Library
Lesson 134: Kay Filemon


Lesson 134

Kay Filemon

Pambungad

Pinuri ni Pablo si Filemon sa kanyang pananampalataya at pagmamahal para sa Tagapagligtas at sa mga kapwa-miyembro ng Simbahan. Pinayuhan ni Pablo si Filemon na tanggaping muli ang tumakas niyang alipin na si Onesimo bilang isang kapatid sa ebanghelyo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Kay Filemon 1

Pinayuhan ni Pablo si Filemon na tanggaping muli ang tumakas niyang alipin na si Onesimo bilang isang kapatid sa ebanghelyo

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga kabataan sa kanilang ward o branch. Sabihin sa mga estudyante na bilang mga miyembro ng Simbahan, mayroon tayong pagkakataon na makasalamuha ang mga taong naiiba sa atin.

  • Paano nagkakaiba ang mga kabataan sa inyong ward o branch? (Ipaalala sa mga estudyante na magsalita nang may paggalang sa bawat isa.)

Ipaliwanag na bilang mga miyembro ng Simbahan, madalas may nakakasalamuha tayo na mga hindi kakilala. Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay may bagong miyembro sa kanilang ward o branch.

  • Ano kayang mga problema sa pakikisalamuha ang maaaring maranasan ng mga bagong miyembro sa Simbahan o ng bagong lipat sa ward o branch? (Kung may estudyante ka na bago pa lang sa Simbahan o kakalipat lang sa ward o branch nitong mga nakaraang taon, anyayahan sila na ilarawan ang anumang naging problema nila sa pakikisalamuha sa iba.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano ninyo tinatrato ang mga miyembro ng Simbahan na kakaiba ang pagkilos, may mga ibang interes, o nabibilang sa ibang mga grupo sa lipunan?

  • Paano ninyo tinatrato ang mga bagong miyembro sa inyong ward o branch?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang katotohanan sa Sulat ni Pablo kay Filemon na gagabay sa kanila sa pakikipag-ugnayan nila sa mga kapwa-miyembro sa Simbahan.

Ipaliwanag na nasa kulungan si Pablo noong sumulat siya kay Filemon, na maaaring isang Griyegong nabinyagan sa Simbahan. Ibuod ang Kay Filemon 1:1–3 na ipinapaliwanag na sinimulan ni Pablo ang kanyang sulat sa pagbati kay Filemon at sa iba pa, kabilang na ang mga kongregasyon na nagtitipon sa tahanan ni Filemon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Kay Filemon 1:4–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit pinuri ni Pablo si Filemon. Ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang salitang pakikipagkaisa ay tumutukoy sa partisipasyon at pakikipagkapatiran at ang pariralang “maging mabisa” ay nangangahulugang maging aktibo o magkaroon ng epekto.

  • Bakit pinuri ni Pablo si Filemon? (Dahil sa pananampalataya ni Filemon at sa kanyang pagmamahal para sa Tagapagligtas at sa kanyang mga kapwa-miyembro sa Simbahan. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na nang sabihin ni Pablo ang pariralang “ang puso ng mga Banal ay naginhawahan” [talata 7], ang ibig niyang sabihin ay pinasigla ni Filemon ang kanilang mga puso.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na impormasyon tungkol sa sitwasyon na binanggit ni Pablo sa kanyang sulat:

Si Filemon ay may isang tagapaglingkod, o alipin, na nagngangalang Onesimo na tumakas at maaaring nagnakaw kay Filemon (tingnan sa Kay Filemon 1:18). Ang pang-aalipin ay hindi itinuturing na masama sa kulturang Judio-Kristiyano sa Bagong Tipan at sinusuportahan ito ng batas ng mga Romano. Kabilang sa kaparusahang ipinapataw sa mga tumakas na alipin ay pagpalo nang matindi, paglalagay ng tanda sa noo, o pagpatay sa kanila. Pagkatapos tumakas, nakilala ni Onesimo si Apostol Pablo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Kay Filemon 1:8–12. Sabihin sa klase na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinakiusap, o hiniling ni Pablo na gawin ni Filemon. Kung kinakailangan, ipaliwanag na sa talata 8, ang salitang ipagtagubilin ay nangangahulugang inutusan at ang nauukol ay nangangahulugang nararapat o angkop.

