Library
Lesson 16: Mateo 13:24–58


Lesson 16

Mateo 13:24–58

Pambungad

Ang Tagapagligtas ay nagbigay ng mga talinghaga upang ituro ang tungkol sa kaharian ng langit, ang Panunumbalik at pag-unlad ng Kanyang Simbahan sa mga huling araw, ang pagtitipon ng mabubuti, at ang pagkalipol ng masasama sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 13:24–30, 36–43

Itinuro at ipinaliwanag ng Tagapagligtas ang talinghaga ng trigo at mga pangsirang damo

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na mga tanong:

Pinanghinaan na ba kayo ng loob o nabalisa dahil sa dami ng kasamaan sa mundo?

Bakit hindi na lang alisin ng Panginoon ang kasamaang nakapalibot sa atin?

Bakit dapat kong piliing maging mabuti kahit ang ilang tao ay mukhang hindi nakakaranas ng negatibong epekto ng kanilang maling pagpili?

Sa simula ng aralin, sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong sa pisara at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang mga ideya sa klase. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Mateo 13:24–30, 36–43, hikayatin silang alamin ang katotohanan na tutulong sa kanila na mapanatag habang sinisikap na mamuhay nang matwid sa mundong puno ng kasamaan.

trigo, mga pangsirang damo

Idispley ang kalakip na larawan ng trigo at mga pangsirang damo, o idrowing ito sa pisara. Ipaliwanag na ang mga pangsirang damo ay isang uri ng nakalalasong damo. Ang trigo at mga pangsirang damo ay halos magkatulad kapag umuusbong, ngunit makikita ang pagkakaiba nila kapag ganap nang nagsitubo.

Ipaliwanag na nagturo ang Tagapagligtas ng talinghaga tungkol sa trigo at mga pangsirang damo. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 13:24–30 at ng isang bahagi mula sa Joseph Smith Translation, Matthew 13:29, kung saan pinalitan ang ilang bahagi ng talata 30 upang mabasa nang ganito, “Tipunin muna ninyo ang trigo sa aking bangan; at bigkisin ang mga pangsirang damo para sunugin.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari sa trigo at mga pangsirang damo.

  • Ano ang nangyari sa trigo at mga pangsirang damo? (Ang mga ito ay inihasik [itinanim] at pinabayaan na magkasamang tumubo. Pagkatapos ay tinipon ang trigo sa bangan at ang mga pangsirang damo ay binigkis at sinunog.)

  • Sa palagay ninyo, bakit sinabi ng manghahasik ng mabuting binhi sa kanyang mga tagapaglingkod na hayaan na “magsitubo kapwa hanggang sa panahon ng pag-ani” ang trigo at ang mga pangsirang damo? (Kapag binunot ng mga nanggagapas ang mga pangsirang damo bago ganap na magsitubo ang trigo at pangsirang damo, malamang na marami rin silang mabunot na trigo.)

  • Ayon sa Joseph Smith Translation, Matthew 13:29, ano ang unang tinipon—ang trigo o ang mga pangsirang damo?

Ipaliwanag na matapos ibigay ng Tagapagligtas ang talinghaga ng trigo at mga pangsirang damo, itinanong sa Kanya ng Kanyang mga disipulo ang kahulugan nito. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 13:36–43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang paliwanag ng Tagapagligtas sa talinghaga.

  • Sino ang naghasik, o nagpunla, ng mabuting binhi? (Ang Tagapagligtas.)

  • Sino ang naghasik, o nagpunla, ng mga pangsirang damo? (Ang diyablo.)

  • Ano ang inilalarawan ng trigo at mga pangsirang damo? (Ang mabubuti at masasama. Ipaliwanag na ang masasama ay ang mga taong pinipili na huwag magsisi [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:17].)

Ipaliwanag na nilinaw ng Joseph Smith Translation na “ang pag-aani” o “ang katapusan ng sanglibutan” na binanggit sa talata 39 ay tumutukoy sa pagkalipol ng masasama sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Tinutulungan din tayo ng Joseph Smith Translation na maunawaan na sa mga huling araw, ang Panginoon ay magpapadala ng mga anghel at sugo upang tumulong sa paghiwalay ng mabubuti mula sa masasama (tingnan sa Joseph Smith Translation, Matthew 13:39–44 [sa Bible dictionary ng LDS English version ng Biblia]).

