Library
Lesson 144: I Ni Pedro 1–2


Lesson 144

I Ni Pedro 1–2

Pambungad

Sumulat si Pedro upang patatagin ang pananampalataya ng mga Banal na nagdurusa dahil sa pag-uusig na dinaranas nila mula sa Imperyo ng Roma. Binigyang-diin niya na sila ay tinubos sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Jesucristo at ipinaalala sa kanila na sila ay bayang pag-aari ng Diyos o natatanging mga tao ng Panginoon. Iniutos ni Pedro sa mga Banal na luwalhatiin ang Diyos at tiisin ang pagdurusa tulad ng ginawa ni Jesucristo.

Paalala: Tingnan ang sidebar na “Maagang paghahanda” para sa paghahanda ng lesson 149.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

I Ni Pedro 1

Itinuro ni Pedro sa mga Banal ang maaari nilang manahin at ang pangangailangang makaranas ng mga pagsubok

tunaw na bakal na ibinubuhos mula sa sangagan [crucible]

Magpakita o magdrowing ng larawan ng isang sangagan, at ipaliwanag na ang sangagan ay isang tunawan ng mga bakal o ibang mga sangkap, na ibig sabihin ay iniinit at tinutunaw ang mga ito para mawala ang dumi at mapatibay ang produkto.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder M. Russell Ballard

“Sa paglalakbay ko sa buong Simbahan, nasaksihan ko ang pagsubok na dinaranas ng mga miyembro sa sangagan ng pagdurusa” (“Hyrum Smith: ‘Firm As the Pillars of Heaven,’” Ensign, Nob. 1995, 9).

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Elder Ballard sa mga katagang “sangagan ng pagdurusa”? (Matitinding pagsubok o paghihirap sa buhay.)

Ipaliwanag na ginawa ni Pedro ang kanyang Unang Sulat upang patatagin at palakasin ang loob ng mga Banal mula sa dinaranas na matitinding pagsubok. Ipaliwanag na hanggang sa mga taong A.D. 64, ang panahong ginawa ni Pedro ang sulat na ito, pinahihintulutan ng pamahalaan ng Roma ang Kristiyanismo. Noong Hulyo ng taong iyon ay nasunog ang malaking bahagi ng Roma. Ilang kilalang tao sa Roma ang nagparatang na mga Kristiyano ang nagpasimula ng sunog. Humantong ito sa matinding pang-uusig sa mga Kristiyano sa buong Imperyo ng Roma. Ilan sa pagmamalupit na naranasan ng mga Kristiyano ay mula sa kanilang mga dating kaibigan at kapitbahay.

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng I Ni Pedro 1–2 ang mga katotohanan na makatutulong sa atin na manatiling tapat kapag nakararanas tayo ng mga pagsubok.

Ibuod ang I Ni Pedro 1:1–2 na ipinapaliwanag na binati ni Pedro ang mga Banal sa mga lalawigan ng Roma sa Asia Minor (na Turkey ngayon) at ipinaalala na sila ay mga hinirang na tao, ibig sabihin ay mga pinili sila na tumanggap ng mga espesyal na mga pagpapala kung mamumuhay sila nang tapat.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Ni Pedro 1:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinaalala ni Pedro sa mga Banal na ginawa ni Cristo at ang mga ipinangakong pagpapala sa mga Banal sa hinaharap.

  • Ano ang mga pagpapalang matatanggap ng mga Banal sa hinaharap kung mananatili silang matapat sa ebanghelyo ni Jesucristo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Ni Pedro 1:6, at sabihin sa klase na alamin kung paano tumugon ang mga Banal sa pangako na pagpapalain sila sa hinaharap. Ipaliwanag na ang salitang pagsubok sa talata 6 ay tumutukoy sa pagsalungat.

  • Paano tumugon ang mga Banal sa pangakong ito na pagpapalain sila sa hinaharap? (Sila ay lubhang nagalak.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talata 3–6? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang isang alituntuning tulad ng sumusunod: Bagama’t nakararanas tayo ng mga pagsubok, magagalak tayo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa mga pagpapalang ipinangako sa atin ng Diyos na ibibigay sa atin sa hinaharap.)

