Library
Lesson 96: Mga Gawa 20–22


Lesson 96

Mga Gawa 20–22

Pambungad

Ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo sa Asia Minor (kasalukuyang Turkey), at habang siya ay nasa Mileto, isang bayan malapit sa Efeso, nagbabala siya tungkol sa apostasiya sa hinaharap at hinikayat ang mga lider ng priesthood na patatagin ang mga miyembro ng Simbahan. Pagkatapos ay naglakbay siya papunta sa Jerusalem, kung saan siya inusig at dinakip. Habang nakatayo sa hagdan ng muog ng Antonia (isang garison kung saan naroon ang mga kawal na Romano), ikinuwento ni Pablo ang kanyang pagbabalik-loob.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 20:1–21:40

Naglingkod si Pablo sa Asia Minor at naglakbay papunta sa Jerusalem, kung saan siya binugbog at dinakip

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pangyayari na kailangan nilang iwan ang kanilang pamilya, mga kaibigan, o iba pang mga taong mahal nila nang ilang araw, linggo, o buwan.

  • Ano ang madarama ninyo o ng mga taong kasama ninyo bago kayo umalis?

  • Ano ang sasabihin ninyo sa isa’t isa bago kayo maghiwalay?

Ipaliwanag na sa pangatlong pangmisyonerong paglalakbay ni Pablo, nag-ukol siya ng panahon sa Macedonia, Grecia, at Asia Minor. Sa paglalakbay na ito, nadama niyang kailangan niyang bumalik sa Jerusalem. Habang naglalakbay siya, tumigil siya upang mangaral at magpaalam sa mga miyembro ng Simbahan na nadanaan niya. Sa gabi bago siya umalis sa Troas, sa bagong Sabbath (Linggo), si Pablo at ang mga disipulo ay nagsama-sama upang makibahagi ng sakramento (tingnan sa Mga Gawa 20:7). Maraming sinabi si Pablo sa mga Banal hanggang gumabi.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 20:9–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari sa binatang nagngangalang Eutico nang makatulog ito habang nagsasalita si Pablo.

  • Ano ang nangyari kay Eutico?

  • Ano ang ginawa ni Pablo para ipakita ang kanyang pagmamahal at malasakit sa binatang ito?

  • Paano nakita sa mga kilos ni Pablo ang ministeryo ng Tagapagligtas?

Ipaliwanag na bilang bahagi ng pangatlong pangmisyonerong paglalakbay ni Pablo, si Pablo ay naglingkod nang tatlong taon sa mga tao sa Efeso. Ibuod ang Mga Gawa 20:13–17 na ipinapaliwanag na sa paglalakbay niya patungo sa Jerusalem, tumigil si Pablo sa Mileto, na nasa may labasan lamang ng Efeso, at nagpasabi sa mga lider ng Simbahan sa Efeso na makipagkita sa kanya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 20:18–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinaliwanag ni Pablo tungkol sa kanyang paglilingkod.

  • Paano inilarawan ni Pablo ang kanyang paglilingkod bilang missionary?

  • Ano ang maaaring ibig sabihin ng pahayag ni Pablo na “hindi ko ikinait na ipahayag ang anomang bagay” (talata 20) mula sa mga tinuruan niya?

  • Ayon sa talata 23, ano ang handang harapin ni Pablo bilang tagapaglingkod ng Panginoon?

Ipaliwanag na mas nanganganib si Pablo sa Jerusalem, kung saan itinuring siyang taksil ng mga pinunong Judio dahil sa pagsisikap niyang ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Ayon sa talata 22, bakit handang pumunta si Pablo sa Jerusalem?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 20:24–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nakahandang gawin ni Pablo bilang tagapaglingkod ng Panginoon.

  • Ayon sa talata 24, ano ang nakahandang gawin ni Pablo bilang tagapaglingkod ng Panginoon?

  • Ayon kay Pablo, ano ang nadama niya sa paggawa ng iniutos ng Panginoon?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng paglilingkod ni Pablo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang mga tunay na tagapaglingkod ng Panginoon ay tapat na ginagawa ang kanilang tungkulin, at nakadarama sila ng kagalakan sa paggawa nito.)

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng gawin nang tapat ang inyong tungkulin?

  • Paano natin maipamumuhay ang katotohanang ito?

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng isang pangyayari na sila o ang isang taong kilala nila ay piniling maglingkod sa Panginoon nang kanilang buong lakas at kakayahan at nakadama ng matinding kagalakan.

Ipaalala sa mga estudyante na dinalaw ni Pablo ang mga lider ng Simbahan sa Efeso sa huling pagkakataon bago siya umalis papunta sa Jerusalem.

  • Kung kayo si Pablo at alam ninyong hindi na ninyo makikita ang mga lider ng Simbahan sa Efeso, ano ang ipapayo ninyo sa kanila bago kayo umalis?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Gawa 20:28–31, na inaalam ang babala ni Pablo sa mga lider na ito ng Simbahan.

