Library
Lesson 20: Mateo 17


Lesson 20

Mateo 17

Pambungad

Iginawad nina Jesucristo, Moises, at Elias (Elijah) ang mga susi ng priesthood kina Pedro, Santiago, at Juan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo. Pagkababa sa bundok, pinaalis ni Jesus ang isang demonyo na sumanib sa isang batang lalake. Sa Capernaum, mahimalang nakapagbigay ng buwis si Jesus para sa kanila ni Pedro.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 17:1–13

Sina Moises at Elias ay nagpakita kina Pedro, Santiago, at Juan

Magpakita ng isang lisensya sa pagmamaneho, o sabihin sa isang estudyanteng may lisensya sa pagmamaneho na ipakita ito sa klase.

  • Ano ang may pahintulot na gawin ng taong may lisensya sa pagmamaneho?

Idispley o magpakita ng larawan ng mga susi ng kotse.

  • Bakit mahalaga para sa atin na magkaroon ng mga susi ng kotse bukod sa lisensya sa pagmamaneho?

  • Paano maihahambing ang pagkakaroon ng lisensya at mga susi para makapagmaneho ng kotse at ang pagkakaroon ng awtoridad at mga susi ng priesthood para mapangasiwaan ang gawain ng Diyos? (Ang may lisensya sa pagmamaneho ay may awtoridad na magmaneho, tulad din na maraming kalalakihan ang may awtoridad ng priesthood. Napapaandar ng tsuper ang sasakyan gamit ang mga susi nito, gayon din naman, pinamumunuan ng isang taong may hawak ng mga susi ng priesthood ang gawain ng Diyos sa partikular na responsibilidad. Ang Pangulo ng Simbahan ang may hawak at gumagamit ng mga susi ng priesthood upang pamunuan at pangasiwaan ang lahat ng gawain ng Panginoon sa mundo.)

Ipaalala sa mga estudyante na mababasa natin sa Mateo 16:19 na ipinangako ng Panginoon na ibibigay kay Pedro ang mga susi ng kaharian, o awtoridad na pamahalaan ang gawain ng Diyos sa mundo. Noong panahong iyon, si Pedro at ang iba pang mga Apostol ay nabigyan ng awtoridad ng priesthood, ngunit hindi pa sila nabigyan ng mga susi ng kaharian.

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan ngayon kung paano natanggap ni Pedro ang mga susi ng kaharian at kung paano naigawad kalaunan ang mga susi ring ito kay Joseph Smith at iba pa sa ating panahon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 17:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung saan dinala ng Tagapagligtas sina Pedro, Santiago, at Juan upang ihanda sila sa pagtanggap ng mga susi ng priesthood. Maaari mong ipaliwanag na kaya marahil pinili ng Tagapagligtas sina Pedro, Santiago, at Juan ay dahil sila ang maglilingkod bilang Unang Panguluhan ng Simbahan pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli at Pag-akyat sa Langit ng Tagapagligtas (tingnan sa Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo. [1954–56], 3:152.

  • Saan dinala ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan?

  • Ano ang nangyari sa Tagapagligtas sa bundok?

  • Ano ang ibig sabihin ng magbagong-anyo?

Ipaunawa sa mga estudyante na ang pagbabagong-anyo ay tumutukoy sa “kalagayan ng mga tao na panandaliang nagbago sa kaanyuan at kalikasan—gayon nga, itinaas sa isang mataas na antas ng espirituwalidad—nang sa gayon magtagal sila sa harapan at kaluwalhatian ng mga makalangit na tao” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabagong-Anyo,” scriptures.lds.org). Sina Pedro, Santiago, at Juan ay nagbagong-anyo rin nang sandaling iyon (tingnan sa D at T 67:11–12).

Isulat ang kasunod na heading sa pisara: Mga tao na naroon sa Bundok ng Pagbabagong-anyo. Isulat sa ilalim ng heading na ito ang Jesucristo, Pedro, Santiago, at Juan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 17:3, at ipahanap sa klase kung sino ang nagpakita kay Jesus at sa mga Apostol sa bundok.

  • Sino ang nagpakita sa bundok? (Ipaliwanag na si Elias ay tumutukoy kay Elijah, ang propeta sa Lumang Tipan [tingnan sa Matthew 17:3, footnote b ng LDS English version ng Biblia].)