  • Ayon sa talinghagang ito, ano ang mangyayari sa mabubuti at masasama sa mga huling araw? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit tiyaking matutukoy nila ang katotohanang tulad ng sumusunod: Titipunin ng Panginoon ang mabubuti sa mga huling araw at pagkatapos ay lilipulin ang masasama sa Kanyang pagparito. Gamit ang mga sagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Paano tayo maaaring mapanatag dahil sa katotohanang ito habang nabubuhay tayo sa mundong puno ng kasamaan? (Sa huli ay tatanggalin ng Panginoon ang kasamaan sa mundo at gagantimpalaan ang matatapat.)

Ipaliwanag sa mga estudyante na dahil sa ating kalayaang pumili, nakasalalay sa mga pagpiling gagawin natin kung tayo ay matitipong kasama ng mabubuti o magdurusang kasama ng masasama.

  • Ano ang kailangan nating gawin upang matipon ng Panginoon?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang dapat nating gawin para matipon ng Panginoon, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

“Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao kapag Siya ay tinatanggap nila at sinusunod ang Kanyang mga kautusan. …

“… Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao upang sila ay sumamba, magtayo ng Simbahan, mapangalagaan, at tumanggap ng payo at tagubilin. …

“Inihayag ni Propetang Joseph Smith na sa lahat ng panahon ang banal na layunin ng pagtitipon ay para magtayo ng mga templo upang ang mga anak ng Panginoon ay tumanggap ng pinakamatataas na ordenansa at sa gayon ay magtamo ng buhay na walang hanggan [tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 488–89]” (“The Spirit and Purposes of Gathering” [Brigham Young University–Idaho devotional, Okt. 31, 2006], byui.edu).

  • Ayon kay Elder Bednar, ano ang kailangan nating gawin upang matipon ng Panginoon?

  • Anong mga pagpapala ang dumating sa buhay ninyo dahil sa natipon kayo ng Panginoon?

mga misyonero: mga elder
mga misyonera: mga sister
Salt Lake Temple

Idispley ang mga larawang Mga Misyonero: Mga Elder; Mga Misyonera: Mga Sister; at ang Salt Lake Temple (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 109, 110, 119; tingnan din sa LDS.org).

  • Ano ang maaari nating gawin upang matulungan ang Tagapagligtas sa pagtitipon ng mga anak ng Ama sa Langit?

  • Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo sa pagtulong sa Panginoon na matipon ang mabubuti sa pamamagitan ng gawaing misyonero?

Tiyakin sa mga estudyante na dahil lahat tayo ay nagkakamali, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na magsisi upang tayo ay matipong kasama ng mabubuti. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa nila para matipon ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na sundin ang anumang pahiwatig na natatanggap nila.

Mateo 13:31–35, 44–52

Gumamit si Jesus ng mga talinghaga upang magturo tungkol sa kaharian ng langit

Magdispley ng mga larawan ng sumusunod na mga aytem o idrowing ang mga ito sa pisara: binhi ng mostasa, lebadura o pampaalsa (o tinapay—ipaliwanag na ang pampaalsa ay ginagamit sa pagluluto at idinadagdag sa masa ng tinapay para umalsa ito bago ihurno), perlas, maliit na baul, at lambat.

binhi ng mostasa, pampaalsa, perlas, baul, lambat

Ipaliwanag na sa iba’t ibang talinghaga ay inihambing ng Tagapagligtas ang bawat isa sa mga bagay na ito sa kaharian ng langit. Ipaalala sa mga estudyante na ang kaharian ng langit ay sumasagisag sa Simbahan at sa ebanghelyo ng Tagapagligtas. Isulat sa pisara ang sumusunod na mga reference: Mateo 13:31–32; Mateo 13:33; Mateo 13:44; Mateo 13:45–46; Mateo 13:47–50. Pagpartnerin-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante, at mag-assign sa bawat magkapartner o magkagrupo ng isa sa mga reference sa pisara. Sabihin sa bawat magkapartner o magkagrupo na gawin ang sumusunod na mga aktibidad (maaari mong gawing handout ang listahang ito):

  1. Basahin nang sabay-sabay ang mga naka-assign sa inyo na mga talata.

  2. Talakayin kung anong bagay o mga bagay ang inihambing ng Tagapagligtas sa Kanyang Simbahan at Kanyang ebanghelyo.

  3. Talakayin kung anong katotohanan ang sa palagay ninyo ay itinuturo ng Tagapagligtas sa talinghagang ito tungkol sa Kanyang Simbahan at Kanyang ebanghelyo. Isulat ang katotohanan o alituntuning iyan sa inyong notebook o scripture study journal.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa estudyanteng na-assign sa talinghaga ng lebadura at sa estudyanteng na-assign sa talinghaga ng binhi ng mostasa na basahin nang malakas sa klase ang kanilang mga talinghaga.

