Lesson 30
Mateo 26:1–30
Pambungad
Dalawang araw bago ang Paskua, nakipagsabwatan si Judas sa mga pinunong Judio na gustong patayin si Jesus. Noong gabi ng Paskua, pinasimulan ni Jesus ang sakramento.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 26:1–16
Nakipagsabwatan si Judas sa mga pinunong Judio na gustong patayin si Jesus
Bago magsimula ang klase, maghanda ng isang mesa na may tablecloth at maglagay dito ng ilang piraso ng manipis na tinapay (o biskwit) at isang tasa. Pagkatapos ng debosyonal, ipaliwanag na noong panahon ni Cristo, ang mga bagay na ito, kasama ang iba pa, ay makikita sa mga mesa ng mga Judio kapag araw ng Paskua.
-
Ano ang layunin ng pista ng Paskua? (Ang Paskua ay pinasimulan noong panahon ni Moises upang ipaalala sa mga anak ni Israel na ang mapangwasak na anghel ay nilampasan ang kanilang mga bahay at pinatay ang mga panganay na anak sa Egipto [tingnan sa Exodo 12:21–28; 13:14–15]. Bilang bahagi ng Paskua, ang mga Israelita ay nag-alay ng kordero at iwinisik ang dugo nito sa haligi ng kanilang mga pinto. Ang tupa ay sumasagisag sa paparating na Mesiyas, na gumawa ng nagbabayad-salang sakripisyo na magliligtas sa sangkatauhan mula sa kamatayan at kasalanan [tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paskua,” scriptures.lds.org].)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Jesus na magaganap pagkatapos ng Paskua.
-
Ano ang sinabi ni Jesus na magaganap pagkatapos ng Paskua?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino ang nagpaplanong patayin si Jesus sa pagkakataong ito.
-
Bakit ipinasiya ng mga eskriba at mga punong saserdote na hintaying munang matapos ang Paskua bago patayin si Jesus?
Ibuod ang Mateo 26:6–13 na ipinapaliwanag na noong si Jesus ay nasa Betania, isang babae ang lumapit sa Kanya at pinahiran Siya ng mamahaling unguento (o ointment) bilang paghahanda sa Kanyang nalalapit na kamatayan at libing. Ang ilan sa Kanyang mga disipulo, pati na si Judas, isa sa Labindalawang Apostol at ang tagaingat-yaman ng grupo, ay nagsabing ipinagbili na lamang sana ang unguento para tulungan ang mga maralita. Gayunman, si Judas ay hindi tunay na nag-aalala para sa mga maralita kundi isang magnanakaw na gustong mapasakanya ang pera (tingnan sa Juan 12:4–6). (Paalala: Ang pagpapahid ng unguento kay Jesus sa Betania ay tatalakayin nang mas detalyado sa lesson sa Marcos 11–14.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:14–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Judas matapos siyang pagsabihan ni Jesus dahil sa pagrereklamo.
-
Ano ang ginawa ni Judas? (Nakipagsabwatan siya sa mga punong saserdote para tulungan silang matagpuan at dakpin si Jesus.)
-
Magkano ang ibinayad ng mga punong saserdote kay Judas bilang kapalit ng pagbibigay niya kay Jesus sa kanila?
Ipaliwanag na “alinsunod sa batas ni Moises ang tatlumpung siklong pilak ay ibinabayad sa may-ari ng sinumang nakapatay sa alipin nito (tingnan sa Exodo 21:32). … Makikita sa halaga ng pagkakanulo ang mababang pagtingin ni Judas at ng mga punong saserdote sa Tagapagligtas” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 81). Ito rin ay katuparan ng propesiya sa Lumang Tipan ng pagkakanulo ni Judas sa Tagapagligtas (tingnan sa Zacarias 11:12).
