Library
Lesson 26: Mateo 23


Lesson 26

Mateo 23

Pambungad

Sa huling linggo ng ministeryo sa mundo ng Tagapagligtas, kinondena Niya ang pagpapaimbabaw (o pagkukunwaring mabait) ng mga eskriba at mga Fariseo at nalungkot na hindi tinanggap ng mga tao ng Jerusalem ang Kanyang pagmamahal at pangangalaga.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 23:1–12

Kinondena ng Tagapagligtas ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at mga Fariseo

Sabihin sa mga estudyante na ipakita ang kanilang set ng mga banal na kasulatan sa isa’t isa at alamin kung sino ang may pinakamalaking set.

  • Ano ang magiging reaksyon ninyo kapag may nagsabi na ang taong may pinakamalaking set ng mga banal na kasulatan ang pinakamabait?

  • Bakit hindi ito epektibong paraan para malaman kung mabuti ang isang tao?

  • Ano ang mangyayari kung huhusgahan natin ang kabutihan ng iba sa panlabas na anyo? (Ang isang maaaring maging problema ay maisip ng iba na magkunwaring mabait.)

  • Ano ang pagpapaimbabaw? (“Ang karaniwang ibig sabihin nito ay pagkukunwaring relihiyoso” [Bible Dictionary, “Hypocrite”]. Maaari din itong tumukoy sa isang tao na nagkukunwaring hindi relihiyoso.)

Ipaliwanag na bilang bahagi ng huling mensahe ng Tagapagligtas sa publiko na ibinigay sa templo sa Jerusalem sa huling linggo ng Kanyang mortal na ministeryo, kinondena Niya ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at mga Fariseo.

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan sa Mateo 23 na makatutulong sa kanila na malaman ang dapat gawin kapag nakita nilang nagkukunwari ang ibang tao at ano ang magagawa nila para hindi maging mapagkunwari.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 23:1–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa mga ginagawa ng mga eskriba at mga Fariseo na nagpapakita ng pagpapaimbabaw. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “nagsisiupo sa luklukan ni Moises” (talata 2) ay may awtoridad ang mga eskriba at mga Fariseo na ituro ang doktrina at bigyang-kahulugan at ipatupad ang batas. Ang mga kataga ay maaari ding tumukoy sa isang literal na upuan na matatagpuan sa ilang sinaunang sinagoga na inilaan para sa mga taong itinuturing ang kanilang sarili na mas karapat-dapat kaysa sinumang tao sa sinagoga.

  • Sa paanong mga paraan nagiging mapagpaimbabaw ang mga eskriba at mga Fariseo?

Lalaking Judio na may suot na mga pilakteria

Lalaking Judio na may suot na mga pilakteria

Kung mayroon, magdispley ng larawan ng isang taong may suot na pilakteria, na tinatawag ding tefillin. Ipaliwanag na kaugalian na sa mga Judio na magsuot ng mga pilakteria, na maliit na kahong yari sa katad (balat) at itinatali sa noo at braso. Sa loob ng mga pilakteria ay maliliit na bilot ng papel na may nakasulat na talata mula sa banal na kasulatan ng Hebreo. Ang mga Judio ay nagsusuot ng mga pilakteria upang tulungan sila na maalalang sundin ang mga utos ng Diyos (tingnan sa Deuteronomio 6:4–9; 11:13–21; Exodo 13:5–10, 14–16). Hindi kinokondena ng Panginoon ang mga nagsusuot ng mga pilakteria, ngunit kinokondena Niya ang mga nagsusuot nito para magpakitang-tao o pinalalaki ito para mapansin sila ng iba o magmukha silang mas importanteng tao.

  • Ayon sa Mateo 23:5, bakit pinalaki ng mga eskriba at mga Fariseo ang kanilang mga pilakteria, at ang “mga laylayan ng kanilang mga damit”?