  • Paano nakatutulong sa atin na magalak kahit nakakaranas tayo ng mga pagsubok ang pag-alaala na pagpapalain tayo ng Diyos balang araw?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Ni Pedro 1:7–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pedro tungkol sa pagsubok sa pananampalataya ng mga Banal.

  • Ayon sa I Ni Pedro 1:7, sa anong bagay ikinumpara ni Pedro ang sinubok na pananampalataya ng mga Banal?

  • Sa paanong mga paraan nakakatulad ng ginto ang sinubok na pananampalataya? (Ang pananampalataya na sinubok, tulad ng ginto, ay mahalaga. Gayunman, ang pananampalataya ay higit na mahalaga kaysa ginto dahil ang ginto ay “nasisira” [talata 7] samantalang ang pananampalataya kay Jesucristo ay nagdudulot ng kaligtasan [tingnan sa talata 9], na walang hanggan. Bukod pa riyan, ang ginto ay dinadalisay ng apoy. Gayundin, ang ating pananampalataya kay Jesucristo ay sinusubok at dinadalisay kapag tapat nating tinitiis ang mga pagsubok. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, na ipinapaliwanag kung paano tayo mananatiling matatag at di-natitinag sa oras ng pagsubok:

Elder Neil L. Andersen

“Paano kayo mananatiling ‘matatag at di natitinag’ [Alma 1:25] sa oras ng pagsubok sa inyong pananampalataya? Magtuon kayo sa mismong mga bagay na nagpalakas sa inyong pananampalataya: manampalataya kay Cristo, manalangin, pagnilayan ang mga banal na kasulatan, magsisi, sundin ang mga utos, at maglingkod sa kapwa.

“Kapag naharap sa pagsubok ng pananampalataya—anuman ang gawin ninyo, huwag kayong lumayo sa Simbahan! Ang paglayo ninyo sa kaharian ng Diyos sa oras ng pagsubok sa pananampalataya ay parang pag-alis sa ligtas na kanlungan nang matanaw ninyo ang buhawi” (“Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 40).

  • Ano ang hinikayat ni Elder Andersen na gawin natin sa oras na sinusubok ang ating pananampalataya?

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang gawin ang mga bagay na ito kapag sinusubok ang ating pananampalataya?

Ipaliwanag na ilan sa mga Banal na sinulatan ni Pablo ay maaaring natutukso na talikuran ang kanilang pananampalataya nang dumanas sila ng pag-uusig dahil sa kanilang relihiyon. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang I Ni Pedro 1:13–17, na inaalam ang mga ipinayo ni Pedro para matulungan ang mga Banal na matapat na matiis ang kanilang mga pagsubok. Maaari mong pamarkahan sa mga estudyante ang nalaman nila.

  • Ano ang ipinayo ni Pedro na gawin ng mga Banal?

  • Paano nakatulong ang payo ni Pedro na matapat nilang mapagtiisan ang mga pagsubok?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Ni Pedro 1:18–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang karagdagang payo na ibinigay ni Pedro sa mga Banal para matulungan sila na buong katapatang matiis ang mga pagsubok sa halip na talikuran ang kanilang pananampalataya.

  • Anong mga katotohanan ang itinuro ni Pedro sa mga Banal sa mga talatang ito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang isa o dalawa sa mga sumusunod na katotohanan: Tayo ay natubos sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Jesucristo. Dahil si Jesus ay namuhay nang walang kasalanan, maiaalay Niya ang Kanyang sarili bilang perpektong handog para sa ating mga kasalanan. Si Jesucristo ay inorden noon pa man na maging Manunubos natin.)

  • Paano nakatulong sa mga Banal na buong katapatang matiis ang kanilang mga pagsubok ang pag-alaala sa mga katotohanang ito?

Para matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng mga katotohanan na natukoy nila sa I Ni Pedro 1, sabihin sa kanila na isipin ang pagkakataon na sila o ang isang kakilala nila ay piniling tiisin ang mga pagsubok nang may pananampalataya kay Jesucristo. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase.

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang gagawin nila para manatiling tapat kapag sinusubok ng matinding paghihirap.