Sabihin sa ilang estudyante na basahin sa klase ang mga katotohanang isinulat nila. (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay uunlad mula sa isang maliit na simula hanggang sa mapuno nito ang buong mundo. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Ipabasa sa isang estudyante ang kasunod na pahayag ni Pangulong Joseph F. Smith, na itinuro kung paano maitutulad sa lebadura ang mga naniniwala kay Jesucristo:

Pangulong Joseph F. Smith

“Bagama’t masasabi, at may katotohanan naman, na kakaunti lamang tayo kumpara sa mga tao sa mundo, subalit tayo ay maitutulad sa lebadurang binanggit ng Tagapagligtas, na kalaunan ay pupuno sa buong mundo” (Gospel Doctrine, ika-5 edisyon. [1939], 74).

  • Ano ang magagawa natin bilang mga Banal sa mga Huling Araw para makatulong sa pagpapaunlad ng Simbahan ng Tagapagligtas?

Sabihin sa estudyanteng na-assign sa talinghaga ng kayamanan sa bukid, sa estudyanteng na-assign sa talinghaga ng mahalagang perlas, at sa estudyanteng na-assign sa talinghaga ng lambat na basahin nang malakas sa klase ang kanilang mga talinghaga. Sabihin sa ilang estudyante na basahin sa klase ang mga katotohanang isinulat nila. (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Dahil walang-hanggan ang kahalagahan ng mga pagpapala ng ebanghelyo, sulit ang anumang sakripisyong gagawin para dito. Gamit ang mga sinabi ng mga estudyante, isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, isulat sa pisara ang sumusunod na mga heading:

Mga pagpapala ng ebanghelyo

Mga sakripisyo para matamo ang mga pagpapala

Ipalista sa mga estudyante ang ilan sa mga pagpapala ng ebanghelyo (ang ilang halimbawa nito ay kaalaman mula sa mga banal na kasulatan, patnubay mula sa mga buhay na propeta, nakapagliligtas na mga ordenansa, at walang-hanggang kasal). Para sa bawat pagpapalang nakalista, sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung anong sakripisyo ang mga kailangan nilang gawin para matamo ang pagpapalang iyon. Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang pagpapala na nakalista sa pisara at ipaliwanag kung bakit sulit ang anumang sakripisyo para matamo ang pagpapalang iyon.

  • Kailan kayo o ang isang tanong kilala ninyo nagsakripisyo para makatanggap ng pagpapala ng ebanghelyo?

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na sagutin ito sa kanilang mga notebook o scripture study journal.

Anong mga pagpapala ng ebanghelyo ang nais ninyong matamo?

Bakit ninyo gusto ang pagpapalang iyan?

Ano ang isasakripisyo ninyo para matanggap ang pagpapalang iyan?

Mateo 13:53–58

Si Jesus ay nagturo sa Nazaret at hindi tinanggap ng Kanyang sariling mga tao

Ibuod ang Mateo 13:53–58 na ipinapaliwanag na hindi tinanggap ng mga tao ng Nazaret ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo. Dahil sa kanilang kawalang-paniniwala, hindi gumawa ng mga himala ang Tagapagligtas sa kanila (tingnan din sa Moroni 7:37).

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 13. Ang pagtitipon ng Israel

Ibinuod ni Propetang Joseph Smith ang paksa ng Mateo 13 nang ituro niya ang mga sumusunod:

“Ang mga salita ng Tagapagligtas, na nakatala sa ika-13 kabanata ng Kanyang Evangelio ayon kay Mateo, … ay nagbibigay sa atin ng malinaw na pang-unawa tungkol sa mahalagang paksa ng pagtitipon, gaya ng iba pang nakatala sa Biblia” (sa History of the Church, 2:264).

Itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na makatutulong tayo sa pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing:

“Ang doktrinang ito ng pagtitipon ay isa sa mahahalagang turo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. … Hindi lamang natin itinuturo ang doktrinang ito, kundi nakikibahagi rin tayo rito. Ginagawa natin ito sa pagtulong nating tipunin ang mga hinirang ng Panginoon sa magkabilang panig ng tabing. …

“… Tinitipon natin ang mga pedigree chart, gumagawa ng family group sheet, at ginagawa ang gawain sa templo para sa iba para matipon ang mga tao sa Panginoon at sa kanilang pamilya” (“Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 80–81).

