Library
Lesson 153: Apocalipsis 4–5


Lesson 153

Apocalipsis 4–5

Pambungad

Nakita ni Apostol Juan na sinasamba ng mga niluwalhating nilalang ang Ama sa Langit habang nakaupo Siya sa Kanyang luklukan. Nakita rin ni Juan ang isang aklat na tinatakang mahigpit ng pitong tatak at nakita ang Kordero, o si Jesucristo, na siyang karapat-dapat magbukas ng aklat.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Apocalipsis 4

Nakita ni Juan na sinasamba ng mga niluwalhating nilalang ang Ama sa Langit

Maaari mong ipakanta ang “Luwalhati sa Ating Diyos” (Mga Himno, blg. 37) bilang pambungad na himno, o kumanta ng ibang himno na pumupuri at dumadakila sa Diyos.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na nasa kahariang selestiyal sila. Ipalarawan sa ilang estudyante kung ano sa palagay nila ang itsura ng kahariang selestiyal.

Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Apocalipsis 4–5, nakita ni Apostol Juan sa pangitain ang isang bahagi ng kahariang selestiyal. Hilingin sa isang boluntaryo na magdrowing sa pisara. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Apocalipsis 4:1–8, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nakita ni Juan. Sabihin sa boluntaryo na idrowing, habang binabasa ang mga talatang ito, ang nakita ni Juan. Maaaring kinakailangang huminto paminsan-minsan ng mga nagbabasa para mabigyan ng sapat na oras ang estudyante na nagdodrowing na makumpleto ang bawat bahagi ng drowing. (Sabihin sa boluntaryo na huwag idrowing ang “isang nakaupo [sa luklukan]” [talata 2], o ang Ama sa Langit, bilang paggalang sa Kanya. Para makasali ang iba, magtawag ng ilang estudyante na magsasalitan sa pagdodrowing.)

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “napasa Espiritu” (talata 2) ay napasa impluwensya ng Espiritu habang tumatanggap ng paghahayag o pangitain, at ipaliwanag na ang batong “jaspe” sa talata 3 ay maaaring tumukoy sa isang may-kulay na bato o isang diamante at na ang isang batong “sardio” (talata 3) ay isang mamahaling bato na karaniwang pula o malapulang kahel.

Ipaliwanag na nakatulong sa atin ang makabagong paghahayag na mas maunawaan ang nakita ni Juan. Halimbawa, ang Panginoon ay nagbigay ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 77 matapos hilingin sa Kanya ni Propetang Joseph Smith na bigyang-kahulugan ang ilan sa mga simbolo at mga pangyayaring nakatala sa Apocalipsis 1–11.

handout iconHatiin ang klase sa mga grupo na may tigdadalawa o tigtatatlong estudyante, at bigyan ang bawat grupo ng sumusunod na handout. Sabihin sa mga estudyante sa bawat grupo na magkakasamang basahin nang malakas ang mga cross-reference passage at magsulat sa chart ng karagdagang impormasyon na nalaman nila tungkol sa nakita ni Juan.

handout, Apocalipsis 4

Apocalipsis 4

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 153

Ang Nakita ni Juan

Cross-Reference

Karagdagang Impormasyon

Luklukan (Apocalipsis 4:2–3)

Doktrina at mga Tipan 137:1–4

Dalawampu’t apat na matatanda na may mga putong (Apocalipsis 4:4)

Doktrina at mga Tipan 77:5

Pitong Espiritu ng Diyos (Apocalipsis 4:5)

Joseph Smith Translation, Revelation 4:5 (Pinalitan ng Joseph Smith Translation sa talatang ito ang “pitong Espiritu” ng “pitong tagapaglingkod.”)

