito?
Idrowing sa ilalim ng chart ang isang malaking arrow na nakaturo sa bahagi kung saan nakasulat ang mga pita ng laman. Sabihin sa mga estudyante na ipalagay na kunwari ay hinahayaan nating mahatak tayo palapit sa mga pita ng laman sa matalinghagang tug-of-war na ito.
-
Ano ang nangyayari sa mga bunga ng Espiritu kapag nagpapadaig tayo sa mga pita ng laman? (Nawawala sa atin ang mga bunga ng Espiritu.)
Burahin ang arrow at idrowing ang isa pang arrow na nakaturo sa mga bunga ng Espiritu. Sabihin sa mga estudyante na ipalagay na kunwari ay hinahayaan natin ngayon ang ating sarili na bumaling sa panig na ito.
-
Ano ang nangyayari sa mga gawa ng laman kapag lumalakad tayo ayon sa Espiritu? (Hindi na sila nagiging bahagi ng ating buhay.)
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang tungkol sa isang pangyayari na naramdaman o naranasan nila ang isa sa mga bunga ng Espiritu. Sabihin sa kanila na isama ang mga ginagawa nila upang lumakad nang ayon sa Espiritu sa oras na iyon. Kapag natapos na sila, ipabahagi sa ilang estudyante ang isinulat nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 5:24–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinusubukang gawin ng mga disipulo ni Jesucristo sa mga pita ng laman.
-
Ano ang sinusubukang gawin ng mga disipulo ni Jesucristo sa mga pita ng laman? (Ipinapako ang mga ito sa krus, o inaalis ang mga ito sa kanilang buhay.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang gagawin nila upang lubusang lumakad nang ayon sa Espiritu. Hikayatin sila na sundin ang mga pahiwatig na natatanggap nila upang mas matamasa nila ang mga bunga ng Espiritu.
Mga Taga Galacia 6
Inanyayahan ni Pablo ang mga Banal sa Galacia na magbago sa pamamagitan ni Jesucristo
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang kakilala na hindi tumatanggap ng mga pagpapala ng ebanghelyo ngayon, kahit na ang isang taong iyan ay miyembro ng Simbahan. Sabihin sa klase na alamin ang isang alituntunin sa pag-aaral nila ng Mga Taga Galacia 6 na gagabay sa kanila sa kanilang pagsisikap na tulungan ang taong naisip nila para matamo nito ang mga pagpapala ng ebanghelyo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 6:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa dapat itugon ng mga miyembro ng Simbahan kung may isang taong nagkasala. (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang mga katagang “masumpungan sa anomang pagsuway” sa talata 1 ay nangangahulugang magkasala.)
-
Ayon kay Pablo, paano dapat tumugon ang mga miyembro ng Simbahan sa isang tao na nagkasala? (Ang “papanumbalikin” ang isang tao ay ang tulungan siya na makabalik sa landas ng ebanghelyo.)
-
Bakit mahalaga na magkaroon ng “espiritu ng kahinhinan” (talata 1) o maging mapagkumbaba habang tinutulungan natin ang isang tao na bumalik sa landas ng ebanghelyo?
-
Ano ang ilang paraan na ating “[madadala] … ang mga pasanin ng isa’t isa”? (talata 2).
Ibuod ang Mga Taga Galacia 6:3–5 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo na hindi tayo dapat maging mapagmataas o magmalinis at na ang bawat tao ay “magpapasan ng kaniyang sariling pasan” (talata 5), o mananagot sa kanyang mga pagpili.
Magpakita ng ilang mga buto ng prutas o gulay sa mga estudyante na madali nilang makikilala. Ipatukoy sa kanila kung anong uri ng buto ang mga iyon.
-
Ano ang inyong aasahan kung itatanim ninyo ang mga buto?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 6:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo na maaari nating asahan kapag nagtanim tayo ng mga buto.
-
Ano ang itinuro ni Pablo na mangyayari kapag nagtanim tayo ng mga buto? (Kung ano ang inyong ihahasik, o itatanim, ay siya rin ninyong aanihin. Ito ang tinatawag na batas ng pag-aani.)
-
Paano maiuugnay ang batas ng pag-aani sa mga desisyong ginagawa natin?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Taga Galacia 6:9–10. Sabihin sa kanila na alamin kung bakit itinuro ni Pablo ang batas ng pag-aani.
-
Sa palagay ninyo, bakit kaya itinuro ni Pablo ang batas ng pag-aani matapos niyang anyayahan ang mga taga-Galacia na tulungan ang isa’t isa na manatili o bumalik sa landas ng ebanghelyo?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa pagtulong sa iba na hindi tinatamasa ang mga pagpapala ng ebanghelyo? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung magiging masigasig tayo sa paggawa ng mabuti, aanihin natin ang mga pagpapala para sa ating mga ginawa.)
-
Paano nakatutulong ang pangako na magsisipag-ani tayo sa “kapanahunan” kung hindi tayo “manganghihimagod” (talata 9), o susuko, sa ating mga pagsisikap na paglingkuran ang iba at ipamuhay ang ebanghelyo?
-
Kailan ang mga pagkakataon na ikaw o ang isang kakilala mo ay naging masigasig sa paggawa ng mabuti kahit hindi agad dumarating ang mga pagpapala? (Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan.)
Ibuod ang Mga Taga Galacia 6:11–18 na ipinapaliwanag na tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa mga Banal sa Galacia sa pamamagitan ng pagbanggit muli na ang kapayapaan at awa ni Jesucristo ay mapapasakanila na mga naging bagong nilalang sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang pangalan.
Hikayatin ang mga estudyante na huwag “mangapagod sa paggawa ng mabuti” (talata 9) at na mapanalanging isipin ang mga matutulungan nila na makabalik sa landas ng Panginoon. Anyayahan sila na masigasig na sundin ang mga impresyon na natatanggap nila mula sa Espiritu Santo.
Scripture Mastery—Mga Taga Galacia 5:22–23
Upang matulungan ang mga estudyante na maisaulo ang Mga Taga Galacia 5:22–23, sabihin sa klase na bigkasin ito ng bawat estudyante nang paisa-isang salita. Halimbawa, ang unang estudyante ay magsasabi ng “datapuwa’t,” ang pangalawang estudyante ang magsasabi ng “ang,” ang pangatlong estudyante ang magsasabi ng “bunga,” at ituluy-tuloy ito hanggang makumpleto ang mga dalawang talata. Orasan ang klase, at bigyan sila ng ilang pagkakataon na magawa ito sa itinakdang oras. Sa pag-ulit ng aktibidad na ito, baguhin ang pagkakasunud-sunod ng mga estudyante para ibang salita naman ang masabi nila. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na mag-ensayo sa simula ng klase sa loob ng ilang magkakasunod na araw para mapabilis pa nila ang kanilang oras. Matapos marinig ng mga estudyante ang scripture mastery passage nang ilang beses, sabihin sa kanila na bigkasin ito sa katabi nila.