Library
Lesson 105: I Mga Taga Corinto 5–6


Lesson 105

I Mga Taga Corinto 5–6

Pambungad

Nagbabala si Apostol Pablo sa mga Banal laban sa pagpapahintulot na maimpluwensyahan sila ng masasamang tao. Binalaan niya ang mga Banal na iwasan ang mga imoral na pilosopiya at gawi na laganap sa Corinto.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

I Mga Taga Corinto 5

Binalaan ni Pablo ang mga Banal laban sa pakikipagkaibigan sa mga yaong sadyang pinipili ang magkasala

Sa pisara, magdrowing ng simpleng larawan ng isang mangkok ng sariwang prutas na may kasamang isang bulok na prutas. Bilang kapalit nito, maaari kang magdispley ng isang bulok na prutas.

drowing, isang magkok ng prutas
  • Ano ang mangyayari kung hahayaan ninyo na manatili ang isang bulok na prutas sa isang mangkok kasama ang ibang sariwang prutas?

  • Ano ang maaaring isagisag ng bulok na prutas sa ating buhay? (Mga impuwensiya na makasasama sa atin.)

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan habang pinag-aaralan nila ang I Mga Taga Corinto 5 na makatutulong sa kanila na tumugon nang mas mabuti sa mga masasamang impluwensya sa kanilang buhay.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 5:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang masamang gawi ng mga Banal sa Corinto.

  • Anong masamang gawi ang umiral sa mga Banal sa Corinto? (Ipaliwanag na tinutukoy ng pakikiapid ang anumang seksuwal na relasyon sa labas ng kasal. Isa sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto ay nagkaroon ng seksuwal na kasalanan kasama ang kanyang madrasta o stepmother.)

  • Ayon sa talata 2, ano ang ipinayo ni Pablo sa mga lider ng Simbahan na gawin sa taong ito? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “maalis sa gitna ninyo” sa talata 2 ay dapat itiwalag o i-excommunicate sa Simbahan ang nagkasala.)

Ipaliwanag na dapat isaalang-alang nang mabuti ng mga lider ng Simbahan ang maraming bagay bago isagawa ang pagpapatiwalag o excommunication o iba pang uri ng pagdidisiplina sa Simbahan. Dagdag pa sa pag-alam kung gaano kabigat ang kasalanan, isinasaalang-alang ng mga lider ng Simbahan ang iba’t ibang layunin ng pagdidisiplina sa Simbahan: para tulungang magsisi ang isang tao, para maprotektahan ang mga maaapektuhan ng ginawa ng isang tao o ng pagpapalaganap ng paniniwala ng taong iyon, at para pangalagaan ang dangal ng mga turo ng Simbahan (tingnan sa “Church Discipline,” mormonnewsroom.org/articles/church-discipline).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 5:6–7, at sabihin sa klase na alamin ang analohiyang ginamit ni Pablo para ipaliwanag kung bakit kailangang itiwalag sa Simbahan ang taong ito.

  • Saan inihambing ni Pablo ang mga makasalanan na hindi nagsisisi? (Ipaliwanag na ang lebadura, o pampaalsa, ay sanhi ng pagkasira o pagkakaroon ng amag ng tinapay.)

  • Gaano karaming lebadura ang kailangan para maapektuhan ang buong tumpok ng masa?

  • Ano ang isinisimbolo ng tumpok ng masa? (Ang Simbahan ni Jesucristo.)

  • Paano ninyo ibubuod bilang isang alituntunin ang ibig sabihin ng analohiyang ito? (Gamit ang kanilang sariling mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung pipiliin natin na makisalamuha sa mga makasalanan, maaari tayong maimpluwensyahan ng kanilang kasamaan. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 5:9–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang payo na ibinigay ni Pablo sa mga Banal sa Corinto.

  • Ano ang itinuro ni Pablo na dapat iwasan ng mga Banal?

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang payo ni Pablo na huwag makipagkaibigan sa mga nakikiapid o sa iba na makasalanan, bigyan ang mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Neal A. Maxwell

“Huwag makisalamuha sa mga nakikiapid—hindi dahil napakabuti ninyo para sa kanila kundi, tulad ng isinulat ni [C. S.] Lewis, dahil hindi sapat ang inyong kabutihan. Tandaan na ang masasamang sitwasyon ay kayang pahinain kahit ang mabubuting tao” (“The Stern but Sweet Seventh Commandment,” New Era, Hunyo 1979, 42).

