Library
Home-Study Lesson: Juan 11–15 (Unit 15)


Home-Study Lesson

Juan 11–15 (Unit 15)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng Daily Home-Study Lessons

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Juan 11–15 (unit 15) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong itinuturo ay nakatuon lamang sa ilang mga doktrina at alituntunin. Sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Juan 11)

Sa pagbabasa ng mga estudyante tungkol sa pagpapabangon ni Jesus kay Lazaro mula sa kamatayan, natutuhan nila ang sumusunod na mga alituntunin: Mapipili nating manampalataya kay Jesucristo sa mga panahong sinusubukan tayo. Si Jesucristo ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Buhay. Kung maniniwala tayo kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Kung pipiliin nating manampalataya kay Jesucristo sa mga panahong sinusubukan tayo, mapagtitibay at mapapalalim ang ating pananampalataya sa Kanya.

Day 2 (Juan 12)

Napag-aralan ng mga estudyante ang tungkol kay Maria, ang kapatid nina Marta at Lazaro, na nagpahid ng unguento sa mga paa ni Jesus at ang matagumpay na pagpasok ng Tagapagligtas sa Jerusalem. Napag-aralan din nila ang tungkol sa mga turo ng Tagapagligtas sa Jerusalem. Mula sa mga turo ng Tagapagligtas, nalaman ng mga estudyante ang mga sumusunod na katotohanan: Hindi lamang mga himala ang dahilan upang maniwala tayo kay Jesucristo. Ang mas unahin ang iba kaysa bigyang-kaluguran ang Diyos ay makahahadlang sa atin na hayagang ihayag ang ating paniniwala kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Kung naniniwala tayo kay Jesucristo, hindi tayo mamumuhay sa espirituwal na kadiliman.

Day 3 (Juan 13)

Sa pagbabasa ng mga estudyante sa tala tungkol sa paghuhugas ni Jesus sa mga paa ng mga Apostol, nalaman nila ang mga sumusunod na katotohanan: Kapag tinutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglilingkod sa iba, mas magiging masaya tayo. Kapag minamahal natin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal ni Jesucristo sa atin, malalaman ng iba na tayo ay mga disipulo Niya.

Day 4 (Juan 14–15)

Sa lesson na ito, pinag-aralan ng mga estudyante ang mga itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol bago Niya sinimulan ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Nalaman nila na sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-Sala ni Jesucristo at sa pagsunod sa Kanyang landas tayo makapapasok sa kaharian ng Ama sa Langit. Nalaman din nila na maipapakita natin ang ating pagmamahal kay Jesucristo sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan at na ang Espiritu Santo ay magpapanatag sa atin, magtuturo sa atin ng lahat ng bagay, at magpapaalaala ng lahat ng bagay sa atin. Sa pag-aaral ng mga estudyante tungkol sa puno ng ubas at mga sanga, nalaman nila na kung susundin natin ang mga kautusan, mananatili tayo sa pagmamahal ng Tagapagligtas at makatatanggap ng ganap na kagalakan.

Pambungad

Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang dapat nilang gawin upang makabalik sa Ama sa Langit. Bukod pa rito, kapag nirebyu ng mga estudyante ang payo ng Panginoon na nakatala sa Juan 14, maiisip nila kung paano nila mas masusunod ang landas ng Tagapagligtas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 14:1–14

Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol kung paano makababalik sa Ama sa Langit

Kung maaari, magdispley ng mapa ng inyong lungsod at sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang kanilang kasalukuyang kinaroroonan dito. Sa mapa, tukuyin ang isa pang lugar na pamilyar sa mga estudyante. Sabihin sa kanila na isulat sa isang pirasong papel kung paano mapupuntahan ang lugar na iyon mula sa kanilang kasalukuyang kinaroroonan. Sabihin sa isa o dalawang estudyante na ibahagi ang isinulat nila.

Isulat ang Kahariang Selestiyal sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang direksiyong ibibigay nila sa isang taong gustong malaman kung paano mararating ang kahariang selestiyal.