Mateo 26:17–25
Si Jesus at ang Kanyang mga disipulo ay kumain ng pagkain ng Paskua
Magpakita ng isang salamin at itanong:
-
Ano ang mga naitutulong sa atin ng salamin?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Kadalasan tinatangka nating iwasang suriin ang kaibuturan ng ating kaluluwa at harapin ang ating mga kahinaan, limitasyon, at takot. …
“Ngunit ang makitang mabuti ang ating sarili ay napakahalaga sa ating espirituwal na pag-unlad at kapakanan. …
“Nais kong sabihin sa inyo na ang mga banal na kasulatan at ang mga mensaheng ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya ay napakalinaw na salamin para makita nating mabuti ang ating sarili” (“Ako Baga, Panginoon?” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 58.)
-
Paano nagiging tulad ng salamin ang mga banal na kasulatan at ang mga mensaheng ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya?
Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Mateo 26:17–25, hikayatin silang alamin ang alituntunin na tutulong sa kanila na makita ang kanilang mga kahinaan at sikaping madaig ang mga ito.
Ibuod ang Mateo 26:17–19 na ipinapaliwanag na sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na kumuha ng silid sa Jerusalem para sa paghahandaan ng pagkain ng Paskua.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:20–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo habang nagsisikain sila ng pagkain ng Paskua.
-
Ano ang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga Apostol?
-
Kung isa kayo sa mga Apostol, ano kaya ang maiisip ninyo sa pagkakataong ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang naging tugon ng mga Apostol sa sinabi ni Jesus.
-
Ano ang itinanong ng mga Apostol?
-
Ano ang itinuturo sa atin ng tanong na “Ako baga, Panginoon?” tungkol sa matatapat na labing-isang Apostol?
-
Batay sa tala na ito, anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa dapat isagot ng mga disipulo ni Jesucristo kapag naririnig nila ang mga salita ng Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Tuwing maririnig ng mga disipulo ni Jesucristo ang mga salita ng Panginoon, sinusuri nila ang kanilang buhay upang makita kung paano ito naaangkop sa kanila.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Uchtdorf:
“Hindi pinag-alinlanganan ng mga disipulo ang sinabi [ni Jesus]. Ni hindi nila inilibot ang kanilang tingin, itinuro ang iba, at itinanong, ‘Siya ba?’
“Sa halip, sila ay ‘lubhang nangamanglaw, at nagpasimula ang bawa’t isa na magsabi sa kaniya, Ako baga, Panginoon?’ [Mateo 26:22].
“Iniisip ko ang gagawin ng bawat isa sa atin. … Titingin kaya tayo sa mga nasa paligid natin at sasabihin sa puso natin, ‘Baka si Brother Johnson ang tinutukoy niya. Noon pa ako duda sa kanya,’ o ‘Mabuti’t narito si Brother Brown. Kailangan niya talagang marinig ang mensaheng ito’? O susuriin kaya natin ang ating sarili, tulad ng mga disipulo noong araw, at itatanong ang matalim na tanong na: ‘Ako baga?’ (“Ako Baga, Panginoon?” 56).
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga pangyayari na maaari tayong matuksong balewalain ang mga salita ng Panginoon at ipalagay na hindi iyon para sa atin kundi sa iba?
Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Uchtdorf, at sabihin sa klase na pakinggan ang ipinagagawa sa atin ni Pangulong Uchtdorf kapag narinig natin ang mga salita ng Panginoon:
“Sa mga simpleng salitang, ‘Ako baga, Panginoon?’ nagsisimula ang karunungan at ang daan tungo sa sariling pagbabalik-loob at patuloy na pagbabago. …
“Huwag nating panaigin ang ating kapalaluan, alisin ang kayabangan, at mapagpakumbabang itanong, ‘Ako baga, Panginoon?’
“At kung ang sagot ng Panginoon ay ‘Oo, anak ko, may mga bagay kang dapat baguhin, mga bagay na matutulungan kitang daigin,’ dalangin kong nawa’y tanggapin natin ang sagot na ito, mapagkumbaba nating aminin ang ating mga kasalanan at pagkukulang, at baguhin natin ang ating pag-uugali sa pamamagitan ng pagiging mas mabuti” (“Ako Baga, Panginoon?” 56, 58).
-
Paano kayo napagpala nang ipamuhay ninyo ang mga salita ng Panginoon at nagbagong-buhay?
