Library
Lesson 145: I Ni Pedro 3–5


Lesson 145

I Ni Pedro 3–5

Pambungad

Hinikayat ni Pedro ang mga Banal na laging maging handa na magpatotoo tungkol kay Jesucristo at mamuhay nang matwid upang mapasinungalingan nila ang mga maling paratang sa kanila. Itinuro niya na ipinangaral ni Jesucristo ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu matapos Siyang pumanaw. Ipinayo rin ni Pedro sa matatanda o mga elder ng Simbahan na pangalagaan ang mga kawan ng Diyos tulad ng pangangalaga ni Jesucristo, ang Pangulong Pastol.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

I Ni Pedro 3:1–17

Ipinayo ni Pedro sa mga Banal na magkaisa sa kabutihan at laging maging handa na magpatotoo tungkol kay Cristo

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:

Pangulong Thomas S. Monson

“Magkakaroon tayo ng mga oportunidad sa buhay natin na ibahagi ang ating paniniwala, bagama’t hindi natin palaging malalaman kung kailan ito darating. Nagkaroon ako ng gayong oportunidad noong 1957, nang magtrabaho ako sa isang publishing business at pinapunta sa Dallas, Texas, na tinatawag minsan na ‘lungsod ng mga simbahan,’ upang magsalita sa isang miting ng mga negosyante. Pagkatapos ng miting, sumakay ako sa bus para maglibot sa mga bayan sa labas ng lungsod. Sa pagdaan namin sa iba’t ibang simbahan, sinasabi ng drayber namin, ‘Sa kaliwa ay makikita ninyo ang Methodist church,’ o ‘Doon sa kanan ang Catholic cathedral.’

“Nang mapadaan kami sa isang magandang gusali na yari sa pulang laryo na nakatayo sa isang burol, ang sabi ng drayber, ‘Sa gusaling iyan nagpupulong ang mga Mormon.’ Isang babae sa bandang likuran ng bus ang sumigaw, ‘Mamang drayber, maaari ba kayong magkuwento sa amin tungkol sa mga Mormon?’

“Inihinto ng drayber ang bus sa gilid ng kalsada, lumingon at sumagot ng, ‘Binibini, ang alam ko lang sa mga Mormon ay nagpupulong sila sa gusaling iyan. Mayroon ba sa inyo rito na nakakaalam tungkol sa mga Mormon?’” (“Tapang na Manindigang Mag-isa,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 67).

  • Kung nakasakay kayo sa bus na iyon, ano kaya ang gagawin ninyo?

  • Bakit mahirap kung minsan na sabihin sa ibang tao ang mga paniniwala natin?

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng I Ni Pedro 3:1–17 ang isang alituntunin na makatutulong sa kanila kapag nabigyan sila ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Ibuod ang I Ni Pedro 3:1–11 na ipinapaliwanag na hinimok ni Pedro ang mga babae na tumulong na mailapit ang kanilang mga walang pananalig na asawa sa pamamagitan ng kanilang mabuting pag-uugali. Pinayuhan niya ang mga lalaki na igalang ang kanilang mga asawa. Pinayuhan din niya ang mga miyembro na mamuhay ayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Ni Pedro 3:14–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pedro na gawin ng mga Banal kapag dumanas sila ng pag-uusig dahil sa pamumuhay nang matwid.

  • Ano ang ipinayo ni Pedro na gawin ng mga Banal kapag dumanas sila ng pag-uusig dahil sa pamumuhay nang matwid?

  • Ayon sa talata 15, ano ang sinabi ni Pedro na dapat laging handang gawin ng mga disipulo ni Jesucristo?

  • Anong mga aspeto ng ebanghelyo ang sa palagay mo ay nagbibigay ng pag-asa sa mga tao?

Ipaliwanag na ang salitang pagsagot sa talata 15 ay maaari ding isalin bilang “pagtatanggol.” Ipinayo ni Pedro sa mga Banal na ibahagi at ipagtanggol ang kanilang mga paniniwala sa relihiyon.

  • Anong mga kataga sa talata 15 ang naglalarawan ng dapat na paraan ng pagtatanggol natin sa ebanghelyo ni Jesucristo? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang takot ay pagpipitagan o pagkamangha sa kontekstong ito.)

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa I Ni Pedro 3:15 tungkol sa dapat nating pagsikapan na laging handang gawin bilang mga disipulo ni Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat nating pagsikapan na lagi tayong maging handa na ibahagi at ipagtanggol ang ating mga paniniwala nang may pagpapakumbaba at pagpipitagan. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang ibahagi ang ating mga paniniwala nang may pagpapakumbaba at pagpipitagan?

Para mailarawan ang katotohanan sa pisara, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang natitirang bahagi ng kuwento ni Pangulong Monson tungkol sa naranasan niya habang sakay ng bus:

Pangulong Thomas S. Monson

“Naghintay ako na may sumagot. Tiningnan ko ang ekspresyon sa mukha ng bawat pasahero kung mayroon mang gustong magsalita o magbigay ng puna. Wala. Natanto ko na nasasaakin na kung gagawin ko ang ipinayo ni Apostol Pedro na ‘lagi kayong maging handa sa pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo.’ Naunawaan ko rin ang katotohanan ng kawikaang ‘Kapag panahon na para magpasiya, ang pagpapasiya ay nagawa na.’

