Lesson 22
Mateo 19–20
Pambungad
Itinuro ni Jesucristo ang kasagraduhan ng kasal. Binigyang-diin Niya ang kahalagahan ng pagpili ng buhay na walang hanggan kaysa sa mga yaman ng mundo at itinuro ang talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan. Sinabi rin ni Jesus ang nalalapit Niyang kamatayan at itinuro sa Kanyang mga disipulo na paglingkuran ang iba.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 19:1–12
Itinuro ng Tagapagligtas ang kasagraduhan ng kasal
Magdispley ng larawan ng masayang mag-asawa na nabuklod sa templo. Ipaliwanag na ang doktrina ng Panginoon hinggil sa kasal at diborsyo ay kaiba sa karaniwang pinaniniwalaan ng mundo.
-
Ano ang ilang paniniwala ng mundo tungkol sa kasal at diborsyo? (Paalala: Iwasang mag-ukol ng maraming oras sa mga kaugnay na paksang tulad ng kasal ng magkapareho ng kasarian, na maaaring umagaw ng oras na inilaan para sa iba pang mahahalagang alituntunin sa lesson ngayon.)
Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mateo 19:1–12 ang mga itinuro ng Panginoon tungkol sa kasal at diborsyo at isipin ang kahalagahan ng mga turong ito sa kanila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 19:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga itinanong ng mga Fariseo kay Jesus. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipaliwanag na ang mga katagang “na ihiwalay ng isang lalake ang kaniyang asawa sa bawa’t kadahilanan” (Mateo 19:3) ay tumutukoy sa isang lalaking hinihiwalayan ang asawa sa anumang dahilan, kahit sa walang kuwentang bagay o pansarili lamang.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 19:4–6, at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa kasal at diborsyo.
-
Anong mga katotohanan tungkol sa kasal ang matututuhan natin mula sa isinagot ng Tagapagligtas sa mga Fariseo? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang katotohanan, ngunit tiyaking mabigyang-diin na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay sagradong ugnayan at itinatag ng Diyos.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 19:7, at sabihin sa klase na alamin ang isa pang itinanong ng mga Fariseo sa Tagapagligtas.
-
Ano ang itinanong ng mga Fariseo sa Tagapagligtas?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 19:8–9, at sabihin sa klase na alamin ang isinagot ng Tagapagligtas.
-
Ayon sa Tagapagligtas, bakit pinahintulutan ni Moises ang diborsyo sa mga Israelita? (Dahil sa katigasan ng puso ng mga tao.)
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano nauugnay ang mga turong ito sa ating panahon, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang uri ng kasal na kailangan para sa kadakilaan—na nagtatagal sa kawalang-hanggan at makadiyos—ay hindi nag-iisip ng diborsyo. Sa mga templo ng Panginoon, ang mga magkasintahan ay ikinakasal para sa kawalang-hanggan. Ngunit hindi nararating ng ilang mag-asawa ang mithiing iyon. Dahil ‘sa katigasan ng [ating] mga puso’ [Mateo 19:8], hindi ipinatutupad ngayon ng Panginoon ang mga bunga ng paglabag sa selestiyal na pamantayan. Pinapayagan Niyang mag-asawang muli ang mga taong nakipagdiborsyo at hindi sila nagkasala sa tinukoy sa mas mataas na batas sa paggawa nito” (“Diborsyo,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 70).
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo na nilayon at itinatag ng Diyos ang kasal bilang isang sagradong ugnayan sa pagitan ng lalaki at babae.
Mateo 19:13–30; 20:1–16
Nagturo si Jesus tungkol sa buhay na walang hanggan at ibinigay ang talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan
Papuntahin ang isang estudyante sa harapan ng klase. Sabihin sa estudyante na kung makakapag-push-up siya nang 10 beses, tatanggap siya ng gantimpalala (tulad ng 10 piraso ng kendi). Matapos siyang makapag–push-up nang 10 beses, ibigay sa kanya ang gantimpala, at pagkatapos ay mag-anyaya ng isa pang volunteer. Sabihin sa pangalawang estudyante na mag-push-up nang isang beses, at pagkatapos ay itanong sa klase kung ano sa palagay nila ang dapat tanggaping gantimpala ng estudyanteng ito at bakit. Sabihin sa dalawang estudyante na bumalik na sa kanilang mga upuan. Ipaalam sa klase na maya-maya ay tatanggapin ng pangalawang estudyante ang kanyang gantimpala batay sa matututuhan ng klase sa mga banal na kasulatan.