Magpatotoo sa alituntuning naunang tinukoy ng mga estudyante. Anyayahan ang mga estudyante na suriin ang sarili nilang buhay sa tuwing maririnig o mababasa nila ang mga salita ng Panginoon at kumilos kaagad sa mga inspirasyong natatanggap nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:23–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas sa mga tanong ng mga Apostol.
Ipaliwanag na pagkatapos tukuyin ni Jesus na si Judas ang taong magkakanulo sa Kanya, umalis si Judas (tingnan sa Juan 13:30).
Mateo 26:26–30
Pinasimulan ni Jesucristo ang sakramento sa panahon ng Paskua
Idispley ang larawang Ang Huling Hapunan (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 54; tingnan din sa LDS.org). Ipaalam sa mga estudyante na noong kumain ang Tagapagligtas ng pagkain ng Paskua kasama ang Kanyang mga Apostol, pinasimulan Niya ang ordenansa ng sakramento.
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito bago magklase):
Itaas ang tasa at ang tinapay na nakapatong sa mesa. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:26–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang gagawin ng Panginoon sa tinapay at sa laman ng tasa.
-
Ano ang ginawa ng Panginoon sa tinapay at sa laman ng tasa?
-
Batay sa mga talatang ito, ano ang kinakatawan ng dalawang sagisag na ito ng sakramento? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang mga sagisag ng sakramento ay kumakatawan sa katawan at dugo ni Jesucristo, na inialay Niya para sa atin.
Ipaliwanag sa mga estudyante na nagbibigay ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng karagdagang kaalaman tungkol sa mga talatang ito. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 26:22 na matatagpuan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ipabasa rin sa kanila ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 26:24–25 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sabihin sa mga estudyante na alamin kung anong mahahalagang pagbabago ang ginawa sa mga talatang ito, na makatutulong sa atin na maunawaan ang mahalagang layunin ng sakramento.
-
Bakit pinasimulan ni Jesucristo ang sakramento? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod: Pinasimulan ni Jesucristo ang sakramento upang maalala natin Siya at ang Kanyang Pagbabayad-sala para sa ating mga kasalanan.)
-
Ano ang ilang bagay na magagawa natin upang matiyak na matutulungan tayo ng sakramento na maalala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala para sa ating mga kasalanan?
-
Ano ang nadarama at nararanasan ninyo kapag sinisikap ninyong alalahanin ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala habang tumatanggap kayo ng sakramento?
Para matulungan ang mga estudyante na makatukoy ng isa pang alituntunin, itanong:
-
Ayon sa mga talata 27–28, dahil sa dugong itinigis ni Cristo para sa atin, ano ang matatanggap natin kapag nakikibahagi tayo sa sakramento? (Kapatawaran ng mga kasalanan.)
Ipaliwanag na ang pagkain ng tinapay at pag-inom ng tubig sa oras ng sakramento ay hindi sapat para maging karapat-dapat na makatanggap tayo ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Kailangang manampalataya tayo kay Jesucristo, at tanggapin ang sakramento nang may tunay na layunin sa pamamagitan ng pag-alaala sa Kanya sa tuwina at pagsisikap na sundin ang Kanyang mga utos. Sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento nang karapat-dapat, pinaninibago natin ang mga tipan natin sa binyag. Isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Kapag tayo ay nagsisi at tumanggap ng sakramento nang may tunay na layunin, maaari tayong tumanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan.
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paano nila ipamumuhay ang mga katotohanan hinggil sa sakramento na natukoy nila sa Mateo 26. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot kung komportable silang gawin ito.
Ipabasang muli nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung kailan muli tatanggap ng sakramento ang Tagapagligtas ayon sa Kanya. Sabihin sa mga estudyante na magreport tungkol sa nalaman nila.
Ipaliwanag na “ang sakramento ay hindi lamang sumasagisag sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas kundi pag-asam din sa Kanyang pagbabalik sa mundo sa kaluwalhatian (tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:26)” (New Testament Student Manual, 83). Kung tutuparin natin ang ating mga tipan at magtitiis hanggang sa wakas, magiging kabilang tayo sa mga tatanggap ng sakramento kasama ng Tagapagligtas sa panahong iyon (tingnan sa D at T 27:4–14).
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang tinukoy sa lesson na ito.