Lesson 33
Mateo 27:51–28:20
Pambungad
Sa kamatayan ni Jesucristo, ang tabing ng templo ay nahapak o nahati sa gitna. Hiniling ng mga pinunong Judio kay Pilato na pabantayan ang pinaglilibingan kay Jesus. Si Jesucristo ay nabuhay na muli, at nagpakita sa maraming tao, kabilang na sa Kanyang mga Apostol. Iniutos Niya sa Kanyang mga Apostol na dalhin ang ebanghelyo sa lahat ng bansa.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 27:51–56
Sa kamatayan ni Jesucristo, ang tabing ng templo ay nahapak sa gitna at nayanig ang lupa
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung namatayan na ba sila o ang isang kakilala nila ng mahal sa buhay. Pagkatapos ay itanong sa klase:
-
Bakit mahirap mamatayan ng mahal sa buhay?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa kanilang pag-aaral ng Mateo 27:51–28:20 na makakagaan ng damdamin nila kapag pumanaw na ang isang mahal sa buhay. Para maibigay ang konteksto ng aralin ngayon, maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibuod nang maikli ang naranasan ni Jesucristo mula nang Siya ay dinakip hanggang sa Siya ay ipinako sa krus.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 27:51. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari sa templo nang mamatay si Jesus.
-
Ano ang nangyari nang mamatay si Jesus?
Maaari mong kopyahin sa pisara ang kalakip na diagram ng loob ng templo.
Ipaliwanag na noong panahon ni Jesus, ang templo ay may dalawang silid: ang Dakong Banal at ang Kabanalbanalang Dako. Ang Kabanalbanalang Dako ay sumasagisag sa kinaroroonan ng Diyos. Ang dalawang silid na ito ay pinaghihiwalay ng tabing, o ng kurtina. Minsan sa isang taon, sa Araw ng Pagbabayad-sala, ang mataas na saserdote ay dumaraan sa mga Dakong Banal sa pamamagitan ng tabing ng templo at pumapasok sa Kabanalbanalang Dako, kung saan iwiniwisik niya ang dugo na pantubos sa mga kasalanan ng buong kapisanan ng Israel (tingnan sa Levitico 16). Nang nahapak sa gitna ang tabing ng templo nang mamatay si Jesucristo, ito ay kagila-gilalas na simbolo na si Jesucristo, na Lubhang Dakilang Saserdote, ay dumaan sa tabing ng kamatayan at di-magtatagal ay papasok na sa kinaroroonan ng Diyos Ama.
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagkahapak ng tabing, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang Kabanalbanalang Dako ay bukas na ngayon sa lahat, at ang lahat, sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ng Kordero, ay makapapasok na ngayon sa pinakadakila at pinakabanal sa lahat ng mga lugar, ang kahariang iyon kung saan matatagpuan ang buhay na walang hanggan. … Ang mga ordenansang ginagawa sa tabing ng templo noong unang panahon ay kahalintulad ng gagawin ni Cristo, at dahil ito ay nagawa na niya ngayon, ang lahat ng tao ay karapat-dapat nang dumaan sa tabing papunta sa kinaroroonan ng Panginoon upang magmana ng ganap na kadakilaan” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:830).
-
Anong mahalagang katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo mula sa paghapak ng tabing? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong makapasok sa kinaroroonan ng Diyos kung tayo ay magsisisi at tutupad sa ating mga tipan.)
-
Paano ginagawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na makabalik tayo sa kinaroroonan ng Diyos?
Ipaliwanag na kahit na ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na makabalik tayo sa kinaroroonan ng Diyos, dapat nating gawin ang ating bahagi upang maging karapat-dapat na makasama ang ating Ama sa Langit nang walang hanggan.
-
Ano ang dapat nating gawin para maging karapat-dapat na manirahang kasama ng Ama sa Langit nang walang hanggan?
