Home-Study Lesson
II Mga Taga Corinto 8–Mga Taga Efeso 1 (Unit 24)
Pambungad
Hinikayat ni Pablo ang mga Banal sa Galacia na ipanumbalik ang kanilang pananampalataya kay Jesucisto at magtiwala na ang kaligtasan ay matatamo lamang sa pamamagitan Niya at hindi sa pagsunod sa batas ni Moises.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Taga Galacia 5
Hinikayat ni Pablo ang mga Banal sa Galacia na ipanumbalik ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo
Gumuhit ng larawan ng hilahang lubid o tug-of-war sa pisara.
-
Ano ang hilahang lubid o tug-of-war? Paano nananalo sa larong ito?
-
Sa paanong mga paraan katulad ng larong tug-of-war ang ating buhay?
Kung hindi pa nabanggit ng mga estudyante, ipaliwanag na ang isang aspeto ng ating mga buhay na katulad ng tug-of-war ay ang pakikipaglaban natin sa tukso. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila na malaman kung paano mapaglabanan ang tukso sa kanilang pag-aaral ng Mga Taga Galacia 5.
Paalalahanan ang mga estudyante na nailigaw ng ilang mga Judiong Kristiyano ang mga Banal sa Galacia sa pagtuturo sa kanila na kailangan nilang ipamuhay ang batas ni Moises at matuli para maligtas. Inilarawan ni Apostol Pablo ang mga maling turo na ito tungkol sa batas ni Moises bilang “pamatok ng pagkaalipin” (Mga Taga Galacia 5:1).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 5:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa na inaalam kung sino ang sinabi ni Pablo na nagpalaya mula sa pamatok na ito ng pagkaalipin.
-
Sino ang nagpalaya mula sa pamatok na ito ng pagkaalipin?
Ibuod ang Mga Taga Galacia 5:2–15 na ipinapaliwanag na pinagsabihan ni Pablo ang mga Banal sa Galacia dahil madali silang nailayo mula sa kalayaan ng ebanghelyo ni Jesucristo at bumalik sa pagkaalipin sa batas ni Moises. Pagkatapos ay nilinaw niya na kahit napalaya na ang mga tagasunod ni Cristo mula sa batas ni Moises, hindi ito nangangahulugan na may kalayaan silang magpakasasa sa kasalanan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 5:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang dalawang naglalabang puwersa na inilarawan ni Pablo.
-
Ano ang dalawang naglalabang puwersa na inilarawan ni Pablo?
Gumawa ng chart sa pisara sa pamamagitan ng pagguhit ng isang linyang patayo sa gitna ng drowing ng hilahang lubid o tug-of-war. Isulat ang Lumakad ayon sa Espiritu sa itaas ng isang panig ng hilahang lubid, at isulat ang Gawin ang pita ng laman sa kabilang panig.
-
Ano ang ibig sabihin ng “lumakad ayon sa Espiritu”? (Mga Taga Galacia 5:16). (Ang mamuhay nang marapat sa Espiritu Santo at sundin Siya.)
-
Ano naman ang tinutukoy ng “pita ng laman” (Mga Taga Galacia 5:16)? (Mga tukso para magkasala.)
-
Paano naituturing na naglalabang puwersa ang mga ito?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa Mga Taga Galacia 5:16 tungkol sa kung paano madadaig ang mga tukso ng laman? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita ngunit kailangang matukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag lumalakad tayo ayon sa Espiritu, napaglalabanan natin ang mga tukso ng laman. Isulat ang alituntuning ito sa pisara.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Melvin J. Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung anong tanong ang nais ni Elder Ballard na pag-isipan natin.
“Ang lahat ng gagawing mga pananalakay ng kalaban ng ating mga kaluluwa upang mabihag tayo ay sa pamamagitan ng laman. … Ang gagawin niyang paraan ay sa pamamagitan ng mga pita, gana at hilig, at pagnanasa ng laman. Ang lahat ng tulong na matatanggap natin mula sa Panginoon sa labanang ito ay darating sa atin sa pamamagitan ng espiritu na nananahan sa ating mga pisikal na katawan. Ang dalawang malalakas na puwersang ito ay nakaiimpluwensiya sa atin sa pamamagitan ng dalawang daanang ito.
“Ano ang lagay ng labanang ito sa iyong sarili? … Iyan ay isang napakahalagang katanungan. Ang pinakamalaking labanan na mararanasan ng sinumang lalaki o babae (hindi mahalaga sa akin kung gaano karami ang mga kalaban) ay ang pakikipaglaban sa sarili” (“Struggle for the Soul,” New Era, Mar. 1984, 35).