“Nang sumunod na 15 minuto o mahigit pa, nagkaroon ako ng pribilehiyo na ibahagi sa mga nakasakay sa bus ang aking patotoo hinggil sa Simbahan at sa ating paniniwala. Nagpapasalamat ako at nagkaroon ako ng patotoo at naging handang ibahagi ito” (“Tapang na Manindigang Mag-isa,” 67).

  • Ano ang ilang bagay na magagawa natin upang lagi tayong handa na ibahagi ang ating mga paniniwala?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pangyayari na nagpasalamat sila dahil handa silang ibahagi ang kanilang mga paniniwala o patotoo. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga karanasan.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang gagawin nila para laging maging handa na ibahagi at ipagtanggol ang kanilang mga paniniwala. Hikayatin sila na kumilos ayon sa anumang inspirasyon na matatanggap nila.

I Ni Pedro 3:18–4:19

Ipinangaral ni Jesucristo ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu matapos Siyang pumanaw

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay mga missionary sila na nagtuturo sa isang tao na nagsasabi ng sumusunod:

“Naniniwala ako na totoo ang itinuturo ninyo sa akin, pero iniisip ko kung ano kaya ang mangyayari sa mga taong namatay nang hindi nagkaroon ng pagkakataong marinig ang katotohanan. Hindi makatarungan na parusahan o hadlangan sila ng Diyos na makasama Siyang muli kung hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na malaman ang Kanyang plano ng kaligtasan.”

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang isasagot nila.

Sabihin sa kalahati ng klase na basahin nang tahimik ang I Ni Pedro 3:18–20, pati na ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng I Ni Pedro 3:20 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Sabihin sa natitirang kalahati ng klase na basahin nang tahimik ang I Ni Pedro 4:5–6, pati na ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng I Ni Pedro 4:6 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanang itinuro ni Pedro na maaari nilang ibahagi sa taong tinuturuan sa sitwasyon. Ipaliwanag na ang mga katagang “mga espiritung nasa bilangguan” sa I Ni Pedro 3:19 ay tumutukoy sa yaong mga nasa daigdig ng mga espiritu na hindi tinanggap ang ebanghelyo o hindi nagkaroon ng pagkakataong marinig ito habang nasa mundo.

Pagkatapos ng sapat na oras, itanong:

  • Ano ang nalaman natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga nasa daigidg ng mga espiritu na hindi tinanggap ang ebanghelyo o hindi nagkaroon ng pagkakataong matanggap ito sa buhay na ito?

Pangulong Joseph F. Smith

Magdispley ng larawan ni Pangulong Joseph F. Smith (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 127; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na pinagninilayan ni Pangulong Joseph F. Smith ang kahulugan ng I Ni Pedro 3:18–20 at I Ni Pedro 4:6 nang matanggap niya ang isang paghahayag at pangitain tungkol sa pagpunta ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu. Nakita niya si Jesucristo, sa pagitan ng panahon ng Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, na itinuturo ang ebanghelyo at personal na nagmiministeryo sa mabubuting espiritu. Pagkatapos ay bumuo si Jesucristo ng pangkat ng mabubuting tagapaglingkod at binigyan sila ng karapatan na ituro ang ebanghelyo sa mga espiritu na nasa bilangguan ng mga espiritu (tingnan sa D at T 138:1–11, 29–30).

  • Ayon sa I Ni Pedro 4:6, bakit ipinangangaral ang ebanghelyo sa mga patay? (Upang isakatuparan ang matwid at patas na paghatol sa pamamagitan ng pagbibigay sa lahat ng anak ng Ama sa Langit ng pagkakataong marinig ang mga batas ng Diyos at mamuhay ayon sa mga batas ng Diyos.)

  • Anong katotohanan ang malalaman natin mula sa mga itinuro ni Pedro tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga patay? (Maaaring gumamit ng sarili nilang mga salita ang mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang ebanghelyo ay ipinangangaral sa mga patay upang magkaroon din sila ng mga pagkakataon tulad ng mga yaong nalaman ang ebanghelyo sa buhay na ito.)

Balikan sandali ang sitwasyon na inilahad sa simula ng scripture block na ito at itanong:

  • Paano ipinapakita ng doktrina ng kaligtasan para sa mga patay ang awa at habag ng Diyos para sa Kanyang mga anak?

Ibuod ang I Ni Pedro 4:7–19 na ipinapaliwanag na pinayuhan ni Pedro ang mga Banal na magkaroon ng maningas na pag-ibig sa kapwa-tao sapagkat ang pag-ibig ay nag-aadya, o naglalayo, sa maraming kasalanan (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng I Ni Pedro 4:8 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.). Itinuro rin ni Pedro sa mga Banal na magalak kapag sila ay dumaranas ng mga pagsubok at panlalait dahil sa paniniwala nila kay Jesucristo.