Ibuod ang Mateo 27:52–56 na ipinapaliwanag na matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, maraming mabubuting tao na namatay ang nabuhay ring muli at nagpakita sa maraming tao sa Jerusalem. Inilalahad din ng mga talatang ito na kabilang sa nakasaksi ng kamatayan ni Jesus ay isang Romanong senturion at ang maraming kababaihan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 27:54. Sabihin sa klase na alamin ang reaksyon ng Romanong senturion at ng mga kasama niya nang masaksihan nila ang mga kaganapan matapos ang pagpapako sa krus sa Tagapagligtas.
-
Ano ang reaksyon ng senturion at ng mga kasama niya?
-
Ano ang nakita nila na siyang maaaring dahilan kaya nila sinabing “tunay na [si Jesus] ang Anak ng Dios”?
Mateo 27:57–66
Ang mga pinunong Judio ay nakipagsabwatan kay Pilato na bantayan ang libingan ni Jesus
Ibuod ang Mateo 27:57–61 na ipinapaliwanag na noong mamatay si Jesus, isang mayamang disipulo na nagngangalang Jose ng Arimatea ang “hiningi [ipinakiusap na ibigay] ang bangkay ni Jesus” (talata 58). Binalot niya ng malinis na tela ang bangkay ni Jesus, inilagay ito sa nitso (o libingan) na pag-aari niya, at tinakpan ang pintuan nito ng malaking bato.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 27:62–66. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang hiniling ng mga punong saserdote at mga Fariseo kay Pilato.
-
Ano ang hiniling ng mga punong saserdote at mga Fariseo kay Pilato?
-
Bakit nila hiniling iyon?
Mateo 28:1–20
Si Jesucristo ay nabuhay na muli at nagpakita sa maraming tao
Ipaliwanag na nang umaga ng unang araw ng linggo, o araw ng Linggo, si Maria Magdalena at ang isa pang babaeng nagngangalang Maria ay dumating sa puntod upang pahiran ng pabango ang katawan ni Jesus bilang pagpapakita ng kanilang pagmamahal at pagsamba. Sabihin sa ilang estudyante na magsaIitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 28:1–6.
-
Ano ang nakita ng mga babae nang dumating sila sa libingan? (Ipaliwanag na sa Joseph Smith Translation, Matthew 25:11 nilinaw doon na dalawang anghel ang nakita ng mga babae, hindi isa..)
-
Ano kaya ang magiging reaksyon ninyo kung makakita kayo ng dalawang anghel? Ano ang reaksyon ng mga bantay?
-
Ayon sa mga talata 5–6, ano ang sinabi ng mga anghel sa mga babae?
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin sa mga sinabing ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Si Jesucristo ay nabuhay na muli mula sa kamatayan.)
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli, hatiin sila sa mga grupo na may tigdalawa o tigtatlong katao at ipakumpleto ang sumusunod na handout sa kani-kanilang grupo:
“Siya’y nagbangon” (Mateo 28:6).
Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 33
Pag-aralan ang tala tungkol sa “Pagkabuhay na Mag-uli” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Pagkatapos ay talakayin ang mga tanong sa ibaba at isulat ang inyong mga sagot sa mga puwang.
Ano ang pagkakaiba ng taong patay na muling binuhay sa taong nabuhay na muli? | |
Ano ang mangyayari sa lahat ng tao dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo? | |
Paano nagbibigay ng kapanatagan sa mga taong nawalan ng mahal sa buhay ang pag-unawa sa doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli? |
© 2016 ng Intellectual Reserve, Inc. lahat ng karapatan ay nakalaan.
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang natutuhan nila matapos makumpleto ang handout.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Ang himala ng umagang iyon sa pagkabuhay na mag-uli, ang unang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, ay isang himala sa buong sangkatauhan. Ito ay himala ng kapangyarihan ng Diyos, na ang Pinakamamahal na Anak ay ibinigay ang Kanyang buhay upang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat, isang sakripisyo ng pagmamahal para sa bawat anak na lalaki at anak na babae ng Diyos. Sa paggawa nito kinalag Niya ang mga gapos ng kamatayan. …
“At tulad ng pagbangon Niya ng Kanyang katawan at paglabas mula sa libingan, magsasama ring muli ang ating katawan at espiritu sa araw ng ating sariling pagkabuhay na mag-uli.