Itanong sa mga estudyante kung saan sila papanig sa tug-of-war na ito at aling puwersa ang nananalo sa kanilang buhay.
Hatiin ang klase sa dalawa o tatlong grupo. Sabihin sa kalahati ng klase na malakas at sabay-sabay na basahin ang Mga Taga Galacia 5:19–21, na inaalam ang resulta ng “[paggawa ng] pita ng laman.” Sabihin sa natitirang kalahati na basahin nang malakas at sabay-sabay ang Mga Taga Galacia 5:22–23, na inaalam ang resulta ng paglakad ayon sa Espiritu. Kapag tapos na silang magbasa, ipalista sa isang miyembro ng bawat grupo sa angkop na column sa pisara ang isa sa mga sagot na nahanap nila. Sabihin sa kanila na patuloy na ilista ang kanilang mga sagot hanggang sa makikita na sa chart ang mga nabanggit ni Pablo. Maaari kang magdala ng diksiyonaryo sa klase at ipahanap sa isang estudyante ang anumang salita na mahirap maunawaan.
-
Ayon sa Mga Taga Galacia 5:21, ano ang itinuro ni Pablo na mangyayari sa mga tao na nagpapadaig sa “mga gawa ng laman”? (Mga Taga Galacia 5:19).
-
Ayon sa Mga Taga Galacia 5:22–23, ano ang mga bunga, o resulta, na nagpapakita na ang isang tao ay lumalakad ayon sa Espiritu? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kababaang-loob, at kahinahunan. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.)
Ituro ang kalahati ng chart kung saan ang mga bunga ng Espiritu ay nakalista.
-
Bakit napakainam na matanggap ang mga pagpapalang ito?
Idrowing sa ilalim ng chart ang isang malaking arrow na nakaturo sa panig kung saan nakasulat ang mga pita ng laman. Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay hinahayaan natin ang ating mga sarili na mapunta sa mga pita ng laman sa simbolismo ng hilahang lubid o tug-of-war.
-
Ano ang nangyayari sa mga bunga ng Espiritu kung nagpapadaig tayo sa mga pita ng laman? (Nawawala sa atin ang mga bunga ng Espiritu.)
Burahin ang arrow at idrowing ang isa pang arrow na nakaturo sa mga bunga ng Espiritu. Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay pumupunta tayo ngayon sa panig na ito.
-
Ano ang nangyayari sa mga pita ng laman kapag lumalakad tayo ayon sa Espiritu? (Hindi na sila nagiging bahagi ng ating mga buhay.)
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang tungkol sa isang pangyayari na naramdaman o naranasan nila ang isa sa mga bunga ng Espiritu. Sabihin sa kanila na isama ang mga ginagawa nila upang makalakad ayon sa Espiritu sa pangyayaring iyon. Kapag natapos na sila, ipabahagi sa ilang estudyante ang isinulat nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 5:24–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinusubukang gawin ng mga disipulo ni Jesucristo sa mga pita ng laman.
-
Ano ang sinusubukang gawin ng mga disipulo ni Jesucristo sa mga pita ng laman? (Ipinapako ang mga ito sa krus, o inaalis ang mga ito sa kanilang buhay.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang gagawin nila upang mas lubusang lumakad nang naaayon sa Espiritu. Hikayatin sila na sundin ang mga pahiwatig na natatanggap nila upang mas matamasa nila ang mga bunga ng Espiritu.
Susunod na unit (Mga Taga Efeso 2–Mga Taga Filipos 4)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang tungkol sa mga nagbabagong pinahahalagahan, batas, at opinyon sa mundo. Paano natin malalaman kung ano ang tama at mali sa isang mundo kung saan ang mga ideya ay malimit na magbago? Pinayuhan ni Apostol Pablo ang mga Banal at tinulungan silang maunawaan kung ano ang ibinigay ng Panginoon upang masiguro na hindi tayo matatangay ng mga maling pilosopiya ng mundo. Ipaliwanag din na sa pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral sa mga isinulat ni Pablo sa susunod na linggo, malalaman nila ang mga kasagutan sa mga sumusunod na tanong: Paano dapat itrato ng mga anak ang kanilang mga magulang? Ano ang sinabi ni Pablo na “ipapatay ninyo sa lahat ng mga nangagniningas na suligi ng masama” (Mga Taga Efeso 6:16)?