Idagdag ang Moises at Elijah sa listahan sa pisara.

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit nagpakita si Moises at si Elijah sa bundok, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith:

Propetang Joseph Smith

“Ibinigay ng Tagapagligtas, ni Moises, at Elias [Elijah], ang mga susi kina Pedro, Santiago at Juan, sa bundok, nang magbagong-anyo sila sa kanyang harapan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 122).

  • Ayon kay Joseph Smith, bakit nagpakita sa bundok sina Elijah at Moises? (Upang magbigay ng mga susi ng priesthood kina Pedro, Santiago, at Juan. Maaari mo ring ipaliwanag na sina Moises at Elijah ay nagpakita sa Kirtland Temple noong Abril 3, 1836, upang magpanumbalik ng mga susi ng priesthood: ipinanumbalik ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel [tingnan sa D at T 110:11] at ipinanumbalik ni Elijah ang mga susi na may kaugnayan sa kapangyarihang magbuklod [tingnan sa D at T 110:13–16]. Ang mga pagpapakitang ito sa Kirtland ay nagpapakita ng huwaran na nagpapaunawa sa naganap sa Bundok ng Pagbabagong-anyo.)

Ipaliwanag na sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia nilinaw na si Juan Bautista—na pinatay ni Herodes—ay nagpakita rin sa bundok (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 9:3 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Elias”). Idagdag ang Juan Bautista sa listahan sa pisara.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 17:4–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino pa ang naroon sa Bundok ng Pagbabagong-anyo.

  • Sino pa ang nagpakita sa Bundok ng Pagbabagong-anyo? (Idagdag ang Diyos Ama sa listahan sa pisara.)

Maikling ipaalala sa mga estudyante na ang isang dispensasyon ng ebanghelyo ay isang panahon kung saan nagbibigay ang Ama sa Langit ng awtoridad ng priesthood, mga ordenansa, at kaalaman tungkol sa Kanyang plano ng kaligtasan sa mga tao sa mundo sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong lingkod. Papuntahin sa pisara ang isang estudyante at palagyan ng bituin sa tabi ng bawat isa sa mga taong nakalista sa pisara na nagpakita kay Propetang Joseph Smith sa ating dispensasyon. (Ang estudyante ay dapat maglagay ng isang bituin sa tabi ng bawat tao na nakalista sa pisara.)

Ang Unang Pangitain

Nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith.

Iginawad ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood

Ipinanumbalik ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood

Pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood

Ipinanumbalik nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood

Nagpakita si Elijah sa Kirtland Temple

Ipinanumbalik ni Elijah ang susi ng pagbubuklod sa Kirtland Temple

Sabihin sa klase na ipaliwanag kung kailan naganap ang bawat isa sa mga pagbisitang ito at ang layunin nito. (Habang nagpapaliwanag ang mga estudyante, maaari mong idispley ang sumusunod na mga larawan: Ang Unang Pangitain; Iginawad ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood; Pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood; at Nagpakita si Elijah sa Kirtland Temple [Aklat ng Sining ng Ebanghelyo (2009), blg. 90, 93, 94, 95; tingnan din sa LDS.org].)

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga pangyayaring ito tungkol sa paggawad ng mga susi ng priesthood sa bawat dispensasyon? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tulungan mo silang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Sa bawat dispensasyon, ang Diyos ay nagkakaloob ng mga susi ng priesthood sa Kanyang piling mga lingkod upang mapamahalaan nila ang Kanyang gawain sa mundo.)

  • Bakit mahalagang malaman na ang gayong huwaran sa pagkakaloob ng mga susi ng priesthood na nangyari noong panahon ni Jesucristo ay inulit kay Propetang Joseph Smith sa ating panahon?

  • Ang kasalukuyang mga propeta at apostol ba ay may hawak din ng mga susing tinanggap ni Joseph Smith? (Oo.) Paano nila natanggap ang mga susing iyon? (Ang mga susi na naipasa kay Joseph Smith ay naipasa kay Brigham Young at sa sumunod na mga propeta.)

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa awtoridad ng priesthood at ang paggawad ng mga susi sa ating dispensasyon tulad din noong mortal na ministeryo ni Jesucristo.