“Nagagalak tayo, kung gayon, tulad ng marami, at gaya ng dapat gawin ng buong sangkatauhan, kapag inaalala natin ang lubos na maluwalhati, ang lubos na nakapapanatag, ang lubos na nagbibigay-katiyakan sa lahat ng mga pangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan—ang tagumpay laban sa kamatayan” (“The Victory over Death,” Ensign, Abr. 1997, 4).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 28:7–10.
-
Ayon sa talata 7, ano ang ipinagawa ng mga anghel sa mga babae?
-
Sa palagay ninyo, bakit umalis ang mga babae na taglay ang “takot at ang malaking galak”?
-
Ano ang nangyari sa mga babae nang umalis sila para sabihin sa mga disipulo ang kanilang naranasan?
Ibuod ang Mateo 28:11–15 na ipinapaliwanag na habang nagmamadali ang mga babae para ibalita sa mga disipulo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus, narinig ng mga punong saserdote ang nangyari sa mga kawal na nagbantay sa libingan. Natakot ang mga pinunong Judio na malaman ng mga tao ang totoo, kaya binayaran nila ang mga bantay para ikalat ang kasinungalingan na kinuha ng mga disipulo ang Kanyang katawan mula sa libingan habang natutulog ang mga bantay.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 28:16–18. Sabihin sa klase na tahimik sa sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pagpapalang dumating sa labing-isang Apostol nang sinunod nila ang sinabi ng mga babae na magpunta sa Galilea.
-
Anong mga pagpapala ang dumating sa labing-isang Apostol nang sinunod nila ang sinabi ng mga babae?.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 28:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol matapos na Siya ay makita nila.
-
Ano ang ipinagawa sa mga Apostol matapos nilang makita ang Tagapagligtas?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa kanilang karanasan tungkol sa responsibilidad ng pagkakaroon natin ng patotoo kay Jesucristo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa pagkakaroon natin ng patotoo kay Jesucristo, tungkulin nating magpatotoo sa iba tungkol sa Kanya.)
Pasulatin sa pisara ang mga estudyante ng mga paraan na makapagpapatotoo tayo sa iba tungkol kay Jesucristo. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ipaliwanag o magbigay ng halimbawa ng mga ideyang isinulat nila. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ayon sa talata 20, ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol?
-
Sa anong mga paraan “sumasa inyo,” o tumutulong sa inyo, ang Panginoon sa pagbabahagi ninyo ng ebanghelyo?
Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi sa iba ang kanilang patotoo kay Jesucristo. Para tulungan silang gawin ito, sabihin sa mga estudyante na gamitin ang isa sa mga ideya na nakalista sa pisara at gumawa ng personal na mithiin o goal na magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo sa mga kapamilya, kaibigan, at iba pa. Sabihin sa kanila na isulat ang mithiin o goal nila sa kanilang notebook o scripture study journal.
Scripture Mastery—Mateo 28:19–20
Para matulungan ang mga estudyante na isaulo ang scripture mastery passage na ito, pagpartner-partnerin sila at sabihin sa isa sa bawat magkapartner na isulat ang talata sa kapirasong papel. Sabihin sa mga estudyante na gupitin nang mahaba at makitid ang papel nang hindi nagugupit ang mga parirala sa scripture passage. Sabihin sa kanila na guluhin ang pagkakasunud-sunod ng mga strip o ginupit na piraso ng papel at pagkatapos ay ibalik sa dating pagkakasunud-sunod (na tumitingin lamang sa kanilang mga banal na kasulatan kung kailangan.) Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na magpraktis hanggang sa hindi na nila kailangang tingnan ang kanilang mga banal na kasulatan. Sabihin sa kanila na tanggalin ang isang strip at bigkasin ang nawawalang parirala nang walang tinginan. Matapos maisaulo ng mga estudyante ang isang parirala, sabihin sa kanila na tanggalin ang isa pang parirala at pagkatapos ay bigkasing muli ang dalawang parirala nang walang tinginan. Hayaan silang gawin ito hanggang sa mabigkas nila ang buong talata nang saulado.