Lesson 14
Mateo 11–12
Pambungad
Pinatotohanan ni Jesucristo na ipinadala si Juan Bautista upang ihanda ang daan sa pagdating Niya, at nangako Siya ng kapahingahan sa lahat ng lalapit sa Kanya. Tinugon ni Jesus ang mga paratang ng mga Fariseo na ang Kanyang kapangyarihan ay nagmula sa diyablo. Binalaan Niya sila laban sa pagpaparatang at paghahanap ng mga tanda, at itinuro ang talinghaga ng bahay na walang laman.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 11
Pinatotohanan ni Jesucristo na ipinadala si Juan Bautista upang ihanda ang daan sa pagdating Niya
Magpakita sa mga estudyante ng isang larawan ng pulis, doktor, at ni Jesucristo.
-
Bakit mahalagang malaman na ang nakikita natin sa mga taong ito ay kung sino sila talaga? Paano ninyo malalaman na ang nakikita sa mga taong ito ay kung sino talaga sila?
Ipaliwanag na sa panahon ng mortal na ministeryo ni Jesucristo, maraming tao ang gustong malaman kung ang nakikita ba nila kay Jesus ay kung Siya nga bang talaga. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Mateo 11 na makatutulong sa kanila na magkaroon ng sariling patotoo tungkol sa kung sino si Jesucristo.
Ipaliwanag na dinakip at ikinulong ni Haring Herodes si Juan Bautista. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 11:2–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang iniutos ni Juan sa kanyang mga alagad na itanong kay Jesus.
-
Ano ang iniutos ni Juan sa kanyang mga alagad na itanong kay Jesus?
Ipaliwanag na sa tanong na ito sa talata 3, itinatanong ng mga alagad ni Juan kay Jesus kung Siya ba ang Mesiyas. Ipaalala sa mga estudyante na alam na ni Juan Bautista na si Jesus ang Mesiyas (tingnan sa Mateo 3:11, 13–14; Juan 1:29–34).
-
Sa inyong palagay, bakit ipinadala ni Juan Bautista ang kanyang mga alagad para malaman kung si Jesus ang Mesiyas samantalang kilala na ni Juan kung sino si Jesus? (Gusto niyang magkaroon ng sariling patotoo kay Jesucristo ang kanyang mga alagad.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 11:4–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano sinagot ni Jesus ang kanilang mga tanong.
-
Sa halip na patunayan lang na Siya ang Mesiyas, ano ang ipinagawa ni Jesus sa mga alagad ni Juan Bautista?
Maaari mong ipaliwanag na puwede namang sabihin kaagad ni Jesus sa mga alagad ni Juan na Siya ang Mesiyas. Sa halip, inanyayahan Niya silang “[manga]rinig at [manga]kita” (talata 4), o pag-isipang mabuti, ang Kanyang mga gawa at pagkatapos ay bumalik kay Juan Bautista at patotohanan ang mga bagay na kanilang narinig at nakita na ginawa ni Jesus.
-
Paano kaya nakatulong ang sagot ni Jesus para mas makatanggap ng mas malakas na patotoo sa Tagapagligtas ang mga alagad ni Juan kaysa kung sinabi lamang Niya sa kanila kung sino Siya?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talang ito tungkol sa dapat nating gawin para mapalakas ang ating patotoo sa Tagapagligtas? (Iba-iba man ang kanilang maging mga sagot, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Kapag hinangad nating malaman ang tungkol kay Jesucristo at kapag nagpapatotoo tayo tungkol sa Kanya, mapalalakas ang ating sariling patotoo.)
Sabihin sa mga estudyante na isulat kung paano nila nalaman sa kanilang sarili na si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila.
Ibuod ang Mateo 11:7–27 na ipinapaliwanag na pagkaalis ng dalawang alagad, sinabi ni Jesus sa maraming tao na si Juan Bautista ang propetang pinili upang ihanda ang daan para sa Mesiyas. Kinondena ni Jesus ang mga taong hindi tumanggap kay Juan Bautista gayundin ang mga taong malinaw na nasaksihan ang pagkadiyos ng Panginoon ngunit hindi Siya tinanggap. (Paalala: Ang mga turo ni Jesus tungkol kay Juan Bautista sa mga talatang ito ay tatalakayin nang mas detalyado sa lesson tungkol sa Lucas 7:18–35).