Dagat na bubog na katulad ng salamin (Apocalipsis 4:6)

Doktrina at mga Tipan 77:1; 130:6–9

Apat na nilalang (Apocalipsis 4:6–7)

Doktrina at mga Tipan 77:2–3

Mga nilalang na puno ng mga mata at may anim na pakpak (Apocalipsis 4:8)

Doktrina at mga Tipan 77:4

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang karagdagang impormasyon na nahanap nila. Kung kinakailangan, gamitin ang mga sumusunod na sagot upang linawin o dagdagan ang pagkaunawa ng mga estudyante: ang Diyos ay nakaupo sa luklukan sa kahariang selestiyal; ang 24 na matatanda (mga elder) na may mga putong ay ang matatapat na elder na kabilang sa pitong simbahan; pitong tagapaglingkod ng Diyos ang binanggit, hindi pitong espiritu; ang dagat na bubog na katulad ng salamin ay ang mundo sa naluwalhati at selestiyal na kalagayan nito; ang apat na nilalang ay talagang mga hayop na kumakatawan sa mga uri (o klase) ng mga niluwalhating nilalang; ang mga mata ng mga nilalang ay sumasagisag sa dakilang liwanag at kaalaman, at ang mga pakpak ng mga nilalang ay sumasagisag sa kapangyarihang gumalaw at kumilos.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Apocalipsis 4:8–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi at ginawa ng mga yaong nakapalibot sa Ama sa Langit.

  • Ano ang sinabi ng mga nakapalibot sa Ama sa Langit tungkol sa Kanya? Ano ang ginawa nila?

  • Ano ang maaaring sinasagisag ng paglalagay ng mga matatanda o mga elder ng kanilang putong o korona sa harapan ng luklukan ng Ama sa Langit? (Kabilang sa mga posibleng sagot ay ang pagkilala nila sa kadakilaan ng Ama sa Langit; ang kanilang pagkilala na utang nila ang kanilang kadakilaan sa Kanya; at ang kanilang pagpipitagan, pagmamahal, at katapatan sa Kanya.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talang ito tungkol sa kung paano makaaapekto sa atin ang pagkilala sa kadakilaan ng Ama sa Langit? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag kinilala natin ang kadakilaan ng Ama sa Langit, nanaisin nating sambahin at purihin Siya.)

  • Ano ang makatutulong sa atin na makilala ang kadakilaan ng Ama sa Langit?

Apocalipsis 5

Nakita ni Juan ang isang aklat na tinatakang mahigpit ng pitong tatak at ang Kordero na karapat-dapat magbukas nito

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Apocalipsis 5:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nakita ni Juan sa kamay ng Ama sa Langit.

  • Ano ang nakita ni Juan sa kamay ng Ama sa Langit? (Isang aklat, o balumbon [scroll], na may pitong tatak.)

Ipaliwanag na noong sinaunang panahon, ang mahahalagang dokumento ay tinatatakan ng tatak na luad o wax. Ang may-ari lamang ng dokumento at ang mga yaong binigyan ng awtoridad ng may-ari ang pinapayagang buksan ang mga tatak at basahin ang nakasulat doon.

  • Ayon sa talata 2, anong kwalipikasyon ang dapat taglay ng taong magbubukas ng aklat?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 77:6–7, na inaalam ang kahulugan ng aklat at ng mga tatak.

  • Ano ang nilalaman ng aklat?

Ipaliwanag na ang 7,000-taon ay naglalaman ng mga bagay na nauukol sa panahon mula noong Pagkahulog nina Adan at Eva. Hindi ito tumutukoy sa aktuwal na edad ng mundo, kasama ang panahon ng paglikha.

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 77:7, ano ang isinasagisag ng pitong tatak? (Pitong libong-taon ng temporal o panandaliang pag-iral ng mundo, na mula sa Pagkahulog ni Adan hanggang sa pagtatapos ng Milenyo.)

Ipaliwanag na kung iisiping mabuti ang kahulugan ng aklat at ng mga tatak, na tila ipinapahiwatig nito na walang taong karapat-dapat magbukas ng aklat, maaaring inisip ni Juan na ang kalooban at mga gawain ng Diyos ay hindi maihahayag o maisasakatuparan.

  • Ano ang mangyayari sa mga anak ng Ama sa Langit kung ang Kanyang plano para sa kanilang kaligtasan ay hindi maisasakatuparan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 5:5–7. Ipaliwanag na sa Joseph Smith Translation, ang lahat ng numerong pito sa talata 6 ay binago at ginawang labindalawa. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit sinabihan si Juan na huwag umiyak. Maaari mong ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan, ang mga sungay ay kadalasang sumasagisag sa kapangyarihan o awtoridad; ang mga mata ay sumasagisag sa liwanag at kaalaman; at ang numerong labindalawa ay maaaring sumagisag sa banal na pamahalaan at organisasyon, o ang priesthood.

