Lesson 18
Mateo 15
Pambungad
Habang nasa Galilea, ipinaliwanag ni Jesus kung bakit hindi sinunod ng Kanyang mga disipulo ang tradisyon na ritwal na pagpapadalisay ng sarili bago sila kumain. Pagkatapos ay naglakbay Siya sa baybayin ng Mediterranea, kung saan pinagaling Niya ang anak na babae ng isang babaeng Gentil. Pagkatapos ay bumalik si Jesus sa Galilea, kung saan nagpagaling Siya ng marami at mahimalang pinakain ang mahigit apat na libong katao.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 15:1–20
Itinanong ng mga eskriba at mga Fariseo kung bakit hindi naghuhugas ng mga kamay ang mga disipulo ni Jesus bago kumain
Ipabasa nang malakas sa tatlong estudyante ang sumusunod na mga sitwasyon. Sabihin sa klase na pakinggan kung aling mga sitwasyon ang may pagkakatulad:
-
Isang dalagita ang ginaganyak ng kanyang mga kaibigan na magsuot ng mahalay na damit para sa isang sayawan sa paaralan. Alam ng dalagita na hindi akma ang damit na iyon sa mga pamantayan ng Panginoon sa pagiging disente, kahit tanggap na sa kultura nila ang ganoong pananamit.
-
Isang binatilyo ang kabilang sa pamilya ng mga Banal sa mga Huling Araw na mahilig sa isports. Kapag may ipinapalabas na isports sa telebisyon, karaniwang isinasantabi ng pamilya ang pagdarasal nang magkakasama, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, family home evening, at mga miting sa Simbahan tuwing Linggo para mapanood ang mga ito.
-
Isang magkasintahan ang naghahandang magpakasal. Nakatira sila sa isang lugar kung saan tanggap ng maraming tao ang pakikipagtalik bago ang kasal. May nagsabi sa magkasintahang ito na makaluma at kakatwa sila dahil hinihintay muna nilang makasal sila bago magtalik.
-
Ano ang pagkakatulad ng mga sitwasyong ito? (Kailangan sa bawat sitwasyon na magpasiya kung susunod ba sa mga utos ng Diyos o kikilos ayon sa tradisyon o kaugalian.)
Ipaliwanag na kabilang sa mga tradisyon o kaugalian ang mga paniniwala at gawi ng isang kultura, komunidad, pamilya, o grupo ng mga kaibigan.
Sabihin sa mga estudyante na magbigay ng isa o mahigit pang mga tradisyon o kaugalian na makahahadlang sa kanila sa pagsunod sa utos ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan sa Mateo 15 na makatutulong sa kanila kung sakali mang kailanganin nilang magpasiya kung susunod sa utos ng Diyos o makikiayon sa mga tradisyon at kaugalian.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 15:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang tradisyon na itinanong ng mga eskriba at mga Fariseo kay Jesus.
-
Anong tradisyon ang hindi sinusunod ng mga disipulo ni Jesus?
Ipaliwanag na ang paghuhugas ng kamay na binanggit ng mga eskriba at mga Fariseo ay tungkol sa seremonya ng paghuhugas para sa ritwal ng pagpapadalisay at walang kinalaman sa paghuhugas upang maging malinis.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 15:3 at ipahanap sa klase ang isinagot ni Jesus sa tanong ng mga eskriba at mga Fariseo.
-
Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na ginagawa ng mga eskriba at mga Fariseo sa pagsunod sa kanilang mga tradisyon?
Ibuod ang Mateo 15:4–6 na ipinapaliwanag na nagbigay ng halimbawa si Jesus kung paano nalalabag ng mga eskriba at mga Fariseo ang utos ng Diyos dahil sa pagsunod nila sa kanilang mga tradisyon. Itinuro nila na ang mga tao ay “[magiging malaya]” (talata 6) sa obligasyon na kalingain ang kanilang tumatandang mga magulang at ang kanilang pera ay nakalaan bilang hain sa Diyos, o Corban (tingnan sa Marcos 7:10–12). Gayunman, itinuro ni Jesus na sa paggawa nito, nilabag nila ang utos na igalang ang ama at ina.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 15:7–9, at sabihin sa klase na alamin ang naging impluwensya ng mga eskriba at mga Fariseo sa mga tao na ikinakatwiran ang kanilang mga tradisyon para hindi sundin ang mga utos ng Diyos.
