Pambungad sa Ebanghelyo Ayon kay Mateo
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Ilan sa pinakamagagandang talata sa Biblia ay matatagpuan sa aklat ni Mateo, kabilang na ang Sermon sa Bundok at karamihan sa mga talinghaga, mga turo, at mga himala ni Jesucristo. Ang pag-aaral ng aklat na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maging pamilyar sa ministeryo at mga salita ni Jesucristo at magpapalakas ng kanilang patotoo kay Jesucristo bilang Tagapagligtas ng sanlibutan at ang Ipinangakong Mesiyas na binanggit ng lahat ng mga banal na propeta.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Si Mateo, na kilala rin bilang si Levi, na anak ni Alfeo, ang may-akda ng aklat na ito. Siya ay isang publikano, o maniningil ng buwis, bago tuluyang nabago ang kanyang buhay nang siya ay tumugon sa paanyaya ni Jesucristo na sumunod sa Kanya. (Tingnan sa Mateo 9:9; Marcos 2:14; Lucas 5:27–28; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mateo.”) Kasunod ng kanyang pagbabalik-loob, si Mateo ay naging isa sa Labindalawang Apostol ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 10:2–4). Bilang Apostol, nasaksihan ni Mateo ang karamihan sa mga pangyayaring inilarawan niya sa kanyang talaan. Ito ay sinuportahan ng titulong ibinigay sa kanyang Ebanghelyo sa Pagsasalin ni Joseph Smith: “Ang Patotoo ni Mateo.”
Kailan at saan ito nangyari?
Hindi natin alam kung kailan talaga isinulat ang aklat ni Mateo, ngunit ito ay malamang na isinulat sa huling kalahati ng unang siglo A.D. Hindi natin alam kung saan isinulat ni Mateo ang aklat na ito.
Para kanino ito isinulat at bakit?
Tila isinulat ito ni Mateo sa mga mambabasang Judio upang ipakita na isinakatuparan ni Jesucristo ang mga propesiya sa Lumang Tipan na ukol sa Mesiyas (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mateo”). Sa pagsasalaysay ni Mateo ng buhay, mga salita, at gawa ni Jesucristo, madalas niyang tinukoy ang mga propesiya sa Lumang Tipan at ginamit ang mga katagang “upang maganap ang sinalita” (halimbawa, tingnan sa Mateo 4:14; 8:17; 13:35; 21:4).
Sa kanyang Ebanghelyo, ginamit ni Mateo ang mga katagang “Anak ni David” nang 12 beses bilang patotoo na si Jesucristo ang karapat-dapat na tagapagmana sa trono ni Haring David at ang katuparan ng mga propesiya tungkol sa Mesiyas. Ang talaangkanan ni Jesucristo na nakatala sa Mateo ay nagsimula kina David, Juda, at Abraham (tingnan sa Mateo 1:1–3), na nagpakita ng karapatang mamuno ni Jesus at ang Kanyang tungkulin sa pagsasakatuparan ng mga pangako ng Diyos sa Israel.
Ano ang ilan sa kakaibang mga katangian ng aklat na ito?
Bagama’t malaking bahagi ng nakasulat sa Mateo ay matatagpuan din sa Marcos at Lucas, mga 42 porsiyento ng Ebanghelyo Ayon kay Mateo ay naiiba. Ang pangunahing tema sa Mateo ay ang pagparito ni Jesucristo upang itatag ang Kanyang kaharian sa lupa. Binanggit ni Mateo ang mga katagang “ang kaharian ng langit” nang maraming beses, at siya ang tanging awtor ng Ebanghelyo na isinama ang mga turo ni Jesus na bumabanggit sa “simbahan” (tingnan sa Mateo 16:18; 18:17).