Pagkatapos ay nangako si Jesus sa lahat ng mga tumatanggap sa Kanya bilang Mesiyas. Para matulungan ang mga estudyante sa pagrebyu ng Mateo 11:28–30, na itinuro mo sa lesson 1, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nais ng Panginoon na gawin natin.
-
Ano ang nais ng Panginoon na gawin natin? Ano ang ipinangako Niya sa atin kapag ginawa natin ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kapag lumapit tayo sa Tagapagligtas, pagagaanin Niya ang ating mga pasanin at bibigyan tayo ng kapahingahan.)
-
Paano makatutulong sa inyo ang pag-aaral at pagsasaulo ng mga katotohanan sa scripture mastery sa taong ito?
Mateo 12:1–42
Pinagsabihan ni Jesucristo ang mga Fariseo sa kanilang mga maling paratang at paghahanap ng mga tanda
(Paalala: Ang mga pangyayari sa Mateo 12:1–21 ay ituturo nang mas detalyado sa Marcos 2–3.)
Ibuod ang Mateo 12:1–30 na ipinapaliwanag na matapos magpagaling si Jesus ng isang lalaki sa araw ng Sabbath, hinangad ng ilang Fariseo na gawan Siya ng masama. Nang pinagaling Niya ang isang taong sinapian ng demonyo, tinangka nilang siraan Siya sa harap ng mga tao nang paratangan nila Siya na ginagawa Niya ang mga bagay na iyon sa kapangyarihan ng demonyo. Alam ni Jesus ang kanilang mga iniisip at ipinahayag na kabaligtaran ang sinabi nila, dahil sa pagpapalabas ng mga demonyo ipinapakita Niya na Siya ang Mesiyas at nagtatatag ng kaharian ng Diyos. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mateo 12:30, na inaalam ang itinuro ni Jesus tungkol sa mga ayaw sumama sa Kanya. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ayon sa talata 30, ano ang dapat nating gawin kung gusto nating maging bahagi ng kaharian ng Diyos? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tiyakin na mabigyang-diin ang katotohanang ito: Kung gusto nating maging bahagi ng kaharian ng Diyos, dapat maging lubos ang katapatan natin kay Jesucristo.)
-
Ano ang ilang paraan na maipapakita natin ang ating lubos na katapatan kay Jesucristo?
Ibuod ang Mateo 12:31–42 na ipinapaliwanag na ipinahayag muli ni Jesucristo na ang Kanyang mabubuting gawa ay katibayan na Siya ay sa Diyos at hindi sa demonyo. Nagbabala rin siya sa mga Fariseo na pananagutan nila sa Diyos ang kanilang mga pagpaparatang. Humingi ng isang tanda ang ilan sa mga eskriba at mga Fariseo, at sila ay pinagsabihan ni Jesus sa paghingi ng tanda at hindi pagkakita na Siya ay mas dakila kaysa sinumang naging propeta o hari sa Israel
Mateo 12:43–50
Itinuro ni Jesus ang talinghaga ng bahay na walang laman at na ang mga taong gumagawa ng kagustuhan ng Kanyang Ama ay magiging kabilang sa Kanyang pamilya
Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na isa sa kanilang mga kaibigan ay humingi ng payo kung paano iiwasan ang dating kasalanang sinisikap niyang talikuran.
-
Ano ang ipapayo ninyo sa inyong kaibigan para mapaglabanan niya ang tukso?
Ipaliwanag na ang Mateo 12:43–45 ay naglalaman ng isang talinghaga tungkol sa isang karumal-dumal na espiritu na pinaalis mula sa isang tao. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng alituntunin sa talinghagang ito na makatutulong sa kanilang kaibigan na madaig ang tukso. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 12:43–44, at ipahanap sa klase ang ginawa ng karumal-dumal na espiritu matapos mapaalis sa lalaki.
-
Ano ang ginawa ng karumal-dumal na espiritu nang walang ibang lugar na mapahingahan saan man?