Mateo 17:14–23

Pinaalis ni Jesus ang isang demonyo na sumanib sa isang batang lalake

Ibuod ang Mateo 17:14–23 na ipinapaliwanag na dinala ng isang ama ang kanyang anak na lalaki sa Tagapagligtas upang mapagaling. Matapos pagalingin ni Jesus ang bata, itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo na ang ilang pagpapala ay matatamo lamang sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno. Pagkatapos ay ipinropesiya Niya ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli. (Paalala: Ang mga pangyayaring ito ay tatalakayin nang mas detalyado sa lesson sa Marcos 9:14–29.)

Mateo 17:24–27

Mahimalang nakapagbigay ng buwis si Jesus para sa kanila ni Pedro

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Mateo 17:24–27, hikayatin silang alamin ang isang katotohanan na magpapaunawa sa atin kung paano nakakaimpluwensya sa iba ang mga halimbawa natin.

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng talatang ito, ipaliwanag na sa ilalim ng batas ni Moises, lahat ng lalaking Israelita na may edad na 20 at pataas ay dapat magbayad ng taunang paghahandog para sa templo na tinatawag na buwis (tingnan sa Exodo 30:13–16). Ang perang ito ay ginagamit para tustusan ang mga gastusin sa pagpapatakbo ng templo. Ilan sa mga saserdote at mga rabbi ang hindi pinagbabayad ng buwis na ito ng namumunong konseho.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 17:24–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinanong ng mga maniningil ng buwis kina Jesus at Pedro.

  • Ano ang itinanong ng mga maniningil ng buwis kay Pedro? Ano ang isinagot ni Pedro?

  • Ano ang itinanong ni Jesus kay Pedro? Ano ang isinagot ni Pedro?

Ipaliwanag na ang salitang nangaiiba sa talatang ito ay tumutukoy sa lahat ng tao sa isang kaharian na hindi isa sa mga anak ng hari. Ang “nangaiiba” ay dapat magbayad ng buwis, samantalang ang mga anak ng hari ay hindi. Itinuturo ni Jesus kay Pedro na dahil Siya ang Anak ng Diyos at ang templo ay bahay ng Kanyang Ama (tingnan sa Mateo 17:25–26; Juan 2:16), hindi Niya kailangang magbayad ng buwis at maaari Niyang piliing huwag magbayad kung gusto Niya. Gayunman, inaasahan ng mga maniningil na magbabayad ng buwis si Jesus dahil hindi nila kilala kung sino Siya.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mateo 17:27, na inaalam kung ano ang kasunod na ipinagawa ni Jesus kay Pedro.

  • Ano ang ipinagawa ng Tagapagligtas kay Pedro?

  • Bakit sinabi ni Jesus na magbabayad Siya ng buwis?

Isulat sa pisara ang salitang katisuran, at ipaliwanag na sa kontekstong ito ang mga katagang “baka katisuran tayo nila” ay malamang na tumutukoy sa katotohanang hindi gagawa ng anuman ang Tagapagligtas na espirituwal na ipaghihirap ng iba. (Kung hindi Siya magbabayad ng buwis, baka hindi maging maganda ang tingin sa Kanya at sa kanyang mga disipulo ng ilang Judio at mabawasan ang interes sa mensahe ng ebanghelyo.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa halimbawa ng Tagapagligtas? (Iba-iba man ang pagkakasabi rito ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Masusunod natin ang halimbawa ng Tagapagligtas kung iiwasan nating gumawa ng anumang bagay na espirituwal na magpapahirap sa iba. Isulat ang alituntuning ito sa pisara.)

  • Ano ang ilan pang mga sitwasyon na magagabayan tayo ng alituntuning ito na pumili nang tama?

  • Paano kayo napagpala nang sikapin ninyong sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas at iwasang gawin ang mga bagay na maaaring espirituwal na magpahirap sa iba?

Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na magsulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng bagay na pagbubutihin nila para mas maipamuhay ang alituntuning tinukoy nila sa itaas.

scripture mastery icon
Scripture Mastery Review

Kapag madaling mahanap ng mga estudyante ang scripture mastery passages, mas nagkakaroon sila ng kumpiyansa na pag-aralan ang ebanghelyo, ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang buhay, at magturo mula sa mga banal na kasulatan.