Ang Ebanghelyo Ayon kay Mateo ay tumutulong din sa atin na makita ang pagkakatulad ng mga ministeryo ni Moises at ni Jesucristo. Halimbawa, noong sila ay mga sanggol, kapwa sila naligtas sa tangkang pagpatay sa kanila ng hari (tingnan sa Exodo 2:1–10; Mateo 2:13–18), kapwa sila lumabas ng Egipto, kapwa ibinigay ang batas ng Diyos sa isang bundok (tingnan sa Exodo 19–20; Mateo 5–7), at kapwa sila dumating para iligtas ang kanilang mga tao.
Outline
Mateo 1–4 Inilahad ni Mateo ang talaangkanan at kapanganakan ni Jesucristo. Hinanap ng mga pantas na lalake ang Hari ng mga Judio. Dahil ginabayan sa mga panaginip, dinala ni Jose si Maria at ang batang si Jesus sa Egipto at kalaunan sa Nazaret. Ipinangaral ni Juan Bautista ang ebanghelyo ng pagsisisi at bininyagan si Jesucristo. Ang Tagapagligtas ay tinukso sa ilang. Sinimulan Niya ang Kanyang mortal na ministeryo sa pagtuturo at pagpapagaling.
Mateo 5–7 Ibinigay ni Jesucristo ang Sermon sa Bundok.
Mateo 8–12 Ang Tagapagligtas ay nagpagaling ng isang ketongin, pinayapa ang bagyo, nagpaalis ng mga demonyo, ibinangon mula sa kamatayan ang anak na babae ni Jairo, at binigyan ng paningin ang bulag. Pinagkalooban ni Jesucristo ang Labindalawang Apostol ng awtoridad na gawin ang tulad ng Kanyang ginawa at isinugo sila para mangaral ng ebanghelyo. Inihayag ni Jesus na si Juan Bautista ay higit pa sa isang propeta. Ang Tagapagligtas ay nagpagaling sa araw ng Sabbath.
Mateo 13–15 Si Jesus ay nagturo gamit ang mga talinghaga. Si Juan Bautista ay pinatay. Matapos ang pagpapakain sa limang libong tao, sina Jesus at Pedro ay lumakad sa ibabaw ng Dagat ng Galilea. Tinanong ng mga eskriba at mga Fariseo si Jesus.
Mateo 16–18 Matapos magpatotoo si Pedro na si Jesus ang Mesiyas, ipinahayag ng Tagapagligtas na ibibigay Niya ang mga susi ng kaharian ng Diyos kay Pedro at sa Labindalawa. Si Jesucristo ay nagbagong-anyo sa bundok, kung saan tinanggap nina Pedro, Santiago, at Juan ang mga susi ng priesthood. Si Jesucristo ay nagbigay ng mga tagubilin sa Kanyang mga disipulo kung paano pamahalaan ang Simbahan at itinuro na hindi tayo patatawarin ng Diyos kung hindi natin patatawarin ang iba.
Mateo 19–23 Ang Tagapagligtas ay nagturo tungkol sa kawalang-hanggan ng kasal. Pumasok Siya sa Jerusalem at nilinis ang templo. Sa paggamit ng mga talinghaga, inilantad ni Jesus ang masasamang hangarin ng mga pinunong Judio na kumakalaban sa Kanya. Nagdalamhati Siya sa mangyayaring pagkawasak ng Jerusalem.
Mateo 24–25; Joseph Smith—Mateo Si Jesucristo ay nagpropesiya tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem. Itinuro niya kung paano magiging handa ang Kanyang mga tagasunod sa Kanyang pagbabalik.
Mateo 26–27 Kumain si Jesus ng pagkain ng Paskua kasama ang Kanyang mga disipulo at pinasimulan ang sakramento. Siya ay nagdusa sa Halamanan ng Getsemani at ipinagkanulo, dinakip, nilitis sa harap ng mga Judio at mga pinunong Romano, at ipinako sa krus. Siya ay namatay at inilibing.
Mateo 28 Ang nabuhay na muling Tagapagligtas ay nagpakita sa Kanyang mga disipulo. Iniutos ni Jesus sa mga Apostol na dalhin ang Kanyang ebanghelyo sa lahat ng bansa.