-
Anong mga salita ang naglalarawan sa kalagayan ng “bahay,” o ng tao, nang bumalik ang karumal-dumal na espiritu?
Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Mateo 12:45, at ipahanap sa klase ang ginawa ng karumal-dumal na espiritu matapos madatnan ang “bahay,” o ang tao, na walang laman. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Matapos niyang paalisin ang demonyo, ano ang hindi nagawa ng lalaki kaya nakabalik ang karumal-dumal na espiritu? (Hindi niya pinalitan ng mabubuting kaisipan, damdamin, mga salita, at kilos ang kasamaan.)
-
Paano nailalarawan ng talinghagang ito ang isang tao na nagsisisi ng kasalanan at nagsisikap na labanan ang tukso?
Matapos sumagot ang mga estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball:
“Sa pagtalikod sa kasalanan hindi maaaring magnais lamang ang isang tao ng mas mabubuting kalagayan. Dapat niyang gawin ang mga ito. …
“… Ang mga bagay na pinili niyang gawin at kahumalingan at palaging isipin ay wala na, ngunit wala pang ipinapalit na mas mabubuting bagay. Ito ang sasamantalahin ni Satanas” (The Miracle of Forgiveness [1969], 171–72; idinagdag ang pagbibigay-diin).
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talinghagang ito na makatutulong sa ating malaman kung paano itataboy ang masasamang impluwensya matapos nating alisin iyon sa ating buhay? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Maitataboy natin ang masasamang impluwensya matapos alisin ang mga ito sa ating buhay kapag pinapalitan natin ang mga ito ng kabutihan.)
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag. Sabihin sa klase na pakinggan kung bakit hindi sapat na alisin lamang ang kasalanan sa ating mga buhay.
“Hindi sapat na basta sikaping daigin ang kasamaan o huwag magkasala. Dapat ninyong puspusin ng kabutihan ang inyong buhay at makibahagi sa mga gawaing nagdadala ng espirituwal na kapangyarihan. …
“Ang lubusang pagsunod ay naghahatid ng ganap na kapangyarihan ng ebanghelyo sa inyong buhay, pati na ibayong lakas na madaig ang inyong mga kahinaan. Kabilang sa pagsunod na ito ang mga gawaing maaaring sa simula ay hindi ninyo ituring na bahagi ng pagsisisi, tulad ng pagdalo sa mga miting, pagbabayad ng ikapu, paglilingkod, at pagpapatawad sa iba” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 157).
-
Sa ating pagsisisi, ano ang ilang bagay na magagawa natin upang punuin ang ating buhay ng kabutihan nang sa gayon ay hindi na tayo magkasalang muli? (Maaari mong sabihan ang isang estudyante na isulat sa pisara ang mga sagot.)
-
Paano nagpapalakas ng ating espirituwalidad at kakayahang labanan ang masasamang impluwensya ang paggawa ng mga bagay na ito?
Magpatotoo na kapag pinuno natin ng kabutihan ang ating buhay ay mas magkakaroon tayo ng lakas na itaboy ang kasamaan. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nila mapupuno ang kanilang buhay ng higit na kabutihan at susundin ang inspirasyong natanggap nila habang nag-iisip na mabuti.
Ibuod ang nalalabing bahagi ng Mateo 12 na ipinapaliwanag na habang nagtuturo si Jesus, may nagsabi sa Kanya na may ilang miyembro ng Kanyang pamilya ang gustong kumausap sa Kanya. Pagkatapos ay itinuro ng Panginoon na lahat ng susunod sa kalooban ng Ama ay kabilang sa Kanyang pamilya.
Scripture Mastery—Mateo 11:28–30
Para matulungang maisaulo ng mga estudyante ang Mateo 11:28–30, sabihin sa klase na mag-isip ng mga aksyong maaaring maglarawan sa mga salita o mga kataga sa bawat talata at pagkatapos ay bigkasin ang talata nang may aksyon. Sabihin sa mga estudyante na praktisin ang pagbigkas nito sa simula ng klase nang ilang araw hanggang sa maisaulo nila ito.