Ipaalala sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Juan 14 sa kanilang daily lesson, natutuhan nila ang isang katotohanang nakatulong sa kanilang malaman kung paano makabalik sa Ama sa Langit at makapasok sa kahariang selestiyal. Ipaliwanag na mas marami silang matututuhan sa lesson na ito tungkol sa katotohanang iyon.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Juan 14, ipaalala sa kanila na ipinagdiwang ng Tagapagligtas ang Paskua kasama ang Kanyang mga Apostol sa isang silid sa Jerusalem. Pagkatapos ng hapunan ng Paskua, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na malapit na Niyang iwan sila (tingnan sa Juan 13:33).

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 14:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol upang matulungan silang mapanatag.

Ipaliwanag na inihayag sa Joseph Smith Translation, John 14:3 na, “At kapag ako’y pumaroon, ako ay maghahanda ng lugar para sa inyo, at muling paririto ako, at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.”

  • Ano ang itinuro ni Jesus sa Kanyang mga Apostol upang matulungan silang mapanatag?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan” (Juan 14:2)?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith. Sabihin sa klase na pakinggan ang sinabi niya na ibig sabihin ng mga kataga.

Propetang Joseph Smith

“[Ang pahayag na] ‘Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan’ … Ito ay dapat gawing—‘Sa kaharian ng aking Ama ay maraming kaharian,’ upang kayo ay maging mga tagapagmana ng Diyos at mga kasamang tagapagmana ko. … May mga mansiyon para sa mga yaong sumusunod sa batas na selestiyal, at may iba pang mga mansiyon para sa mga yaong lumalabag sa batas, bawat tao sa kanyang sariling kaayusan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 255).

Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang mga salitang kaharian at mga kaharian sa kanilang mga banal na kasulatan sa ibabaw ng mga salitang bahay at tahanan sa Juan 14:2.

  • Aling mga turo sa Juan 14:1–4 ang maaaring makapagpanatag sa mga Apostol?

  • Ayon sa talata 5, paano tumugon si Tomas sa turo ng Tagapagligtas na alam ng Kanyang mga Apostol ang daan patungo sa kaharian ng Ama sa Langit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 14:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sagot ni Jesus sa tanong ni Thomas. Ipaalala na ito ay isang scripture mastery passage.

  • Paano sinagot ni Jesus ang tanong ni Tomas?

Magdrowing ng isang landas sa pisara. Isulat sa isang dulo ng landas ang Tayo, at isulat sa kabilang dulo ang Kaharian ng Ama sa Langit. Isulat ang Ang Daan sa ilalim ng landas, at ituro na tinutukoy ng katagang ito ang landas na maghahatid sa atin mula sa isang lugar patungo sa isa pa.

  • Paano naging Daan ang Tagapagligtas? (Maaaring isagot ng mga estudyante na ipinakita sa atin ng Tagapagligtas kung paano mamuhay upang maging katulad ng Diyos at paano maging karapat-dapat na makasama ang Ama sa Langit.)

Isulat ang Ang Katotohanan at ang Ang Buhay sa pisara sa ilalim ng “Ang Daan.”

  • Sa paanong mga paraan na si Jesucristo ang Katotohanan? (Siya ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan at ipinamuhay Niya nang perpekto ang lahat ng katotohanan.)

  • Sa paanong mga paraan na si Jesucristo ang Buhay? (Ginawa niyang posible para sa atin na pagtagumpayan ang pisikal na kamatayan at mabuhay muli na may mga imortal na pisikal na katawan at pagtagumpayan ang kamatayang espirituwal upang matamo ang buhay na walang hanggan. Siya ang “ang liwanag na nasa lahat ng bagay, na nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay” [D at T 88:13].)

Sa ilalim ng landas na idinrowing sa pisara, isulat ang Si Jesucristo ay sa tabi ng “Ang Daan.”

  • Ayon sa mga tinalakay natin at sa natutuhan ninyo sa inyong daily lesson, paano ninyo ibubuod ang ibig sabihin ng pahayag ng Panginoon na “sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko”? (Juan 14:6). (Maaaring iba’t iba ang mga gagamiting salita ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa pagtahak sa Kanyang daan tayo makakapasok sa kaharian ng Ama sa Langit.)