  • Sa anong iba pang paraan nila hangad na “mangakita ng mga tao” (talata 5) o tumanggap ng papuri ng mundo?

  • Ayon sa payo ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo sa Mateo 23:3, ano ang magagawa natin kapag nakikita nating kumikilos ang iba nang may pagpapaimbabaw, o pagkukunwaring mabait pero hindi naman talaga? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Maaari nating piliing sundin ang mga batas ng Diyos kahit nakikita nating nagkukunwaring mabait lang ang iba.)

  • Sa palagay, ninyo bakit mahalagang sundin ang katotohanan o alituntuning ito sa ating panahon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 23:8, at sabihin sa klase na alamin ang ipinayo ng Panginoon sa mga tao na huwag gawin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ituro ang mga katagang “kayong lahat ay magkakapatid” (talata 8) at ipaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas sa mga tao na hindi dapat ituring ang kanilang sarili na nakahihigit sa iba, dahil silang lahat ay mga anak ng Diyos, at pantay-pantay sa Kanyang paningin.

Ibuod ang Mateo 23:9–10 na ipinapaliwanag na pinatotohanan ng Tagapagligtas na ang Ama sa Langit ang ating Tagapaglikha at na Siya, si Cristo, ay isinugo ng Ama at ang ating tunay na Panginoon na nagbibigay-buhay (tingnan sa Joseph Smith Translation, Matthew 23:6; Matthew 23:7).

Ipaliwanag na inakala ng mga eskriba at mga Fariseo na magiging dakila sila dahil sa kanilang katungkulan at katayuan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 23:11–12, at sabihin sa klase na alamin kung sino ang sinabi ng Tagapagligtas na ituturing Niyang dakila sa kaharian ng Diyos.

  • Ayon sa talata 11, sino ang ituturing na dakila sa kaharian ng Diyos?

  • Ayon sa talata 12, ano ang mangyayari kung tayo, tulad ng mga Fariseo, ay magtatangkang “[mag]mataas” (o iangat) ang ating sarili sa iba? (Matapos sumagot ang mga estudyante, tiyaking nauunawaan nila ang sumusunod na alituntunin: Kung magtatangka tayong magmataas sa iba, tayo ay mabababa. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mabababa ay mamaliitin o kukutyain o hindi rerespetuhin.)

  • Ayon sa mga talata 11–12, ano ang mangyayari kung tayo ay mapagkumbaba at naglilingkod sa iba? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay mapagkumbaba at naglilingkod sa iba, tayo ay itataas ng Panginoon.)

Ipaliwanag na ang katagang “matataas” (talata 12) ay nagpapahiwatig na ang Panginoon ay iaangat at tutulungan tayong maging higit na katulad Niya.

  • Batay sa natutuhan ninyo sa Mateo 23, ano ang ibig sabihin ng magpakumbaba?

Idrowing sa pisara ang sumusunod na continuum. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mabubuti nilang ginagawa sa eskwela, sa tahanan, at simbahan. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung saan nila ilalagay ang sarili sa continuum na ito batay sa intensyon nila sa paggawa ng mabuti at pagpapakumbaba.

continuum, mabubuting gawa

Hikayatin ang mga estudyante na alalahanin na tayong lahat ay mga anak ng Ama sa Langit. Maaari mo rin silang hikayatin na magtakda ng mithiin o goal na paglingkuran ang isang tao araw-araw sa susunod na buwan. Maaari mong sabihin sa kanila na isulat ang karanasang ito sa kanilang journal.

Mateo 23:13–36

Si Jesucristo ay nagpahayag ng pagkaaba o kapighatian sa mga eskriba at mga Fariseo

Bago magsimula ang klase, maghanda ng tatlong tasa na hindi kita ang nasa loob o hindi transparent. Lagyan ng putik o grasa ang labas ng unang tasa at ang loob ng pangalawang tasa, at iwanang malinis ang pangatlong tasa. Ipakita ang mga tasa, at itanong sa klase kung alin ang gugustuhin nilang inuman. Papuntahin ang isang estudyante sa harap ng klase, at patingnang mabuti sa kanya ang loob ng mga tasa at ipaliwanag kung alin sa mga tasa ang gugustuhin niyang inuman at bakit.