  • Paano mapapahina ng pakikisalamuha sa mga taong makasalanan ang ating kakayahan na gumawa ng matwid na mga pagpili?

  • Ano ang ilang halimbawa ng masasamang sitwasyon na magpapahina sa mabubuting tao?

  • Ano ang magagawa natin para tulungan ang mga taong makasalanan nang hindi mamimiligro ang ating mga pamantayan? (Tayo ay maaaring manalangin para sa kanila, magpakita ng kabaitan at paggalang sa kanila bilang mga anak ng Diyos, at magpakita ng mabuting halimbawa ng pagsunod sa mga utos.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan nang may panalangin ang magagawa nila para makaimpluwensya sa iba sa positibong paraan nang hindi ikinukompromiso ang kanilang mga pamantayan.

Ibuod ang I Mga Taga Corinto 5:12–13 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo na may responsibilidad ang Simbahan na sabihin sa mga miyembro na magsisi at sa ilang pagkakataon ay “alisin nga … sa inyo [sa Simbahan]” (talata 13) ang mga nakagawa ng mabibigat na kasalanan.

I Mga Taga Corinto 6

Itinuro ni Pablo sa mga Banal ang tungkol sa pagkakaisa at ang batas ng kalinisang-puri

Magdrowing sa pisara ng isa pang simpleng larawan ng isang mangkok ng bulok na prutas na may isang sariwang prutas na kasama rito. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung napag-isipan na ba nila kung paano iwasan ang kasalanan kapag napalilibutan sila nito. Ipaliwanag na ang hamong ito ang nakaharap ng mga Banal sa Corinto.

drowing, isang mangkok ng prutas

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng I Mga Taga Corinto 6, sabihin sa kanila na alamin ang mga katotohanan na itinuro ni Pablo na makatutulong sa kanila na mamuhay nang matwid kahit napalilibutan ng masasamang impluwensya.

Ibuod ang I Mga Taga Corinto 6:1–8 na ipinapaliwanag na pinayuhan ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na matwid na lutasin ang mga pagtatalo sa kanila sa halip na dumulog agad sa mga hukumang-bayan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 6:9–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang masasamang gawain sa Corinto na itinuro ni Pablo na dapat iwasan ng mga miyembro ng Simbahan.

  • Anong mga uri ng masasamang gawain ang itinuro ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan na dapat iwasan?

  • Ayon sa talata 11, ano ang ipinaalala ni Pablo sa mga Banal tungkol sa kanilang sarili? (Maraming nagbalik-loob o sumapi mula sa Corinto ang nakisali sa masasamang gawaing ito bago naging miyembro sa Simbahan, ngunit nagsisi sila at naging malinis mula sa kanilang mga kasalanan.)

Ipaliwanag na ang sinaunang Corinto ay kilala sa pagiging imoral, at maraming taga-Corinto ang sumusuporta sa ideyang ang ating mga katawan ay nilikha para bigyang-kasiyahan ito. Ibuod ang Joseph Smith Translation ng 1 Corinthians 6:12 na ipinapaliwanag na nagturo si Pablo laban sa pilosopiya na walang tama o mali.

  • Paano natutulad sa mga ideya at gawain sa Corinto ang mga bagay na nakikita natin sa mundo ngayon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 6:13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa layunin ng ating mga katawan.

  • Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa ating mga katawan? (Kahit tila maraming mga taga-Corinto ang naniniwala na ang katawan ay nilikha para sa mga pisikal na kasiyahan, iwinasto ni Pablo ang pananaw na iyon sa pagtuturo na ang ating mga katawan ay nilikha para maisakatuparan ang mga layunin ng Panginoon.)

Ibuod ang I Mga Taga Corinto 6:14–17 na ipinapaliwanag na ang mga yaong sumapi sa Simbahan ay nagiging kaisa si Cristo bilang espirituwal na “mga miyembro” ng Kanyang katawan. Ipinaliwanag din ni Pablo na ang seksuwal na imoralidad ay salungat sa espirituwal na pakikipag-ugnayan kay Jesucristo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 6:18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto. (Maaari mong ipaliwanag na binago ng Joseph Smith Translation ng I Mga Taga Corinto 6:18 ang mga katagang “nangasa labas ng katawan” sa “laban sa katawan ni Cristo.”)

  • Ano ang itinuro ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto?

  • Anong katotohanan ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga taong nagkasala ng pakikiapid? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita sa talata 18 na nagtuturo ng sumusunod na katotohanan: Ang mga nagkasala ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa sarili nilang katawan.)

