Lesson 98
Mga Gawa 27–28
Pambungad
Habang naglalakbay papuntang Roma bilang isang bilanggo, sumadsad ang sinasakyang daong o barko ni Pablo sa isang pulo. Sa pulo, siya ay natuklaw ng ahas ngunit hindi siya nalason, at pinagaling niya ang maraming taong may karamdaman. Kalaunan ay dinala si Pablo sa Roma, kung saan siya ikinulong sa isang bahay sa loob ng dalawang taon at nagturo at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Gawa 27
Nasira ang sinasakyang daong ni Pablo habang papunta siya sa Roma
Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na pahayag. (Ang mga pahayag na ito ay matatagpuan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 4, 11, 16.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga pahayag na nasa pisara.
-
Bakit kaya pinipili ng ilang kabataan na huwag sundin ang mga babala at mga payo?
Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 27 ang mga katotohanang tutulong para mapalakas ang kanilang pananampalataya na sundin ang mga babala at mga payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon.
Ipaalala sa mga estudyante na pinaratangan nang mali si Pablo sa salang pagtataksil at ibinilanggo. Inapila ni Pablo ang kanyang kaso kay Cesar sa Roma, na karapatan niya bilang Romano. Ibuod ang Mga Gawa 27:1–8 na ipinapaliwanag na si Pablo ay naglayag sakay ng barko kasama ang iba pang mga bilanggo papunta sa Roma, sa ilalim ng pamamahala ng isang Romanong senturion (isang Romanong opisyal sa militar na namumuno sa 50 hanggang 100 kawal). Matapos makapaglayag ng maraming araw, dumaong sila sa pulo ng Creta. Habang paalis sila sa daungan, nagbabala si Pablo sa mga lulan ng barko na hindi sila dapat magpatuloy sa kanilang paglalakbay.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 27:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nabatid ni Pablo na mangyayari kung siya at ang iba pang lulan ng barko ay magpapatuloy sa pagpunta sa Roma. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang pagaayuno sa kontekstong ito ay boluntaryong hindi pagkain. Sa sitwasyong ito “ang pagaayuno” marahil ay tumutukoy sa banal na araw ng mga Judio na tinawag na araw ng Pagbabayad-sala, na tanda ng simula ng panahon kung kailan itinuturing ng lahat na hindi ligtas maglayag sa Dagat ng Mediteraneo dahil sa malalakas na bagyo.
-
Ayon sa talata 10, anong babala at propesiya ang ibinigay ni Pablo tungkol sa mangyayari kung magpapatuloy sila sa kanilang paglalakbay?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 27:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon ang Romanong senturion at ang iba pang sakay ng barko sa babala ni Pablo.
-
Sa halip na makinig sa babala ni Pablo, kanino nagtiwala ang senturion?
-
Sa inyong palagay, bakit mas madali para sa senturion na maniwala sa may-ari ng barko kaysa kay Pablo?
-
Ayon sa talata 12, bakit binalewala ng halos lahat ng taong nasa barko ang babala ni Pablo? (Ipaliwanag na ang salitang daongan ay tumutukoy sa lugar na tinitigilan ng mga sasakyang-dagat at ang ibig sabihin ng salitang bagay ay komportable o kaaya-aya.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 27:13–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari nang maglayag ang barko patungong Roma.
-
Anong nangyari nang maglayag ang barko patungong Roma?
-
Matapos makita na “marahang humihihip ang hanging timugan” (talata 13), ano kaya ang naisip ng mga tao na lulan ng barko tungkol kay Pablo at sa babalang ibinigay niya?
-
Ayon sa talata 20, ano ang naramdaman ng mga yaong nasa barko nang bumagyo?
-
Sa pahayag ni Pablo na nakatala sa talata 21, anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa maaaring mangyari kung hindi natin pakikinggan ang mga babala at mga payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag hindi natin pinakinggan ang mga babala at mga payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, inilalagay natin sa panganib ang ating sarili. Isulat sa pisara ang alituntuning ito. Ipaliwanag na kasama sa panganib ang pagkawala ng mga pagpapalang matatanggap sana natin.)