Ibuod ang I Ni Pedro 1:22–25 na ipinapaliwanag na hinikayat ni Pedro ang mga Banal na mahalin ang isa’t isa at tandaan na sila ay isinilang na muli sa pamamagitan ng pagtanggap sa salita ng Diyos, na tumatagal magpakailanman.

I Ni Pedro 2:1–12

Binigyang-diin ni Pedro ang mga responsibilidad ng mga Banal

  • Sa paanong paraan naiiba ang mga miyembro ng Simbahan sa ibang tao?

  • Ano ang ilang hamon na kakaharapin natin dahil naiiba tayo?

Sabihin sa mga estudyante na tumukoy ng isang katotohanan sa pag-aaral nila ng I Ni Pedro 2 na magpapatindi ng hangarin nilang maiba mula sa sanglibutan bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon.

Ibuod ang I Ni Pedro 2:1–8 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pedro na ang mga Banal ay tulad ng mga batong buhay at si Jesucristo ay tulad ng batong panulok o pundasyon sa matatapat. Ngunit sa mga taong sumusuway, Siya ay “isang batong katitisuran at bato na pangbuwal” (talata 8), na ang ibig sabihin ay nagagalit sila sa Kanya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Ni Pedro 2:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ni Pedro ang matatapat na Banal.

  • Paano inilarawan ni Pedro ang matatapat na Banal?

Ituro na ang mga katagang bayang pagaaring sarili ng Dios sa talata 9 ay isinalin mula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay binili o inimbak at tumutugma sa salitang Hebreo sa Exodo 19:5 na nagsasaad na ang mga pinagtipanang tao ng Diyos ay isang espesyal na pag-aari o pinahahalagahang yaman sa Kanya.

  • Paano nakatulong sa mga Banal ang mga katagang ginamit ni Pedro sa mga talata 9–10 sa paglalarawan sa kanila upang magkaroon sila ng lakas ng loob sa gitna ng nararanasang pag-uusig?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Ni Pedro 2:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isinamo ni Pedro na gawin ng mga Banal bilang bayang pag-aari ng Diyos o natatanging mga tao ng Panginoon. Ipaliwanag na maaring tinawag ni Pedro ang mga Banal na mga “nangingibang bayan” at “nagsisipaglakbay” dahil namumuhay sila kasama ang mga taong iba ang kultura at relihiyon sa mga Banal o kaya’y malayo sa kanilang tahanan sa langit, at pansamantalang namumuhay bilang mga mortal.

  • Ayon sa talata 11, ano ang sinabi ni Pedro na dapat gawin ng mga Banal upang mahiwalay sa mundo?

  • Ayon sa talata 12, anong impluwensya ang sinabi ni Pedro na maibibigay ng mga Banal sa ibang tao bilang mga hinirang at natatanging tao ng Diyos?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula kay Pedro tungkol sa ipinapagawa ng Diyos sa Kanyang mga Banal? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Iniuutos ng Diyos sa Kanyang mga Banal na humiwalay at maiba sa mundo upang makita ng iba ang kanilang halimbawa at luwalhatiin Siya.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Sister Elaine S. Dalton, na naglingkod bilang pangkalahatang pangulo ng Young Women organization:

Elaine S. Dalton

“Kung nais ninyong gumawa ng kaibhan sa mundo, dapat kayong maiba sa mundo” (“Panahon na para Bumangon at Magliwanag!” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 124).

  • Paano nakaapekto nang mabuti o nakatulong sa iba na maakay sa Diyos ang pasiya ninyong humiwalay at maging iba sa mundo?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang mas mabuti nilang magagawa upang humiwalay at maiba sa mundo at maging isang halimbawa. Anyayahan silang sundin ang anumang impresyon na matanggap nila.

