Lesson 102
Mga Taga Roma 12–16
Pambungad
Itinuro ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Roma na ialay ang kanilang katawan bilang mga buhay na sakripisyo o hain sa Diyos at sumunod sa mga utos ng Diyos. Itinuro rin ni Pablo sa mga Banal kung paano pag-iibayuhin ang kapayapaan kapag may mga hindi pagkakasundo dahil sa mga personal na pagpapasiya o pagpili. Sa pagtatapos ng sulat na ito, nagbabala si Pablo tungkol sa mga taong naghahangad na manlinlang.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Taga Roma 12–13
Itinuro ni Pablo sa mga Banal na ialay ang kanilng katawan bilang mga buhay na sakripisyo o hain sa Diyos at sumunod sa mga utos ng Diyos
Magdala sa klase ng dalawang lalagyan na magkaiba ang hugis at isang tasang tubig. Idispley ang tubig at ang isang lalagyan.
-
Kung magsasalin ako ng tubig sa lalagyan na ito, paano magbabago ang hugis ng tubig? (Susunod ito sa hugis ng lalagyan o magiging kahugis ng lalagyan.)
Isalin ang tubig sa lalagyan. Pagkatapos ay isalin ang tubig sa ikalawang lalagyan at ipakita kung paano sumunod muli ang tubig sa hugis ng lalagyan.
Ipaliwanag na sa demonstrasyong ito, kumakatawan ang tubig sa mga tao at kumakatawan ang mga lalagyan sa iba’t ibang paniniwala at kaugalian ng mundo.
-
Anong mga panganib ang magmumula sa patuloy na pagsunod sa mga paniniwala at mga gawi ng mundo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Roma 12:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinayo ni Pablo na dapat gawin ng mga miyembro ng Simbahan sa Roma.
-
Ano ang ipinayo ni Pablo na dapat gawin ng mga miyembro ng Simbahan?
Ipaliwanag na sa paghihikayat sa mga miyembro ng Simbahan na ialay ang kanilang katawan bilang “isang haing buhay” (talata 1), inihalintulad ito ni Pablo sa gawain noong Lumang Tipan na paghahain o pagsasakripisyo ng mga hayop. Ang mga hayop na ito ay inihahandog sa Diyos.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pablo nang isinulat niya ang “inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay … sa Dios”? (talata 1). (Dapat lubusang ilaan ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang sarili sa Diyos sa pamamagitan ng pagtalikod sa kanilang hangaring magkasala.)
-
Ayon sa panghihikayat ni Pablo sa mga talata 1–2, ano ang inaasahan ng Diyos sa atin? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Inaasahan ng Diyos na ilalaan natin ang ating buhay sa Kanya at iiwasan ang sumunod sa mundo. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Ipaliwanag na sa buong Mga Taga Roma 12–13, nagturo si Pablo sa mga miyembro ng Simbahan ng maraming alituntunin na tutulong sa kanila na mailaan ang kanilang buhay sa Diyos at maiwasan ang pagsunod sa mundo. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga alituntuning ito, hatiin ang klase sa mga grupo na may tigtatatlong estudyante. Bigyan ang bawat estudyante ng isang papel na may mga sumusunod na instruksiyon sa itaas. (Bago magklase, bilugan ang isa sa mga tatlong scripture reference sa bawat papel. Tiyakin na ang bawat estudyante sa bawat grupo ay makatatanggap ng ibang nabilugan na scripture reference.)
Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Titser—Lesson 102
-
Basahin ang scripture passage na may bilog sa itaas ng papel na ito.
-
Pumili ng isa sa mga turo ni Pablo sa mga talata na binasa mo, at isulat ito sa patlang sa ibaba. Isulat din kung paano nakatutulong ang pagsunod sa turo na ito na mailaan natin ang ating mga buhay sa Diyos at maiwasan ang pagsunod sa mundo. (Kung hindi ikaw ang unang tao na nakatanggap ng papel na ito, idagdag mo ang iyong saloobin sa mga isinulat sa ibaba ng nauna sa iyo o magsulat ng ibang turo mula sa mga talata na may bilog.)
© 2016 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan.
Ipaliwanag sa mga estudyante na magkakaroon sila ng tatlong minuto para makumpleto ang aktibidad na nasa papel. Pagkatapos ng tatlong minuto, sabihin sa kanila na ipasa ang kanilang papel sa isa pang estudyante sa kanilang grupo. Ulitin ang aktibidad na ito para ang bawat estudyante ay makabasa at makapagkomento sa tatlong scripture passage. Tiyakin na matatanggap muli ng mga estudyante ang kanilang orihinal na papel.
Bigyan ng oras ang mga estudyante para mabasa ang mga komento sa kanilang papel. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isang bagay na natutuhan nila tungkol sa paraan kung paano natin ilalaan ang ating mga buhay sa Diyos at iiwasan ang pagsunod sa mundo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Roma 13:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pablo sa mga talatang “isakbat ninyo ang Panginoong Jesucristo”?