Rebyuhin sa mga estudyante ang mga dahilan ng senturion at ng iba pang mga taong lulan ng barko sa hindi pakikinig sa babala at payo ni Pablo (tingnan sa Mga Gawa 27:11–12).
-
Paano gumagawa ng gayon ding dahilan ang mga tao ngayon sa hindi pakikinig sa mga babala at mga payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon?
Gamit ang Para sa Lakas ng mga Kabataan o ang pinakahuling mga mensahe sa kumperensya, magbigay ng mga karagdagang halimbawa ng babala at payo ng mga propeta na sa tingin ninyo ay mahalaga sa mga estudyante.
-
Anong mga panganib ang pinapasok ng mga tao sa hindi pakikinig sa mga babala at mga payo ng mga propeta ng Panginoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 27:22–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ni Pablo sa mga taong lulan ng barko.
-
Kung kayo ay sakay ng isang barko sa gitna ng malakas na bagyo, anong mga salita mula kay Pablo ang makapapanatag sa inyo?
-
Ano ang ipinropesiya ni Pablo na mangyayari sa mga tao at sa barko?
Ibuod ang Mga Gawa 27:27–30 na ipinapaliwanag na sa ika-14 na gabi ng bagyo, ang mga mandaragat ay naghulog ng apat na angkla (anchor) sa dagat para pigilan ang barko sa pagsalpok sa malalaking bato. Pagkatapos ay pumunta ang mga mandaragat sa harapan ng barko at kumilos na tila maghuhulog pa sila ng mga angkla. Gayunman, ang talagang balak nila ay iwanan ang barko at tumakas sakay ng isang maliit na bangka dahil natakot sila na lulubog ang barko.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 27:31–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang babalang ibinigay ni Pablo sa senturion at sa mga kawal. Ipaliwanag na ang mga salitang mga ito sa talata 31 ay tumutukoy sa mga mandaragat na nagbabalak tumakas.
-
Anong babala ang ibinigay ni Pablo sa senturion at sa mga kawal?
-
Paano tumugon ang mga kawal sa babala at payo ni Pablo? (Nakinig sila sa babala at hinadlangan ang mga mandaragat sa pagtakas sa pamamagitan ng pagputol sa mga lubid ng bangka at hinayaan itong pumalaot nang walang sakay.)
Ipaliwanag na kinabukasan ay nakiusap si Pablo sa mga magdaragat, na mga nagsipag-ayuno, na magsikain na (tingnan sa Mga Gawa 27:33–34). Muli niyang tiniyak sa kanila na wala ni isa sa kanila ang mamamatay.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 27:35–36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa.
-
Paano tumugon ang mga mandaragat sa payo ni Pablo?
Ibuod ang Mga Gawa 27:37–41 na ipinapaliwanag na nawasak ang barko habang naglalayag ito papunta sa pulo ng Melita. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Gawa 27:42–44, na inaalam kung ano ang nangyari sa mga taong lulan ng barko.
-
Ano ang nangyari sa mga taong lulan ng barko?
Ipaalala sa mga estudyante ang mga propesiyang nakatala sa Mga Gawa 27:22–26 na wala ni isa mang mamamatay kahit lumubog ang barko.
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa mangyayari sa atin kapag sumunod tayo sa payo at mga babala ng mga tagapaglingkod ng Panginoon? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga alituntuning tulad ng sumusunod: Kung susundin natin ang payo at mga babala ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa atin. Kung susundin natin ang payo at mga babala ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, mapaglalabanan natin ang mga panganib na nagbabanta sa atin. Isulat sa pisara ang mga alituntuning ito.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga alituntuning natukoy nila sa Mga Gawa 27, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
“Tuwing pipiliin kong ipagpaliban sa aking buhay ang pagsunod sa inspiradong payo o ipasiyang hindi ako kasama rito, natanto kong inilalagay ko sa panganib ang aking sarili. Tuwing naririnig ko ang payo ng propeta, nadamang napagtibay ito sa panalangin, at pagkatapos ay sinunod ito, nadarama kong kumikilos ako tungo sa kaligtasan” (“Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 25).