I Ni Pedro 5

Ipinayo rin ni Pedro sa mga elder na pangalagaan ang kawan ng Diyos at hinikayat ang mga Banal na manatiling matatag sa pananampalataya

Ipaliwanag na upang matulungan ang mga Banal sa mga pagsubok na nararanasan nila, itinuro ni Pedro sa mga elder ng Simbahan ang kanilang mga responsibilidad bilang mga lider ng Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Ni Pedro 5:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinayo ni Pedro sa mga elder ng Simbahan.

  • Ano ang ipinayo ni Pedro sa mga elder ng Simbahan?

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “pangalagaan ninyo ang kawan ng Dios” (talata 2) ay pangalagaan at bantayan ang mga miyembro ng Simbahan. Ang mga lider ng Simbahan ay dapat kusa at buong pagmamahal na maglingkod sa halip na gawin ito nang labag sa kalooban o may hinihintay na kapalit. Sila ay dapat maging ulirang halimbawa sa mga miyembro sa halip na maging mga “panginoon” (talata 3 ) sa kanila.

  • Mula sa payo ni Pedro sa mga elder ng Simbahan, anong katotohanan ang malalaman natin tungkol sa responsibilidad ng mga lider ng Simbahan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang mga lider ng Simbahan ay may responsibilidad na pangalagaan at bantayan ang kawan ng Diyos nang may pagmamahal at sa pamamagitan ng halimbawa. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang I Ni Pedro 5:4, na inaalam ang itinawag ni Pedro sa Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Kalong ni Jesus ang Isang Korderong Naligaw

Ipakita ang larawang Kalong ni Jesus ang Isang Korderong Naligaw (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 64; tingnan din sa LDS.org), at itanong:

  • Sa inyong palagay, bakit laging inilalarawan ang Tagapagligtas bilang pastol?

  • Anong mga katangian ni Cristo ang makatutulong sa mga lider ng Simbahan sa pagbabantay at pangangalaga sa mga miyembro ng Simbahan?

  • Paano kayo napagpala ng isang lider ng Simbahan na nagmamahal at naglilingkod na tulad ni Cristo?

Ibuod ang I Pedro 5:7–14 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pedro sa mga Banal na ilagak o ipaubaya ang kanilang kabalisahan (na ibig sabihin ay mga alalahanin) sa Tagapagligtas na si Jesucristo at manatiling matatag sa kanilang pananampalataya, sa kabila ng mga paghihirap. Tiniyak sa kanila ni Pedro na kung gagawin nila ito, sila ay gagawing sakdal at palalakasin ng Diyos.

Tapusin ang lesson na hinihikayat ang mga estudyante na magtiwala at sundin ang mga taong tinawag ng Panginoon na tumulong sa espirituwal na pagpapakain at pangangalaga sa kanila.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—I Ni Pedro 4:6

Para mahikayat ang mga estudyante na makibahagi sa gawain ng kaligtasan para sa kanilang mga ninuno, rebyuhin sa kanila ang I Pedro 4:6, at pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang maaari nating gawin para tulungan ang ating mga ninuno na tinanggap ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu at naghihintay na mapalaya sa bilangguan ng mga espiritu?

  • Paano ninyo nararamdaman na pinagpala kayo sa paggawa ng family history at temple work para sa inyong mga ninuno?

Sabihin sa mga estudyante na humanap ng mga pagkakataong magsaliksik ng family history ng kanilang mga ninuno at makibahagi sa mga ordenansa sa templo para sa mga ninunong iyon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

I Ni Pedro 4:6. “Dahil dito’y ipinangaral maging sa mga patay ang evangelio”

Itinuro ni Propetang Joseph Fielding Smith ang sumusunod tungkol sa gawain ng kaligtasan para sa mga patay:

“Ang mga hindi nagkaroon ng pagkakataon dito na matanggap iyon, na nagsisi at tinanggap ang ebanghelyo roon, ay magiging tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos. Sinimulan ng Tagapagligtas ang dakilang gawaing ito nang Siya ay magtungo at mangaral sa mga espiritung nasa bilangguan, upang sila ay mahatulan ayon sa tao sa laman (o sa madaling salita, ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo) at sa gayon ay mamuhay ayon sa Diyos sa espiritu, sa pamamagitan ng kanilang pagsisisi at pagtanggap sa misyon ni Jesucristo na namatay para sa kanila” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:132–33).

Hinggil sa pangangaral ng ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu, itinuro ni Pangulong Lorenzo Snow:

“Nang ipangaral ang Ebanghelyo sa mga espiritung nasa bilangguan, ang ibinubungang tagumpay ng pangangaral na iyon ay higit na malaki kaysa sa ibinubunga ng pangangaral ng ating mga Elder sa buhay na ito. Naniniwala ako na kakaunti lamang ang hindi masayang tatanggap sa Ebanghelyo kapag ito ay ipinangaral sa kanila. Ang mga kalagayan doon ay higit na higit ang kainaman kaysa rito” (“Discourse by President Lorenzo Snow,” Millennial Star, Ene. 22, 1894, 50)