  • Ano ang mangyayari kung susubukan nating tahakin ang isang daan na hindi ang daan ng Tagapagligtas?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Lawrence E. Corbridge ng Pitumpu. Sabihin sa klase na pakinggan ang mangyayari kung susubukan nating tahakin ang isang daan na hindi ang daan ng Tagapagligtas.

Elder Lawrence E. Corbridge

“Si Jesucristo ang Daan. Siya ang Ilaw at Kabuhayan, ang Tinapay at Tubig, ang Simula at ang Wakas, ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Buhay, ang Tagapagligtas ng mundo, ang Katotohanan, at ang Daan.

“Iisa lamang ang Landas tungo sa kaligayahan at kaganapan. Siya ang Daan. Ang iba pang daan, anumang iba pang daan, kahit saan, ay kahangalan. …

“Ang paraan ng Panginoon ay hindi mahirap. Mahirap ang buhay, hindi ang ebanghelyo. ‘May pagsalungat sa lahat ng bagay’ [2 Nephi 2:11], saanman, para sa lahat. Mahirap ang buhay para sa ating lahat, ngunit simple rin naman ang buhay. Dalawa lamang ang ating pagpipilian. Maaari nating sundin ang Panginoon at mapagkalooban ng Kanyang kapangyarihan at magkaroon ng kapayapaan, liwanag, lakas, kaalaman, tiwala, pagmamahal, at galak o maaari tayong umiba ng daan, anumang ibang daan, kahit saan, at mamuhay mag-isa, nang walang suporta Niya, walang kapangyarihan Niya, walang patnubay, sa dilim, pag-aalinlangan, dalamhati, at kalungkutan. At ang tanong ko, aling daan ang mas madali? …

“Iisa lamang ang daan tungo sa kaligayahan at kaganapan. Si Jesucristo ang Daan” (“Ang Daan,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 34, 36).

  • Ayon kay Elder Corbridge, ano ang mangyayari kung hindi natin tatahakin ang daan ng Tagapagligtas?

  • Ano ang mangyayari kung tatahakin natin ang daan ng Tagapagligtas?

  • Ano ang daan ng Tagapagligtas? (Kung kailangan, ipaalala sa mga estudyante na kasama sa daan ng Tagapagligtas ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Kanya at sa Ama sa Langit; pagsisisi; pagtanggap sa mga ordenansa ng kaligtasan, tulad ng pagbibinyag at mga ordenansa sa templo; at pagtitiis hanggang wakas nang may pananampalataya at pagsunod.)

Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang mga karanasan nila nang pagpalain sila dahil sa pagtahak sa daan ng Tagapagligtas. Sabihin sa ilan sa kanila na ibahagi ang mga karanasan nila.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano nila natatahak nang mabuti ang daan ng Tagapagligtas. Sabihin sa kanilang isipin ang isang paraan na masusunod nila nang mas mabuti ang Tagapagligtas at magtakda ng mithiin na isagawa ang paraang ito.

Ibuod ang Juan 14:7–14 na ipinapaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol na isa sa mga layunin Niya sa pagparito sa mundo ang ipahayag ang tunay na katauhan ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. Ipinangako rin Niya sa Kanyang mga Apostol na magkakaroon sila ng kapangyarihang gumawa ng mga dakilang gawain.

Susunod na Unit (Juan 16–21)

Hikayatin ang mga estudyante na hanapin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong habang tinatapos nila ang kanilang pag-aaral ng Ebanghelyo Ayon kay Juan: Ano ang sinabi ni Jesus sa Kanyang ina habang nakapako Siya sa krus? Sino ang unang taong pinagpakitaan ni Jesucristo matapos Siyang mabuhay na muli? Sino ang hindi naniwala sa patotoo ng iba na nabuhay na muli si Jesus? Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang sasabihin ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na naging mga saksi Niya at ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ngunit nagpasiyang bumalik sa kanilang mga dating trabaho sa halip na ipangaral ang ebanghelyo. Sabihin sa kanila na alamin sa susunod na unit kung ano ang sinabi ng Tagapagligtas sa mga disipulong ito.