I Ni Pedro 2:13–25

Ipinayo ni Pedro sa mga Banal na tiisin ang paghihirap tulad ng ginawa ng Tagapagligtas

Ibuod ang I Ni Pedro 2:13–18 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pedro sa mga Banal na ipasakop ang kanilang sarili sa mga batas at sa mga opisyal ng gobyerno na namumuno sa kanila (pati na sa emperador ng Roma na nagbunsod na usigin sila; tingnan din sa D at T 58:21–22). Pinalakas niya ang loob ng mga taong dumaranas ng hirap bilang mga tagapaglingkod na batahin ang kanilang pagdurusa nang may pagtitiis at alalahanin na alam ng Diyos ang nangyayari sa kanila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Ni Pedro 2:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinayo ni Pedro tungkol sa kung ano ang dapat gawin ng mga Banal para matiis ang kanilang paghihirap.

  • Ano ang ipinayo ni Pedro na dapat gawin ng mga Banal para matiis ang kanilang paghihirap?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang I Ni Pedro 2:21–25, na inaalam ang inilahad ni Pedro tungkol sa kung paano hinarap ni Jesucristo ang pag-uusig.

  • Paano hinarap ni Cristo ang pag-uusig?

  • Ayon sa talata 21, ano ang isang dahilan kaya nagdusa ang Tagapagligtas para sa atin?

  • Anong katotohanan ang matutukoy natin sa mga talata 21–25 tungkol sa pagtitiis sa mga pagsubok? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Matutularan natin ang ginawang pagtitiis ng Tagapagligtas sa mga pagsubok.)

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas, at anyayahan ang mga estudyante na isipin kung ano ang mas magandang magagawa nila para matularan ang Kanyang halimbawa sa matiyagang pagtitiis sa mga pagsubok.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

I Ni Pedro 1:6–8. “Ang pagsubok sa inyong pananampalataya … ay masumpungan sa ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal”

Itinuro ni Elder Orson F. Whitney ng Korum ng Labindalawang Apostol ang maaaring mangyari mula sa mga pagsubok na dinaranas natin sa buhay na ito:

“Walang nasasayang sa dinaranas nating kapaitan o pagsubok. Nakatutulong ito sa ating edukasyon, sa pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng pagtitiyaga, pananampalataya, katatagan at pagpapakumbaba. Lahat ng ating dinaranas at lahat ng ating tinitiis, lalo na kapag buong pagtitiyaga natin itong tiniis, ay nagpapatatag sa ating pagkatao, nagpapadalisay sa ating mga puso, nagpapalawak sa ating kaluluwa, at ginagawa tayo nitong mas sensitibo at mapagkawanggawa, mas karapat-dapat tawaging mga anak ng Diyos … at sa pamamagitan ng kalungkutan at pighati, pagpapakahirap at pagdurusa natin nakakamit ang kaalaman na siyang layunin ng ating pagparito at gagawin tayo nitong higit na katulad ng ating Ama at Ina sa langit” (sa Spencer W. Kimball, Faith Precedes the Miracle [1972], 98.)

I Ni Pedro 2:18–25. Ipinakita ni Jesucristo kung paano tayo dapat magtiis ng pagdurusa

Itinuro ni Elder Alexander B. Morrison ng Pitumpu:

“Si Pedro, ang dakilang apostol, na nakaranas mismo ng kamatayan ng isang martir (tingnan sa Juan 21:18–19), ay kinilala na ang pagpapala ng langit ay kaakibat ng paghihirap para kay Cristo ngunit walang gaanong kaluwalhatian ang nadaragdag sa atin kung nagdurusa tayo [dahil] sa sarili nating mga kasalanan. Isinulat niya: ‘Ito’y kalugodlugod, kung dahil sa budhing ukol sa Dios ay magtiis ang sinoman ng mga kalumbayan, na magbata ng di matuwid. Sapagka’t anong kapurihan nga, kung kayo’y nangagkakasala, at kayo’y tinatampal ay inyong tanggapin na may pagtitiis? ngunit kung kayo’y gumagawa ng mabuti, at kayo’y nagbabata, ay inyong tanggapin ng may pagtitiis, ito’y kalugodlugod sa Dios.’ (I Ni Pedro 2:19–20.) Kapag tiniis natin ang paghihirap kahit hindi natin dapat danasin ito, nagkakaroon tayo ng mga katangiang katulad ng kay Cristo na ginagawang sakdal ang ating mga kaluluwa at mas inilalapit tayo sa Kanya” (Feed My Sheep: Leadership Ideas for Latter-day Shepherds [1992], 166).