-
Paano tayo matutulungan ng mga turo na pinag-aralan natin sa Mga Taga Roma 12–13 na maging katulad ni Jesucristo? (Matapos sumagot ng mga estudyante, i-revise ang katotohanan na isinulat kanina sa pisara para ganito ang kalabasan: Kapag inilaan natin ang ating buhay sa Diyos at iniwasan ang pagsunod sa mundo, mas magiging katulad tayo ni Jesucristo.)
-
Paano naging halimbawa si Jesucristo ng paglalaan ng buhay sa Diyos at pag-iwas sa pagsunod sa mundo?
-
Paano tayo makaiiwas sa pagsunod sa mga pamantayan ng mundo? (Maaari kang magbigay ng mga partikular na halimbawa tulad ng paggalang sa araw ng Sabbath, mga estilo ng pananamit, o marahil mga pananaw sa mga sosyal o kultural na isyu na salungat sa mga alituntunin ng ebanghelyo.)
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang tao na kilala nila na sinisikap na ilaan ang kanyang buhay sa Diyos at umiwas sa pagsunod sa mundo.
-
Sino ang naisip ninyo? Bakit?
-
Sa paanong mga paraan naging mas katulad ng Tagapagligtas ang taong ito?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang scripture study journal o notebook ang isang paraan na mailalaan nila ang kanilang buhay sa Diyos at maiiwasan ang pagsunod sa mundo. Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang mga isinulat nila.
Mga Taga Roma 14:1–15:3
Ipinayo ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan na iwasan ang pagtatalo dahil sa mga personal na pagpapasiya o pagpili
Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang kamay kung oo ang sagot nila sa alinman sa mga sumusunod na tanong: Maaari mong baguhin ang ilan sa mga tanong na ito para mas mailarawan ang kultura kung saan kayo nakatira. Kung gagawin mo ito, pumili ng mga halimbawa na personal na pagpapasiyahan, at hindi tungkol sa pagsunod sa mga malinaw nang nakasaad na mga utos. Oo dapat ang sagot sa lahat ng mga tanong na ito.
-
Katanggap-tanggap ba para sa isang Banal sa mga Huling Araw ang (1) maging vegetarian? (2) kumain ng tsokolate? (3) magsuot ng shorts sa isang pampublikong lugar? (4) gumamit ng teknolohiya o mga gadget sa Sabbath? (5) makisali sa mga pagdiriwang na nakabatay sa ibang mga tradisyong panrelihiyon o pangkultura?
Ipaliwanag na bagamat ang ilang mga gawain ay malinaw na kailangan o ipinagbabawal sa mga utos ng Panginoon, ang iba pa ay nasa pagpapasiya o pagpili na mismo ng bawat miyembro ng Simbahan. Kabilang sa mga bagay na ito ang ilang pagpapasiya o pagpili ng mga bagay na may kinalaman sa libangan, pananamit, pagkain, gawain sa araw ng Sabbath, at pagpapalaki sa mga anak. Nagbigay ang Panginoon ng mga pamantayan at utos para gumabay sa ating mga pagpapasiya o pagpili sa ilan sa mga bagay na ito, tulad ng pagsusuot ng short na disente, pero may ilang desisyon na hinahayaan sa personal na pagpapasiya ng tao. Minsan ay binabatay ng mga miyembro ang desisyon sa gayong mga bagay ayon sa inspirasyon para sa kanilang mga partikular na sitwasyon o pangangailangan.
Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Taga Roma 14:1–15:3 ang mga katotohanan na itinuro ni Pablo tungkol sa paraan kung paano natin haharapin ang mga pagkakaiba-iba ng mga pananaw o pasiya ng mga miyembro ng Simbahan.
Ibuod ang Mga Taga Roma 14:1–5 na ipinapaliwanag na nagkaroon ng kani-kanyang pananaw o pasiya ang mga miyembro ng Simbahan noong panahon ni Pablo tungkol sa kung ano ang dapat kainin ng isang tao. Ang ilang tao ay walang restriksyon sa pagkain. Ang iba naman ay umiiwas sa pagkain ng karne at mga gulay lang ang kinakain bilang pagsunod sa mga batas sa pagkain sa ilalim ng batas ni Moises, kahit na hindi na kailangan ang mga restriksyon na ito (tingnan sa talata 2). Dagdag pa rito, pinili ng ilang miyembro ng Simbahan na patuloy na sundin ang mga kaugalian, gawain, at pagdiriwang ng mga Judio.
-
Ano sa palagay ninyo ang mga problemang lumitaw sa loob ng Simbahan dahil magkakaiba ang mga desisyon ng mga miyembro sa mga bagay na ito?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Taga Roma 14:3, na inaalam ang maaaring magawa ng mga miyembro ng Simbahan dahil sa kani-kanya nilang pasiya tungkol sa kung ano ang kakainin.