Ipaliwanag na ang kasunod na itinuro ni Pablo ay ang dahilan kung bakit ang pakikiapid, o seksuwal na imoralidad, ay isang kasalanan “laban sa sariling katawan [ng taong iyon].”

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 6:19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung saan inihambing ni Pablo ang ating mga katawan.

  • Ano ang inihambing ni Pablo sa ating mga katawan?

Magdispley ng larawan ng templo.

  • Ano ang pagkakaiba ng templo sa iba pang mga gusali?

  • Paano ninyo ibubuod ang katotohanan na itinuro ni Pablo sa talata 19? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang ating mga katawan ay mga templo ng Diyos kung saan maaaring manahan ang Espiritu.)

  • Paano makaiimpluwensya ang pag-unawa na mga templo ang ating mga katawan sa paraan ng pagtrato natin sa ating katawan at sa mga katawan ng iba?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na makinig para sa karagdagang mga turo tungkol sa kung paano nakaiimpluwensya ang katotohanang ito sa pagtrato natin sa ating katawan.

Elder D. Todd Christofferson

“Tinatanggap ang mga katotohanang ito [mula sa I Mga Taga Corinto 6:19–20] … , tiyak na hindi natin papapangitin ang ating katawan sa pagpapatato, o pahihinain ito sa paggamit ng mga droga, o dumihan ito sa pangangalunya, pakikiapid, o kahalayan. … Dahil ito ang katawan ng ating espiritu, napakahalagang pangalagaan natin ito sa abot ng ating makakaya. Dapat nating ilaan ang lakas at mga kakayahan nito upang makapaglingkod at maipalaganap ang gawain ni Cristo” (“Larawan ng Isang Buhay na Inilaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 17).

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “hindi kayo sa inyong sarili” sa talata 19?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 6:20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit hindi sa ating sarili ang ating mga katawan.

  • Anong mga kataga ang nagpapahiwatig kung bakit hindi sa atin ang ating mga katawan? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “binili sa halaga” ay natubos o nabili muli sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)

  • Paano ninyo ibubuod ang katotohanan mula sa mga talata 19–20? (Matapos sumagot ng mga estudyante, maaari mo silang anyayahan na isulat ang sumusunod na katotohanan sa kanilang mga banal na kasulatan malapit sa mga talata 19–20: Dahil nabili na tayo nang may halaga sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi na sa atin ang ating mga katawan.)

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Mangyaring huwag sabihin na: ‘Sino ang sinasaktan nito? Bakit hindi maaari ang kaunting kalayaan? Maaari akong lumabag ngayon at magsisi kalaunan.’ Mangyaring huwag maging hangal at walang habag. Hindi mo ‘maipapakong muli si Cristo’ [tingnan sa Sa Mga Hebreo 6:6] nang hindi ka mapaparusahan. ‘Magsitakas kayo sa pakikiapid’ [I Mga Taga Corinto 6:18], ang sabi ni Pablo, at tumakas sa ‘anumang bagay tulad nito’ [D at T 59:6; idinagdag ang pagbibigay-diin], ang idinagdag ng Doktrina at mga Tipan. Bakit? Ang isang dahilan ay ang di-mapapalitang paghihirap sa katawan at espiritu na tiniis ng Tagapagligtas ng mundo upang tayo ay makatakas [tingnan lalo na sa Doktrina at mga Tipan 19:15–20]. Utang natin iyon sa Kanya. Katunayan, utang natin sa Kanya ang lahat para diyan” (“Personal Purity,” Ensign, Nob. 1998, 76).

  • Paano makaiimpluwensya ang pag-alaala na hindi sa atin ang ating mga katawan sa mga pagpili na gagawin natin para sa ating mga katawan?

Ituon ang atensyon ng mga estudyante sa larawan ng isang sariwang prutas na napalilibutan ng mga bulok na prutas na nakadrowing sa pisara.

  • Paano makatutulong sa atin ang pag-unawa sa mga katotohanang ito tungkol sa ating mga katawan na manatiling dalisay kahit napapalibutan tayo ng kasamaan?