Ibuod ang Mateo 19:13–27 na ipinapaliwanag na hinikayat ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na maghangad ng buhay na walang hanggan sa halip na yaman ng mundo. Tinanong ni Pedro kung ano ang tatanggapin ng mga disipulo dahil iniwan nila ang kanilang ari-arian para masunod ang Tagapagligtas. (Paalala: Ang mga pangyayaring tinalakay sa mga talatang ito ay ituturo nang detalyado sa Marcos 10.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 19:28–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas kay Pedro.
-
Ayon sa talata 29, ano ang mamanahin ng bawat tao na handang iwanan ang lahat para masunod ang Tagapagligtas?
Ipaliwanag na kasunod niyon ay itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo ang isang talinghaga na makatutulong sa kanila na maunawaan ang hangarin ng Ama sa Langit na mabigyan ang lahat ng Kanyang mga anak ng pagkakataong matanggap ang buhay na walang hanggan. Sa talinghagang ito, isang lalaki ang umupa ng mga manggagawa na magtatrabaho sa kanyang ubasan sa iba’t ibang oras sa buong maghapon. Ang karaniwang araw ng pagtatrabaho sa panahon ng Bagong Tipan ay mga alas-6 n.u. hanggang alas-6 n.h., na nababago lang nang kaunti sa iba’t ibang panahon ng taon.
Isulat sa pisara ang sumusunod na chart o ibigay ito sa mga estudyante bilang handout.
Mga Manggagawa (Simula ng Oras ng Trabaho) |
Ang Pinagkasunduang Suweldo |
Bilang ng Oras na Nagtrabaho |
Halagang Ibinayad |
---|---|---|---|
Sa umaga (alas-6 n.u.) | |||
Ika-3 oras (alas-9 n.u.) | |||
Ika-6 na oras (alas-12 n.h.) | |||
Ika-9 na oras (alas-3 n.h.) | |||
Ika-11 oras (alas-5 n.h.) |
Sabihin sa mga estudyante na maggrupu-grupo. Ipabasa sa grupo nila ang Mateo 20:1–7, na inaalam kung gaano katagal nagtrabaho ang bawat grupo ng manggagawa at ang sweldong napagkasunduan nila. (Ang “isang denario” ay barya ng mga Romano na halos katumbas ng isang araw na sweldo ng mangagawa.)
Pagkaraan ng sapat na oras, papuntahin sa pisara ang ilang estudyante at pasagutan sa kanila ang unang dalawang column ng chart (o sabihin sa kanila na ilagay ang mga sagot sa mga kopyang ibinigay mo sa kanila).
-
Sino sa palagay ninyo ang dapat tumanggap ng pinakamalaking bayad?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 20:8–10, at sabihin sa klase na alamin ang bayad na tinanggap ng bawat grupo ng manggagawa.
-
Magkano ang tinanggap na bayad ng bawat grupo ng mga manggagawa? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang 1 denario sa bawat isa sa mga kahon sa column na may nakasulat na “Halagang Ibinayad.”)
-
Kung isa kayo sa mga manggagawa na nagtrabaho maghapon, ano kaya ang maiisip o mararamdaman ninyo kapag pareho lang kayo ng natanggap na bayad ng taong nagtrabaho nang isang oras lang?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 20:11–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ng mga taong nagtrabaho nang maghapon sa panginoon ng ubasan at kung ano ang isinagot nito sa kanila.
-
Ano ang reklamo ng mga nagtrabaho nang maghapon?
-
Ano ang isinagot ng panginoon ng ubasan?
-
Paano naging makatarungan (o patas) ang panginoon ng ubasan sa mga nagtrabaho nang maghapon?
Para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanan sa talinghagang ito, ipaliwanag na ang sweldo na isang denario ay maaaring sumagisag sa buhay na walang hanggan, tulad ng nakasaad sa Mateo 19:29. Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Ang Diyos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng tao na …
-
Kung ang gantimpala sa talinghagang ito ay sumasagisag sa buhay na walang hanggan, ano ang maaaring isagisag ng pagtatrabaho? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking nabigyang-diin na ang pagtatrabaho sa talinghagang ito ay maaaring sumagisag sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa Diyos. Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin sa pisara ang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang Diyos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng tao na pinipiling gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Kanya.)