-
Paano naimpluwensiyahan ng mga eskriba at mga Fariseo ang mga tao?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa dapat nating gawin kung nais nating lumapit sa Diyos? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung nais nating lumapit sa Diyos, dapat nating unahin ang Kanyang mga utos kaysa anumang tradisyon at kaugalian na mayroon tayo.)
Ipabasang muli nang malakas sa mga estudyante ang mga sitwasyon mula sa simula ng lesson. Matapos basahin ang bawat sitwasyon, itanong:
-
Ano ang maaaring gawin ng isang tao o mga tao sa sitwasyong ito para masunod ang mga utos ng Diyos?
-
Paano makatutulong sa tao o sa mga tao ang paggawa nito para mapalapit sila sa Diyos?
Matapos mong talakayin ang bawat sitwasyon, itanong sa klase:
-
Kailan ninyo piniling sundin ang mga utos ng Diyos sa halip na gawin ang tradisyon o kaugalian na tanggap ng karamihan? Paano kayo natulungan nito na lalong mapalapit sa Ama sa Langit? (Maaari ka ring magbigay ng halimbawa mula sa sarili mong karanasan.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga tradisyon at kaugalian na binanggit nila kanina. Hikayatin sila na piliing sundin ang mga utos ng Diyos sa halip na sundin ang mga tradisyon o kaugaliang ito upang mas mapalapit sila sa Diyos.
Ipaalala sa mga estudyante na naniniwala ang mga eskriba at mga Fariseo na ang kumain nang hindi naghugas ng kamay ay magpapahawa o magpaparumi sa tao, o espirituwal na magpapasama sa taong iyon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 15:10–11, at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa totoong nagpaparumi sa atin.
-
Ano ang nagpaparumi sa atin ayon sa Tagapagligtas?
Ipaliwanag na sinabi ng Tagapagligtas na, “Ang lumalabas sa bibig … ang nakakahawa sa tao” (talata 11). Matapos sabihin sa Kanyang mga disipulo na huwag pansinin o pabayaan na lang ang mga Fariseo, na nagdamdam sa Kanyang mga sinabi (tingnan sa Mateo 15:12–16), ipinaliwanag pa Niya ang tungkol sa totoong nakapagpaparumi sa atin.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 15:17–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “Ang lumalabas sa bibig … ang nakakahawa sa tao” (talata 11).
-
Ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “Ang lumalabas sa bibig … ang nakakahawa sa tao”?
Ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan, ang puso ay karaniwang sumasagisag sa ating mga iniisip at hinahangad. Isulat ang sumusunod na pahayag sa pisara: Kung pinili nating mag-isip ng masama at maghangad nang di-maganda, …
-
Paano ninyo kukumpletuhin ang alituntuning ito batay sa mga turo ng Tagapagligtas na nakatala sa mga talata 19–20? (Gamitin ang mga sagot ng mga estudyante para kumpletuhin ang alituntunin at maipakita ang sumusunod na katotohanan: Kung pinili nating mag-isip ng masama at maghangad nang di-maganda, ang mga iniisip at hinahangad nating iyon ay magpaparumi sa atin.)
-
Sa anong mga paraan tayo nakahahawa o espirituwal na marumi kung pinili nating mag-isip o maghangad ng masasamang bagay?
-
Sa anong mga paraan naipapakita sa mga sinasabi o ikinikilos natin ang mga iniisip o hinahangad ng ating puso?
Maaari mong patotohanan ang alituntuning ito at hikayatin ang mga estudyante na piliin na mapanatiling dalisay ang kanilang iniisip at mga hangarin.
Mateo 15:21–28
Pinagaling ng Tagapagligtas ang anak na babae ng isang babaeng Gentil
Papuntahin sa pisara ang mga estudyante at pasulatin ng isa o mahigit pang mabubuting bagay na nais nila.
Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga alituntunin sa Mateo 15 na makatutulong sa kanila na maunawaan ang kailangan nilang gawin para matanggap ang kanilang mabubuting ninanais.