  • Ano ang hiniling ni Pablo na gawin ni Filemon?

  • Kung kayo ang nasa kalagayan ni Filemon, ano kaya ang maiisip o madarama ninyo kapag natanggap ninyo ang kahilingan ni Pablo?

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa pariralang “aking ipinanganak sa aking tanikala” (talata 10). Ipaliwanag na ang isang kahulugan ng pandiwa na inanak ay bigyan ng buhay ang isang tao.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pablo sa pariralang ito? (Habang nasa bilangguan si Pablo, tinulungan niya si Onesimo na magsimula ng bagong buhay bilang isang tagasunod ni Jesucristo.)

Ibuod ang Kay Filemon 1:13–14 na ipinapaliwanag na nais ni Pablo na manatili si Onesimo sa kanya para matulungan siya ni Onesimo, ngunit ayaw itong gawin ni Pablo nang walang pahintulot ni Filemon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Kay Filemon 1:15–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano hinikayat ni Pablo si Filemon na makita ang kanyang kaugnayan sa bagong binyag na si Onesimo.

  • Ayon sa talata 16, paano dapat ituring ni Filemon si Onesimo?

  • Bakit maaaring naging mahirap kay Filemon na ituring na “kapatid na minamahal” si Onesimo? (Maaaring ang mga posibleng sagot ay dahil magkaiba ang kanilang kinabibilangang antas sa lipunan at kabuhayan at dahil si Onesimo ay nakagawa ng isang bagay kay Filemon na itinuturing na kasalanan sa kanilang panahon.)

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa talata 16 tungkol sa ating ugnayan sa bawat isa dahil sa ebanghelyo? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanang tulad ng sumusunod: Tayo ay mga magkakapatid sa ebanghelyo. Isulat ang katotohanang ito sa pisara.)

  • Paano tayo naging mga magkakapatid sa ebanghelyo?

Kung kinakailangan, ipaliwanag na tayong lahat ay mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit (tingnan sa Sa Mga Hebreo 12:9) kaya tayong lahat ay magkakapatid. Bilang karagdagan, sa pamamagitan ng mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon, patuloy na pananampalataya kay Jesucristo, pagsunod, at palagiang pagsisisi, tayo ay espirituwal na ipinapanganak na muli. Sa ganitong paraan tayo nagiging mga anak na lalaki at babae ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 5:7) at kung gayon ay mga magkakapatid sa Kanyang pinagtipanang pamilya. Anuman ang ating kasarian, edad, pinagmulan, o antas sa lipunan, nagiging pantay-pantay tayo sa kaharian ng Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano maaaring maimpluwensyahan ng natukoy nila na katotohanan ang paraan ng pagtrato natin sa isa’t isa, lalo na sa mga bagong miyembro ng Simbahan.

Pangulong Spencer W. Kimball

“Palagi akong napasisigla ng pagbabasa ng sulat ni Pablo kay Filemon; tinuturuan tayo nito ng alituntunin at diwa ng pagkakapatiran sa ebanghelyo. …

“Isang inspirasyon at kaligayahan na makitang nadarama ang diwang ito sa buong Simbahan, ang makita na tinatanggap at tinutulungan at sinasaklolohan at ipinagdarasal ng mga Banal ang mga pumapasok sa kaharian ng ating Panginoon araw-araw. Patuloy na tulungan ang bawat isa—at ang maraming iba pa na papasok sa Simbahan. Batiin sila at mahalin at kaibiganin sila.

“Nakalulungkot na may mga pagkakataon na hindi ito nagagawa ng ilan sa atin, mga pagkakataong hindi tinatanggap ng ilan ang mga tinanggap ng Panginoon sa pamamagitan ng binyag. Kung ang Panginoon ay ‘hindi … nahihiyang tawagin silang [Kanyang] mga kapatid’ (Sa Mga Hebreo 2:11), kung gayon, atin nang … masayang tanggapin ang ating mga kapatid at pakitaan sila ng pagmamalasakit at pagmamahal” (“Always a Convert Church: Some Lessons to Learn and Apply This Year,” Ensign, Set. 1975, 4).