Ang scripture mastery review activities ay isinama sa buong manwal na ito para ituro ang iba’t ibang pamamaraan na matutulungan ang mga estudyante na regular na magrebyu ng scripture mastery. Ang mga karagdagang aktibidad sa pagrerebyu ay matatagpuan sa apendiks ng manwal na ito.

Makatutulong sa estudyanye ang mga quiz para maalala at malaman kung ano ang kanilang natutuhan. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang tatlong scripture mastery passage na binanggit na sa manwal na ito. Maaari din kayong magsama ng ilan pang bagong mga talata. (Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga talatang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.) Matapos makapagbasa ang mga estudyante, alamin ang natutuhan nila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahalagang salita mula sa talata o pagbasahin sila ng mga nakasulat sa seminary bookmark. Pagkatapos ay ipahanap sa mga estudyante ang tamang talata sa kanilang mga banal na kasulatan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 17:1–5. Ang Pagbabagong-Anyo at ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw

“Ang mga taong naroon sa Bundok ng Pagbabagong-Anyo [ang Diyos Ama, sina Jesucristo, Pedro, Santiago, Juan, Juan Bautista, Moises, at Elijah] ay gumanap ng mahalagang tungkulin sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw. Nakatutulong ito na makita natin na ang awtoridad ng priesthood at ang mga hawak na susi sa mga nakaraang dispensasyon ay naipanumbalik sa huling dipensasyon” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 56).

Binigyang-diin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang katotohanang ito:

“Inaanyayahan ko kayong lahat na pag-isipan kung paano kayo tutugon sa tanong na ito ni Pangulong David O. McKay sa mga miyembro ng Simbahan maraming taon na ang nakalilipas: ‘Kung ngayon mismo ay ipasabi sa bawat isa sa inyo sa isang pangungusap o mga kataga kung ano ang nagpapabukod-tangi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ano ang isasagot ninyo?’ (“The Mission of the Church and Its Members,” Improvement Era, Nob. 1956, 781).

“Ang sagot ni Pangulong McKay sa sarili niyang tanong ay ang ‘banal na awtoridad’ ng priesthood. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay namumukod-tangi sa ibang mga simbahan na nagsasabing ang kanilang awtoridad ay nagmula sa sunud-sunod na pagpapasa nito sa paglipas ng mga panahon, sa mga banal na kasulatan, o sa natutuhan nila sa teolohiya. Gumagawa tayo ng kakaibang pahayag na ang awtoridad ng priesthood ay ipinagkaloob nang ipatong ng mismong mga sugo ng langit ang kanilang mga kamay kay Propetang Joseph Smith” (“Ang mga Kapangyarihan ng Langit,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 48).

Mateo 17:1–5. Mga Susi ng Priesthood

Ang Diyos ay nagbibigay ng awtoridad ng priesthood sa mga karapat-dapat na kalalakihan ng Simbahan upang sila ay kumilos sa Kanyang pangalan para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. Ang mga susi ng priesthood ay ang karapatang mangulo, o ang kapangyarihang ibinibigay ng Diyos sa tao upang pamahalaan at pangasiwaan ang kaharian ng Diyos sa lupa (tingnan sa Mateo 16:15–19). Ang mga mayhawak ng mga susi ng priesthood ay maaaring pahintulutan ang mga mayhawak ng priesthood na ipangaral ang ebanghelyo at pangasiwaan ang mga ordenansa ng kaligtasan. Lahat ng naglilingkod sa Simbahan ay tinatawag sa ilalim ng pamamahala ng mayhawak ng mga susi ng priesthood. Sa gayon, tumatanggap sila ng awtoridad at may karapatan sa kapangyarihang kailangan upang maglingkod at gampanan ang mga responsibilidad ng kanilang mga tungkulin. (Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 49–52.)

Mateo 17:1–13. Ang Bundok ng Pagbabagong-anyo

Ibinuod ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang alam nating naganap sa Bundok ng Pagbabagong-anyo:

“(1) Inihiwalay ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan mula sa iba pa sa Labindalawa; dinala sila sa isang bundok na hindi pinangalanan; doon siya ay nagbagong-anyo sa kanilang harapan, at namasdan nila ang kanyang kaluwalhatian. … Sinabi [ni Pedro] na sila’y mga ‘saksing nakakita ng kaniyang karangalan.’ (II Ped. 1:16.)