  • Ano ang ibinigay na babala ni Pablo sa mga lider na ito?

Ipaliwanag na ginamit ni Pablo ang mga lobo bilang metapora para sa mga taong hindi tapat at manlilinlang ng matatapat na miyembro ng Simbahan.

  • Anong salita ang ginagamit natin para ilarawan ang kalagayan ng mga taong tumalikod sa katotohanan at naghahangad na iligaw ang iba mula sa katotohanan? (Apostasiya. Ipaliwanag na nagbabala si Pablo sa mga lider ng Simbahan tungkol sa mangyayaring apostasiya sa hinaharap.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 20:36–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang reaksyon ng mga lider ng Simbahan nang paalis na si Pablo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ibuod ang Mga Gawa 21:1–10 na ipinapaliwanag na nagpatuloy si Pablo sa kanyang paglalakbay patungo sa Jerusalem at tumigil sa iba’t ibang lugar para makasama ang mga miyembro ng Simbahan. Nang tumigil si Pablo sa bayang tinatawag na Tiro, ilang disipulo—na talagang nag-aalala para sa kaligtasan ni Pablo—ang nagpayo kay Pablo na huwag nang magpunta sa Jerusalem (tingnan sa Mga Gawa 21:4).

Sa Cesarea, isang propetang nangngangalang Agabo ang nagpropesiya ng mangyayari kay Pablo sa Jerusalem. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 21:11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinropesiya ni Agabo. (Maaari mong ipaliwanag na ang salitang pamigkis ay tumutukoy sa isang sinturon.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 21:12–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinugon ni Pablo at ng kanyang mga kasama sa propesiyang ito.

  • Paano tumugon ang mga kasama ni Pablo sa propesiyang ito?

  • Paano tumugon si Pablo sa propesiyang ito? Ano ang pinaka nagustuhan ninyo sa itinugon ni Pablo?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Pablo tungkol sa pagiging tunay na tagapaglingkod ng Panginoon? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang mga tunay na tagapaglingkod ng Panginoon ay nakahandang gawin ang kalooban ng Diyos anuman ang maging katumbas nito sa kanilang buhay.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga uri ng sakripisyong maaaring hingin sa kanila bilang mga tagapaglingkod ng Panginoon.

  • Kailan kayo naging handang gawin ang kalooban ng Diyos anuman ang hingin nito sa inyo? Bakit handa kayong gawin iyon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na buod ng Mga Gawa 21:17–40.

Dumating si Pablo sa Jerusalem at nagbigay ng ulat sa mga lokal na lider ng Simbahan tungkol sa kanyang gawaing misyonero. Si Pablo ay nagpunta sa templo, at nang makita si Pablo ng isang grupo ng mga Judio na nakilala siya mula sa kanyang mga pangmisyonerong paglalakbay, ipinahayag nila na si Pablo ay huwad na guro na nagturo ng laban sa mga batas ni Moises at nagsama ng mga Gentil sa templo, na labag sa kautusan. Dahil sa mga paratang na ito, kinaladkad si Pablo ng mga tao palabas sa templo at binugbog siya. Nakialam ang mga kawal na Romano at dinala siya para litisin. Habang nasa hagdan ng Muog ng Antonia (tingnan sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 12, “Ang Jerusalem Noong Kapanahunan ni Jesus” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), tinanong ni Pablo sa mga kawal kung puwede siyang magsalita sa mga tao.

Mga Gawa 22:1–30

Ikinuwento ni Pablo ang kanyang pagbabalik-loob at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo

Isulat sa pisara ang salitang nagbalik-loob, at ipaliwanag na ang ibig sabihin ng napagbalik-loob ay napagbago. Itanong sa mga estudyante kung paano nako-convert ang tubig para magamit ito sa iba pang mga layunin. (Halimbawa, ang tubig ay maaaring maging yelo.) Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang uri ng pagbabago na dulot ng pagbabalik-loob sa ebanghelyo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 22:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ni Pablo ang kanyang sarili nang magsalita siya sa mga Judio mula sa hagdan ng Muog ng Antonia.

  • Ano ang pagkatao ni Pablo bago siya nagbalik-loob at naging disipulo ni Jesucristo?

Isulat ang mga sumusunod na tanong sa pisara o ibigay ito sa mga estudyante bilang handout. Hatiin sa limang grupo ang mga estudyante at bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga tanong. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga banal na kasulatan na nauugnay sa tanong na ibinigay sa kanila at pagkatapos ay sagutin ang mga tanong sa kanilang notebook o scripture study journal.