-
Ano ang mga naging problema ng mga miyembro ng Simbahan? (Kinamuhian at hinusgahan ng ilang miyembro ng Simbahan ang ibang miyembro dahil iba sa kanilang pinili ang ipinasiya o piniling kainin ng iba.)
-
Sa palagay ninyo, bakit ito nangyari?
Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference: Mga Taga Roma 14:10–13, 15, 21. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng mga talatang ito. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo na huwag gawin ng mga miyembro ng Simbahan sa mga bagay na nauugnay sa personal na pagpili. Pagkatapos mabasa ng isang estudyante ang talata 15, ipaliwanag na mababasa sa Joseph Smith Translation ng talatang ito na, “Sapagka’t kung dahil sa pagkain ang iyong kapatid ay naghinanakit ay hindi ka na lumalakad sa pag-ibig kung kumakain ka. Sa gayon ay huwag mong ipahamak sa iyong pagkain yaong pinagkamatayan ni Cristo.”
-
Ayon sa itinuro ni Pablo sa talata 13, anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa mga bagay na dapat nating iwasan na hindi partikular na tinukoy sa mga kautusan? (Dapat maipakita sa sagot ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Sa mga bagay na hindi partikular na tinukoy sa mga kautusan, iwasan nating husgahan ang mga pasiya o pinili ng ibang tao.)
-
Bakit nagiging problema kapag ang mga miyembro ng Simbahan ay hinahamak o kinukondena ang ibang miyembro ng Simbahan na kakaiba ang pinipili sa mga bagay na hindi partikular na tinukoy o ipinagbawal sa isang kautusan?
Ituro ang mga katagang “maglagay ng katitisuran sa daan … o kadahilanan ng ikararapa” sa talata 13. Ipaliwanag na tinutukoy nito ang pag-impluwensya sa isang tao na espirituwal na matisod o mabigo sa kanilang pagsusumikap na maniwala kay Jesucristo at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo.
-
Paano espirituwal na makapagpapatisod sa iba ang pagkain ng mga miyembro ng Simbahan ng ilang pagkain?
-
Ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga miyembro ng Simbahan kung ang kanilang piniling kainin ay espirituwal na makapipinsala sa iba? (Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na pakaisipin ang epekto sa iba ng kanilang mga ginagawa at maging handa na itigil ang mga gawi na espirituwal na makapagpapatisod sa iba.)
-
Anong katotohanan ang natutuhan natin mula sa tagubilin ni Pablo tungkol sa mga ginagawa natin sa mga bagay na hindi partikular na tinukoy sa mga kautusan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Sa mga bagay na hindi partikular na tinukoy sa mga kautusan, dapat nating isipin kung paano makaaapekto sa iba ang ating mga pasiya o pinili. Paalala: Isang katulad na katotohanan ang tatalakayin nang mas detalyado sa I Mga Taga Corinto 8.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Roma 14:19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ni Pablo na dapat naisin ng mga miyembro ng Simbahan.
-
Paano nakatutulong ang payo ni Pablo tungkol sa mga bagay na nauugnay sa personal na pagpili sa kapayapaan at pagpapatibay na nararanasan ng mga miyembro ng Simbahan?
Ipaalala sa mga estudyante ang mga bagay na nauugnay sa personal na pagpili na inilista kanina. Sabihin sa mga estudyante na ilarawan kung paano masusunod ng mga miyembro ng Simbahan ang payo ni Pablo sa mga bagay na ito.
Mga Taga Roma 15:4–16:27
Tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa mga taga-Roma
Ipaliwanag na habang papatapos na si Pablo sa kanyang sulat, nagbigay siya ng karagdagang payo sa mga miyembro ng Simbahan sa Roma. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Roma 15:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo kung bakit isinulat ang mga banal na kasulatan.
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa talata 4 tungkol sa dahilan kung bakit isinulat ang mga banal na kasulatan? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Isinulat ang mga banal na kasulatan upang tayo ay turuan at bigyan ng pag-asa.)
Ipaliwanag na ipinakita ni Pablo ang katotohanang ito sa pamamagitan ng pagbanggit sa ilang mga talata mula sa Lumang Tipan upang tiyakin sa mga Banal na ang gawaing misyonero sa mga Gentil ay alinsunod sa plano ng Diyos (tingnan sa Mga Taga Roma 15:9–12).
Ibuod ang nalalabing bahagi ng Mga Taga Roma 15–16 na ipinapaliwanag na tinapos ni Pablo ang kanyang sulat na inilalarawan ang kanyang pagsisikap na mangaral ng ebanghelyo. Nagbabala rin siya tungkol sa mga yaong nagdudulot ng paghahati-hati, nagtuturo ng mga maling doktrina, at naghahangad na malinlang ang iba (tingnan sa Mga Taga Roma 16:17–18).
Tapusin ang lesson na nagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito.