Lesson 147
II Ni Pedro 2–3
Pambungad
Nagbabala si Pedro na inililigaw ng mga bulaang propeta at guro ang mga tao. Ipinropesiya niya na sa mga huling araw, kukutyain ng masasama ang mabubuti dahil naniniwala ang mga ito na babalik si Jesucristo. Hinikayat ni Pedro ang mga Banal na masigasig na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
II Ni Pedro 2
Nagbabala si Pedro na huwag palinlang sa mga bulaang guro
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Bakit pinipili ng mga tao na magkasala kahit alam nila na mali ang kanilang ginagawa?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang tanong na ito, at sabihin sa ilan na ibahagi ang kanilang mga sagot.
Ipaliwanag na nabasa natin sa II Ni Pedro 2 na nagbabala si Apostol Pedro sa mga Banal na layuan ang mga taong naghahangad na linlangin sila. Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng II Ni Pedro 2 ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila na malaman at maiwasan ang mga panlilinlang na hahantong sa kasalanan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Pedro 2:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang babala ni Pedro tungkol sa mga magtatangkang linlangin ang mga Banal.
-
Kanino pinalalayo ni Pedro ang mga Banal?
-
Ano ang itinuturo ng mga bulaang propeta at gurong ito? (Ipaliwanag na ang “mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya” [talata 1] ay mga turo na mali at nakasisira.)
-
Anong katotohanan ang malalaman natin kay Pedro tungkol sa mga gustong ituro sa atin ng mga bulaang guro? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Hangad ng mga bulaang guro na linlangin tayo. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang itinuturo ng mga bulaang guro ngayon para linlangin tayo.
“Ang mga bulaang propeta at mga bulaang guro ay nagpapahayag na si Propetang Joseph Smith ay isang manlilinlang; hindi sila naniniwala na totoong nangyari ang Unang Pangitain. Sinasabi nila na ang Aklat ni Mormon at ang iba pang pamantayang aklat ay hindi mga sinaunang tala o banal na kasulatan. Tinatangka rin nilang baguhin ang likas na katangian ng Panguluhang Diyos, at hindi sila naniniwala na nagbigay at patuloy na nagbibigay ang Diyos ng pahayag ngayon sa Kanyang mga inordenan at sinang-ayunan na mga propeta. …
“Ang mga bulaang propeta at mga bulaang guro ay nagtatangka rin na baguhin ang mga ibinigay ng Diyos at ang batay sa banal na kasulatan na mga doktrina na nangangalaga sa kasal, sa likas na katangian ng pamilya, at sa mahahalagang doktrina tungkol sa pansariling moralidad. Hinihimok nila na bigyan ng ibang pagpapakahulugan ang moralidad upang pangatwiranan ang pangangalunya, pakikiapid, at mga ugnayang homoseksuwal” (“Beware of False Prophets and False Teachers,” Ensign, Nob. 1999, 63, 64)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na maaaring nakabasa o nakarinig sila ng mga turo o mensahe mula sa mga bulaang guro.
-
Bakit nakatutulong na alam natin ang mga mensahe at turo ng mga bulaang guro?
Ibuod ang II Ni Pedro 2:4–17 na ipinapaliwanag na nagbigay si Pedro ng ilang halimbawa ng mga nangyari sa mga taong sumunod noon sa mga bulaang propeta. Nagbigay rin si Pedro ng mga halimbawa ng mga taong hindi naimpluwensyahan ng mga bulaang guro. Pagkatapos ay inilarawan ni Pedro ang masamang pag-uugali ng mga bulaang guro.
Magpakita ng pamingwit at ilang pamain, o magdispley o magdrowing sa pisara ng larawan ng mga bagay na ito. (Kung may iba pang pamamaraan ng pamimingwit na mas pamilyar ang mga estudyante mo, gumamit ng mga bagay o larawan na nagpapakita ng pamamaraang iyan.)
Ipaliwanag na ang isang paraang ginagamit ng mangingisda para makabingwit ng isda ay ang paggamit ng patibong o pamain para maakit ang isda na kagatin ang kalawit. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nakakatulad ng pamamaraan ng isang mangingisda ang pamamaraan ng isang bulaang guro.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Pedro 2:18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inaakit ng mga bulaang guro ang mga Banal na sundin ang kanilang mga turo.