  1. Paano inilarawan ni Pablo ang kanyang unang pangitain? (Mga Gawa 22:6–9)

  2. Ano ang ipinagawa kay Pablo? (Mga Gawa 22:10–11)

  3. Sino ang nakatagpo ni Pablo sa Damasco, at ano ang naibalik kay Pablo? (Mga Gawa 22:12–13)

  4. Ano ang ipinropesiya ni Ananias tungkol kay Pablo? (Mga Gawa 22:14–15)

  5. Paano ipinakita ni Pablo ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo? (Mga Gawa 9:18; 22:16)

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot. Sabihin sa ilang estudyante na ibuod ang natutuhan nila tungkol sa pagbabalik-loob ni Pablo. (Maaari mo ring ipaliwanag na sa pagitan ng panahon ng unang pangitain ni Pablo at ng panahong maglingkod siya bilang misyonero, gumugol siya ng tatlong taon sa Arabia, na malamang na panahon ng espirituwal na paghahanda at pag-unlad [tingnan sa Mga Taga Galacia 1:11–18].) Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Sa inyong palagay, sa paanong paraan nagbago si Pablo dahil sa kanyang pagbabalik-loob?

  • Ano ang naganap na nagtulot sa mga pagbabagong ito?

  • Ano ang maituturo sa atin ng pagbabalik-loob ni Pablo tungkol sa paano tayo makakapagbalik-loob? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Kapag sinunod natin ang mga salita ni Jesucristo, tayo ay lubos na makakapagbalik-loob.)

  • Paano makatutulong ang alituntuning ito sa isang taong gustong magbalik-loob?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Sister Bonnie L. Oscarson, Young Women general president, kung saan ipinaliwanag niya ang kaibhan ng pagkakaroon ng patotoo sa ebanghelyo at ng tunay na pagbabalik-loob dito:

Bonnie L. Oscarson

“Ang tunay na pagbabalik-loob ay hindi lang pagkakaroon ng kaalaman sa mga alituntunin ng ebanghelyo at higit pa sa pagkakaroon ng patotoo sa mga alituntuning iyon. Posibleng magkaroon ng patotoo sa ebanghelyo kahit hindi ito ipamuhay. Ang tunay na pagbabalik-loob ay pagkilos ayon sa ating pinaniniwalaan. …

“… May pagbabalik-loob habang kumikilos tayo ayon sa mabubuting alituntuning natututuhan natin sa ating tahanan at sa silid-aralan. May pagbabalik-loob kapag namumuhay tayo nang dalisay at mabuti at marapat sa patnubay ng Espiritu Santo” (“Magbalik-loob Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 76, 78).

Basahin nang malakas ang sumusunod na tanong o isulat ito sa pisara: Paano ako tunay na magbabalik-loob sa ebanghelyo? Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang notebook o scripture study journal.

Ibuod ang Mga Gawa 22:17–30 na ipinapaliwanag na sinabi ni Pablo sa mga nakikinig na matapos ang kanyang pagbabalik-loob ay isinugo siya ng Panginoon na humayo mula sa Jerusalem upang maging misyonero sa mga Gentil. Pagkatapos ay sumigaw ang mga nakikinig na dapat ipapatay si Pablo. Si Pablo ay iniharap sa pangulong kapitan ng hukbong Romano sa Jerusalem, na nagpasiyang dapat parusahan o hampasin si Pablo, isang kaparusahang karaniwang ginagamit para manghamak at makakuha ng impormasyon mula sa mga kriminal. Gayunman, nang malaman ng mga pinunong Romano na si Pablo ay isang Romano, nagpasiya silang hindi siya hampasin dahil labag sa batas ng Roma na igapos o parusahan ang mga Romano na “hindi pa nahahatulan” (talata 25). Kaya kanilang dinala siya sa kapulungan ng mga Judio, ang Sanedrin.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga alituntuning itinuro sa Mga Gawa 20–22.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Gawa 22:1–24. Ibinahagi ni Pablo ang ebanghelyo nang buong tapang

Ibinahagi ni Apostol Pablo ang kanyang patotoo kay Jesucristo nang buong tapang kahit matindi ang ibubunga nito (tingnan sa Mga Gawa 22:1–24). Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na ang tapang na gawin ang tama, kahit hindi ito tanggapin ng lahat, ay hinihingi pa rin sa mga disipulo ni Jesucristo:

“Maraming uri ng katapangan. Ito ang isinulat ng Kristiyanong awtor na si Charles Swindoll: ‘Ang katapangan ay hindi lamang nakikita sa digmaan … o sa matapang na paghuli ng magnanakaw sa inyong tahanan. Ang tunay na pagsubok ng katapangan ay di napapansin. Ito ay mga pagsubok sa kalooban, tulad ng pananatiling tapat kahit walang nakatingin, … tulad ng paninindigan kapag hindi ka pinaniniwalaan.’ Idaragdag ko na kabilang din sa katapangan ng kalooban ang paggawa ng tama kahit natatakot tayo, pagtatanggol sa ating paniniwala kahit kutyain tayo, at pananatiling tapat sa ating mga paniniwala kahit pa mawala ang ating mga kaibigan o katayuan sa lipunan. Siya na tapat na naninindigan sa tama ay malamang na ayawan at di tanggapin ng karamihan” (“Ikaw ay Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 67).