Ang sumusunod na chart ay nagpapakita kung paano itinuturo ng mga talinghaga na nasa Mateo 13 ang pagtitipon ng Israel at pag-unlad ng Simbahan ng Tagapagligtas mula sa mga araw ng Kanyang ministeryo sa lupa hanggang sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Talinghaga sa Mateo 13

Ang Pagtitipon

Manghahasik (mga talata 3–23)

Inihasik ni Jesucristo at Kanyang mga Apostol ang mga binhi ng ebanghelyo sa kanilang panahon.

Trigo at mga pangsirang damo (mga talata 24–30, 36–43)

Ang mabubuti at masasama ay sabay-sabay nagsilaki sa panahon ng Bagong Tipan, na humantong kalaunan sa Malawakang Apostasiya. Ngunit sa mga huling araw, ang mabubuti ay titipunin sa Simbahan at ang masasama ay lilipulin.

Binhi ng mostasa (mga talata 31–32)

Ang Simbahan ni Jesucristo ay maipapanumbalik. Ito ay lalago, lalaganap, at magiging isang kagila-gilalas na pandaigdigang Simbahan mula sa maliliit na panimula.

Lebadura (talata 33).

Ang Simbahang ito mga sa huling araw ay lalaganap sa buong mundo, na tutulungan ng pinatibay na mga patotoo ng Tatlong Saksi at ng mga banal na kasulatan sa mga huling araw.

Natatagong kayamanan (talata 44) at mahalagang perlas (mga talata 45–46)

Ang mabubuti ay magtitipon sa kaharian ng Diyos. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay magsasakripisyo at kikilos para maitayo ang Sion.

Lambat (mga talata 47–50)

Lahat ng uri ng tao ay titipunin sa Simbahan. Sa katapusan ng mundo, ang masasama ay itatapon sa labas at lilipulin.

(Hinalaw mula sa New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 43–44.)

Mateo 13:31–32. Ang mga talinghaga ng binhi ng mostasa at ng lebadura

Ganito ang paliwanag ni Propetang Joseph Smith tungkol sa mga talinghaga ng binhi ng mostasa at ng lebadura:

“‘Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mostasa. …’ [Mateo 13:31.] Ngayo’y malinaw na nating matutuklasan na ang simbolong ito ay ibinigay upang katawanin ang Simbahang itatatag sa mga huling araw. …

“Ipaghalimbawa natin ang Aklat ni Mormon, na kinuha ng isang lalaki at itinago sa kanyang bukid, iniligtas ito sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya, upang ilabas sa mga huling araw, o sa takdang panahon; masdan natin ang paglabas nito mula sa lupa, na tunay namang itinuring na pinakamaliit sa lahat ng binhi, ngunit masdan ang pagsasanga nito, oo, tumayog pa na may mayayabong na sanga at karingalang tulad ng sa Diyos, hanggang sa, gaya ng binhi ng mustasa, ay naging pinakamalaki sa lahat ng gulay. At ito ang katotohanan, at sumibol at lumabas ito mula sa lupa, at nagsisimulang sumilip ang kabutihan mula sa langit [tingnan sa Awit 85:11; Moises 7:62], at isinusugo ng Diyos ang Kanyang mga kapangyarihan, kaloob, at anghel upang dumapo sa mga sanga nito. …

“‘… Ang Kaharian ng Langit ay tulad sa lebadura. …’ [Mateo 13:33.] Maaari itong unawain na ang Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay lumabas mula sa maliit na lebadurang inilagay sa tatlong saksi. Masdan, kaylaki ng pagkakatulad nito sa talinghaga! Mabilis nitong lelebadurahan ang isang bahagi ng mundo, at di magtatagal at malelebadurahan na nito ang buong mundo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 351, 352–3).

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano maihahambing ang mga tagasunod ni Jesucristo sa lebadura:

“Dapat tayong mabuhay sa mundo ngunit hindi maging makamundo. Kailangan nating mabuhay sa mundo dahil, tulad ng itinuro ni Jesus sa isang talinghaga, ang Kanyang kaharian ay ‘parang lebadura,’ na ang layunin ay paalsahin ang buong masa sa pamamagitan ng impluwensya nito (tingnan sa Lucas 13:21; Mateo 13:33; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 5:6–8). Hindi iyan magagawa ng Kanyang mga tagasunod kung makikisalamuha lamang sila sa mga taong kapareho nila ang mga paniniwala at kaugalian” (“Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 25).