Sabihin sa mga estudyante na tingnan sa Mga Mapa sa Biblia blg. 11, “Ang Banal na Lupain Noong Panahon ng Bagong Tipan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ipahanap sa kanila ang mga lungsod ng Tiro at Sidon. Ipaliwanag na habang naglalakbay si Jesus mula Galilea hanggang sa mga baybayin ng Tiro at Sidon, nakasalubong Niya ang isang babaeng Cananea. Tulad ng maraming iba pang tao sa rehiyong iyon, ang babaeng ito ay Gentil—na ang ibig sabihin ay hindi siya Judio. Noong panahong iyon, si Jesus at ang Kanyang mga disipulo ay sa mga Judio pa lang nangangaral ng ebanghelyo at hindi pa sa mga Gentil (tingnan sa Mateo 10:5–6). Ang pagkakataon ng mga Gentil na matanggap ang mensahe ng kaligtasan ay mangyayari pa kalaunan (tingnan sa Mga Gawa 10).
Sabihin sa magkakapartner na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 15:21–27. Ipahanap sa kanila ang mga sagot sa sumusunod na mga tanong (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito):
-
Anong mabuting bagay ang nais ng babaeng Cananea?
-
Ano ang ginawa at sinabi ng babaeng ito na nagpapakita ng kanyang panampalataya kay Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot.
-
Paano higit na nagpakita ng kanyang panampalataya kay Jesucristo ang sagot ng babae sa analohiyang ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 15:28, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas para sa babaeng ito.
-
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas para sa babaeng ito? Bakit?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talang ito tungkol sa maaaring mangyari kapag nananampalataya tayo kay Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Sa pagsampalataya natin kay Jesucristo, makatatanggap tayo ng mga pagpapala ayon sa ating mabubuting hangarin.)
-
Bukod sa paghiling nang tapat sa Panginoon na pagpalain tayo ayon sa ating mabubuting hangarin, ano pa ang magagawa natin para magpakita ng pananampalataya kay Jesucristo?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan pa kung ano ang magagawa nila para magpakita ng pananampalataya kay Jesucristo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kapag may pananampalataya tayo sa Panginoong Jesucristo, dapat may tiwala tayo sa kanya. Dapat sapat ang tiwala natin sa kanya na nalulugod tayong tanggapin ang kanyang kagustuhan, nalalamang alam niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin. …
“… Ang pananampalataya, gaano man ito kalakas, ay hindi magbubunga nang salungat sa kagustuhan niya na siyang pinagmulan ng kapangyarihan nito. … Hindi tayo magkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Panginoon nang hindi lubos na nananalig sa kagustuhan ng Panginoon at sa itinakdang panahon ng Panginoong Jesucristo” (“Faith in the Lord Jesus Christ,” Ensign, Mayo 1994, 99, 100).
-
Paano nakatutulong sa atin ang paliwanag ni Elder Oaks sa ibig sabihin ng pagsampalataya kay Jesucristo sa mga panahong hindi tayo kaagad nabibiyayaan ng Panginoon ayon sa mabubuting ninanais natin?
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang nakalista sa pisara na mabubuting ninanais natin at ipaliwanag kung ano ang magagawa nila para manampalataya kay Jesucristo habang sinisikap nilang matamo ang mga naising iyon.
-
Kailan ninyo (o ng isang taong kilala ninyo) natanggap ang inyong mabubuting ninanais (ayon sa kalooban at takdang panahon ng Panginoon) dahil nanampalataya kayo kay Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang gagawin nila para magpakita ng pananampalataya kay Jesucristo habang sinisikap nilang matanggap ang kanilang mabubuting ninanais mula sa Kanya. Hikayatin ang mga estudyante na isagawa ang isinulat nila.
Mateo 15:29–39
Pinakain ni Jesus ang mahigit apat na libong tagasunod gamit ang pitong tinapay at ilang isda
Ibuod ang Mateo 15:29–39 na ipinapaliwanag na bumalik si Jesus sa Galilea. Habang naroon Siya, mahigit apat na libong katao ang lumapit sa Kanya, na kasama ang mga taong may iba’t ibang karamdaman at kapansanan. Pinagaling sila ng Tagapagligtas, at nang tatlong araw nang nananatili ang mga tao sa piling Niya, gumawa Siya ng isa pang himala at pinakain silang lahat gamit lamang ang pitong tinapay at ilang maliliit na isda. (Paalala: Ang himala ng pagpapakain ng apat na libo ay tatakayin nang mas detalyado sa lesson tungkol sa Marcos 8.)
Maaari mong tapusin ang lesson na ito sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga katotohanan at alituntunin na tinukoy ng mga estudyante sa Mateo 15.