  • Ayon kay Pangulong Kimball, paano dapat tratuhin ng magkakapatid sa ebanghelyo ang isa’t isa?

Ipaalala sa mga estudyante ang mga tanong na sinabi mong pag-isipan nila sa simula ng lesson tungkol sa paraan ng pagtrato ng mga miyembro ng Simbahan sa mga naiiba sa kanila o sa mga bago sa kanilang ward o branch.

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na tayo ay magkakapatid sa ebanghelyo?

  • Kailan ninyo nakita ang isang taong itinuturing ang iba na kapatid sa ebanghelyo?

Upang ihanda ang mga estudyante na matukoy ang karagdagang katotohanan na inilarawan sa sulat ni Pablo kay Filemon, sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nasaktan sila o nagkasala sa kanila ang isang tao. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Kay Filemon 1:17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ni Filemon.

  • Ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ni Filemon?

Ipaliwanag na hiniling ni Pablo kay Filemon na tanggapin si Onesimo na tulad nang pagtanggap ni Filemon kay Pablo. Sa pagsunod sa tagubiling ito, hindi na parurusahan ni Filemon si Onesimo tulad ng ginagawa sa mga tumakas na alipin.

  • Sa ipinapakita ng tagubilin ni Pablo kay Filemon, ano ang responsibilidad ng lahat ng mga disipulo ni Jesucristo sa mga nakasakit o nagkasala sa kanila? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang mga disipulo ni Jesucristo ay maawain at mapagpatawad sa iba. Isulat ang katotohanang ito sa pisara.)

  • Bakit kung minsan ay mahirap magbigay ng awa o magpatawad sa iba?

Ipaliwanag na ang pagiging maawain at mapagpatawad sa mga nagkasala sa atin ay hindi naman nangangahulugan na hahayaan natin silang takasan ang mga resulta ng kanilang mga ginawa, o kaagad na magtitiwala sa kanila. Sa halip, nangangahulugan ito ng pagpapakita sa kanila ng awa o pag-aalis ng sama ng loob, galit, o hinanakit na maaaring kinikimkim natin. Kung nararapat, maaari nating hayaan na maibalik ng mga nagkasala sa atin ang ating tiwala sa kanila. Bagama’t ang pagpapatawad sa ibang tao ay mahirap, maaari tayong humingi ng tulong sa Ama sa Langit, at tutulungan Niya tayo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Kay Filemon 1:18–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang inialok ni Pablo na gawin para kay Onesimo?

  • Ano ang inialok na gawin ni Pablo para kay Onesimo? (Bayaran si Filemon sa anumang halagang nawala sa kanya dahil sa mga ginawa ni Onesimo.)

  • Paano naihahalintulad ang mga ginawa ni Pablo para kay Onesimo sa mga ginawa ng ating Tagapagligtas para sa atin? (Gaya ng pamamagitan ni Pablo para kay Onesimo, namamagitan din si Jesucristo para sa atin at nagsusumamo sa Ama sa Langit para sa ating kapakanan [tingnan sa D at T 45:3–5]. Binayaran din ni Jesucristo ang ating espirituwal na pagkakautang dahil sa ating mga kasalanan.)

  • Paano makatutulong ang pag-alaala sa ginawa para sa atin ni Jesucristo para maging maawain at mapagpatawad tayo sa iba?

handout iconHatiin ang klase sa mga grupo na may tigtatatlo o tig-aapat na estudyante (o ipakumpleto ang aktibidad na ito sa buong klase kung kakaunti lamang ang mga estudyante para igrupo-grupo sila). Bigyan ang bawat grupo ng kopya ng handout na naglalaman ng mga sumusunod na instruksyon:

handout

Kay Filemon 1

Manwal ng Bagong Tipan para sa mga Seminary Teacher —Lesson 134

Talakayin sa grupo ang mga sumusunod na tanong. Sa inyong pagsagot, tiyaking huwag magbahagi ng anumang sobrang personal o pribado.