“(2) Sina Pedro, Santiago, at Juan, ay ‘[n]agbagong-anyo … sa kanyang harapan’ [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 122], … dahil dito sila ay nadalaw ng mga anghel, nakakita ng mga pangitain at naunawaan ang mga bagay-bagay ng Diyos. …

“(3) Sina Moises at Elijah—dalawang sinaunang propeta na nagbagong-kalagayan at dinala sa langit nang hindi nakatikim ng kamatayan, upang sila ay makabalik na may pisikal na katawan sa mismong panahong ito, ang panahon bago ang araw ng pagkabuhay na mag-uli—ay nagpakita sa bundok; at sila at si Jesus ay nagbigay ng mga susi ng kaharian kina Pedro, Santiago, at Juan [tingnan sa Mga Turo: Joseph Smith, 122].

“(4) Si Juan Bautista, na pinapugutan noon ng ulo ni Herodes, ay malinaw na naroon din. …

“(5) Nakita nina Pedro, Santiago, at Juan sa pangitain ang pagbabagong-anyo ng mundo, ibig sabihin, nakita nilang pinanibago at ibinalik ito sa kanyang malaparaisong kalagayan—isang pangyayaring magaganap sa Ikalawang Pagparito kapag pinasimulan na ang milenyo. [D at T 63:20–21.]

“(6) Malinaw na natanggap nina Pedro, Santiago, at Juan ang kani-kanyang endowment habang nasa itaas ng bundok. [Tingnan sa Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 2:165. … Makikita rin na habang nasa bundok ay natanggap nila ang mas tiyak na salita ng propesiya, na ipinaalam sa kanila na sila ay ibinuklod sa buhay na walang hanggan. (II Ped. 1:16–19; D at T 131:5.)

“(7) Malinaw na si Jesus mismo ay pinalakas at hinikayat nina Moises at Elijah upang maging handa sa magaganap na walang kasing-tinding pasakit at pagdurusa bilang pagganap sa walang hanggang pagbabayad-sala. [Tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ, Ika-3 ed. (1916), 373.] …

“(8) Tiyak na itinuro sa simpleng paraan sa tatlong napiling mga apostol ang tungkol sa ‘kanyang pagkamatay at kanyang pagkabuhay na mag-uli.’ [Joseph Smith Translation, Luke 9:31]. …

“(9) Naging malinaw din sa kanila na ang mga naunang dispensasyon ng nakaraan ay lumipas na, na ang batas (na si Moises ang simbolo) at ang mga propeta (na si Elijah ang karaniwang kumakatawan] ay pinamumunuan Niya at sila ngayon ay inaatasang makinig.

“(10) Malinaw na ang Diyos Ama, na natatakpan at nakatago sa ulap, ay naroon sa bundok noon” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo. [1965–73], 1:399–401).

Ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 9:3 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), ay nagsasaad na si Juan Bautista, na pinaslang ngunit hindi pa nabuhay na muli, ay nagpakita rin sa Bundok ng Pagbabagong-anyo. Ipinahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang dahilan kung bakit naroon si Juan Bautista:

“Hindi dapat ipagpalagay na si Juan Bautista ay ang Elias na kasama ni Moises na nagpakita at naggawad ng mga susi at awtoridad sa mga maytaglay noon ng Melchizedek Priesthood, ang mas mataas na priesthood na sumasaklaw at kinapapalooban ng lahat ng awtoridad at kapangyarihan na hinawakan at ginamit ni Juan sa kanyang paglilingkod. Sa halip, sa kung anong dahilan na nananatiling hindi batid—dahil sa hindi kumpletong tala ng mga naganap—ginampanan ni Juan ang ilang iba pang maluwalhating pagpapamalas na ipinangako sa mga tao. Marahil naroon siya, bilang huling legal na tagapangasiwa sa ilalim ng Lumang Tipan, upang isagisag na natupad ang batas at lahat ng lumang bagay ay lumipas, samakatwid ang kanyang posisyon ay kaiba sa posisyon nina Pedro, Santiago, at Juan na naging ‘unang’ legal na tagapangasiwa ng Bagong Kaharian” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:404).