  • Bakit sinabihan si Juan na huwag umiyak?

  • Ano ang inihahayag ng titulong ginamit para kay Jesucristo na nakatala sa Apocalipsis 5:6 tungkol sa Kanya? (Siya ang hain na ihahandog upang magbayad-sala para sa mga anak ng Diyos [tingnan din sa Isaias 53:7; I Mga Taga Corinto 5:7; I Ni Pedro 1:18–19]. Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang “isang Cordero na nakatayo, na wari ay pinatay” [Apocalipsis 5:6] ay tumutukoy sa Cordero na nagpapakita ng mga tanda na siya ay pinatay. Ipaliwanag na tinukoy ni Juan Bautista ang Tagapagligtas bilang “Cordero ng Dios” [Juan 1:29, 36].)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 5:8–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano pinapurihan ng mga nilalang na nakapalibot sa luklukan ng Ama sa Langit ang Cordero. Maaari mong ipaliwanag na ang “mga mangkok na ginto na puno ng kamangyan” (talata 8) ay tumutukoy sa malalaking tasa o mangkok na puno ng insenso.

  • Paano pinapurihan ng mga nilalang na ito ang Cordero, o si Jesucristo?

  • Batay sa nakita at narinig ni Juan hinggil sa Cordero, anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol kay Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Si Jesucristo lamang ang karapat-dapat at may kakayahan na tumubos sa atin.)

  • Bakit si Jesucristo lamang ang karapat-dapat at may kakayahang tumubos sa atin?

  • Ayon sa talata 10, ano ang mangyayari sa mga yaong natubos ni Jesucristo? (Sila ay magiging mga hari at saserdote, kabilang ang kababaihan bilang mga reyna at mga priestess [tingnan sa Bruce R. McConkie, Mormon Doctrine, ika-2 ed. (1966), 613].)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang personal na kahulugan sa kanila ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit at ng ginagampanan ng Tagapagligtas sa planong iyan. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang naisip at nadama. Sabihin sa kanila na aanyayahan sila na ibahagi ang kanilang isinulat kalaunan sa lesson.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Apocalipsis 5:11–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nakibahagi ang iba sa pagsamba at pagpuri kay Jesucristo at sa Ama sa Langit.

  • Pagkatapos kunin ng Cordero ang aklat mula sa kamay ng Ama sa Langit, bakit Sila sinamba at pinuri ng mga niluwalhating nilalang at ng lahat ng nilikha? (Kinilala ng mga nilalang ang kabutihan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at nakadama ng pasasalamat sa ginampanan ng Cordero sa plano ng Ama sa Langit.)

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa dahilan na magdudulot sa atin na sambahin at purihin ang Ama sa Langit at si Jesucristo tulad ng ginawa ng mga nilalang at nilikha na nakita ni Juan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag kinilala at pinasalamatan natin ang ginawa para sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, nanaisin nating sambahin at purihin Sila.)

Ipaliwanag na sinamba ng mga niluwalhating nilalang at ng lahat ng nilkha ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa pamamagitan ng pagkanta. Gayon din, kumakanta tayo ng mga himno upang sambahin at purihin Sila. Sabihin sa klase na kantahin ang “O Bawat Nilalang ng Diyos” (Mga Himno, blg. 34) o iba pang himno na pumupuri o lumuluwalhati sa Diyos, at sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano nauugnay ang himno sa Apocalipsis 5:9–14.

  • Bukod pa sa pagsamba sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng musika, ano pa ang magagawa natin para masamba Sila?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang itinuro niya tungkol sa pagsamba:

Elder Bruce R. McConkie

“Ang tunay at ganap na pagsamba ay binubuo ng pagsunod sa mga yapak ng Anak ng Diyos; ito ay binubuo ng pagsunod sa mga kautusan at pagsunod sa nais ng Ama hanggang tayo ay umunlad nang biyaya sa biyaya hanggang tayo ay maluwalhati kay Cristo tulad niya na niluwalhati sa kanyang Ama. Higit pa ito sa panalangin at pangangaral at pagkanta. Ito ay pamumuhay at paggawa at pagsunod. Ito ay pagtulad sa buhay ng dakilang Huwaran” (“How to Worship,” Ensign, Dis. 1971, 130).