Patotohanan ang mga tinalakay mo. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga impresyon o pahiwatig na maaaring matanggap nila habang itinuturo at tinatalakay ang lesson at sumunod sa mga pahiwatig na iyon.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—I Mga Taga Corinto 6:19–20

Sabihin sa mga estudyante na sumulat ng maikling mensahe batay sa I Mga Taga Corinto 6:19–20. Hikayatin sila na isama ang sumusunod: (1) ang background information na kaugnay ng talatang ito (ang background information ay matatagpuan sa likod ng scripture mastery card), (2) ang mga alituntunin na itinuturo nito, at (3) isang personal na karanasan na naglalarawan ng katotohanan na itinuturo ng talatang ito. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ihayag sa klase ang mga mensahe nila. Hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng mga pagkakataon na maihayag ang kanilang mensahe sa tahanan o sa Simbahan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

I Mga Taga Corinto 5:9. “Huwag kayong makisama sa mga mapakiapid”

Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na bilang mga miyembro ng Simbahan, naniniwala tayo sa “doktrina ng pagsasali sa iba.” Sa pagtuturo ng doktrinang ito, sinabi ni Elder Ballard:

“Ang sadyang paggamit [ng Tagapagligtas] ng mga Judio at Samaritano ay malinaw na nagtuturo sa atin na tayong lahat ay magkakapitbahay, at na dapat nating mahalin, pahalagahan, igalang, at paglingkuran ang isa’t isa sa kabila ng malaking kaibhan—kabilang na ang kaibhan sa relihiyon, pulitika, at kultura. …

“[Gayunman,] hindi ko sinasabing … makipag-ugnayan tayo sa anumang espirituwal na magpapahamak sa atin at sa ating mga pamilya” (“Doktrina ng Pagsasali ng Iba,” Liahona, Enero 2002, 42).

Itinuro rin ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang paggalang sa kapwa, kahit na iba ang paniniwala o kilos nila mula sa mga miyembro ng Simbahan:

“Maraming guro sa simbahan at paaralan ang nalulungkot sa paraan ng pakikitungo sa isa’t isa ng ilang kabataan, kabilang na ang mga kabataang LDS. Kabilang sa utos na mangag-ibigan sa isa’t isa ang mahalin at igalang ang lahat anuman ang kanilang relihiyon at lahi, kultura, at katayuan sa buhay. Hinihikayat namin ang lahat ng kabataan na iwasan ang pananakot, pang-iinsulto, o pagsasalita ng masama at pagkilos na sadyang nakasasakit sa iba. Lahat ng ito ay labag sa utos ng Tagapagligtas na magmahalan” (“Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 27).

I Mga Taga Corinto 5:13. “Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao”

Kapag pormal na itiniwalag ng Simbahan ang isang taong makasalanan, tinatawag itong pagdidisiplina ng Simbahan. Ipinapaliwanag ng sumusunod na tala mula sa Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo ang proseso ng pagdisiplina ng Simbahan:

“Responsibilidad ng mga bishop at branch president at mga stake, mission, at district president na tulungan ang mga miyembro na madaig ang kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi. Ang pinakamabibigat na kasalanan, tulad ng mabibigat na paglabag sa batas ng tao, pang-aabuso sa asawa, pang-aabuso sa anak, pakikiapid, pagtatalik ng hindi mag-asawa, panggagahasa, at pagtatalik ng malapit na magkamag-anak, ay madalas mangailangan ng pormal na pagdidisiplina ng Simbahan. Maaaring makabilang sa pormal na pagdidisiplina ng Simbahan ang pagkakait sa mga pribilehiyo ng pagiging miyembro ng Simbahan o pagkatiwalag sa Simbahan.

“Ang proseso ng pormal na pagdidisiplina ay nagsisimula kapag tumawag ng konseho sa pagdidisiplina ang namumunong lider ng priesthood. Layunin ng mga konseho sa pagdidisiplina na iligtas ang kaluluwa ng mga nagkasala, protektahan ang walang kasalanan, at pangalagaan ang kadalisayan, integridad, at magandang pangalan ng Simbahan.

“Ang pagdidisiplina ng Simbahan ay isang inspiradong prosesong nagaganap sa loob ng ilang panahon. Sa prosesong ito at sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang isang miyembro ay maaaring mapatawad sa mga kasalanan, maibalik ang kapayapaan ng isipan, at magtamo ng lakas na maiwasang magkasala sa hinaharap. Ang pagdidisiplina ng Simbahan ay hindi nilayong maging wakas ng proseso. Layon nitong tulungan ang mga anak ng Ama sa Langit na maipagpatuloy ang kanilang pagsisikap na makabalik sa lubos na pakikipagkapatiran at mga pagpapala ng Simbahan. Ang hinahangad na resulta ay na magawa ng tao ang lahat ng kailangang baguhin para ganap na makapagsisi” (“Mga Konseho sa Pagdidisiplina sa Simbahan,” Tapat sa Pananampalataya [2004], 88–89).