Ipaliwanag na ang katotohanang ito ay tumutulong sa atin na maunawaan ang awa ng Ama sa Langit sa mga taong hindi kaagad nakagawa o nakatupad ng mga tipan at sa mga hindi nagkaroon ng pagkakataong gawin ito noong sila ay nabubuhay pa (tingnan sa D at T 137:7–8).
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalagang malaman na ang ang Diyos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng tao na pinipiling gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Kanya, kailan man ito naganap?
Ipaalala sa mga estudyante ang pangalawang estudyante na isang beses lang nagpush-up, at itanong:
-
Sa palagay ninyo, ano ang dapat matanggap ng estudyanteng ito sa pag-push-up nang isang beses? (Bigyan ang estudyante ng gantimpala na kapareho ng ibinigay mo sa estudyante na nag-push-up nang 10 beses.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 20:15–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano sinagot ng panginoon ng ubasan ang mga taong nagreklamo dahil sa kabaitan niya sa ibang mga manggagawa.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng panginoon ng ubasan nang itanong niya, “Masama ang mata mo, sapagka’t ako’y mabuti?” (talata 15).
Ipaliwanag na ginamitan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tanong na ito ng ibang mga salita na gaya ng sumusunod: “Bakit ka maiinggit kung piliin kong maging mabait?” (“Mga Manggagawa sa Ubasan,” Ensign o Liahona, May 2012, 31).
-
Ano ang ibig sabihin ng “marami ang tinawag, subalit iilan ang napili”? (Ang ibig sabihin ng tinawag ay ang maanyayahang makibahagi sa gawain ng Ama sa Langit. Ang ibig sabihin ng napili ay ang makatanggap ng Kanyang mga pagpapala—pati na ang pagpapala na buhay na walang hanggan.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 16? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang alituntuning katulad ng sumusunod: Kung pipiliin nating mainggit sa mga pagpapala ng Ama sa Langit sa iba, maaaring mawala sa atin ang mga pagpapalang nais Niyang ibigay sa atin.)
Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland, at sabihin sa mga estudyante kung paano sila maaaring matuksong mainggit sa mga pagpapalang ibinibigay ng Ama sa Langit sa iba:
“May mga pagkakataon sa buhay natin na ibang tao ang nagtatamo ng di-inaasahang pagpapala o tumatanggap ng espesyal na pagkilala. Maaari ba akong magsumamo sa inyo na huwag kayong maghinanakit—at huwag mainggit—kapag sinusuwerte ang iba? Walang nababawas sa atin kapag may nadaragdag sa iba. Hindi tayo nagpapaligsahan para makita kung sino ang pinakamayaman o pinakamatalino o pinakamaganda o pinakamapalad. Ang paligsahang talagang pinasukan natin ay ang paligsahan laban sa kasalanan. …
“… Ang pag-iimbot, pagmamalaki, o paninira ay hindi nag-aangat sa katayuan mo, ni hindi nagpapaganda ng reputasyon mo ang paghamak mo sa iba. Kaya maging mabait, at magpasalamat na mabait ang Diyos. Paraan iyan para mabuhay nang masaya” (“Mga Manggagawa sa Ubasan,” 31, 32).
Magpatotoo sa mga katotohanang natukoy ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan.
Isulat ang sumusunod na pahayag sa pisara. Bigyan ng oras ang mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag sa kanilang notebook o scripture study journal: Batay sa natutuhan ko mula sa talinghagang ito, ako ay …
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila kung komportable silang gawin ito.
Mateo 20:17–34
Sinabi ni Jesus ang nalalapit Niyang kamatayan at itinuro sa Kanyang mga disipulo na paglingkuran ang iba
Ibuod ang Mateo 20:17–34 na ipinapaliliwanag na sinabi ng Tagapagligtas na Siya ay ipagkakanulo at hahatulan ng kamatayan sa pagbalik Niya sa Jerusalem. Itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo na sa halip na maghangad ng posisyon at awtoridad, dapat nilang tularan ang Kanyang halimbawa at paglingkuran ang iba.