  • Paano nakadagdag sa iyong pag-unawa ang itinuro ni Elder McConkie tungkol sa paraan kung paano natin masasamba ang Ama sa Langit at si Jesucristo?

  • Paano tayo mapagpapala sa pagsamba at pagbibigay-papuri sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Bakit nais ninyong sambahin at purihin ang Ama sa Langit at si Jesucristo? (Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ilan sa naisip at nadama nila na isinulat nila kanina.)

Maaari mong ibahagi ang iyong nadarama tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at ang dahilan kung bakit nais mo Silang sambahin.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan at sagutin ang sumusunod na tanong sa kanilang notebook o scripture study journal:

  • Ano pa ang magagawa ninyo para masamba ang Ama sa Langit at si Jesucristo?

Pagkatapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante na magsulat, hikayatin sila na ipamuhay ang isinulat nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Apocalipsis 4–5. Simbolismo ng nakita ni Juan

Tingnan sa pahina 541 ng New Testament Student Manual (Church Educational System manual, 2014) para sa komentaryo tungkol sa apat na nilalang (Apocalipsis 4:6–9), ang mga titulong “Leon sa angkan ni Juda” at “Ugat ni David” (Apocalipsis 5:5), at ang ginagampanan ng Tagapagligtas bilang Kordero ng Diyos (Apocalipsis 5:6–14).

Apocalipsis 4:3. “Ang nakaupo [sa luklukan] ay katulad ng isang batong jaspe at isang sardio”

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang maaaring dahilan kung bakit binanggit ni Juan ang mga batong jaspe at sardio (tingnan sa Apocalipsis 4:3):

“Sa pagsisikap na magtala para maunawaan ng mortal ang karingalan, kaluwalhatian, at kagandahan ng Makapangyarihan sa lahat ng mga Makapangyarihan, inihalintulad ni Juan ang kaanyuan nito sa mga hiyas o mamahaling bato. Ang jaspe na binanggit ay pinaniniwalaan ng mga komentarista na isang diyamante …

“… Paano nakahanap ang mga mortal na propeta ng mga salita para mailarawan sa kapwa nila mortal ang karingalan at lubos na kagandahan ng walang hanggang daigdig na iyon ng selestiyal na puno ng kapangyarihan at kaluwalhatian? Binanggit nila ang tungkol sa mga bahaghari at mga hiyas, ang mga pumapaikot na ningas ng apoy, mga nagbabagang apoy na kumikinang; binanggit din nila ang tungkol sa mga kidlat at tinig, ng tunog ng rumaragasang mga tubig, at maringal na pagpapakita ng kapangyarihan at kagandahan—lahat ng ito sa pagsisikap na itala sa wika ng mga mortal ang mga yaong makikita at mauunawaan lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. (Ezek. 1 at 10; Isa. 6.) At pinasalamatan natin ang Panginoon sa pagsisikap na iyon ng mga propeta nang sa gayon ang mga hindi nakarinig at nakakita nito ay magkaroon ng bahagyang kaalaman tungkol sa mga bagay na iyon na nakatago sa mga durungawan ng langit” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo 1965–73], 3:464–66).

Apocalipsis 4:6. “Dagat na bubog na katulad ng salamin”

Ganito ang sinabi ni Propetang Joseph Smith tungkol sa “dagat na bubog na katulad ng salamin” (Apocalipsis 4:6):

“Habang naghahapunan, sinabi ko sa aking pamilya at mga kaibigang naroon, na kapag ang mundo ay pinabanal at naging tulad ng dagat na bubog na katulad ng salamin, ito ay magiging isang malaking urim at tummim, at ang mga Banal ay makatitingin dito at kanilang makikita ang gaya ng pagkakakita sa kanila” (sa History of the Church, 5:279).

Sinabi ni Pangulong Brigham Young:

“Ang mundo ay magiging selestiyal—magiging tulad ng isang dagat na bubog na katulad ng salamin, o tulad ng isang urim at tummim; at kapag nais ninyong malaman ang anumang bagay, makatitingin kayo sa mundong ito at makikita ang lahat ng walang-hanggang katotohanan ng Diyos” (sa Journal of Discourses, 8:200; tingnan din sa D at T 88:17–20, 25–26; 130:6–9).