-
Paano inaakit at nililinlang ng mga bulaang guro ang mga miyembro ng Simbahan? (Ipaliwanag na may ilang bulaang guro na maaaring tapat naman ngunit mismong sila ay nalinlang din.)
-
Paano maikukumpara sa patibong o pamaing insekto ang mga turo ng mga bulaang propeta at guro?
-
Ayon sa talata 19, ano ang ipinapangako ng mga bulaang gurong ito? (“Kalayaan.” Sa madaling salita, itinuturo nila na ang kasalanan, sa halip na ang pagsunod sa mga kautusan, ang nagdudulot ng higit na kalayaan.)
Dagdagan ang katotohanang nakasulat sa pisara upang ganito ang kalabasan: Pinapaniwala tayo ng mga bulaang propeta na nagiging mas malaya tayo dahil sa kasalanan.
Ipabasang muli nang tahimik sa mga estudyante ang talata 19, na inaalam ang nangyayari sa mga tao na natatangay ng mga maling turo at kasalanan.
-
Ano ang nangyayari sa mga tao na natatangay ng mga maling turo at kasalanan? (Nagiging alipin sila nito.)
-
Ano ang ilang maling turo na parang nagbibigay ng kalayaan pero ang totoo ay humahantong sa pagkaalipin?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Pedro 2:20–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pedro tungkol sa mga taong binabalikan muli ang kasalanan matapos na takasan ito.
-
Sa inyong palagay, bakit ang mga yaong “[tumatakas] sa mga pagkahawa sa sanglibutan sa pamamagitan … [ni] Jesucristo” (talata 20) ay maaaring matuksong bumalik sa masasamang gawi?
-
Ano ang maipapayo ninyo para tulungan ang isang tao na manatiling tapat kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo sa halip na bumalik sa dating mga kasalanan?
II Ni Pedro 3
Nagpatooo si Pedro tungkol sa Ikalawang Pagparito
Ipaliwanag na ipinaalala ni Pedro sa pagtatapos ng kanyang sulat sa mga Banal ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at itinuro sa kanila kung paano ito paghandaan. Ibuod ang II Ni Pedro 3:1–9 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pedro na may mga tao sa mga huling araw na manlalait at mangungutya sa mga naniniwala sa Ikalawang Pagparito.
Sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag kung bakit sila naniniwala sa Ikalawang Pagparito, kahit maraming tao ang hindi.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Pedro 3:10–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pedro tungkol sa Ikalawang Pagparito. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pamumuhay sa talata 11 ay pag-uugali.
-
Ayon sa talata 10, ano ang itinuro ni Pedro tungkol sa Ikalawang Pagparito?
-
Ayon sa mga talata 11–14, ano ang ipinayo ni Pedro sa mga Banal upang ihanda sila sa Ikalawang Pagparito? (Mamuhay nang banal at makadiyos, asamin at sabik na hintayin ang Ikalawang Pagparito, at sikaping matagpuang “walang dungis at walang kapintasan” [talata 14].)
Ipaliwanag na ang tinutukoy ng mga katagang “walang dungis at walang kapintasan” (talata 14) ay ang pagiging malinis mula sa kasalanan. Ang mga yaong nalinis mula sa kasalanan at nakipagkasundo sa Diyos ay madarama na kapanalig nila ang Tagapagligtas kapag Siya ay dumating na.
-
Paano ninyo maibubuod ang alituntuning itinuro ni Pedro tungkol sa dapat na maging paghahanda natin sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Makapaghahanda tayo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay at pag-asam sa Kanyang Pagparito. Ipaliwanag na ang maaaring ibig sabihin ng salitang “pag-asam” ay sabik na paghihintay sa Pagparito ng Tagapagligtas.)
-
Ano ang ilang bagay na magagawa natin para makapamuhay nang mabuti habang tapat na inaasam ang Ikalawang Pagparito?
Ibuod ang II Ni Pedro 3:15–18 na ipinapaliwanag na nagbabala si Pedro tungkol sa pagkaligaw sa kasamaan. Hinikayat ni Pedro ang mga Banal na “magsilago kayo sa biyaya at sa pagkakilala … [kay] Jesucristo” (talata 18).
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang itinuro sa II Ni Pedro 2–3. Sabihin sa mga estudyante na alamin at iwasan ang mga maling turo at masigasig na maghanda para sa ikalawang Pagparito.