  • Sa paanong mga paraan naglalarawan ng pagpapaimbabaw ang maruruming tasa?

Ibuod ang Mateo 23:13–36 na ipinapaliwanag na kinondena ng Tagapagligtas ang mga eskriba at mga Fariseo sa pagiging mapagpaimbabaw. Ipabasa nang mabilis sa mga estudyante ang mga talatang ito, na hinahanap ang salitang inulit ng Tagapagligtas sa simula ng ilang talata. Sabihin sa kanila na ipaalam ang nahanap nila. Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga katagang sa aba sa mga talatang ito. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng sa aba ay paghihirap, pagdurusa, at kalungkutan.

Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture references at mga tanong:

Mateo 23:23–24

Mateo 23:25–26

Mateo 23:27–28

Mateo 23:29–36

Sa paanong mga paraan nagiging mapagpaimbabaw ang mga eskriba at mga Fariseo?

Anong mga halimbawa ng ganitong pagpapaimbabaw ang makikita natin sa ating panahon?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkapartner na basahin nang malakas ang bawat reference na nasa pisara at talakayin ang mga tanong sa pisara matapos nilang mabasa ang bawat reference.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ireport ang kanilang mga sagot.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 23:26, at sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat gawin ng mga Fariseo para maiwasan ang pagiging mapagpaimbabaw.

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat gawin ng mga Fariseo?

  • Batay sa itinuro ng Tagapagligtas sa mga Fariseo, ano ang mangyayari sa atin kapag sinikap nating maging espirituwal na malinis sa kalooban? (Matapos sumagot ang mga estudyante, tiyaking naunawaan nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag malinis ang kalooban natin, makikita ito sa mga pagpili natin.)

  • Ano ang dapat nating gawin para luminis ang ating kalooban?

  • Paano makikita sa ating mga pinipili ang mabuting kalooban natin?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung anong tasa ang naglalarawan nang husto ng kanilang espirituwalidad sa ngayon. Patotohanan ang naunang alituntunin, at hikayatin ang mga estudyante na magtakda ng mithiin o goal na makatutulong sa kanila na maging espirituwal na malinis.

Mateo 23:37–39

Ang Tagapagligtas ay nalungkot dahil hindi lumapit sa Kanya ang mga tao ng Jerusalem

inahing manok, mga sisiw

Magdispley o magdrowing ng larawan ng inahing manok na pinoprotektahan ang kanyang mga sisiw.

  • Bakit tinitipon ng inahing manok ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak? (Upang protektahan sila sa panganib. Ipaliwanag na handang isakripisyo ng inahing manok ang kanyang buhay para maprotektahan ang kanyang mga sisiw.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 23:37–39. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano itinulad ng Tagapagligtas ang sarili sa inahing manok.

  • Paano nagiging katulad ng inahing manok na nagtitipon ng kanyang mga sisiw ang Tagapagligtas?

  • Ano ang ibig sabihin ng matipon ng Tagapagligtas?

Bigyang-diin ang mga katagang “ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak” (talata 38), at ipaliwanag na ang ibig sabihin ng wasak ay wala nang laman o pinabayaan na. Dahil ayaw magpatipon ng mga tao sa Tagapagligtas, nawalan sila ng proteksyon. Ang mga katagang ito ay maaaring tumutukoy sa espirituwal na kalagayan ng mga tao noong panahon ni Jesus gayundin sa hinaharap kung kailan wawasakin ang Jerusalem.

  • Batay sa itinuro ni Jesus tungkol sa inahing manok at Kanyang mga sisiw, ano ang matatanggap natin kung handa tayong magpatipon sa Tagapagligtas? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay handang magpatipon sa Tagapagligtas, makatatanggap tayo ng Kanyang pangangalaga at proteksyon.)