-
Paano nakatulong sa inyo ang pagsunod sa mga babala at payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon na mapaglabanan ang mga panganib na nagbabanta sa inyong espirituwal at pisikal na kaligtasan? (Paalalahanan ang mga estudyante na mapag-aaralan nila ang payo ng mga propeta ng Panginoon sa panahong ito sa mga magasin ng Simbahan gayon din sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.)
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung binabalewala nila ang anumang babala o payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon o pag-isipan ang mga paraan kung paano nila mas pakikinggan ang mga babala at payo na natanggap nila. Magpasulat sa mga estudyante ng isang mithiin hinggil sa paraan kung paano nila mas masusunod ang payo na iyan.
Mga Gawa 28
Dinala si Pablo sa Roma, at siya ay nagturo at nagpatotoo rito tungkol kay Jesucristo
Magpakita sa mga estudyante ng isang larawan ng buhawi o ipoipo (o idrowing ito sa pisara).
Ipaliwanag na tinukoy ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga hamon at pagsubok sa buhay bilang “mga espirituwal na buhawi” (tingnan sa “Mga Espirituwal na Buhawi,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 18–21).
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga pagsubok at problema na maihahalintulad sa mga buhawi?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang alituntunin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 28 na makatutulong sa kanila na tapat na mapagtiisan ang “mga espirituwal na buhawi” na kinakaharap nila.
Ipaliwanag na nabasa natin sa Mga Gawa 28 ang tungkol sa karanasan ni Pablo sa pulo, ang kanyang patuloy na paglalakbay patungong Roma, at pagkabilanggo sa Roma.
Hatiin sa tatlong grupo o mahigit pa ang klase, depende sa dami ng iyong estudyante. Bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga sumusunod na scripture block: Mga Gawa 28:1–6; Mga Gawa 28:7–14; at Mga Gawa 28:16–24, magbigay ng kaparehong scripture block sa maraming grupo kung kinakailangan. Sabihin sa bawat grupo na pag-aralan ang ibinigay na scripture block sa kanila at pagkatapos ay gawin ang sumusunod (isulat sa pisara ang mga instruksyong ito):
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa bawat grupo na magreport sa klase. (Kung mahigit sa tatlong grupo ang iyong klase, sabihin sa mga grupo na may magkakaparehong scripture block na ibahagi ang kanilang larawan o headline at anumang karagdagang ideya na nalaman nila sa kanilang pagbabasa ng mga talatang ibinigay sa kanila.)
-
Anong mga pagsubok ang naranasan ni Pablo nang maglakbay siya papuntang Roma at manirahan dito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 28:30–31. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nagawa ni Pablo sa Roma kahit siya ay nakakulong sa isang bahay. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano ang ginawa ni Pablo na nagpakita ng pananatili niyang tapat sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok na dinanas niya?
-
Anong buti ang ibinunga ng mga pagsubok na naranasan ni Pablo nang siya ay nasa dagat, nang mawasak ang barko, at habang nakabilanggo sa Roma? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod: Kung tayo ay tapat, matutulungan tayo ng Diyos na gawing pagpapala para sa ating sarili at sa iba ang ating mga pagsubok.)
-
Ano ang mga halimbawa ng mga paraan ng Diyos sa pagtulong sa mga tao na magawang pagpapala para sa kanilang sarili at sa iba ang kanilang mga pagsubok?
-
Kailan kayo o ang isang taong kilala ninyo tinulungan ng Diyos na magawang pagpapala sa inyong sarili o sa iba ang isang pagsubok? (Maaaring magbahagi ng sarili mong halimbawa.)
Hikayatin ang mga estudyante na tularan ang halimbawa ni Pablo at piliing manatiling tapat kapag dumaranas sila ng mga pagsubok nang sa gayon ay matulungan sila ng Diyos na magawang mga pagpapala sa kanilang sarili at sa iba ang mga pagsubok na iyon.