  • Tulad ni Filemon, kailan mo kinailangang kaawaan at patawarin ang isang tao? Paano mo nagawang kaawaan at patawarin ang taong ito? Paano ka napagpala sa paggawa nito?

  • Tulad ni Onesimo, kailan ka umasa na makatatanggap ka ng awa o kapatawaran mula sa ibang tao? Paano mo hiningi ang awa at kapatawaran ng taong ito? Paano ka napagpala sa paggawa nito?

  • Kailan ka nagsilbing tagapamagitan, tulad ni Pablo, sa isang tao na naghahangad na mapatawad at sa isang tao na kailangang magpatawad at maging maawain? Paano mo natulungan ang nagkasala na makatanggap ng kapatawaran at ang taong nasaktan na mapatawad ang nagkasala?

Pagkatapos talakayin ng mga estudyante ang mga tanong na ito sa kanilang mga grupo, anyayahan ang isang estudyante mula sa bawat grupo na magbahagi sa klase ng kanyang sariling karanasan sa isa sa mga sitwasyon na ito o ang karanasan ng isa sa mga miyembro ng kanyang grupo (na may pahintulot ng kagrupong ito). (Isang alternatibong paraan sa paggawa ng aktibidad na ito ay ang pagbibigay sa bawat estudyante ng kopya ng mga tanong o pagpapaskil ng mga tanong sa pisara at ang pasagutan sa mga estudyante ang isa sa mga tanong sa kanilang notebook o scripture study journal. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila sa klase kung gusto nila.)

Ipasulat sa mga estudyante sa kanilang notebook o scripture study journal ang mga magagawa nila para maging maawain at mapagpatawad sa iba. Hikayatin ang mga estudyante na isabuhay ang kanilang mga isinulat.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Kay Filemon 1. Pang-aalipin

Sa sulat niya kay Filemon na muling tanggapin ang tumakas na alipin na si Onesimo, hindi nagbigay ng direktang komentaryo si Pablo tungkol sa pagkakaroon ng mga alipin, na tanggap sa lipunan nila noon. Gayunman, ipinahayag ng Panginoon sa makabagong paghahayag na “hindi tama na sinuman ay nasa gapos ng isa’t isa” (D at T 101:79).

Ang kahilingan ni Pablo kay Filemon na tanggapin si Onesimo “na hindi na alipin” (Kay Filemon 1:16) ay maaaring nangangahulugan na hinihiling ni Pablo kay Filemon na palayain na si Onesimo at pabalikin kay Pablo upang tumulong sa kanya sa gawain (tingnan sa mga talata 13–14).

Kay Filemon 1:7, 12, 20. “Ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo”

Ang salitang Griyego na isinalin bilang mga puso ay tumutukoy sa kaibuturan ng kalooban ng isang tao. Ito ay talinghagang tumutukoy sa sentro ng damdamin, pagmamahal, at pakikiramay ng isang tao.

Kay Filemon 1:11 “Hindi … pinakinabangan” at “pakikinabangin”

Ang pangalang Onesimo ay ngangangahulugang nakatutulong o “pakikinabangin” (talata 11) (tingnan sa Arthur A. Rupprecht, “Philemon,” sa The Expositor’s Bible Commentary, inedit ni Frank E. Gaebelein, 12 tomo [1976–1992], 11:461). Maaaring si Onesimo ay “hindi … pinakinabangan” (talata 11) ni Filemon dahil tumakas si Onesimo at hindi magawa ang kanyang mga tungkulin o dahil may ninakaw siya kay Filemon noong tumakas siya (tingnan sa talata 18). Gayunman, sinabi ni Pablo na naging “[kapaki-pakinabang]” na si Onesimo kapwa kina Filemon at Pablo (talata 11). Sa kaso ni Pablo, naging kapaki-pakinabang si Onesimo dahil natutulungan niya si Pablo habang nasa kulungan ito (tingnan sa talata 13).