  • Paano natin maipakikita sa Tagapagligtas na handa tayong magpatipon sa Kanya? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na maaari silang magpatipon sa Tagapagligtas, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Pangulong Henry B. Eyring

“Ilang ulit [sinabi ng Tagapagligtas] na titipunin Niya tayo tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw. Sinabi Niya na kailangan nating piliing lumapit sa Kanya. …

“Isang paraan para magawa ito ay ang makipagtipon sa mga Banal sa Kanyang Simbahan. Dumalo sa inyong mga miting, kahit parang mahirap. Kung desidido kayo, bibigyan Niya kayo ng lakas na gawin iyon” (“Sa Lakas ng Panginoon ( Ensign o Liahona, Mayo 2004, 18).

  • Ano ang sinabi ni Pangulong Eyring na magagawa natin upang ipakita na gusto nating matipon ng Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na tingnan sa pisara ang mga nakasulat na paraan na maipapakita natin na gusto nating matipon ni Cristo. Anyayahan silang ibahagi kung paano sila nakatanggap ng pangangalaga at proteksyon dahil natipon sila sa Tagapagligtas sa isa sa mga paraang iyon.

Hikayatin ang mga estudyante na magpasiya kung ano ang gagawin nila para matipon sa Tagapagligtas nang sa gayon ay patuloy nilang matanggap ang Kanyang pangangalaga at proteksyon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 23. Mga uri ng pagpapaimbabaw

Ipinaliwanag ni Pangulong N. Eldon Tanner ng Unang Panguluhan na may dalawang uri ng pagpapaimbabaw:

“Ipinahayag ni Harry Emerson Fosdick na may dalawang uri ng pagpapaimbabaw: kapag pinipilit nating magmukhang mas mabuti kaysa sa kung ano talaga tayo, at kapag hinayaan nating magmukhang mas masama tayo kaysa sa kung ano talaga tayo. Ang pinag-uusapan natin dito ay ang uri ng pagpapaimbabaw kung saan ang mga tao ay nagpapanggap na mas higit o mas mabuti sila kaysa sa kung ano sila talaga. Gayunman, kadalasan ay nakikita natin ang mga miyembro ng Simbahan na sa puso nila ay alam nila at naniniwala silang totoo [ang Simbahan], ngunit dahil sa takot sa sasabihin ng tao ay hindi makapanindigan at makapagsabi ng nararamdaman. Ang ganitong uri ng pagpapaimbabaw ay kasingsama ng iba pang mga uri ng pagpapaimbabaw” (“Woe unto You … Hypocrites,” Improvement Era, Dis. 1970, 33).

Mateo 23:35. “[Si] Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa pagitan ng santuario at ng dambana”

Sa isyu ng Setyembre 1842 ng Times and Season, na inilathala noong naglilingkod pa roon bilang patnugot si Propetang Joseph Smith, isang paliwanag ang ibinigay hinggil sa naging kapalaran ni Zacarias, ama ni Juan Bautista:

“Nang mabalita ang utos ni Herodes na patayin ang mga musmos, si Juan ay mga anim na buwan na ang tanda kay Jesus, at saklaw ng napakasamang utos na ito, at iniutos ni Zacarias na dalhin si Juan ng kanyang ina sa bundok, kung saan siya ay lumaki na ang kinakain ay balang at pulot-pukyutan. Nang tumangging ibunyag ng kanyang ama ang kanyang pinagtataguang lugar, at dahil sa siya ang namumunong mataas na saserdote sa Templo nang taong iyon, [siya] ay pinaslang sa utos ni Herodes, sa pagitan ng santuwario at ng dambana, tulad ng sinabi ni Jesus” (“Persecution of the Prophets,” Times and Seasons, Set. 1, 1842, 902).